Chereads / WANTED PROTECTOR / Chapter 94 - Chapter 94-The Endeavor

Chapter 94 - Chapter 94-The Endeavor

Kinabukasan. 

Deretso ang lakad niya mula sa hallway papasok ng opisina at walang pakialam sa kumakalat na  usap-usapan.

Hawak ang cellphone ay kausap niya ang Presidente ng plantang sinusuplayan nila, ang BGC. 

Gusto kasi ng mga itong dagdagan nila ang supply. 

"Ms. Lopez I'm sorry but can we cancel the meeting tonight?"

"Why?"

"The Board wants to discuss the proposal."

"Okay sige, Mr. Cruz thank you."

"Thank you rin."

Matapos makipag-usap ay malinaw na niyang naririnig ang usapan ng mga empleyada.

Mas gusto nga niya 'yon para mas madaling malaman ng abuelo.

Kung apoy ang balita sunog na sunog na ang buong kumpanya.

"Ang swerte ni Ms. Ellah ano? Biruin mo napasakanya rin ang isa sa pinakamayamang binata rito?"

"Mas maswerte ang Tan na 'yon dahil pinatulan siya ni Ms. Ellah na apo ng pinakamaimpluwensiyang tao rito."

"Ang akala ko noon si Acuesta ang magugustuhan niya hindi pala."

"Oras ba ng tsismisan ngayon!" sigaw na niya. 

Tumahimik ang buong kapaligiran bago siya humakbang palayo.

Nang tumapat siya sa opisina ay binuksan ng gwardya ang pinto. 

"Good morning Ms."

Tumango siya at pumasok. Ngayon lang nagkagwardya sa kanyang pintuan ngayong alam na niya na buhay si Gian at posibleng maulit ang nangyari noong pang-eeskandalo nito mabuti ng handa.

Ngayon pang sila na ni Raven Tan tiyak namang malalaman din nito. 

"Good morning Ms." walang ngiti na bati ng kaibigan.

"Jen cancel my appointment tonight, may lakad kami ni Raven."

Nagyaya kasi ito kahapon bilang unang araw ng relasyon nila.

"Okay."

Hindi pa man nakakaupo ang dalaga sa pribadong opisina nang biglang may bumulyaw mula sa likuran.

"ELLAH!"

Napalingon siya sa bumungad na abuelo. Namumula ito sa galit at alam niya ang dahilan.

Nanatili naman siyang kalmadong humarap dito. 

"Ano itong nalaman kong may relasyon daw kayo ng Tan na 'yon ha? Totoo ba!"

"Yes," matigas niyang tugon.

"Hindi mo ba ginagamit ang utak mo! Paano si Gian? Hindi ako papayag na kung sinu-sino ang papatulan mo! Hiwalayan mo ngayon din ang tarantadong 'yon!" 

"Mas tarantado ang Gian ninyo lolo! 

Harapan niya akong niloko! Kayo hindi apektado dahil alam ninyo ang totoo eh ako?" puno ng hinanakit  na turo niya sa sarili. 

"Hindi ko siya mapapatawad at mas lalong hindi ko na babalikan!"

"Ilang beses bang dapat sabihin sa'yo na ginawa niya 'yon para protektahan ka! Kung hindi niya 'yon ginawa siguradong matagal ka ng nanganib!" 

"Kaya kong maglihim, wala lang siyang tiwala sa akin pero sa inyo meron!"

"Hija hindi sa gano'n," kumalma ng biglaan ang abuelo. 

"Noong panahon na 'yon kasi wala siyang magagawa, kailan ko lang din naman nalaman na buhay siya."

"Nagpanggap siya," nagtatagis ang mga ngiping turan ng dalaga. "Nagpanggap siya ng matagal at nagsinungaling kahit pa nagkita na kami. Matatanggap ko sana kung hindi siya nagpanggap noong nagkita na kami."

"Hija, alam kong masakit pero nasasaktan din 'yong tao-"

"Pwes kulang pa 'yon!" Bumalasik ang kanyang anyo. 

"Kulang pa sa ginawa niya! Hindi lang siya nagsinungaling naglihim din siya! 

Alam na niya ang totoo sa mga magulang ko pero hindi niya sinabi bakit? Dahil sa Isabel na 'yon!"

"May utang na loob siya roon-"

"Kahit na! Hustisya ang inilihim niya kung tutuusin para na rin siyang sangkot sa krimen!"

"ELLAH!"

"Hindi ko siya mapapatawad, hindi ko magagawa lolo kaya pakiusap huwag niyo akong pilitin."

Tumigas ang anyo ng don. "Huwag na huwag itong malalaman ni Gian naiintindihan mo! 

May malaki siyang kinakaharap na problema ngayon dumagdag ka pa!" 

Tinalikuran siya ng abuelo.

"Wala akong pakialam sa kanya," matigas niyang bulong.

Tumunog ang kanyang cellphone na pormal niyang sinagot. 

"Raven?"

