Sa mansyon ng mga Lopez ay hindi na mapakali si don Jaime.
Pabalik-balik ang lakad niya sa loob ng study room kung saan siya lang ang naroon.
Panay rin ang sulyap niya sa relong nakasabit sa dingding.
Alas dyes ang resulta ngunit mag-aalas onse na wala pa ring balita si Gian sa kanya.
Kinakabahan na siya sa naiisip.
Paano kung positibo at ngayon ay inaatake na ng kalaban si Gian?
Hindi na siya makakapaghintay sa tawag nito at dinampot ang cellphone sa mesa.
Siya na ang tatawag.
Ngunit naka ilang ring na walang sumasagot.
"Punyeta Gian ano bang nangyayari?"
Muli niya itong tinawagan ngunit walang sagot.
Sa pagkakataong ito si Vince ang tinawagan niya at umaasang masasagot na nito.
Nakailang ring na ngunit wala rin.
Ginapangan ng takot ang don sa mga naiisip.
Lunabas siya ng silid at hinarap ang nakatayong tauhan sa pinto.
"Don Jaime."
"Ben ihanda mo ang mga tauhan natin pupunta tayo kay Acuesta."
"Sige ho don Jaime."
Isinarado niya ang pinto.
Nakahanda na siya sa paglusob kung sakali mang positibo nga at nagkakagulo na sa kinaroroonan ng binata.
Nasa Zamboanga na rin naman ito nakatira at mas mabuti dahil malapit sa kanya.
Mas mapoprotektahan niya ito.
---
Sa rest house ng mga Delavega.
"Negative sir," pagpapatuloy ng kausap.
Uminit ng husto ang dugo ni senior Roman sa narinig at nilamukos ng husto ang papel saka ibinato sa sahig.
Humagkis ang matalim niyang tingin sa kausap.
"Negative?"
"Yes sir, ibig sabihin magkaibang tao sila."
'Paano nangyari 'yon?'
Napailing ang senior, hindi matanggap ng kanyang utak na hindi nagsisinungaling si Acuesta.
Na talagang nagsasabi ito ng totoo.
Kaya pala walang bakas ng pangamba sa mukha nito nang magkita sila at maghapunan, iyon pala ay ibang tao nga ito.
Sumulak ang kanyang dugo sa ulo sa nararamdamang galit.
"XANDER!" dumagundong sa buong bahay ang kanyang sigaw.
"Dad?"
Doon niya ibinaling ang galit sa anak.
" Ang sabi mo iisa lang sila paano nangyaring negatibo ang resulta? Ha!"
"NEGATIVE?" Nanlalaki ang mga matang sigaw din ni Xander.
Humagkis ang matalim na tingin sa Chemist.
Napaatras ang lalaki nang makitang nasa baril na ang kamay ng anak.
"Xander huwag!"
Nalunod ng sigaw ng anak ang pagtangka niyang awatin ito.
"AAAAHHH!"
Gimbal siya sa nakitang pagbabaril nito sa dibdib ng lalaki.
Bumulagta ito at nangisay sa sahig.
Naglabasan ang dugo mula sa bibig nito.
Saglit lang wala ng buhay ang naturang Chemist.
"ANONG GINAWA MO!"
---
Napalingon sa ibang direksyon si Gian sa nakitang pagbagsak ng lalaki sa sahig bago nalagutan ng hininga.
Isinara niya ang computer kung saan pinapanood ang mag-ama.
Sanay siyang pumatay ngunit ang mga demonyong hindi na dapat nabubuhay pa, hindi ang isang inosenteng doktor.
Hanggang sa unti-unti siyang napangiti.
Negatibo ang resulta!
Ibig sabihin nagtagumpay sila!
Napangiti ang binata.
Ngunit dagli ring naglaho nang makarinig ng pagkasa ng baril.
Lumipad ang tingin niya sa kaharap na kaibigan.
Gano'n na lang ang kanyang pagkagimbal nang makitang hawak nito ang kwarenta 'y singkong baril at derektang nakatutok sa kanya.
"Sino ka?"
Ngunit mas natigilan nang magkasahan ng baril ang sampung tauhan niya deretso ang tutok sa ulo ni Vince.
Hindi man lang natinag ang kaibigan kahit pinalibutan ito ng kanyang mga tauhan.
