Chereads / WANTED PROTECTOR / Chapter 48 - Chapter 47 - The Fight

Chapter 48 - Chapter 47 - The Fight

SANTA MARIA HIGHWAY...

Nanginig ang dalaga sa takot.

"Lalabas kami Ms. dito lang kayo," anang gwardya.

Paglabas ng mga ito ay nakatutok din ang baril kay Gian.

"Anong kailangan mo?"

Hindi sa mga ito nakatingin si Gian kundi sa sasakyan, tinted ang salamin kaya hindi siya nakikita ng dating kasintahan.

"Ilabas niyo ang babae diyan kung ayaw niyong magkaubusan tayo rito."

Naibsan ang takot niya at napalitan ng pagkainis.

'Nag-iisa pero ang tapang-tapang!'

Binuksan niya ang pinto at lumabas.

Nagtagpo ang tingin nila ng ex at hindi nakalagpas sa kanya ang saglit na pangingislap ng tingin nito pagkakita sa kanya.

"Ms. Bakit kayo lumabas?"

"Itigil niyo na 'yan at ako ang kailangan niya," matatag niyang utos.

"Ms. Manganganib kayo sa ginagawa ninyo!"

Tumiim ang tingin niya sa ex.

"Kilala ko siya alam kong hindi niya ako sasaktan. Umuwi na kayo at uuwi rin ako mamaya."

Inihakbang niya ang mga paa patungo sa kinaroroonan ng binata.

Isang dipa ang layo niya ay bigla siya nitong hinablot sa braso at naalarma ang mga gwardya niya.

"Walang susunod!" Singhal ni Gian at palipat-lipat na nakatutok ang baril sa mga gwardya niya habang patungo sila passenger seat.

Akala niya, sa kanya itututok ni Gian ang baril nito pero hindi nito ginawa.

"Please, umuwi na kayo, walang mangyayaring masama sa akin."

"Pero Ms!"

"Pakiusap, ayos lang ako!" singhal na niya.

Alam niyang kung hindi siya magmamatapang ay mapapahamak si Gian.

Binuksan nito ang pinto at sapilitan siyang pinapapasok.

"Get in!"

Wala siyang nagawa kung hindi ang sumunod.

Pagkaupo niya ay pinaharurot ni Gian ang sasakyan at muntik pa siyang mapahiyaw sa gulat.

Mali man ang paraan nitong pakikipagkita sa kanya, naiintindihan naman niyang kailangan nila ng formal closure para matapos na sila ng walang samaan ng loob.

"Mag seatbelt ka," matigas nitong utos pero hindi niya sinunod.

"Gian please tigilan mo na 'to."

"Manahimik ka."

Hindi na siya kumibo at tumingin na lang sa bintana.

Maya-maya ay napapasulyap siya sa madilim na anyo ng binata.

"Saan mo ba ako dadalhin?"

"Kung sasabihin ko ba sa' yo kusa kang sasama?"

Hindi na naman siya kumibo.

Hanggang sa mapansin niyang pamilyar ang tinatahak nilang daan.

"Sandali, sa bahay mo 'to ah?" Napalingon na siya rito.

"Saan ba sa tingin mo?" malamig nitong tugon.

---

AMELIA HOMES...

Nanahimik siya hanggang sa makarating sila at bumaba ito ng kotse at pabalibag na isinara ang pinto na ikinagulat niya.

Binuksan nito ang pinto niya.

"Labas."

Napaigtad siya sa bulyaw nito gano' n pa man ay lumabas siya.

Malakas nitong isinara ang pinto at sabay hablot sa kanyang pulso at malalaki ang hakbang na tangay siya nito papasok ng bahay.

Pagkabukas ng pinto ay bumungad sa kanya ang malinis at masinop nitong tahanan.

Panandaliang nanabik siya sa amoy ng buong kabahayan maging sa pamilyar nitong anyo.

"Upo."

