Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 314 - Red ink

Chapter 314 - Red ink

SA LABAS ng isang italian restaurant sa Makati, kumakain ang tatlong babae. Nagtungo kasi si Night, Elijah at Eros upang makipagkita sa isang Warlock na maaaring makatulong kung saan matatagpuan ang nawawalang bangkay ni Louisse Gibbon.

"Do you think makikita na nila ang devils heart?" tanong niya sa dalawa habang humihigop ng mango shake.

"Well, according to Eros, that Warlock was one of the loyal apprentice of his father. Maaring may alam ito kung saan makikita ang puntod ng great grandfather ng mga Gibbon," sagot ni Devorah.

"Hopefully makita na nila. Ang sabi ni Elijah, malaki ang possibility na nasa Pilipinas lang ang bangkay ni Louisse Gibbon," dugtong ni Miyu.

"Anyway, wag muna trabaho ang pag-usapan natin, " humarap si Miyu sa sa kanya, "How was your trimester period Lexi? Next month na ang kabuwanan mo diba?"

Hindi niya maitago ang excitement sa ngiti at hinimas ang tiyan, "Yes, so far, okay naman ang lahat, hopefully maging safe ang delivery ko Hindi na kami makapag-antay ni Night na lumabas ang little angel namin."

Impit na tumili si Miyu, "Oh my gosh! I also can't wait! Excited na akong ipag-shopping si baby! Sana girl para masarap bihisan."

Gusto kasi nila ni Night na maging surprise ang gender ng anak nila kaya 'di na sila nagpa-ultrasound.

"Kahit ano ang ibigay ni God, isang malaking blessings na sa amin ang batang ito."

"Hay, ang bilis naman ng panahon, dati nag-aaway lang kayo ni Night na parang aso't pusa. Ngayon, parents na kayo!" natatawang sabi ni Devorah.

"Aso't pusa pa rin naman sila ngayon ah, may nagbago ba?" komento ni Miyu na nasundan ng halakhak. Nagtawanan sila dahil totoo naman ang sinabi nito.

"May naisip na ba kayong pangalan?" tanong ni Devorah sabay subo ng pasta.

Saglit na nag-isip si Lexine habang patuloy sa paghimas ng kanyang tiyan.

"Well… kung lalaki ang gusto ni Night, Alexander."

Sabay na tumungo ang dalawa, "That's a good name, Alexine, Alexis and Alexander!" pumalakpak si Miyu sa tuwa.

"Eh kung babae?" tanong ulit ni Dev.

Napakibot ang labi niya, "Ang gusto ni Night, Alexa… pero parang iba naman ang naiisip ko…"

"Ano?" sabay na tanong ng dalawa.

"Hmm, I'm thinking… how about, Ayesha?"

"Ayesha…" ulit ni Miyu, "That's a beautiful name. Saka unique pakingan."

Napangiti si Lexine at patuloy na hinimas ang tiyan. She can't wait for their little angel.

Matapos kumain ay naglakad-lakad sila sa park para mamasyal nang may natanaw sila isang baliw na matandang lalaki na nakatayo sa tapat ng fountain. Madungis ito, sira-sira ang damit at nagsisigaw habang tinatakot ang mga taong dumadaan.

"MAGSISI NA KAYO SA MGA KASALANAN NIYO! MAGDUSA NA KAYO SA MGA PAGKAKAMALI NIYO! MALAPIT NA! MALAPIT NA...."

Napakunot ang noo ni Lexine. Ano ang sinasabi nito?

"Anu ba yan, wala bang mga pulis dito bakit hinahayaan nila na may baliw na pakalat-kalat sa park?" naiiritang sabi ni Miyu.

"MALAPIT NA... MALAPIT NA ANG KATAPUSAN NG SANLIBUTAN!!! PARATING NA ANG PINAKAMALAKING UNOS NA SISIRA SA BUONG MUNDO!!! MATITIKMAN NATING LAHAT ANG GALIT NIYA!!! HUMANDA KAYO!!! PARATING NA ANG ATING KATAPUSAN!!!"

May mga grupo ng college student ang kumukuha ng video at pino-post ng live sa facebook habang nagtatawanan ang mga ito.

Nagpatuloy sa paglalakad ang tatlo hanggang sa makadaan sila sa harapan ng matanda. Nagtama ang mata nila ni Lexine. Bigla itong napatulala sa kanya, nanginginig ang mukha nito at bumaba ang tingin sa kanyang tiyan. Nanlaki ng husto ang mata ng matanda habang nanginginig sa takot. Tinuro nito ang kanyang tiyan.

"HALIMAW!!! ISANG HALIMAW ANG NASA SINAPUPUNAN MO!!! ISANG MALAKING KASALANAN ANG BATANG IYAN!!! HALIMAW!!! HALIMAW ANG BATANG IYAN!!!"