"Ibaba niyo' yan!" matigas niyang utos sa mga tauhan.
"Sigurado ka boss?" anang isa sa mga ito.
Humagkis ang matalim niyang tingin sa nagsalita.
"Lumabas muna kayo."
Naglabasan ang mga tauhan at ngayon ay silang dalawa na lang ang naiwan.
"Vince pare anong ginagawa mo!"
Nasalo niya ang matalim nitong tingin.
"Sino ka?" nagtatagis ang mga bagang na tanong nito.
Kabadong napatitig siya sa baril at iminuwestra ang sahig.
"Pare ibaba mo' yan!"
Ngunit sa halip na sundin ay humakbang ito palapit.
"Hindi ako nagbibiro!" hinigpitan nito ang hawak sa baril na ikanalunok niya.
"SINO KA!"
Unti-unti na rin siyang nakakaramdam ng galit sa inaasta ng kaibigan.
"Gago ka ba! Si Gian siyempre!"
Ngayon lang niya napagtanto kung ano ang ikinagagalit nito.
"Sinungaling! Bakit negatibo ang resulta!"
"Hindi ko alam!"
"Baka hindi naman talaga ikaw si Gian? Baka totoo nga namang ibang tao ka?"
Umawang ang kanyang bibig sa narinig.
"Pwede ba Maravilla ibaba mo 'yan?"
Natahimik ito dahil napipikon na siya.
Hindi birong ang kausap mo ay may nakatutok na baril sa 'yo.
"Hindi ko rin alam kung bakit negatibo pero hindi ako nagsisinungaling. Ako si Gian."
"Sinungaling! Sabihin mo ang totoo!"
Hindi pa rin nito ibinaba ang baril.
Kalokohan man ngunit hinayaan niya na lang na sumabay sa pagdududa nito.
Alam niyang sa isang gaya nitong pulis ang kailangan ay matibay na ebidensiya.
"Ako si Gian."
Binuksan niya ang mga butones ng suot na itim na longsleeve.
"Anong ginagawa mo?" kumunot ang noo nito sa pagtataka.
Tuluyan na niyang nabuksan ang damit at humantad ang katawan niya rito.
"Ito ang magpapatunay na ako si Gian Villareal at wala ng iba."
Pinagmasdan niya ang mga sugat na naglikha ng marka sa kanyang balat.
"Ito ang tama ng baril ni Alex nang sumugod ako sa mansyon nila," tinuro niya ang marka sa dibdib.
Nakasunod ang tingin ni Vince sa tinuro niya.
"Ito ang mga marka nang iniligtas kita sa muntik ng kamatayan mo."
Itinuro niya ang tiyan, tagiliran at sikmura na nakikita pa rin ang marka kahit sa nagdaang panahon.
Umangat ang tingin niya at napansin ang pag-awang ng bibig nito.
Tumuon ang mga mata niya sa tagiliran ng kaharap.
"Sa kanang tagiliran mo at kanang dibdib may tama ka ng baril tatlong marka Vince dahil sa pagligtas mo sa akin noon."
Sa pagkakataong ito napansin niya ang pagluwag ng hawak nito sa baril.
Kaya na niya itong sunggaban kung tutuusin ngunit hindi niya gagawin.
Hahayaan niyang ito mismo ang kusang bumitaw at maniwala sa kanya.
"Kung talagang ikaw si Gian, sabihin mo ang pinakalihim kong sekreto. Kapag alam mo 'yon maniniwala ako sa'yo."
Hindi niya mapigilang mapangiti nang maalala ang sinasabi nito.
Kumiling ang ulo niya at isinara ang mga butones ng suot na longsleeve.
"Sigurado ka?"
Muli nitong itinaas ang baril direkta sa noo niya.
"Hindi ako nagbibiro!"
Tinapos niya ang pagbubutones bago bumaba ang tingin sa ari nito na may nakatakip na pantalon.
"Takot kang magpatuli dahil takot kang mamaga ang ari mo at magmukhang kamatis. Kaya sa takot mo, matanda ka na nang nagpatuli ka, desisyete ka na."
"Tama na!"
Ngunit nagpatuloy siya.
"Ang sabi mo ikaw ang pinakamatanda sa lahat ng nagpatuli roon at tinanong ka pa ng magtutuli kung nasaan ang batang kasama mong tutuliin niya?"