Marahan siyang umupo kasabay ng pabalibag nitong pagsara ng pinto na ikinaigtad niya.

"Kumain ka na ba?"

Walang bahid ng pag-alala ang tanong na 'yon subalit parang maiiyak siya.

"Hindi pa."

"Kumain muna tayo," tumayo ito.

"Gian please ano bang sasabihin mo at nang matigil na 'to."

Humagkis ang matalim nitong tingin sa kanya.

"Wala tayong titigilan Ellah. Bakit tayo titigil ni hindi pa nga tayo nakapag-umpisa? Alam mo kung ano ang tinigilan ko?"

Napalunok siya sa nakikitang galit sa mga tingin nito.

"Ano?" matapang niyang tanong.

"Ang trabaho ko."

Umangat ang tingin niya at sa pagkakataong ito ay nakaramdam siya ng pag-aalala, konsensiya at awa.

"B-bakit?"

"Ayaw ni don Jaime sa klase ng trabaho ko kaya isinakripisyo ko 'yon alang-alang sa' yo. Gagawin ko ang lahat ng gusto niya mapapasaakin ka lang."

Mariin siyang napailing.

"Hindi mo naiintindihan. Ayaw ni lolo sa'yo dahil hindi ka nababagay sa mundo ko. Napakalaki ng pinagkaiba natin at iyon ang hindi niya matatanggap."

"Bakit ano bang pinagkaiba natin bukod sa may pera ka? Mayaman ka lang iyon lang ang pinagkaiba mo sa akin."

"Gian please kahit ano pang gawin mo hindi ka niya matatanggap."

"At dahil ayaw niya ayaw mo rin? Kapag yumaman ba ako mapapabilang na ako sa mundong ginagalawan mo gano'n ba 'yon?"

Hindi siya makasagot dahil kahit saang anggulo tingnan iyon lang ang tanging dahilan.

"Sumagot ka! Kapag pumantay ba ako sa yaman mo mapapasaakin ka na!"

"Oo! Iyon ang gusto ni lolo."

"At ikaw ano ang gusto mo? Hindi ba gano'n ka rin naman? Ayaw mo sa akin dahil ayaw ng magaling mong lolo bakit ha Ellah pera ba ang sukatan ng pag-ibig mo? Pera ba!"

Nagtagis ang kanyang mga ngipin at tumayo.

"Kung 'yon ang tingin mo sa akin nagsasayang lang ako ng panahong sumama sa' yo." Humakbang siya ngunit hinablot ni Gian ang pulso niya.

"Ellah!"

"Tumigil ka Gian! Kahit kailan hindi ka mabibilang sa mundo ko kahit maligo ka pa ng pera mo!" Dinuro niya ito sabay waksi ng pulso.

"Ellah please!"

Natigilan sila nang makarinig nang tila mga nagsidatingang sasakyan.

Sinilip ni Gian sa bintana ang ingay na nagmumula sa labas.

"Fuck!"

"Bakit?"

Sinilip niya rin at nagimbal sa nakita.

"Aalis na ako, maiwan na kita! " tarantang wika niya at lalabas na na nang hablutin ni Gian ang kamay niya.

"Hindi ka aalis."

"Hindi mo kilala si lolo, nagagawa niya ang lahat ng gugustuhin niya!"

"Hindi ako natatakot."

Ilang sandali pa ay may malalakas na katok sa pinto silang narinig.

Hawak nito ang kamay niyang binuksan nito ang pinto.

Bumungad ang tatlong bodyguards niya.

"Ms. Umuwi na tayo hinahanap na kayo ni don Jaime."

"Hindi ba sinabi kong susunod ako?"

"Kapag hindi kayo sasama mapipilitan kaming magdala ng pulis dito at pinasasampahan ng inyong lolo ng kidnapping ang lalaking 'yan," duro nito kay Gian.