"Yes babe, don't forget our dinner tonight."

"Hindi ko nakakalimutan."

"I love you."

Napalunok siya at natigilan.

Mula ng maging sila ay madalas nitong binabanggit ang salitang 'yon at naaasiwa siya. 

Gano' n pa man ay sinasang-ayunan niya na lang. 

Pumasok ulit si Jen at lumapit. "Buhay si sir Gian hindi ba? Nasaan siya?"

"Wala ka ng pakialam magtrabaho ka na lang," matigas niyang utos ngunit hindi natinag ang babae.

"Huh! Ang tagal mo siyang hinintay tapos ngayong buhay pala siya iniwan mo na ng tuluyan? 

Ano 'yon  Ellah?"

Napaupo siya ng tuwid at tumalim ang tingin sa kaharap.

"Did you just call me on my name?" asik niyang hindi makapaniwala. 

"Oo, tatanggalin mo na ba ako dahil doon?"

Kapag ganito ang inaasta ng sekretarya alam niyang nagtatampo ito o nagagalit.

"Wala kang alam-"

"Ikaw alam mo pero iniwan mo talaga hindi kita naiintindihan!"

Wala itong dapat malaman tungkol sa dating kasintahan. Ayaw niyang malaman nito kung sino si Gian dahil dagdag problema pa ito.

"Madalas nagpupunta rito ang pinsan niya tanungin ko na lang," anito at tumalikod.

Kahit magtanong pa ito wala itong makukuhang totoo. Dahil ang tatanungin nito ay isang sinungaling at manloloko! 

---

"NASAAN SIYA?"

Dumagundong ang boses ng isa sa mga tauhan ni Delavega sa loob ng restaurant.

Lahat ng mga tauhan nito ay nagsipaghanap sa iisang tao... at siya 'yon.

Mula sa loob ng sasakyan sa hindi kalayuan ay kitang-kita niya at dinig na dinig ang nangyayari sa loob.

Pinapunta niya roon ang anak ni Roman subalit ang mga tauhan lamang ang dumating.

Sinabi niyang may ibibigay siyang impormasyon ngunit alam niyang hindi siya palalagpasin sa oras na malaman ng mga ito ang totoong pakay niya.

"Boss, wala siya rito."

May babaeng pumasok doon na isang waitress. 

"Sir may problema ho ba?"

Humagkis ang tingin nito sa waitress.

"Nasaan ang babae rito?"  

"Ah may sinabi ho siya, kayo ba ang may-ari ng attache case na 'yan?"

Lahat ng mga ito ay napatingin sa isang sisidlan sa gilid ng upuan.

"Nasaan ang may-ari niyan?"

"Ang sabi ng babae ibalik ko raw ito sa totoong may-ari sir."

"Puta nasaan siya?" Hinampas ng kamay nito ang mesa. 

Nahintakutan ang babae. 

"H-hindi ko ho alam, umalis na."

Binalingan nito ang mga kasama. 

"Hanapin niyo! Malilintikan tayo kay boss!"

Bago pa man naglabasan ang mga inutusan ay mabilis na niyang pinasibad ang sasakyan palayo sa naturang lugar. 

Ngayong naibalik na sa tunay na may-ari ang pera wala na siyang responsibilidad sa mga ito.

Ito ang desisyon niya, ang ibalik ang pera makasama lang ang ama. 

Wala ng halaga sa kanya ang salapi kung buhay naman ang kanyang nag-iisang pamilya. 

Tinawagan niya si Xander Delavega na agad namang sumagot.

"Isabel?"

"Xander nawawala si Villareal kaya ibinalik ko ang pera nasa mga tauhan mo na."

"ANONG SINABI MO?"

"Wala na siya roon kaya ibabalik ko na ang pera ninyo."

"Ginagago mo ba kami!" 

"Nasa isang hotel siya ng Pagadian noon pero wala na roon ngayon at hindi ko na alam kung nasaan."

"Fuck! Nasaan ka?"

"Wala na akong obligasyon sa inyo kaya tigilan na natin 'to."

"Walang hiya kang babae ka! Papatayin kita!"

Pinatay niya ang cellphone at itinapon sa daan.

Wala na siyang kaugnayan pa sa kalaban.

Ngayong nalaman niyang buhay ang ama handa siyang ipagpalit ang lahat makasama lang ito.

Kung hindi niya ginawa ang bagay na 'yon hindi niya malalamang buhay pa ang ama kaya tama lang ang kanyang ginawa.

---

AAAAHH! PUTANG-INA! " 

Nagsipag-atrasan ang mga tauhan nang magpaputok sa kung saan-saan ang anak ni Roman. 

" Anong nangyayari? "  

May kausap ang senior sa cellphone nang makarinig ng putok ng baril. 

" Si boss Xander ho senior galit na galit," tugon ng tauhan. 

" Ang demonyong 'yon?" 

Mas lalo siyang nagalit nang malamang ang anak ang may kagagawan. 