"Hayop 'to sinabing tama na!"
Ngunit nagpatuloy siya sa pang-aasar.
"Sabi mo gulat ang magtutuli nang malamang ikaw ang tutuliin niya at ang sabi pa makunat na kumbaga sa karne matagal nang lagain ang-"
"Sinabing tama na kundi babarilin na talaga kita!"
Umangat ang tingin niya sa mukha ng kaharap.
Nakangiti na ito ngayon kahit pa nagbabanta ang mga tingin, wala ng baril sa kamay.
Nagtagpo ang kanilang mga mata at dumaan ang ilang sandaling katahimikan.
Humakbang ng marahan ang kaharap at sa isang iglap lang, niyakap siya.
"Gian pare!"
Niyakap niya rin ito.
Sa wakas napaniwala niya rin.
Ito ang pinakamatalik niyang kaibigan at pinagkakatiwalaan sa lahat. Kaya kung hindi pa ito magtitiwala sa kanya hindi na niya alam ang gagawin.
"Pasensiya na kung pinagdudahan kita patawad pare."
Kumalas sila sa isat-isa bago ngumiti.
"Ayos lang pare, salamat sa paniniwala."
"Alam ko talagang ikaw si Gian kaya lang nakakapagduda eh."
"Mabuti na lang tinanong mo ako tungkol sa lihim mo," ngisi niya.
"Gago ka ikaw lang talaga ang pinagsabihan ko noon kahit nga si tatay hindi alam 'yon ah!" ngisi rin ni Vince.
Magkaakbay silang lumabas ng silid niya.
"Talaga bang makunat na daw pare?"
"Tumahimik ka nga gago!" marahan nitong sinuntok ang balikat niya.
Nagkatawanan ang magkaibigan.
---
Tumunog ang cellphone ni don Jaime na mabilis niyang sinagot.
"Gian anong nangyayari diyan?"
Pinakinggan niyang maigi ang paligid nito ngunit wala namang putok ng baril o anumang pagsabog.
"Don Jaime negatibo ho ang resulta."
Nakahinga siya ng maluwag.
"Talaga paano nangyari 'yon?"
"Hindi ko rin alam don Jaime. Hindi ko inasahan na ganito ang resulta."
"Gano' n ba?"
Maging siya ay nagtataka ngunit masaya.
"Wala bang problema diyan? Ayos ka lang ba?"
"Oho nandito si Vince."
"Mabuti. Kung negatibo ibig sabihin nagtagumpay ka Gian?"
"Oho yata?"
"Nagtagumpay ka!"
Maging siya man ay hindi naiisip na maging negatibo ang resulta kaya nga naghahanda rin siya sa posibleng mangyari ngunit paanong naging negatibo?
Matapos ang pag-uusap nila ng binata ay tinawagan niya ang tauhan.
"Don Jaime nakahanda na ho ang sasakyan."
"Hindi na tayo matutuloy wala ng problema."
"Sige ho."
Napaupo sa kama ang don.
Hindi pa rin siya makapaniwalang negatibo ang resulta.
Napapailing siya at napangiti, ngunit naglaho nang may sumagi sa kanyang isipan.
Unti-unting lumaki ang kanyang mga mata sa napagtanto.
"Hindi kaya...ibang tao naman talaga ito?"
Mabilis siyang umiling.
Kung talagang hindi ito si Gian, hindi siya maloloko ng kahit sino lang!
Dinampot niya ang cellphone at tinawagan ang hepe ng pulisya.
Alam ng hepe ang nangyayari at ang gagawin ng kalaban dahil sa kanila nanggaling ang ebidensiyang kinuha ng mga Delavega.
Alam din nitong ngayon lalabas ang resulta kaya nakahanda rin ang mga ito kung sakaling may magiging problema.
Hawak niya ang pulisya at susunod ito sa mga plano niya.
"Magandang gabi don Jaime."
"Hepe, paanong nangyaring naging magkaibang tao si Villareal at Acuesta? May alam ka ba rito?"
"Hindi iisang tao?"
"Hindi, at iyon ang nakakapagtaka."
Bumuntong hininga ang nasa kabilang linya.
"Don Jaime, may dapat ho kayong malaman."
Kumunot ang kanyang noo.
"Ano 'yon?"
"Tungkol sa ebidensiya."
