Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 293 - Revenge

Chapter 293 - Revenge

NAGMULAT ang mata ni Miguel sa hindi pamilyar na lugar. Masakit ang ulo niya at nahihilo siya. Mula sa blurry na vision ay unti-unting nagkalinaw ang paningin niya. Doon niya lang napagtanto na wala na siyang bandage sa mata. Teka, bakit wala siya sa hospital?

Pinagmasdan niya ang paligid, madilim pero malaki ang kwarto at mukhang mamahalin ang mga muwebles sa paligid. Mataas at malaki ang bintana sa likuran gitna habang nakahawi ang higanteng kurtina nito at natatanaw ang maliwanag na buwan sa itim na langit.

May fireplace sa kaliwang bahagi ng silid at victorian na sofa. Dahan-dahan siyang bumangon mula sa malambot at malaking kama at naglakad lakad sa malaking silid.

'Nasaan ako?'

Ang huling naaalala niya ay may kausap siyang nurse nang turukan siya nito ng syringe sa leeg. Hindi kaya nakidnap siya? Pero sino ang may kagagawan nito?

Nasagot din ang katanungan sa isip niya nang makarinig siya ng mabibigat na yabag. Bumukas ang pinto at niluwa nito ang isang maliit na babae na may kulay silver na buhok, nakatirintas iyon, habang itim ang suot nitong trench coat na hanggang lagpas tuhod. Diretsong nakatitig sa kanya ang charcoal gray nitong mga mata at kasing tigas ng yelo ang mukha na tila 'di nagtataglay ng kahit anong reaksyon.

"Magandang gabi Captain Miguel," maliit ang boses nito ngunit makapagtindig balahibo.

"Ikaw…" kumunot ang noo ni Miguel. Nakilala niya ang boses nito, ito ang nurse na huli niyang nakausap, "Ano'ng ginagawa ko dito? Ano'ng kailangan mo sa'kin?" galit niyang singhal.

"Hindi ako ang may kailangan sa'yo kundi ang aking Panginoon."

"Panginoon?"

Sumunod na pumasok ang isang matangkad at matikas na lalaki. Naningkit ang mata ni Miguel nang mapagmasdan ang mukha nito, "Night?"

Pero nang makita niya ang blonde nitong buhok at mas matigas na features ng mukha ay napagtanto niyang ibang tao ang kaharap niya subalit hindi maipagkakaila ang malaking pagkakahawig nila.

"S-sino ka?"

Huminto si Lucas sa tapat ni Miguel habang nakapamulsa ang mga kamay. Kung matigas ang mukha ni Winter ay mas malamig ang mga mata ni Lucas. Hindi pa man ito nagsasalita pero sa pamamagitan ng titig ay sapat na para magsitayuan ang lahat ng balahibo ni Miguel sa katawan.

Napalunok siya nang madiin. Sa 'di maipaliwananag ay nakakaramdam siya ng matinding takot. Unang tingin pa lang ay alam na niyang hindi ordinaryo ang kaharap niya at isang maling kilos ay maari siyang mapahamak.

Ngayon lang siya naka experience ng ganito. Marami na siyang digmaan at gyera na pinagdaanan pero kahit kailan ay hindi kumabog ng ganito kabilis ang dibdib niya.

"Ang pangalan ko ay Lucas."

Mas dumoble ang kaba ni Miguel nang marinig ang baritono nitong boses.

"A-anong kailangan mo sa akin?"

Bahagyang tumaas ang sulok ng bibig ni Lucas, "Hindi na ako magpapaliguy-liguy pa. Gusto mo bang makaganti kay Night?"

Dumilim ang mata ni Miguel nang marinig ang pangalan ng lalaking kinamumuhian niya. Tinignan niya ang nanginginig na kamay na may balot pa ng benda. Muling sumagi sa isip niya kung paano siya nito tinorture. Tila pumainlanglang ulit sa tenga niya ang masakit niyang paghiyaw nang tangalin nito ang kuko niya at halos dukutin ang kanyang mata. Naaninag ni Miguel ang repleksyon ng mukha sa metal na vase nasa gilid. Namamaga ang mga mata niya, at halos hindi na niya makilala ang sarili sa labis na bugbog na natamo. Matinding galit ang sumiklab sa dibdib niya dahil sa ginawa nito sa kanya.

"Si Alexine ang kahinaan ni Night, sa oras na makuha mo si Alexine, makakaganti ka na sa kanya."

Nilingon niya muli si Lucas, "Ipinapangako ko na mapupunta sa kamay mo si Alexine basta't ibibigay mo sa akin kung ano ang gusto ko."

Dapat ay hindi naniniwala si Miguel sa isang tao na unang beses niya lang nakita. Pero may kung ano sa mga mata nito ang tila umuudyok sa kanyang makipag-kaisa.

Pumasok sa isip niya ang magandang mukha ni Lexine. Ang mga ngiti nito, mga simpleng sulyap nito, ang pakiramdam ng labi nito. Mga bagay na gusto niyang mapasakanya habang buhay.

Hindi makabubuti ang isang halimaw kay Lexine. Kailangan niya itong iligtas sa kamay ng isang demonyo. Gagawin niya ang lahat para makuha ito, para mahalin siya nito.

Sinalubong niya ang kulay tsokolateng mga mata ni Lucas, "Ano'ng kailangan kong gawin?"

Isang nakakakilabot na ngiti ang sumilay sa labi ng hari ng kadiliman.