Chereads / Born to be Assassin / Chapter 2 - CHAPTER 1: Light in the Dark

Chapter 2 - CHAPTER 1: Light in the Dark

( Kahit na anong lalim na ng pagkakalubog mo sa buhay dahil sa mga maling desisyong iyong nagawa, mayroon pa ring isang bagay o tao na magiging dahilan ng iyong pagbangon at pagbabago. )

Sa ilalim ng liwanag ng buwan at sa mga nagkikislapang mga bituin sa itim na kalangitan ay malayang nakatayo ang tatlong nilalang na waring iisa lamang sila ng kadiliman. Aakalain mong pagmamay-ari nila ang mundo. Wala silang pakialam kung kanina pa sila pinagtitinginan ng bawat taong dumaraan sa kanilang harapan. Isang tao lang naman ang pakay nila. Ito ay ang nakatira sa pinakatuktok ng gusaling kinatatayuan nila.

"Oras na" ang tanging sabi ng lalaking nasa kanan ng babae habang nakatingin ito sa kaniyang relo. Nakasuot siya ng baseball cap na kulay itim at itim na salamin. Kahit madilim na ang kalangitan ay malinaw pa rin niyang nakikita ang kaniyang paligid sapagkat ang salaming iyon ay espesyal na ginawa para sa ganitong klase ng misyon. Isa itong night-vision na kung saan ito ay may maliit na camera na kumukuha ng video upang mamonitor ang ginagawa nila. Nakalong sleeve rin siya na itim ang kulay at rip jeans naman ang kaniyang pang-ibaba at nakasuot ng itim na rubber shoes.

Ang babaeng nasa gitna naman ng dalawang lalaki ay nakapony tail ang tuwid na tuwid nitong buhok na hanggang beywang at nakasuot din ito ng night-vision na salamin. Ngumunguya ito ng bubble gum at ang lipstick nito ay kulay itim. Ang suot na pang-itaas naman nito ay isang fitted na t-shirt na may mukha ni Harley Quinn. Naka-itim itong shorts at pati boots na suot nito ay itim din ang kulay.

Ang nasa kaliwa naman ng babae ay isa ring lalaki na nakasuot din ng night-vision na salamin. Isang hoodie jacket naman na kulay itim ang suot nito sa pang-itaas. May suot-suot itong headset at 'yong mga kamay naman niya ay nasa loob ng bulsa ng kaniyang hoodie jacket. Nakasuot ito ng itim na pantalon at sneakers na itim din ang kulay.

Pagkarinig nila ng sinabi ng kasama nila ay sabay-sabay silang naglakad papasok sa gusaling kanina pa nilang tinitingnan. Pagkapasok pa lang nila sa lobby ay agad na silang hinarang ng dalawang naglalakihang security guards. Aakalain mong mga bouncer sila sa isang club at mga professional wrestler.

"Excuse lang miss, puwede ba muna naming ma-check 'yang dala-dala mo sa likod?" tanong nung isang guard na parang kamukha nung wrestler na si "The Rock" sapagkat kalbo rin ito katulad ng sikat na wrestler ngunit masasabing hindi nito nakuha ang guwapong mukha nito. Mas kamukha pa nito ang mga goons sa isang action movie.

Ang tinutukoy nung guwardiya ay ang mahabang nakasabit sa likod ng babae na nakalagay sa itim na lalagyan. Akmang ipapakita na ng babae ang kaniyang dala-dala ng bigla na lang may tumalsik na pulang likido sa kaniyang mukha. Ang kaninang nakatayong mga kapre ay walang buhay na nakahandusay na sa sahig. Puro may tama sa ulong bahagi ang mga ito. Ang nasa kaliwa ay may tama ng baril na naka-silencer sa may sentido nito at ang isa naman ay may nakatarak na pocket knife sa kaliwang mata nito. Mula sa mga tamang iyon ay umaagos ang masaganang dugo na kumalat na sa sahig na kinatatayuan nila. Tiningnan ng babae ang lalaking nasa kaliwa niya.