---
"Anong plano mo?" Humigop ng kape si Vince.
Nag-uusap na sila ng kaibigan sa sala ng condominium niya dito sa Zamboanga.
Tinabihan na niya ang kalaban.
Mas makakakilos siya nang maluwag kapag nasa malapit lang siya.
"Papasukin ko ang mundo nila."
Tumiim ang tingin nito sa kanya.
"Pare mag-iingat ka."
"Salamat," tugon niya at humigop ng kape.
"Hindi ko talaga inakalang magiging negatibo 'yon."
"Ako man."
"Ano bang sabi ni don Jaime?"
"Nagtataka rin siya."
Natahimik ang kaibigan.
"Aalamin ko kung bakit gano'n."
"Salamat pare."
"May isa pa akong aalamin pare."
"Ano 'yon?"
"Ang mag-amang Alvar."
Napatuwid siya nang upo.
Ayaw niyang mag-isip ng masama sa mag-ama ngunit hindi rin niya maitatanggi ang hinala rito.
"Sinabi mong paimbestigahan ko hindi ba? Wala pa lang lumabas na resulta pero pinaiimbestigahan ko na.
Ngayong wala na tayong problema iyon ang gagawin ko."
Bumalik sa kanyang isipan ang narinig noon.
"Alamin mo kung anong meron walong taon na ang nakakaraan pare."
Napatingin ito sa kanya.
"Walong taon?"
"Sigurado akong may tinatago ang mag-amang 'yon at may kinalaman walong taon na ang nakakaraan."
"Sige pare, aalamin ko."
"Salamat pare."
Tumayo si Vince.
"Hindi na ako magtatagal. Pupuntahan ko pa si Anne."
Tumayo rin siya.
"Sige pare, ikumusta mo ako."
"Sige."
Tinapik nito ang balikat niya.
"Pasensiya na kanina."
"Ayos lang."
Inihatid niya sa labas ang kaibigan.
Napabuntong hininga ang binata bago bumalik sa loob ng bahay.
Negatibo ang resulta, at nagtagumpay siya.
Nagtagumpay nga ba?
Patungo siya ng silid nang tumunog ang kanyang cellphone.
Agad niyang sinagot nang makitang si don Jaime ang tumatawag.
"Don Jaime?"
"Gian alam ko na ang dahilan kung bakit negatibo ang resulta."
Agad kumabog ang kanyang dibdib.
"A-ano hong dahilan?"
"Nakausap ko ang hepe ng pulisya. Ang nakuhang ebidensiya ng kalaban ay hindi talaga sa'yo."
Nanlaki ang kanyang mga mata sa narinig.
Nilukob ng matinding tuwa ang binata.
"Ang posas? Hindi akin? Sigurado ho kayo?"
"Oo, hindi sa'yo. Hawak ko ang pulisya kaya mabuti na lang at sinunod nila ako.
Ang akala ko kasi naisahan tayo ng kalaban."
"Kung gano'n negatibo nga ang resulta!"
Napangiti si Gian. Ngayon ay may kongkreto ng dahilan kung bakit gano'n ang kinalabasan.
Ilang saglit pa ngumisi ang isang Rage Acuesta.
Kagaya ng mga plano ay sinimulan ni Gian ang unang hakbang.
"Rage Acuesta!" bati ng senior pagkakita sa kanya.
"Roman!" nakangising sinalubong niya ito sa isang restaurant.
Tinawagan niya ito kaninang umaga at pumayag sa kanyang imbitasyon na mananghalian ngayon.
Inilahad niya ang kamay sa matanda.
Kahit ayaw niya kailangang gawin.
"Kumusta?"
Tinanggap nito ang kanang kamay niya at sabay bumitaw.
"Ayos lang."
Inilibot niya ang tingin sa mga bantay ng matanda.
"Nasaan ang anak mo?"
"May mahalagang nilakad."
"Gano'n ba?"
Magkasabay silang humakbang papasok sa nasabing restaurant kasunod ang mga gwardya nito.
Alerto ang mga staff ng nasabing restaurant.
Ngunit hindi nakaligtas sa kanyang mga mata ang mga babaeng malalagkit ang titig sa kanya.
Inayos niya ang suot na eyeglass at tumuwid ng paglalakad.
Pagkaupo ay nagsi-order silang lahat.