Napasugod siya sa kinaroroonan ng anak.

Hindi pa rin niya ito napapatawad sa pagpatay sa kanyang pinagkakatiwalaan. 

Kahit na nagtaksil ito hindi pa rin niya matanggap na pinatay ito ng anak. 

"ANO NA NAMAN BANG KAGAGUHAN ITO XANDER?" Dumagundong ang kanyang boses sa loob ng rest house. 

Matalim ang tinging ipinukol ng anak sa kanya. 

"Inuto tayo ng babaeng 'yon dad! Wala na raw si Villareal sa kinaroroonan nito." 

Mas lalong uminit ang ulo niya sa narinig. 

"De puta! Ang pera?" 

"Ibinalik."

"Kahit kailan palpak ka talaga sa lahat! Walang silbi!" pigil niya ang sarili na barilin ang anak. 

Kung hindi lang talaga niya ito anak. 

Paalis na siya nang muli itong magsalita.

"Huwag kang mag-alala dad, dahil kahit ginago ako ng hayop na 'yon may napala pa rin tayo." 

"Nagyabang ka na naman! Wala ka na ngang naitulong sa negosyo pati ba naman 'yan palpak ka pa rin!" 

Nilingon siya ng anak. 

"Buhay si Villareal at gagawa ako ng paraan para mailantad ang demonyong

'yon." 

"At anong gagawin mo? Hahanapin sa buong Pagadian? " 

"Hindi ako ang maghahanap dad. 

Ang mga pulis mismo ang maghahanap sa kanya." 

Mas lalo siyang nagalit. 

"Hindi natin hawak ang mga pulis doon!" 

"Magtiwala ka dad, sila mismo ang magpapalantad."

Matalim niyang tinitigan ang anak at dinuro.

"Kapag sumabit tayo sa pinaplano mong 'yan Xander tandaan mong ako mismo ang babaril sa'yo!" gigil niyang tinalikuran ang anak. 

---

Kinagabihan. 

"Hi babe!" 

Sinalubong siya ng kasintahan at hinalikan sa pisngi.

Bagama't napaigtad ay hindi siya nagpahalata at umupo na sa harapang mesang kinaroroonan ng nobyo.

Pinaghandaan talaga nito ang date nila dahil bukod sa nasa VIP room na sila sa isa sa high class restaurant ay may naka set pang pagkain doon na natatakpan pa kasama ng isang red wine, bulaklak sa flower vase at scented candle.

Ang dating ay parang anibersaryo na nila.

"Oh before I forgot, this is for you."

Napatingin siya sa isang bungkos na pulang rosas, mukhang presko pa ito at mabango.

"Thank you." Kinuha niya 'yon at inilagay sa ibabaw ng mesa.

"Let's eat? O baka may gusto ka pang orderin?"

Mabilis siyang umiling. "Tama na 'to."

"Okay, so let's eat." Binuksan nila ang halos may walong putaheng naroon. Umuusok pa ang mga ito.

"Wow!" Namilog ang mga mata niya pagkakita sa mga matatabang alimango, nakahanda na itong kainin dahil hiwa-hiwa na.

Nakaramdam siya ng pagkalam ng sikmura.

Marami pa itong kasama gaya ng baby back ribs pork, beef steak,  steamed salmon, desert at vegetables plus appetizer.

"You like it right?" ngisi ng lalake. 

"Alam ko paborito mo 'yan."

Amuse na napatingin siya rito. 

"Paano mo nalaman?"

"I have ways, hindi, kinausap ko ang sekretarya mo."

Napatango-tango siya. Alam nga ni Jen 'yon, at maging si Gian ay alam 'yon.

Ipinilig niya ang ulo. Naiirita siya nang sumagi ito sa kanyang isipan.

"You okay?"

"Ah yes."

Ngumiti ito ulit. "So, let's eat?"

"Sure!" 

Nagsimula itong kumuha ng pagkain.

Bigla siyang naasiwa, ito ang unang date nila ni Raven at napakagwapo nito sa suot na long sleeve white at black pants. Amoy na amoy ang mabangong perfume nito.

Samantalang siya ay naka corporate attire pa rin black suit with black high heels. Ni hindi na siya nag-abalang magpaganda.

"Sorry kung hindi na ako nakapabihis nagmadali na kasi ako."

"It's okay, maganda ka pa rin."

Ngumiti siya ng tipid at kumuha na rin ng pagkain.

Sa tindi ng pagod at pressure sa opisina ay talagang nagutom siya.

Kasalukuyan siyang nagsasandok ng ulam nang tumunog ang kanyang cellphone na agad niyang sinagot.

"Yes Jen?" 

"Ms. Ellah, nasaan ka? Tumawag po ang Vice president ngayong gabi may meeting raw kayo with the BGC President nasa venue na sila."

"Ano! Eh hindi ba cancel na 'yan?" Napasigaw siya sa gulat.

"Natuloy daw po."

"I'll call him."