"Ayoko ng istorbo" ang tanging sabi nito na parang tinatamad.

Sumunod naman niyang tiningnan ay 'yong nasa kanan niya. Nagkibit-balikat pa ito na para bang wala itong pakialam.

"Tss...Bahala kayo diyan, alam niyo namang ayoko na ayokong maglinis ng kalat," ang tanging sabi ng babae sa walang kabuhay-buhay na tono bago iniwan ang mga kasamahan.

"Sino bang nagsabi na ipapaligpit sa 'yo yun?" tinatamad na sumunod sa kaniya 'yung nasa kaliwang lalaki.

Samantalang umupo naman at nangalumbaba 'yong nasa kanan nung babae at tinitingnan ang pag-agos nong dugo.

"Hoy Leo! May gagawin pa tayo nina Shayne kaya 'wag ka munang makipagtitigan diyan sa dugo." Nakatalikod pa rin 'yong babae ng sinabi niya 'yon.

Parang hindi narinig ni Leo ang sinabi nung babae. Binunot pa niya 'yong pocket knife sa mata nong guwardiya at napangiti ng may bumulwak na dugo roon. Ang klase ng pagkakangiti niya ay hindi 'yong klase ng nasisiyahan kundi 'yong ngiti na parang may binabalak na masama.

Napapailing naman si Shayne ng makita niya ang ngiting iyon.

"Tara na Jewel, sigurado namang susunod din 'yang si Leo" nababagot na sabi ni Shayne.

Walang pagdadalawang-isip na lumakad patungo sa elevator ang dalawa. Bago sumara 'yong pintuan ng elevator ay nakita pa nila kung gaano nag-ienjoy sa ginagawa nito si Leo. Sabay pa silang napailing na dalawa. Naisip nilang nasa sariling mundo na naman nito si Leo.

Agad namang dumiretso sa pinakahuling palapag ng building sina Jewel at Shayne para tunguhin ang kinaroroonan ng kanilang target. Inilapag ni Jewel sa lapag ang kanina pang bitbit – bitbit na itim na bag at dahan-dahang binuksan ang zipper nito. Wari bang para itong babasaging bagay na kailangang ingatan. Nang tuluyan ng mabuksan ang bag ay makikita mo ang isang samurai na nakasisilaw sa sobrang kintab. Halatang alagang-alaga ito dahil kung titingnan sa malapitan ay mapapansin mong pantay na pantay ang talim ng samurai.

Ilang minuto lang ang lumipas ay nakarating na sila sa presidential suite ng isang pinakasikat na hotel sa bansa. Unang lumabas sa elevator ay si Shayne at wala pang isang minuto ay agad na may narinig na putok ng baril si Jewel. Pagkalabas niya sa elevator ay may sampung katao na ang nakabulagta sa sahig at wala ng buhay. Ni hindi man lang pinagtuunan ng pansin nina Shayne at Jewel ang mga nakahandusay sa lapag bagkus lumakad lang ang mga ito na para bang walang nangyari.

Hindi pa man sila nakakalapit sa paroroonan ay agad na may sumalubong sa kanilang maraming kalalakihan na naka-business suit at sabay-sabay na bumunot ng baril at tinutok ito kina Jewel at Shayne.

"Hanggang diyan na lang kayo" pigil sa kanila ng mukhang lider ng mga humarang kina Jewel at Shayne.

Hindi siya pinansin nina Jewel at patuloy pa rin ang mga ito sa paglapit. Bago pa makahakbang muli si Jewel ay agad na binaril nong lider ang sahig na lalakaran nito.

"Kapag hindi ka tumigil sa paglalakad ay sa ulo mo na tatama ang susunod na bala na lalabas dito sa baril ko." Babala nito.

"Sigurado ka?" walang emosyon na tanong ni Jewel.

"Hindi ako nagbibiro, kilala ako bilang sharp shooter ng Chui Clan kaya ang mabuti pa ibaba niyo na yang mga sandata niyo at sumuko na lang kayo." Buong kumpiyansang sabi ng lider ng Chui Clan.