Masigla at masaya ang kanyang anyo samantalang ang kanyang kaharap ay pormal at seryoso ang mukha.
Palihim at pailalim niya itong tinitigan.
'Unang hakbang laban sa' yo Delavega!'
Nang magsimula silang kumain ay nagsimula rin siya sa plano niya.
"Ang tagal mong hindi nagparamdam," panimula niya.
"Abala lang, " tugon ng senior habang kumakain.
"Sa negosyo?" Hinawakan niya ang baso at nilagyan ng tubig.
Nakasunod ang tingin ng senior sa kanyang bawat galaw.
Tumango ito.
Ngumiti siya bago uminom.
Ibinaling nito ang tingin sa pinggan.
"Baka naman pwede na akong sumali diyan?"
Napatingin ito sa kanya.
"Napag-usapan na natin ito hindi ba?"
Binitiwan ng kausap ang hawak na mga kubyertos at hinarap siya.
"Bakit ka nga ba interesado sa negosyo ko Acuesta?"
Tumikhim siya at inilapit ang mukha bago hininaan ang boses at nagsalita.
"Nakalimutan mo na yata Roman, iisa ang kalaban natin. Masyado siyang nasa itaas at ikaw nasa ibaba at malapit ka ng tapak-tapakan."
Nagdilim ang anyo ng kausap bago pa siya nito mahablot ay mabilis siyang lumayo.
"Papayag ka bang ginaganyan ka Roman?"
"Makakabawi rin ako sa demonyong 'yon," mariin nitong tugon at nagngangalit ang bagang.
"Sa pamamagitan ko, magagawa mo ng mabilis."
Napatingin ito sa kanya.
Tingin na may pagdududa.
"Oh come on Roman! Ano ba ang magagawa ng negosyong legal?
Hindi sapat na iyon lang ang bubuhay sa' yo.
Hindi sapat na 'yon lang ang ipantapat mo sa kalaban.
Nananahimik ang iba mo pang negosyo dahil sa takot mo sa kalaban.
Gayong hindi mo alam na baka may ginagawa rin siyang ilegal. "
Sa pagkakataong ito ay mataman siyang tinitigan ng kaharap na tila tinitimbang ang kanyang bawat salita.
" Kapag pinapasok mo ako sa mundo niyo tinitiyak kong mapapantayan mo ang mortal na kaaway."
Tahimik pa rin ang kausap.
"Tiwala Roman, paano kita matutulungan kung wala kang tiwala sa kahit kanino? Isang beses lang, kapag pumayag ka ipapakita ko sa'yo kung paano umangat ng husto," pangungumbinsi niya.
Ang sabi ni Isabel magaling ang convincing power niya.
"May koneksyon ka ba?"
Lumawak ang kanyang ngisi.
"Hindi koneksyon ang kailangan mo Roman, kundi paano makapasok ang produkto na hindi naaabala hindi ba?"
Tumahimik ito.
"Iyon ang magagawaan ko ng paraan. Doon ako may koneksyon.
Kapag nagsanib pwersa tayo maluwag na makakagalaw ang negosyo mo."
Kumiling ang ulo nito at alam niya kunti na lang makukumbinsi na niya ang kalaban.
Sumeryoso siya at pinormalan ang mukha.
"Try me Roman, and I'll show you my connection."
Umayos ito ng pagkakaupo.
"Alright, welcome to my world," inilahad nito ang kamay sa gitna ng kainan.
Tinanggap niya.
"Trust me Roman."
Napangiti ang binata.
Ngayong wala ng problema magagawa na rin niyang magtapat sa kasintahan.
---
Hindi pa rin makapaniwala si Ellah na ang nakuha niyang investor ay isang Rage Acuesta.
Usap-usapan din sa buong opisina ang nangyari noon at natutuwa siya noong una.
Ngayon hindi na.
Hindi kasi mamatay-matay ang tsismis na ayaw na niyang marinig.
"Talaga bang pinsan ni sir Gian 'yong Acuesta na 'yon?"
Natigil siya sa paghakbang tungo sa cafeteria.
Heto na naman ang usapan.
May limang babaeng empleyado ang naroon sa isang mesa habang nagmemeryenda.
Break time nga naman dahil alas tres na ng hapon.
"Oo nga eh. Parang si sir Gian talaga hindi ba?" sagot ng isa.