Pagkababa niya ng cellphone ay nahagip ng kanyang tingin ang kasintahan. Mataman itong nakatingin sa kanya. Bigla naman siyang nahiya. 

Naudlot ang plano niyang tawagan ang bise presidente.

Nasa date siya pero abala pa rin siya sa trabaho.

"Still working babe?"

Mabilis siyang umiling. "Sorry, akala ko wala na 'to kaya pina cancel ko ang meeting."

"It's okay."

Ngumiti siya. "I'll just call my staff last na 'to."

"Sure," ngiti ng lalaki.

Mabilis niyang tinawagan ang bise presidente na agad nitong sinagot. "Mr. Sanchez-"

"Where are you? May dinner meeting tayo with the President of BGC nakalimutan mo President?"

"Kinansela ko na 'yan kanina dahil hindi raw matutuloy bakit nagkaganyan 'yan?"

"Nagipit daw sila nasaan ka ba? Sandali lang naman 'to."

Napatingin siya sa kasintahan. "I can't go, ikaw na lang muna."

"Inuuna mo pa yata ang date mo kaysa sa trabaho?

Fine huwag kang makialam sa desisyon ko. Tama 'yan ituloy mo," pang-uuyam nito. 

Nagtagis ang kanyang mga bagang at mariing ipinikit ang mga mata.

"Hindi ko alam na natuloy 'yan."

"Ngayong alam mo na ayaw mo pa ring pumunta."

Napabuga siya ng hangin. "Fine I'll go!" singhal niya at pinatay ang linya. 

"What is it?" kunot ang noong tanong ni Raven pagkatapos niyang makipag-usap.

"I'm sorry pero kailangan ko ng umalis," sabay tayo niya.

"No!"

Napatayo siya ng tuwid.

"Pinapayagan kitang makipag-usap tungkol sa trabaho pero hindi ang iwan mo ako sa gitna ng date na 'to."

"Importante ang meeting na-"

"Marami pang araw 'yan-"

"Mas maraming araw ang date na 'to, ngayon lang 'to kapag hindi ako pupunta maapektuhan na naman ang kredibilidad ko bilang Presidente ng kumpanya," paliwanag niya ngunit umiling lamang ang kasintahan.

"I said no, dito ka lang tapusin natin ang dinner na 'to bago ka pumunta sa kung saan mo gusto."

"Matagal pa 'to Raven!"

"Shit! Ni hindi ka pa nga nakakain iiwan mo na ako?"

"Iiwan? Hindi mo ako sasamahan?"

"Trabaho 'yan anong gagawin ko tutunganga sa labas hanggang sa matapos kayo?"

"I need to attend this meeting. Importante ito-"

"Ako hindi? Pinakansela ko lahat ng transaksyon ko para dito."

"Raven naman!" naiirita na siya at naguguluhan.

"Tapusin mo ang pagkain saka ka umalis," malamig nitong tugon.

Bigla naman siyang nahiya. Pinaghandaan nito ang lahat tapos iiwan niya dahil sa trabaho.

Tahimik siyang umupo at kumain.

Tahimik silang kumakain at kinatutuwa niya 'yon dahil nagmamadali siya. 

Panay ang subo niya sa kanin at ulam at halos pagsabayin niya lahat sa bibig. 

Wala na siyang pakialam kung naghahalo ang lasa ng mga ito ang mahalaga matapos siya.

"Dahan-dahan baka mabulunan ka."

Umangat ang kanyang tingin at nahagip ang mga taong nakatingin sa kanila, sa kanya.

Alam niya kilala siya ng lahat kaya dapat maganda ang kanyang imahe sa mga ito. 

Ano na lang ang sasabihin ng mga ito? 

Apo ng pinakamaimpluwensiyang tao sa lugar ganito kung kumain? 

Umupo siya ng maayos at uminom ng tubig.

"Tapos na ako," deklara niya.

"Then wait for me, hindi pa ako tapos."

"Ano ba Raven?" naiinis na siya lalo pa't sosyal at keme itong sumusubo.

Hindi naman mabagal ang kilos nito ngunit hindi rin mabilis.

Nagngingitngit at nagdidilim na ang kanyang paningin sa lalaking kaharap, kung hindi lang nakakakonsensiya ay iniwan na niya ito.

Muli na namang tumunog ang kanyang cellphone at sinagot niya.

"Hello?"

"Where are you? Aba'y halos makapangalahati na kami sa usapan wala ka pa!"

Napabuga siya ng hangin. "Anong update?"

"Tuloy ang kontrata one hundred tons daily."

Kinabahan siya sa narinig. "Hindi natin kaya 'yan, hanggang fifty tons lang tayo doble na 'yan, ang akala ko nasa mga seventy lang ang kailangan nila."

"Kaya natin-"

"Kung palaging mag-oovertime ang mga tao. Mamamatay sila sa hirap ng trabaho araw at gabi gusto mo bang layasan tayo ng mga trabahador? Hindi ako papayag sa ganyan!"

