NANUMEA ISLAND, TUVALU, PACIFIC
6:31AM
Nagising si Yurika na nasa himpapawid pa rin. Anim na oras na silang nasa helikopter at tila walang hangganan ang paglalakbay nilang ito.
Paano niya ngayon masasabayan ang bilis ng mga pangyayari? Ano ang panganib na nakaabang sa kanya? Kamusta na kaya si Yaya Loring niya? Ito ang mga katanungang gusto niyang hanapan ng sagot.
Ngunit pansin niya na habang tumatagal sila sa ere, lumilitaw naman ang matingkad na pinaghalong berde at asul na kulay ng karagatan. Tanaw niya sa baba ang dagat na walang timpla ng modernisasyon. Maaliwalas ito. Tahimik. Payapa. At payak.
"Andito na po tayo ma'am," sabi ng piloto, habang iniurong niya pababa ang sasakyang panghimpapawid.
Hindi umimik si Yurika. Bakas pa rin sa kanyang mukha ang mga pangamba.
"May naghihintay po sa atin ma'am. Susunduin raw po kayo."
Gusto niyang umangal at magtanong pa, ngunit wala na siyang lakas makipag-usap. Blanko lang ang ekspresyon sa mukha niya. Nalilito pa siya sa mga pangyayari.
"Pasensya na ma'am kung naguguluhan pa kayo," paumanhin ng piloto. "Napag-utusan lang po ma'am. Ang utos ay dapat makarating kayo ng ligtas sapagkat nanganganib po buhay n'yo."
Napabuntong-hininga si Yurika. Oo nga naman. She has no choice after all. Wala na rin siyang babalikan. Kaya ngayon kailangan niyang magtiwala sa kung sino mang magnanais tumulong sa kanya.
Hindi rin naalis sa isip niya na baka siya na ang susunod na itumba ng mga grupong kriminal na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutukoy. Alam din niya na dahil sa muling nangyaring pag-atake sa bahay niya, malamang usap-usapan na siya sa mga balita ngayon. Subalit wala naman siyang ginawang kasalanan. Hindi niya alam kung anong mali ang ginawa niya upang maging target siya ng kung sinumang nagnanais pumatay sa kanya. Sa ngayon ang alam lang niya ay kailangan pa niyang mabuhay. Marami pa siyang gustong gawin. Masyado pang maaga para umalis sa mundong ito.
"Kailan ba darating ang susundo sa akin?" mahinang tanong niya habang pababa na sila sa may bandang malawak at patag na buhangin.
"Mga maya-maya siguro ma'am. Andito lang naman 'yun si Sir sa paligid. Ang mahalaga ligtas na ho kayo dito."
Pagkabukas ng pintuan ay bumungad agad sa mga mata ni Yurika ang isang napakagandang likha ng Diyos. Agad siyang bumaba sa sasakyan, hinubad ang suot na tsinelas, at dahan-dahang tinahak ang puting buhangin sa isla. Bango agad ng sariwang kalikasan ang sumamyo sa kanyang hininga. Sa bawat bakas na tinatahak ng kanyang paa sa buhangin, unti-unti niyang nalilimutan ang mga bakas ng pag-aalalang hindi matanggal-tanggal sa isip niya. Ang pinagsamang buhangin at maliliit na tipak ng kabibeng naapakan ay sadyang maginhawa sa kanyang pakiramdam. Ang init at pagod na nadarama niya kamakailan ay dahan-dahan namang napapawi sa mga malalamig na along dumadampi sa kanyang hubad na paa.
Sa kristal na tubig ng dagat ay kitang-kita ang makukulay na coral reefs. Sa kurba ng buhangin naman ay tanaw niya ang mga puno ng niyog at munting bundok na napapalibutan ng mga lunting halamang kumikislap sa sikat ng araw. Kailan nga ba siya ulit nakaligo ng dagat at magtampisaw sa mga malinaw na alon nito? Matagal na. Sobrang tagal na. Nu'ng maliit pa siya. Nu'ng nariyan pa ang kanyang mga magulang sa piling niya.
Sa direksyong kaharap niya ay pansin niyang mayroon ding taong naglalakad sa buhangin papunta sa kanya. Sa hubog nito alam niyang lalaki ito. Habang papalapit, nahahalata niyang wala itong pang-itaas na saplot. Maitim ang buhok. At nakaputing pantalon lamang ito. Tulad niya, mabagal din ang paglakad nito. Parang nakikisabay din sa mabagal na paghampas ng alon. Nakatingin lang din ito sa kanya. Nakatitig. Na para bang kilala na siya nito at alam na niya ang lahat ng kwento sa buhay niya.
"Siya nga pala ma'am. Andito na si Sir. Aalis na po ako. Hanggang dito nalang po ako," sabi ng piloto sa kanya.
"Teka Kuya, sigurado ka ba dyan?"
"Obvious ba Ma'am? Sa tingin nyo ho ba may iba pa po kayong tatakbuhan?"
"Wow Kuya 'ah, nakuha mo pang magbiro ah."
"Relax lang kayo ma'am. Lagi naman kayong nakasimangot riyan e," sabi nito na sabay tawa. "Siyempre naman ma'am, Sir ko yan eh. Mas mamimiligro pa love life mo diyan kaysa sa seguridad mo. Tingnan mo naman ma'am o kung gaano kagwapo si Sir. Kung naging bakla lang ako, matagal ko ng inangkin yan," hirit pa nito habang paakyat na sa helikopter.
"Baklang to. Sige. Salamat nalang. Saka pakibalita mo nalang ako kung ano na nangyari sa kasama ko dun sa Maynila. Kuya ah pakibalitaan mo ako pagbalik mo rito."
"Siyempre ma'am. Yun ay kung makakabalik pa ako."
"Ano? Hindi mo na ba ako susunduin?!"
"Depende ma'am kung ano'ng payo ni Sir. Sa ngayon, siya po muna bahala sa inyo. Alam mo naman, empleyado lang din ako. Si Sir po nagpapasweldo sakin eh. Kaya kung ano lang ang utos ng boss ko, siya lang ang susundin ko," sabay tawang sabi ng piloto. "Sige, iwan ko na kayo. Ayan na si Sir o. Saka mahigpit niyang bilin na pagkababa sa'yo, umalis na agad ako. Ayaw kasi niya ng istorbo. Bye po ma'am."
"Kuya talaga! Bumalik ka agad ah?!" sigaw ni Yurika sa piloto ngunit hindi na 'ata nito narinig ang sinabi niya dahil sa lakas ng rotor blades nito.
Umalis na ang helikopter. Ang ingay na gawa ng sasakyan kanina ay napalitan naman ng ingay sa dibdib niya. May kung anong kaba ang animo'y nakakulong sa sarili niyang nagnanais makawala.
"Huwag kang mag-alala, ligtas ka rito, at hindi kita type," sabi ng lalaking matikas ang tindig na nakaharap sa kanya.