Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 269 - Smile

Chapter 269 - Smile

NAKA-ISANG hilera si Camille, Emily at Katya habang tila mga kiti-kiti sa sobrang kilig. Mas makinang pa sa mga bituin ang kanilang mga mata habang buong hanga na pinagmamasdan ang napakakisig na lalaki sa kanilang harapan. Sa isip-isip nila ay tila nakatingin sila sa isang drawing dahil literal na napakaperpekto ng mukha nito na parang hindi na tao.

"Sir Night, taga saan po kayo?" tanong ni Camille habang nagbi-beautiful eyes.

"Paris," tipid na sagot ng binata.

Napasinghap ang tatlo, "Wow! The most romantic city in the world!"

"Ang tangkad niyo sir, ano'ng height niyo?" tanong naman ni Katya.

"6'1"

"Eh size ng sapatos mo sir?" tanong ni Emily.

"13."

Sabay-sabay na suminghap ng malakas ang tatlong babae na may nanlalaking mga mata. Bumaba ang tingin nila sa sapatos ni Night paakyat sa tuhod nito paaakyat sa….mukha nito.

"Ang laaaaaaki pala ng paa niyo sir!" kinikilig na sabi ni Camille.

"May girlfriend na kayo sir o asawa?" tanong ni Katya.

Tipid na ngumiti si Night, "I'm single."

Impit na nagtilian ang tatlo. Maging yung mga babae sa ibang cubicle ay nagbulungan na rin at nagdiwang dahil single ang binata.

"Ay ako rin sir single! Ako nga pala si Camille, but you can call me, baby, babe or bebe, anything you want," malanding nilahad ni Camille ang kamay at inabot naman iyon ni Night. Sa sobrang kilig nito pasimpleng inamoy pa nito ang palad na nahawakan ng binata.

"Ang bango!" bulong nito kay Katya na may tumitirik na mata.

"Ako naman po si Emily, may asawa ako sir pero parang gusto ko na siyang hiwalayan, hehe."

Hinawi ni Katya ang babae at pumunta sa harapan ni Night, "Ako po si Katya, 36-25-35! 09771289900, Unit 17B Magenta Condominium, Ayala Makati," dire-diretso na sabi nito, "Kung sakali lang na kailangan mo sir ng kausap o kaya ka kwentuhan. May netflix ako bahay pwedeng-pwede tayong mag-chill," anito na nang-aakit ang mga mata.

Napangisi na lang si Night sa kakulitan ng tatlong babae nang makarinig sila ng sunod-sunod na tikhim mula sa likuran.

Lumapit si Lexine na nakahalukipkip. Pasimpleng tinignan nito ang wristwatch, "Hindi pa lunchtime ah, bakit hindi kayo nagta-trabaho?" tumaas ang kilay niya.

Natatarantang kumilos ang tatlo, "S-sorry Ms. Lexine, ito na po babalik na kami," sabi ni Camille at mabilis pa sa alas-kwatro na bumalik sila sa kani-kanilang cubicle.

Mas lalo naman lumaki ang ngisi ni Night na tumingin kay Lexine. Masama naman ang tingin nito sa kanya at pinagtaasan siya ng kilay, "Pwede ba, wag mo ngang dini-distract yung mga empleyado kasi naabala mo sila sa trabaho."

Umismid si Night, "I'm just being friendly, wala naman masama makipagkilala."

Naningkit ang mata ni Lexine, "Your being extra friendly."

Lumapit si Night kay Lexine at binaba ang mukha sa kanya. Umatras naman si Lexine at umiwas. Inamoy siya ng binata, "Ano yang perfume mo?"

"E-eclat," sagot niya na naiilang.

"Parang iba ang naamoy ko."

Kumunot ang noo niya, "Ano?"

Ngumisi ng nakakaloko ang prinsipe ng dilim, "Amoy ng nagseselos."

"Ha! Me? Jealous? Excuse me 'di ako nagseselos. Feeling ka masyado!" inirapan niya si Night at naglakad palayo.

Sinundan naman siya nito na 'di pa rin maalis-alis ang ngiti sa labi.

***

ABALA ang lahat sa loob ng office. Kani-kanilang tingin sa mga laptop.

"Oh, tanghali na late ata si Cap?" sabi ni Devorah pagkapasok sa office na may dalang doughnuts at coffees.

Doon lang napansin ni Lexine ang oras, alas dyis na pero wala pa rin si Miguel. Nakakapagtaka dahil madalas na nauuna pa nga itong dumating sa headquarters kesa sa kanya.

"Baka may ginagawa," sagot niya sabay tingin sa kanyang cellphone. At para bang naririnig ng tadhana ang pinag-uusapan nila at biglang nag-ring ang kanyang phone. Pangalan ni Miguel ang nasa caller ID, "Oh, speaking…" sinagot ni Lexine ang tawag.