"Shifting ang mga tauhan natin para makuha ang target."

"Hindi pwede mahihirapan tayong lahat sa ganyang sitwasyon. 

Kukunti ang magtatrabaho kapag hinati mo tapos kakayod silang parang kalabaw para makuha ang quota? No!"

"Magdagdag tayo ng tauhan simple-"

"Panibagong gastos Mr. Sanchez, hindi nakakatulong sa kumpanya."

"Kapag hindi ka pumunta rito ako ang magdedesisyon!"

"Parating na ako! Maghintay kayo!"

Tumayo siya bitbit ang bag.

"Saan ka pupunta?" tanong ng kasintahan na ngayon ay sumisimsim ng wine.

"Sa meeting, tapos na tayo halika na."

"We're not done yet, iinom pa tayo ng wine."

Nagtagis ang kanyang mga bagang at pinormalan ang mukha.

Wala na siyang pakialam sa imaheng iniingatan. 

"Mukhang hindi mo ako naiintindihan, hindi ako nakipagrelasyon para mas magdagdag ng problema, nakipagrelasyon ako para may makaintindi man lang sana pero mukhang hindi ikaw 'yon." 

Tuluyan na niya itong tinalikuran.

"Okay fine! Ihahatid na kita!" 

Paglabas nila ay nakatingin ang lahat at ang iba ay nag-uusap.

"Is that Ellah and Raven? She's so lucky." 

"Sinabi mo pa."

Ni hindi siya napangiti sa narinig. 

Nakabusangot ang kasama at ganoon din siya. 

Alam niyang hindi madali para dito ang sitwasyon niya kaya mabuti na lang naiintindihan siya. 

Kung si Gian lang ito baka papalakasin pa ang loob niya bukod sa sasamahan siya.

'Shit! Gian na naman!' 

Magkasunod ang mga sasakyan ay tinungo nila ang venue kung saan nagaganap ang meeting.

"Babalik ako agad," paalam niya pagdating nila ni hindi ito tumugon.

Mag-isa siyang pumasok sa naturang restaurant at naiwan ang kasintahan sa labas.

"Ms. Lopez!" bati ng Presidente ng BGC plant pagkakita sa kanya.

"Mr. Cruz, I am not considering your proposal if it is the expense of my people I'm sorry but no," matigas niyang pahayag ni hindi pa man nakakaupo.

"Have a sit please let's talk about this."

"My decision is no, ang usapan ay hanggang seventy lang malaki pa nga 'yan dapat fifty lang ang kaya namin."

"Well if you don't like it then maybe I should find another-"

"NO!" malakas na tutol ng bise presidente. 

"President Cruz, I'm sorry for this but we can make it." Hinarap siya nito. "Pwede ba tayong mag-usap muna? Excuse us for a minute sir?"

"Sure, I'll wait."

Naglakad ito patungo sa sulok at sumunod siya.

Bigla niyang naalala sa panahon ng nahihirapan siyang magdesisyon ang dating kasintahan.

'Shit! Siya na naman!' Mariin niyang ipinilig ang ulo.

"What do you think you're doing!" asik ng lalake.

"I am doing what's right. Nandito na ako, ako ang magdedesisyon at hindi ako papayag sa ganyan. Mr. Sanchez mahihirapan tayo, gaya ng sabi ko hindi natin kakayanin, kung magdagdag tayo ng tao malaki ang gagastusin. Kung hindi tayo magdagdag mahihirapan ng husto ang mga tauhan natin doblehan na 'yan!"

"Malaki ang kikitain dito!"

"Malaki rin ang gastos."

"Leave it to me, tiyak na papayag ang Chairman."

"Hindi siya papayag kapag sinabi kong hindi pwede."

"Ano? Aba ikaw na pala ang nagdedesisyon ngayon?" taas ang noong sita nito.

"Matagal na. Ipinapaalam ko lang sa Chairman."

"Look, kapag hindi ka pumayag posibleng hindi natin makukuha ang deal!"

"Marami pang iba diyan."

"Pero mababa ang kuha!"

"Mababa man marami naman, hindi pa naghihirap ang mga tauhan natin."

"Ms. Lopez!" sigaw nito.

"MR. SANCHEZ!" bulyaw na niya.

Natahimik ang lalake. 

"Kapag hindi nakuha 'to lagot ka sa lolo mo!" saka ito bumalik at sumunod siya.

Ang daily production nila ay umaabot ng halos limang daang tonelada para sa iba't-ibang planta at ngayon dadagdag na naman sila ng singkwenta tonelada para sa isa pang planta. 

Ayaw man niya, kailangang makuha ang deal. 

"So what's the decision?" bungad ng kliyente.

Tumahimik siya at nag-isip.

Naalala niya ang sinabi ni Gian noon.

"Tandaan mo kung ano ang nasa puso mo 'yon ang panindigan mo, ikaw ang tagapagmana Ms. Ellah ikaw ang mas may karapatang magdesisyon. "

Humugot siya ng malalim na panghinga bago nagsalita. 