Tumigas ang kanyang anyo at malakas na iwinaksi ang kamay ng binata dahilan kaya nabitiwan siya nito.

"Sasama ako sa inyo. Huwag niyo na siyang galawin," matigas niyang utos sa mga ito.

"Ellah!"

Humakbang siya palabas at hindi pinakinggan ang binata.

"Ellah..."

Sumunod si Gian sa kanya subalit hinarangan ng kanyang gwardya.

"Huwag kang gumawa ng masama kung ayaw mong humimas ng rehas!"

Iglap lang sinuntok ito at tinadyakan ni Gian kaya napaatras.

"Ang yabang mo ah!" singhal ng isa pang gwardya.

Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nakaumang ang dulo ng baril ng isa pang gwardya sa sintido ni Gian subalit hindi man lang natinag ang binata.

"Tama na 'yan!"

Hinarap niya ang binata.

"Gian hindi lahat ng pangarap ay natutupad. Hindi lahat ng gusto ay nakukuha."

"Hindi kita gusto mahal kita."

Hindi na siya kumibo at lumabas na.

"Ellah!" Sumunod si Gian.

Tumigil siya ngunit hindi humarap.

"Isang hakbang mo pa, kakasuhan kita."

Hindi na nga ito sumunod hanggang sa makapasok siya sa kotse at tuluyang nilisan ang lugar.

Nanghihinang napaupo si Gian sa sahig ng tinitirhan.

Akala niya kapag nagkausap sila ng dalaga ay babalik na ito sa kanya subalit iyon ang akala niya.

Pinili niyang ipagpalit ang trabaho para sa kapakanan at kaligtasan ni Ellah subalit ngayon wala na pala siyang pinoprotektahan.

Nasayang ang lahat ng kanyang pinaghirapan.

Malaki ang tsansa na matanggal siya sa trabaho ngunit binalewala niya alang-alang sa dalaga. Subalit nagkamali siya ng pinili, ang resulta nawala sa kanya ang dalawa.

Ang misyon at si Ellah!

Kaya may nabuo siyang isang pasya!

Hindi siya papayag na dahil lang sa mababa ang kanyang estado ay hindi na siya babagay sa apo ng isang don Jaime Lopez.

Bubulabugin niya ang mga ito.

---

LOPEZ MANSION...

"Don Jaime! Lumabas ka diyan!"

Nagsisigaw ang binata sa labas ng gate.

"Sir, ano ba ang ginagawa ninyo?" sinita siya ng head security ng mansion.

"Huwag kayong makialam!"

"Dakpin 'yan at ilayo!"

"Opo!" Nagsilapitan ang mga inutusan.

"Subukan niyo! Subukan niyo lang!" Nagbabanta ang tinig ng binata habang nagtatagis ang mga ngipin at nagliliyab ang mga mata sa tindi ng galit at hinanakit.

Napaatras ang mga ito. Muli niyang binalingan ang gate ng mansion.

"Don Jaime! Alam kong alam mo ng may relasyon kami ng apo ninyo! Don Jaime! Nakuha ko ang nag-iisa ninyong kayamanan! Lumabas ka diyan! Hindi mo ako basta maitatapon, marami akong hawak na alas!"

Subalit nanatiling walang lumalabas alin man sa dalawa.

"Don Jaime! Lumabas ka diyan!"

kinalampag ni Gian ang gate.

"Ellah alam ko nakikinig ka, mahal kita! Alam mo 'yan! At alam ko mahal mo rin ako! Lumabas ka diyan!"

Nanatiling walang lumalabas.

"Don Jaime! Alam kong nakita mo ang mga ebidensiyang magpapatunay na may relasyon kami ng apo ninyo! Tama 'yan matibay 'yan!"

Nanatiling walang lumalabas.