"Hello."

"Hi Lexine, male-late pala ako ngayon. I'm not sure if what time pa ako makakapunta ng headquarters," sabi ni Miguel sa kabilang linya.

"Bakit may nangyari ba?"

Mabigat itong bumuntonghinga, "I think napagtripan ako ng mga loko-lokong teenager dito sa village, all my wheels are flat, may gasgas din ang bumper ko. I need to bring my car sa Casa."

"Ah, okay, sige take your time," sagot niya.

Nagpaalam si Miguel at binaba na niya ang tawag.

"Oh bakit daw?" tanong ni Miyu na nasa sofa katabi si Elijah.

Nagkibit balikat si Lexine, "Na-flatan daw ng gulong."

Pero sa isang tabi ay lihim na nakikinig si Night at ngingisi-ngisi. Dahil siya ang may kagagawa ng nangyari sa sasakyan ni Miguel. Sa wakas at walang asungot! Ha!

Nagpatuloy sa normal na araw ang lahat. Busy sa kani-kanilang mga computer, cellphone, paper works at kung ano-ano pang trabaho na kailangan nilang tapusin.

Focus si Lexine na nakatingin sa laptop habang nagbabasa ng mga importanteng reports at emails. Sa kanilang lahat si Night lang ang walang magawa at nababagot habang nakaupo sa sofa na katapat ng desk ni Lexine at mainam na pinagmamasdan ang babae. Napakaganda ni Lexine lalo na kapag seryosos ito.

Tila naramdaman ni Lexine na may kanina pa nakatitig sa kanya kaya nagtaas siya ng tingin at mabilis naman na nag-iwas ng tingin si Night at kunwari ay busy sa nilalarong rubik cubes.

Naningkit ang mata ni Lexine at napailing. Muli niyang binalik ang tingin sa laptop. Pasimpleng tinignan ulit ni Night ang dalaga at di na naman niya mapigilan ang sumisilay na ngiti sa labi. Kahit pagmasdan niya lang ito ay masaya na siya.

Talagang naiilang si Lexine sa pakiramdam na may nakatitig sa kanya kaya muli siyang nagtaas ng tingin at mabilis naman na nag-iwas ulit si Night at binalik ang atensyon sa rubik cubes na hindi naman nito nabubuo. Umuusok na ang ilong niya at nahihirapang siyang makapag-concentrate sa ginagawa dahil sa isang asungot sa office.

Binalik niya ang tingin sa laptop, sinulyapan siya ulit ni Night. Pero this time ay mabilis na nag-angat ng tingin si Lexine at nahuli na niya ang mata ni Night.

Sa inis niya ay pinandilatan niya ito ng mata at tila sinasabing… "Ano ba? Bakit mo ako tinitignan!"

Ayaw niyang mag gawa ng ingay dahil busy ang lahat sa trabaho at ayaw niyang gumawa ng distraction.

Maang-maangan naman ang mukha ni Night na parang inosente at walang ginagawang masama.

Sa inis ni Lexine ay inirapan niya ito, kinuha ang laptop at nag-iba ng pwesto. Nagtungo siya sa pantry at doon na lang siya magta-trabaho… yung walang nakatingin na asungot.

Naiwan naman si Night na ngisi-ngisi sa sofa. He likes teasing her because she looks so cute.

Dumating ang lunch break at lumabas ang lahat para kumain pero nagpaiwan si Lexine dahil marami pa siyang tatapusin.

"Lexine, lunch lang kami, may gusto ka bang ipabili?" tanong ni Miyu.

"No, I'm good," sagot ni Lexine na nakasubsob pa rin sa harap ng laptop.

"Okay, we'll be back!"

Lumabas na ang lahat at naiwan lang si Lexine.

Matapos ang labinglimang minuto ay may lumapag na coffee at sandwich sa lamesa. Mula sa laptop ay napasulyap si Lexine sa pagkain at sa lalaking nakatayo sa harapan niya. Si Night.

"Eat," sabi nito at saka naglakad palayo.

Sinundan ni Lexine nang tingin ang likuran ng binata hanggang sa makalabas ito ng office.

Umiling siya, di pinansin ang pagkain at binalik ang tingin sa laptop pero ilang segundo pa lang ang nakalilipas at hindi niya rin natiis ang sarili. Kinuha niya ang sandwich at coffee. Sa gulat niya ay may nakadikit na sticky note sa coffee cup.

"Smile. Nakakapangit ang masyadong seryoso."

And right there… hindi na niya napigilan ang sumilay na ngiti sa labi.

Related Books

Popular novel hashtag