"Sinabi mo pa. Eh kung tingnan kasi daig pa ang identical twin eh. 'Yong tayo, porma at itsura!"
"Hindi kaya si sir Gian lang 'yon at nagpapanggap lang? "
"Bakit naman niya gagawin 'yon? Presidente siya ng kumpanya. Para saan ang pagpapanggap niya?"
Napaisip ang dalaga sa narinig.
Hanggang ngayon hindi pa rin niya alam kung ano ang dahilan ng kasintahan sa pagpapanggap nito.
O baka naman hindi talaga ito si Gian?
Kasi may mataas itong posisyon sa kumpanya nila para magpanggap lang?
" Tsaka si Miss Ellah, imposibleng hindi niya makikilala si sir Gian eh boyfriend niya 'yon?"
"Oo nga! Kasi kung ako
'yon, makikilala ko talaga kahit pa magbago ng anyo."
Ito pa ang isang problema.
Nakakahiya kung hindi niya alam kung ano ang totoo.
Nakakahiya na nalilito siya kahit pa hinalikan na.
Mariin siyang napapikit at inalala ang ginawa nitong paghalik sa kanya noon ni Acuesta.
Ang lasa ng labi nito, maging ang mga haplos at mga yakap.
Talagang Villareal.
May malaking parte sa kanya na naniniwalang ito nga ang kasintahan ngunit ang tanong bakit hindi ito umaamin?
Ano ang malalim na dahilan?
"Miss President?"
Napaigtad siya.
"Sorry."
Napalingon siya sa likuran.
Naroon ang Sales Manager at mukhang papasok din.
"Papasok po ba kayo?"
"Ah, hindi na."
Mabilis siyang tumalikod.
Mataman niyang pinag-iisipan kung paano mamatay ang usapan.
Habang naglalakad pabalik ng opisina ay hindi niya mapigilang mang himutok.
"Dapat yata si Raven na lang ang kinuha kong investor.
Hay bakit ba kasi nahuli ang gunggong na' yon? Kainis!"
Habang patungo ng opisina ay nag-iisip siya kung paano mawala ang usapan tungkol kay Acuesta.
Hanggang sa biglang may sumagi sa kanyang isipan.
Pagdating ng opisina ay mabilis niyang tinawagan si Raven Tan na mabilis din nitong sinagot.
"Ellah?"
Kinakabahan man ay itinuloy niya ang plano.
"Yes Mr. Tan."
"Why so formal? Business hour?"
Tumikhim siya.
"Ah, pwede ka bang pumunta sa opisina ngayon?"
"Ngayon? Bakit?"
"I need you."
"Whoa! What do you mean? I need you too!"
"I mean, hindi ba sabi mo mag-iinvest ka? Baka pwede mo ng gawin?" bigla naman siyang nahiya sa sinabi.
Mukhang desperada ang dating.
"Three billion?"
"No! Kahit hindi na gano'n kalaki basta mag-invest ka lang."
"Hey, wait. Bakit parang may problema?"
"Huh? Wala naman, baka gusto mo lang naman."
"Tell me, may problema ba?" ulit nito.
Huminga siya ng malalim.
"Kasi bukam-bibig na rito si Acuesta. Sikat na sikat na siya gayong dapat ikaw 'yon."
"Alright, I'm coming."
"Thank you Raven."
"Hintayin mo ako."
"Okay hihintayin kita."
---
Napangiti si Gian nang matanaw ang gusali ng mga Lopez.
Mula sa kanyang kotse ay tiningala niya ang pinakamatayog na gusali sa buong Zamboanga.
Kabadong-kabado siya sa pinaplanong pagtatapat.
Sa laki ng kasalanan niya parang hindi niya alam kung saan magsisimula.
Paano kung hindi na siya nito tatanggapin?
Paano kung magalit ito o masuklam sa kanya?
"Dapat yata ipaalam ko muna kay don Jaime ang plano ko?"
Nagdadalawang isip din siyang ipaalam pa.
Mamomroblema pa ang abuelo nito gayong dapat siya lang.
Bumuga ng hangin ang binata bago nagpasyang bumaba ng sasakyan.
Binubuksan niya ang pintuan nang tumunog ang kanyang cellphone.
Tumatawag ang kaibigan.
"Vince pare?"