"Don Jaime lumabas ka diyan harapin mo ako, natatakot ka ba sa akin? Alam ko na ngayon kung sino ang nagpakalat sa medya noon, at alam ko rin kung sino ang nagpadala sa inyo ng larawan. Pero huwag kayong mag-alala dahil hindi na 'yan makakalabas sa medya. Pinigilan ko na at ginawaan ng paraan. Don Jaime! Kailangan mo pa ako, marami pa akong maitutulong sa' yo! Hindi mo ako basta-basta maitatapon!"

Hindi na huminto ang binata sa kasisigaw.

"Don Jaime! Kailangan niyo pa ako, marami akong hawak na alas kaya lumabas ka!"

Wala pa ring lumalabas.

Humulagpos ang pagtitimpi ng binata.

"Lumabas kayo diyan mga putang ina niyo! Lumabas kayo!"

Halos gibain na niya ang gate habang sumisigaw ng matindi.

Ilang sandali, pa lumabas ang matanda.

Napangiti ang binata. Sa kabila ng galit at hinanakit ay hindi niya mapigilang matuwa sa nakikita.

"Don Jaime, natutuwa ako at nakakalakad na kayo. "

"Ilayo 'yan!"

"Don Jaime, alam kong galit kayo sa akin, dahil sumama sa akin ang apo ninyo, mahal ko siya at hindi ko siya magagawang saktan. Hayaan niyo na kami don Jaime!"

"Dakpin 'yan!" malakas na sigaw ng matanda.

Mabilis siyang hinawakan ng mga ito sa balikat.

"Bitiwan niyo ako! Don Jaime, tandaan ninyo hawak ko ang inyong apo! Ellah, lumabas ka diyan!"

"Ano pang hinihintay ninyo!" malakas na sigaw ng don.

"Ellah! Naalala mo ang sinabi ng matatanda noon. Magtiwala tayo sa pag-ibig natin! Mahal kita alam mo 'yan! Magtiwala ka sana sa pag-ibig ko sa'yo! Nagtitiwala ako sa pag-ibig mo Ellah! Iyan na lang ang pinanghahawakan ko lumabas ka! Ellah!"

"Ilayo ang lalaking 'yan!" dinuro ni don Jaime ang binata.

"Pasensiya na ho sir!" mahigpit siyang hinawakan sa magkabilang braso.

"Ano ba! Bitiwan niyo ako!"

Malakas niyang iwinaksi ang mga humahawak sa kanya at lumuhod sa harapan ng gate.

Alam niyang walang pag-asa na magpapakita pa ito gano'n pa man umaasa pa rin siyang maaawa ito sa kanya.

"Ellah! Kahit ngayon lang ipaglaban mo naman ako, " bumaba na ang boses ng binata tanda ng pagpigil ng mga luhang kanina pa gusto maglaglagan mula sa kanyang mga mata.

Muli siyang hinawakan ng mga tauhan ng don ngunit muli niyang iwinaksi.

Nanatili siyang nakaluhod hanggang sa lumipas ang ilang minuto, walang Ellah na nagpakita.

Naipikit ng binata ang mga mata tanda ng pagkabigo!

Hinayaan niyang dalhin siya ng mga tauhan ng don at itapon.

" GIAN! "

Tumakbo ang dalaga palapit sa kanya.

Nabuhayan ng loob ang binata

"Bitiwan niyo ako!" malakas niyang hiniklas ang mga braso kaya nakawala siya.

"Ellah!"

Mabilis na binuksan ng dalaga ang gate at nakapasok siya.

"Gian!" niyakap siya ng dalaga.

At kitang-kita 'yon ng matanda.

Kaya lalong nagdilim ang mukha ng don.

Niyakap niya rin ito.

"Dalhin niyo si Ellah pabalik sa kwarto niya!"

Hinawakan ng apat na gwardya ang dalaga at pilit itong inilalayo sa kanya. Akmang pipigilan niya ngunit mabilis siyang hinarangan ng mga tauhan.