Nagilalas si Lexine sa mga narinig at napaatras sa takot. Tumaas ang mga balahibo niya sa katawan at nanlamig ang buong pakiramdam. Ano ang ibig nitong sabihin na halimaw ang anak niya?

Mabilis na humarang si Miyu at Devorah para takpan siya.

"Hoy! Baliw! Tumigil ka kundi malilintikan ka sa akin!" pinandilatan ng mata ni Miyu ang matanda at dinuro ito.

"HALIMAW! HALIMAW! HALIMAW!" patuloy ito sa pagsigaw at pagtuturo sa tiyan niya.

"Tara na Lexine, let's go!" hinatak na siya ni Devorah palayo at masama naman ang titig ni Miyu sa matanda.

"HALIMAW!!!! ISANG HALIMAW ANG BATANG YAN!!! KATAPUSAN NA NATING LAHAT!!!"

Nanatili itong nagsisigaw at hindi maganda ang naiwan kay Lexine dahil sa mga salita nito. Kahit nakalayo na sila ay hindi ito bumibitaw ng tingin sa kanya at paulit-ulit na bumubulong at kinakausap ang sarili.

***

KASALUKUYANG nakatayo ang isang Elder na si Hadeo sa harapan ng malaking aklat habang binabasa ang mga bagong pangalan ng uusbong sa mundo. Ang aklat ng buhay ay nahahati sa dalawa. Ang unang aklat ay naglalalaman ng listahan ng mga pumanaw na kaluluwa, at ang pangalawang aklat naman ay naglalaman ng listahan ng mga ipapanganak pa lang.

Nasa pangangalaga nila ang pinakamahalagang libro sa buong mundo at pinaka-ingatan ito sa matagal na panahon. Sa gitna ng malaking bulwagan sa loob ng Bones Castle matatagpuan ang nakalutang na gintong aklat habang isang puting liwanag mula sa itaas ang nakatutok dito.

Nilipat niya ang susunod na pahina. Mula sa blangkong papel, isa-isang gumuhit at nagliwanag ang mga pangalan ng sangol na ipapanganak sa mga susunod na araw. Matapos magliwanag ay nagmamarka ito ng itim na tinta.

Ngunit isang partikular na pangalan ang nangibabaw sa kanyang mga mata. Imbis na itim na tinta, ang nagmarka ay kulay pula.

Nanlaki ng husto ang mata ni Hadeo. Kailanman ay hindi nangyari ang bagay na ito. Pulang tinta. Isa lang ang ibig sabihin ng pulang tinta.

Humahangos na lumabas siya ng bulwagan at pinuntahan ang iba pang mga Elders na kasalukyang nagpupulong-pulong sa isang silid.

"Mga kapatid!"

Sabay-sabay na nagulat ang anim na Elders na nakaupo sa pabilog na lamesa sa biglang pagdating ni Hadeo. Namumutla ang buong mukha nito at nanlalaki ang mga mata. Takot na takot ito.

Napatayo si Kreios, "Ano'ng nangyari Hadeo?"

Balisa ang lalaki habang nagpabalik-balik ang tingin sa mga kapatid.

"A-ang a-aklat ng b-buhay," nanginginig ang labi nito.

Napakunot ang noo ng bawat isa.

"Bakit? May nangyari ba sa aklat ng buhay?" tanong ni Jhudielle.

Napalunok ng madiin si Hadeo bago ito sumagot, "Nasira ang balanse ng mundo. Ipapanganak ang isang ipinagbawal."

Sabay-sabay na napasinghap ang bawat isa at mababakas ang matinding takot sa kanilang mukha.

"Nagbunga ng isang anak ang anghel at demonyo. Hindi ito maaari," nababahalang turan ni Hadeo na para bang malapit na itong mahimatay sa labis na takot.

"Siguradong mapapahamak ang buong mundo sa sandaling ipanganak ang batang iyon!" hindi mapakali na sigaw ni Athena.

"Ano ang gagawin natin?"

"Paano nangyari ito? Hindi maaring magka-anak ang isang anghel at isinumpang demonyo. Isa itong malaking kasalanan!"

"Katapusan na natin lahat."

Dumilim ang mata ni Kreios at isang maitim na aura ang pumalibot sa kanya. Sa kabila na kaguluhan at pagkataranta ng kanyang mga kapatid ay lihim naman na tumaas ang sulok ng bibig niya.

"Humanda kayo. Aakyat tayo sa mundo ng mga tao. Kailangan makita ko ang bata."

Sa isang madilim na sulok ay lihim na nagmamasid si Abitto. Agad siyang nabahala sa mga narinig. Kailangan niyang bigyan ng babala ang Nephilim at Tagasundo. Nagmadali siyang umalis sa bulwagan.