"Still no, unless it will be sixty tons daily," tugon niya.

Nalukot ang mukha ng kausap at nangangalit ang bagang ng bise presidente.

"Are you sure Ms. Lopez?" 

"Mahihirapan ng husto ang mga tao namin at ayaw kong mangyari 'yon. 

Mahal ko ang mga tao ko sir at doon lang ang kaya namin.

Hindi ko sila isasakripisyo kahit pa sa anong halaga dahil para sa akin mas mahalaga sila."

Huminga ng malalim ang kausap bago umiling.

Wala siyang magagawa kung ayaw nito hindi niya isusugal ang mga tao alang-alang sa pera.

'Puso ko ang susundin ko.'

At ang nasa puso niya ay ang kalagayan ng mga tauhan.

"Alright, deal." 

Napakislot siya at nabalik sa kasalukuyan.

Napatingin siya sa nakalahad na kamay ng kliyente na nagpaawang sa kanyang bibig at nagpalaki ng mga mata ng bise presidente.

Halos lumukso ang kanyang puso sa tuwa dahil nagtagumpay siya sa harap pa mismo ng numero unong kritiko.

Tinanggap niya ang kamay nito. 

"Deal!"

---

Tiim ang bagang, kuyom ang kamay at matalim ang tingin sa kawalan habang nakaupo at kaharap ang alak sa lamesita.

Punong-puno ng galit at poot ang nararamdaman niya sa nangyari.

Subalit sa gitna ng galit at poot ay naroon ang matinding pagsisisi.

Nagsisisi siya ng husto kung bakit pa pinabalik ang tauhan sa teretoryo ng kaaway. Kung hindi niya ito pinabalik hindi ito mamamatay.

Malinaw sa nakita niyang video ang larawan ng tauhan, tadtad ito ng bala at naliligo ng dugo.

"AAAAH! HAYOP KA TALAGA DELAVEGA!" 

Nadampot niya ang basong katabi ng alak sa lamesita sa loob ng tinitirhan at buong lakas itong ibinato sa dingding na naglikha ng nakakangilong ingay subalit hindi 'yon inalintana ng binata.

Pumikit siya ng mariin bago huminga ng malalim.

Walang makakapagsabi kung paano nahuli ang tauhan kundi ang mismong may pakana.

Subalit hindi siya maaring magtanong dito dahil tiyak maghihinala ito.

Nilagok niya ang alak sa botelya. 

Hindi naman siya lasing at matino pa ang kanyang isipan. 

Kahit sumasakit na ang ulo at sikmura ay hindi niya pa rin magawang kumain. 

Ininda niya ng husto ang pagkamatay ng tauhan. 

May nagbuwis na ng buhay dahil sa kanya. 

Ito na ba ang umpisa? 

Nang hindi na makayanan ang pagkalam ng sikmura ay tumayo siya at naghanda ng pagkain. 

Kailangang kumain sa gitna ng mga nangyayari.

Habang kumakain ay tumunog ang kanyang cellphone at nang tingnan kung sino ang tumatawag ay saglit siyang natigilan.

Gano'n pa man ay sinagot niya.

"Gian pare alam mo na ba ang balita?"

"Ano 'yon?" Bagama't malamig ang kanyang tugon ay wala na ang hinanakit niya sa kaibigan.

"Si Ellah pare syota na ang Tan na 'yon!"

"Ano!"

Muntik na siyang mabulunan sa narinig. 

Tumahip ng husto ang kanyang dibdib.

"Bago lang pare, kinausap kasi ako ni Jen na kung makita kita ipaalam ang tungkol sa ex mo."

"Anong ex? Tangina mo pare! Akin si Ellah! Hindi ako papayag na iwan niya!"

"May date sila ngayon ng oranggu-Tan na 'yon."

"PUTANGINA!" 

"Pare anong gagawin mo? Huwag mong sabihing tutuluyan mo 'yon!" bakas ang pangamba sa tinig ng kaibigan. 

Pinatay niya ang linya at mabilis na niligpit ang pinagkainan.

Ni hindi pa siya nakapangalahati sa pagkain ay tumayo na siya at naghanda sa pag-alis. 

Ilang sandali pa nasa daan na siya patungo sa condo ni Ellah.

Halos paliparin niya ang kotse makarating lang agad.

Sinalubong siya ng gwardya pagdating. 

"Magandang gabi sir Acuesta!" bati ni mang Jose. 

"Si Ellah nandiyan na ba?"

"Wala pa sir."

Bumaba siya ng kotse at sumunod dito. 

"May naghahatid-sundo sa kanya?"

"Oho, 'yong syota niya si Raven Tan!"

Nagtiim ang kanyang panga sa narinig at naglabas ng lilibuhin mula sa dalang bag at ipinatong sa mesa ng gwardya.

"Sampung libo pwede bang pigilan niyo sa pagpunta rito ang taong 'yon?"