"Bitiwan niyo ako!" Nagwawala na si Ellah subalit hindi sapat para makawala ang dalaga.

"Gian! Umalis ka na pakiusap! Mapapahamak ka!"

"Hindi ako aalis dito hanggat hindi ka bumabalik sa akin! "

Tuluyan na itong inilayo sa kanya.

" Ellah!"

"Gian please! Umalis ka na! "

"Ellah! "

Kinaladkad ng mga gwardya ang dalaga papasok sa mansion kaya hindi na niya ito nakikita.

Sinubukan niyang sundan ito ngunit mahigpit siyang pinigilan ng mga tauhan ng don.

"Matigas ang ulo mong lalaki ka! Gulpihin 'yan!" matatag na utos ng don.

Pinalibutan siya ng sampung lalaki. Alam niyang kaya niyang patumbahin ang mga ito ngunit walang ginawa ang binata kundi tanggapin ang lahat ng mga suntok, tadyak at sipa ng mga tauhan ni don Jaime.

Tatanggapin niya lahat ng gustong gawin ng nag-iisang pamilya ng mahal niya.

Masakit ang mga sipa, suntok at tadyak ng mga ito ngunit mas masakit pa rin ang damdamin niya.

Kung sana sa pamamagitan nito ay hindi na niya mamahalin si Ellah.

"Aggghhh!" tanging daing niya hanggang unti-unting napaluhod sa tindi ng sakit.

Nakatihaya at duguan si Gian ng iwanan siya ng mga nang gulpi sa kanya.

Halos hindi na niya maikurap ang mga mata sa tindi ng bugbog na inabot ngunit sinikap niyang tumayo. Hindi siya mabibigong hindi man lang nakakatayo!

Nang biglang bumunot ng baril ang kanang kamay nitong si Alex.

Nakatayo na siya at kitang-kita niya ang baril na nakatutok sa kanya.

"Patayin mo ang lalaking 'yan!"

Nagimbal si Gian dahil si don Jaime mismo ang nag-utos.

"D-don Jaime patawad, " mahinang sambit ni Gian.

Marahil ito na ang kanyang katapusan ngunit hindi siya nagsisisi na ibigay ang buhay para sa dalaga!

Hindi man siya ang pinili nito, ito naman ang pinili niya.

Ipinikit niya ang mga mata, kung mamamatay siya sa kamay ng taong bumuhay sa kanya noon ay tatanggapin niya ng maluwag.

"Huwagggggggg!" sigaw ni Ellah.

Iminulat niya ang mga mata at nakitang tumatakbo si Ellah papunta sa kanya.

"Ellah!"

Pumutok ang baril!

Mabilis ang mga pangyayari.

"Agggghhh!"

Bumagsak siya sa kandungan ng dalaga.

---

CIUDAD MEDICAL...

Isinugod ng hospital si Gian sa tulong ng iba pang gwardya at katulong sa mansyon.

Agad namang inasikaso ng naturang ospital ang binata.

"Gian kaya mo 'yan! Kaya mo 'yan!" Nakasunod siya habang tumatakbo at hawak ang stretcher nito.

"Ma'am sir hanggang dito na lang ho kayo!" wika ng nurse at isinara ang pinto na pinagdalhan ng binata.

Kitang-kita niya ang mabagal na pagsara ng pintuan. Na para bang isinara din ang kanyang pag-asa.

Dinala ang binata sa loob ng operating room!

At sa loob ng silid na 'yon nakasalalay ang buhay ng taong iniwan niya.

Tinawagan niya si Vince.

" Ms. Ellah? "

Pinigilan niya ang maiyak bago nagsalita.

"Vince, si Gian nabaril isinugod namin sa ospital."

"ANO! PUTANG INA!"

Saglit lang naririnig niyang tila tumatakbo ito.

"Boss, pwede bang hindi muna ako sasama ngayon nabaril ang kapatid ko."

"Sige Ace, kami na lang muna."