"Pare nasaan ka?"
"Nasa opisina ng mga Lopez pupuntahan ko si Ellah magtatapat na ako sa-"
"Pare huwag muna!"
"Ha?" kumunot ang kanyang noo at kumabog ang dibdib.
Tuluyan na siyang bumaba ng sasakyan.
"Pare may natuklasan ako tungkol sa mag-amang Alvar!"
Mas kumabog ang kanyang dibdib sa narinig.
"Ano 'yon?"
"Pag-uusapan natin sa inyo. Papunta ako diyan sa' yo."
"Sige."
Papasok na sana siya ulit sa kotse nang mahagip ng tingin ang pagbaba mula sa kotse ng isang lalaki hindi kalayuan sa kanya.
Deretso ang lakad nito papasok sa gusali.
"Pare putcha andito ang karibal ko!"
"Ano!"
"Mamaya na lang!"
"Gian pare! Sandali lang!"
Pinatay na niya ang tawag.
'Anong ginagawa ng ugok na 'to dito? Hah! Huwag nitong sabihing nanliligaw ng maliwanag pa? Intsik nga!'
Malalaki ang hakbang na sumunod siya sa paglalakad ni Raven Tan papasok sa gusali.
"Good afternoon sir!" bati ng gwardya rito.
Hinarap nito ang gwardya.
"Good afternoon, is Ellah here?"
Kumuyom ang kanyang kamay at tumalim ang tingin.
'Gago talagang si Ellah ang sadya!'
"Yes sir, nasa office po."
"Thank you."
Humakbang na ito papasok.
Siya naman ang naglakad palapit sa gwardya.
"Good afternoon sir!"
Hindi niya ito pinansin at tuloy-tuloy lang ang lakad.
"Sir Gian?"
Natigil siya sa paghakbang nang sambitin ng gwardya ang pangalan niya.
Nilingon niya ito.
Ngumiti ang lalaki at akmang lalapit.
"I am Rage Acuesta," mariin niyang wika at muling tumalikod.
"S-sige sir," napapakamot ang gwardya sa ulo nito at bumalik sa pwesto.
Nasa elevator na siya nang mahagip ng tingin ang mga empleyada roon.
"OMG! SIR GIAN!" sigaw ng isa sa mga ito.
Lahat napalingon.
"Gosh! Sir Gian ikaw ba 'yan?"
Tinaliman niya ng tingin ang mga ito bago isinarado ang lift.
Kung kailan siya nagmamadali saka naman maraming aberya.
Habang nasa loob ng elevator ay muling tumunog ang kanyang cellphone.
Si Vince na sinagot niya ulit.
"Vince, " malamig niyang wika.
"Gian huwag ka munang magtapat sa kanya huwag muna! Delikado pare! Delikado!"
Umigting ang kanyang panga at nakaramdam ng galit.
"Bakit ba? Nandito ang karibal ko hindi mo ba naiintindihan 'yon!" singhal na niya.
"Ano ngayon kung nandiyan? Hindi pa niya aasawahin 'yan!"
Natahimik siya.
"Saka ka magdesisyon kapag nagkausap na tayo! "
"Ano ba ang tungkol sa mag-amang 'yon?" naiinis na niyang tanong.
Hindi ito ang mahalaga sa kanya kundi ang ngayon.
Natiyak niyang nasa opisina na ang karibal at baka kung ano na ang ginagawa!
"Hindi ba pwedeng mamaya na 'yan?" iritado niyang tugon.
Halos pindutin niya ng paulit-ulit ang button ng elevator sa naturang palapag makarating lang agad.
"Pare tama ka, natuklasan kong may kinalaman sa nangyari walong taon na ang nakakaraan."
Mas kumabog ang kanyang dibdib.
"Anong kinalaman nila?"
"Sangkot sila sa pagkamatay ng mga magulang ni Ellah walong taon na ang nakakaraan! "
Nagimbal ang binata at hindi agad nakapagsalita.
Eksaktong bumukas ang pinto ng elevator hudyat na nasa palapag na siya kung saan ang opisina ng kasintahan.
Ngunit muli niyang isinara kasabay ng pagdagundong ng dibdib sa tindi ng kaba.
"Hello Gian nasaan ka na?"
"Pabalik na! Babalik ako magkita tayo sa bahay!"