"Ha? Hindi yata pwede 'yan sir?" napapakamot sa ulong angal nito.

Muli siyang naglabas ng dagdag. 

"Singkwenta mil, huwag niyong hayaang makapasok dito ang taong 'yon."

Ngumisi ang lalake. 

"Aba! Pwede sir! Madali na lang 'yon!" anito at inilagay sa bag nito ang pera.

"Good, ayaw kong nagpupunta rito ang hinayupak na 'yon."

"Kaming bahala sir!"

Maya-maya pa napansin niya ang paparating na dalawang sasakyan papasok.

"Sila na 'yan sir!"

"Huwag niyong papasukin."

"Opo sir."

Lakad-takbo na pumasok siya sa elevator at pinindot ang buton.

Habang naghihintay makarating sa tinitirhan ng dalaga ay kumuyom ang kanyang kamay.

'Hindi pwede ang ginagawa mo Ellah!'

---

"Ihahatid na kita sa itaas," ani Raven at bumaba ng sasakyan.

"Huwag na, alam kong pagod ka na, salamat."

"I insist!" 

"Hindi maganda ang pakiramdam ko ngayon Raven, ni hindi mo pa nga gustong umuwi tayo eh."

"Sino ba ang may gusto na ang date ay gano'n lang?"

"Bakit ano pa ba ang dapat ha?"

"Parang hindi ka pa nagka boyfriend. We should kiss Ellah!" sigaw nito sa kanya.

Napaatras siya sa narinig.

"K-kiss?"

"Yes, a kiss!" mariin nitong wika at napalunok siya.

"Next time, I'm not in the mood, good night." 

Nang hindi ito natinag ay tumalikod siya. 

"I did not enjoy our date, puro ka trabaho at laging nagmamadali parang ikaw lang ang busy. 

Kinansela ko ang lahat ng lakad ko para dito pero mukhang wala lang sa'yo."

Naiinis man ay nilapitan niya ito at hinalikan sa pisngi. 

" O hayan, na kiss na kita, masaya ka na?"

Unti-unting gumuhit ang ngiti sa mga labi ng kasintahan.

"Alright, good night. Next time hindi ako papayag na ganyan lang, " saad nito bago umalis. 

Siya naman ay tinungo ang tirahan. 

Magaan ang pakiramdam na 

pinipindot ang code ng pinto.

"Mukhang ginagabi ka?"

Napatalon siya sa sobrang gulat sabay lingon. 

Nahigit niya ang hininga sa nakita. 

Nakatayo sa hindi kalayuan ang dating kasintahan at madilim ang anyo nito. 

Unti-unti itong lumalapit kaya humigpit ang kapit niya sa seradura.

"Mukhang napakasaya mo sa date ninyo ng Oranggu-Tan na 'yon?" 

Agad uminit ang kanyang ulo. 

"Anong ginagawa mo rito?"

"Kayo? Anong ginawa ninyo?"

"Anong pakialam mo?" Binuksan niya ang pinto at pumasok saka isinara ngunit napigil ng kamay nito at nakapasok. 

"Umalis ka Villareal!"

"Tigilan mo ang kahibangan mo Ellah, hindi ako papayag na iiwan mo ako at ipagpalit sa kabila ng sakripisyo ko. Hindi ako papayag!"

"Sakripisyo? Ang kapal ng mukha mo!" Dinuro niya ito sa mukha. 

"Tinatawag mong sakripisyo ang panloloko mo? Iba ka rin!" 

Tinungo niya ang pinto ng silid at binuksan sumunod ito.

"Alam mo ng pagpapanggap lang ang lahat sa akin, pero ikaw tinotohanan mo. 

Alam mong hindi totoong naging kami ni Isabel pero ikaw tinotoo mo! 

Alam mong nagpapanggap ako para makalamang sa kalaban pero ikaw iniwan ako. 

At higit sa lahat ginawa ko ito para sa kapakanan mo pero hindi mo binigyan ng halaga. Ang paghihirap ko at pagsasakripisyo ay binalewala mo!"

"Kapakanan ko? Wow naman! 

Hindi mo inamin sa akin, sa iba ko pa nalaman ibig sabihin wala kang planong sabihin ang totoo. 

Ginawa mo akong tanga! Isang uto-uto siguro pinagtatawanan ako ng babae mo habang nililinlang ninyo! 

Nilihim mo rin ang totoong nangyari sa mga magulang ko. 

Kaya kahit anong gawin mo hindi kita mapapatawad!" Pumasok siya at pabalibag na isinara ang pinto ngunit tinangkang pigilan ito ni Gian kaya naipit ang daliri.

"Aah!" iwinawasiwas nito ang kamay na naipit.

Natigilan siya nang ngumiwi ang mukha ng lalake. Halatang nasaktan ito.

"Masakit? Kulang pa 'yan!" gigil na singhal niya.

Lumamlam ang mga mata ng dating kasintahan. "Walang-wala ang sakit na 'to kumpara sa ginawa mo." 