Nagtataka na siya kung bakit ibang pangalan ang binanggit ng kausap at bakit sinabi nitong kapatid  si Gian gayong hindi naman.

"Ms. Ellah, papunta na ako diyan!"

"Maraming salamat Vince."

Huminga ng malalim ang dalaga.

Kailangan niyang magpakatatag ngayon dahil kasalanan niya!

"Ms. Ellah!"

"Jen!" Mahigpit niyang niyakap ang babae na kararating lang.

"Ano pong nangyari? Tinawagan ako ni Bryan kaya ako napasugod dito."

Hinahaplos ni Jen ang kanyang likod.

"Binaril ni Alex si Gian. "

"Napakalupit ni don Jaime!"

Muli na namang napaiyak ang dalaga.

Matagal siyang niyayakap ng kanyang sekretarya.

Nang mahimas-masan ay kumalas siya dito.

"Jen, nasa operating room si Gian ngayon. "

"Magdasal tayo Ms. Ellah, " dinala siya ni Jen sa isang chapel sa loob ng ospital.

Nakatingala ang dalaga sa larawan ng Panginoon.

Umupo sila at taimtim na nanalangin.

'Diyos ko! Patawarin po ninyo ako! Pangako kapag nakaligtas si Gian sa kapahamakan hinding-hindi ko na siya tatalikuran.

Diyos ko! Maawa po kayo sa amin! Parang-awa niyo na po! Iligtas ninyo ang mahal ko!'

Muli na namang napaiyak ang dalaga.

Naramdaman niya ang paghaplos ni Jen sa kanyang likuran.

Ilang sandali pa binalingan niya ang babae.

"Jen, salamat sa pagpunta mo. "

"Ms. Ellah, kahit minsan hindi ninyo ako pinabayaan, kayo ang nagsilbing inspirasyon ko sa trabaho kayo ang kumupkop sa akin mula ng tanggapin niyo ako sa inyong kumpanya. Kaya nararapat lang na tumanaw ako ng utang na loob. Hindi ko po kayo pababayaan. "

"Salamat. "

Ang sekretarya lang ang tanging naging kaibigan niya mula noon hanggang ngayon.

Ito lang din ang tanging inaasahan niya sa lahat ng panahon.

Maya-maya pa muli silang bumalik sa ospital.

"Ms. Ellah!"

Napalingon sila kay Vince na humahangos habang papalapit sa kanila.

"Anong nangyari? Nasaan ang kaibigan ko?"

"Nasa operating room siya. Binaril ni Alex si Gian. Kasalanan ko itong lahat."

Muli siyang napaluha.

Lumabas ang doktor.

"Sino sa inyo ang pwedeng magdonate ng dugo? Kulang ng dugo ang pasyente."

Sumagot si Vince. "Ako ho dok. Parehas kami ng blood type ng pasyente. "

"Sige, sumama ka sa akin. "

"Vince, salamat, " wika ng dalaga.

"Nakahanda akong gawin ang lahat para sa kaibigan ko Ms. Ellah kahit buhay ko pa ang kapalit. "

Muli na namang napaluha ang dalaga.

"Ms. Ellah, magpakatatag kayo, makakaya 'yan ni sir Gian!" ani Vince na kahit paano ay nakatulong upang mapanatag siya.

Lumilipas ang mga oras at halos hindi na rin humihinga ang dalaga.

Sa buong buhay niya ngayon lang siya nakaramdam ng ganitong klaseng takot.

"Kapag hindi nakaligtas si Gian, hindi ko mapapatawad si lolo!"

"Ms. Ellah, huwag niyo pong sabihin 'yan. "

"Ang lupit ni don Jaime Jen!"

Niyakap siya ng babae. Walang emosyong nakatitig lang siya sa kawalan.

Nakatulog ang dalaga, sa tindi ng pagod at pag-iyak.