Napa-smirk na lamang si Shayne sa narinig at biglang naramdaman ng bawat taong nandoon na para bang biglang nagbago ang ihip ng hangin sa bahaging iyon ng hotel. Biglang tumaas ang balahibo ng bawat bahagi ng kanilang katawan at bigla silang nakaramdam ng takot. Imboluntaryong nanginginig ang kanilang mga kamay na nakahawak sa baril. Napatingin sila sa kanilang paligid upang hanapin kung ano nga ba ang rason ng nararamdaman nilang 'yon. Pero ng bigla nilang tiningnan ang kinaroroonan nina Jewel ay hindi nila nakita ang babae at si Shayne na lamang ang natira sa kinatatayuan nito kanina. Ilang sandali lamang na nawaglit ang tingin nila sa mga ito kaya ganoon na lang ang kanilang pagkagulat ng ang lalaki na lang ang natitira sa kinaroroonan ng mga ito.

Bago pa sila makahuma sa kanilang pagkakatayo ay agad nilang napansin na may nakatayo na sa harap ng kanilang lider at ito ay si Jewel at nakangiti ito na para bang sinapian ng masamang espiritu o mas tiyak na sabihin na sinapian ito ng demonyo sa klase ng pagkakangiti nito.

"Well see." Sabi ni Jewel bago nito ginalaw ang kamay na may hawak ng samurai patungo sa leeg ng lider.

Nagkatinginan ang dalawang pares ng mata. Ang isang pares ay makikitaan mo ng matinding takot sa mga ito samantalang ang natitirang pares ay wari bang nababagot dahil hindi man lang ito nahirapan sa kaniyang ginawa. Kasabay ng akmang pagtaas ng mga kamay ng lider ay ang pagkahulog ng ulo nito sa sahig. Ni hindi man lang nito namalayan kung ano ang nangyari dahil sa bilis ng galaw ng kalaban. Sa sobrang takot at pagkataranta ng mga tauhan ng lider ng Chui Clan na napugutan ng ulo ay agad nilang pinaputukan sina Shayne at Jewel. Basta-basta na lang nila pinapapaputok ang baril sa direksiyon nong dalawa. Ang iba naman sa mga tauhan ay nagsitakbo pabalik sa pinanggalingan nila na para bang may humahabol sa kanilang mga halimaw.

Agad namang ginawang panangga ni Shayne ang katawang nakabulagta sa sahig at nakipagpalitan naman ng bala si Shayne sa kalaban. Ang pinagkaiba lang ni Shayne sa panig ng kaniyang kalaban ay walang nasayang na bala mula sa baril nito. Bawat balang lumalabas sa baril ni Shayne ay tumatama sa kalaban. Maaaring sa noo ng kalaban o sa may dibdib ng mga ito. Mabilis namang naiiwasan at nahaharangan ni Jewel ang mga balang ibinabaril sa direksiyon niya. Walang hirap siyang nakakalapit sa kalaban at nakakaatake sa mga ito gamit ang kaniyang samurai. Parang sumasayaw lang ito at hindi alintana ang umuulan na bala sa direksiyon niya. Ang kaninang makintab at nakasisilaw na samurai ay puno na ng dugo na tumutulo pa sa sahig.

Samantala, ang mga armadong lalaki na nakatakas sa madugong labanan sa may lobby ng hotel ay agad na nagbigay ng ulat sa kanilang boss. Walang ano-ano'y binuksan nila ang pintuan at pabalang na isinara ito habang hinahabol pa nila ang kanilang paghinga.

"What the f*ck is that? Bakit kayo pumapasok na lang bigla sa kuwarto ni boss ng hindi nagpapaalam?" singhal ng kanang kamay ng boss nila.

"Sir Maverick, wala pong binatbat 'yong assassin na inupahan mong pumaslang sa 3 Diablos" nahihintakutang balita ng isa sa mga pumasok na mga tauhan nito.