Sisinghalan pa niya sana ulit nang makitang may dugo na tumulo mula sa hintuturo nito. 

Kinabahan siya at natarantang napatakbo ng silid at nagmamadaling kinuha ang medicine kit saka bumalik sa kinaroroonan ng dating kasintahan.

Matalim ang gilid ng steel door niya kaya nahiwa ito.

"Heto, gamutin mo," aniyang inaabot ang isang box.

"Huwag na, maliit na sugat lang 'to kaya kong-"

"Hawakan mo 'yan," padarag niyang isnalampak ang box sa dibdib nito kaya hinawakan. 

Kumuha siya ng bulak doon saka hinawakan ng mahigpit ang kamay nitong may sugat at pinunasan ang dugo sa hintuturo. 

Inihulog niya sa sahig ang bulak na may dugo saka kumuha ng panibago at nilagyan ng betadine saka nilagyan ng plaster.

Nang matapos ay nahagip ng kanyang tingin ang itsura ng dating kasintahan.

Nakaawang ang bibig nito habang nanonood sa ginagawa niya.

Naasiwa ang dalaga sa itura ng lalake. 

" O hayan tapos na, umuwi ka na," pagtataboy niya rito.

"Salamat pero hindi ako uuwi."

Agad uminit ang kanyang dugo at dinuro ito. 

"Aba't abusado ka na! Ginamot na nga kita balak mo pa yatang dito matulog?"

Umangat ang sulok ng labi nito na tila nangingiti. "Pwede ba?" 

"Gago! Lumayas ka!" Malakas niyang isinara ang pinto.

Ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib. 

Parang ngayon lang nag sink in sa kanya ang ginawang paggamot sa kamay nito.

Biglang nag-init ang kanyang pakiramdam nang maalalang hinawakan niya ang kamay ex.

Napatingin siya sa kamay. 

Parang naroon pa rin ang init ng palad nito. 

Napaigtad siya nang marinig ang pagsara ng pinto mula sa labas.

Marahan siyang bumuntong-hininga nang malamang umuwi na ito.

Naglinis siya ng katawan sa banyo na nasa loob ng silid, at nagpalit ng pantulog na ternong pajama.

Nang papahiga na ay mataman siyang nag-isip. 

Nandito si Gian kanina at kahit pa kinamumuhian niya ito ay nagawa niya pa ring gamutin.

"Argh! Ba't ba ang tanga ko?" Binatukan niya ang sarili. 

Ginamot niya ang taong kinasusuklaman niya ng husto?

Parang sa mga sandaling 'yon walang mahalaga sa kanya kundi ang maayos ang pakiramdam nito.

"Konsensiya lang siguro 'yon? Nakaka guilty lang na ako ang dahilan ng sugat niya."

Muli siyang nagbuntong-hininga. Parang gumaan ang kanyang pakiramdam nang marinig ang panig ng dating kasintahan.

Nagsakripisyo ito para sa kaligtasan niya laban sa mga Delavega. 

Naisip niya ang sinabi ng abuelo na kung agad itong bumalik sa kanila noong nakatakas sa pagpatay ay tiyak na hindi sila titigilan ng kalaban. 

Kung hindi nito ginawa ang bagay na 'yon ay baka patay na nga ito noon pa, o baka pati sila.

Sumimangot siya. "Hmp, dapat sinabi niya pa rin ang totoo noong magkita na kami, kaya ko namang maglihim."

Umiling siya at muling bumalik ang sama ng loob.

Gano'n pa man ay umusal siya ng maiksing panalangin.

Pagpapasalamat sa buong araw na dumaan, paghingi ng tawad sa mga kasalanan at paghingi ng proteksyon sa pagtulog.

Pagkatapos magdasal ay magaan na ang kanyang pakiramdam bago ipinikit ang mga mata.

Ang pagdadasal ang tanging nagpapanatag sa kanya bago matulog. 

Naalimpungatan lang siya nang maramdaman ang tama ng sikat ng araw sa balat.

Linggo ngayon kaya walang pasok.

Bumangon siya at umusal ng maiksing panalangin. Pagpapasalamat sa ligtas na pagtulog at paghingi ng gabay para sa buong araw na haharapin.

Nag-inat siya at nag-ayos ng higaan. Subalit natigilan nang may narinig na tila may kumikilos sa kusina.

"Dumating na ba si manang Ising?"

Ito ang pinaglilinis niya ng tirahan tuwing linggo at alam nito ang code ng pinto niya.

"Manang? Aga mo naman wala pang alas syete ah?"

Walang sumagot kaya lumabas na siya at tinungo ang kusina.

Subalit nanigas siya sa nakita! Nakatalikod ang isang lalaking topless  at may hawak na sandok  kaharap ang kawali.

Nanlalaki ang mga matang dinuro niya ito.

"Hoy! Anong ginagawa mo!" tili niya na ikinaigtad ng sinigawan at humarap.

"Good morning kain na!"