Nagising lang nang may tila yumuyogyog sa kanyang balikat.

"Ms. Ellah!"

Napabalikwas siya ng bangon mula sa pagkakahiga sa upuan.

"Bakit Jen anong nangyari?"

"Si sir Gian! Si sir Gian!"

Napahagulgol ang dalaga.

"H-hindi ba siya nakaligtas?"

"Ms. Ellah tumayo kayo diyan, si sir Gian ho ay ligtas na!"

Mabilis na tumayo ang dalaga at niyakap ng mahigpit ang babae.

"Oh my God!"

"Yes Ms. ligtas na po si sir Gian, pero hindi pa siya pwede dalawin sa ngayon. "

"Hindi bale Jen, ang mahalaga ligtas si Gian! Ligtas siya!"

"Ms. Ellah, dininig po ang dasal ninyo!"

"Napakabuti ng nasa itaas Jen, " nangingiting naluluha ang dalaga.

"Tama po kayo Ms. Ellah. "

Maya-maya  dumating si Vince kasama ang apat na gwardya.

"Ms. Ellah, buhay na ang kaibigan ko!"

Bigla niya itong kinabig at niyakap.

Natigilan saglit si Vince ngunit agad ding nakabawi.

"Maraming salamat Vince, maraming salamat."

Wala ng mas isasaya pa sa nararamdaman ng dalaga!

Umupo si Vince sa kanyang tabi.

"Sabi ko sa'yo Ms. Ellah, matibay ang kaibigan kong 'yon, buti na lang paltik ang bala. "

"Hindi po 'yon paltik sir! High-tech po ang mga gamit ni don Jaime" sagot ng head ng gwardya habang katabi ni Vince.

Tinitigan ito ng masama ni Vince.

"Pasensiya na po. "

"Tama siya Ms. Ellah, ang tingin ko kay Gian ay hindi na makakaligtas. Pero nabuhay siya sa pangalawang pagkakataon. Sasabihin ko ito sa'yo Ms. Ellah, si don Jaime ang sumagip noon kay Gian gamit ang perang ibinigay niya noong niligtas niya ako at nag-agaw buhay siya. Pero ngayon, si don Jaime din ang bumawi at naging dahilan ng pag-aagaw buhay ng kaibigan ko!"

Napalunok ang dalaga dahil sa nakikitang poot sa mga mata ni Vince.

"Pero huwag kang mag-alala, dahil buhay naman si Gian, palalampasin ko ang ginawa ng magaling mong lolo!"

"Pasensiya ka na Vince, hindi ko rin mapapatawad si lolo ko kung sakaling may nangyaring masama kay Gian. "

"Ms. Ellah, pasensiya ka na rin, nadala lang ako, malaki kasi ang utang na loob ko sa isang 'yon kaya nakahanda akong gawin ang kahit ano para sa kanya. "

"Vince, ngayon lang ako nakakita ng kaibigan na gaya mo. "

"Ngayon ko lang din nakita ang matinding pagmamahal ng kaibigan ko sa isang babae at sa'yo 'yon Ms. Ellah. "

"Napakabuti mo Vince. "

Natahimik ang lalaki.

"Nagpapasalamat ako ng husto dahil sa kabila ng lahat tinutulungan mo pa rin ako kahit ako ang dahilan ng muntik ng pagkasawi ng kaibigan mo."

Nagsimula na namang tumulo ang kanyang mga luha.

"Iginagalang ko at nirerespeto ang babaeng mahal ng kaibigan ko. Hindi kita magawang talikuran dahil alam kong magagalit siya kapag ginawa ko 'yon. Ito lang ang tanging magagawa kong tulong para sa'yo Ms. Ellah, ang alagaan ka at hindi pababayaan."

Napayuko ang dalaga. Nilapitan siya ng anim at niyakap ng mahigpit.

Ang sabi nga ni Gian, kakayanin nila gaano man kalupit ang darating na sakit!