NABABAHALANG sumilip si Lexine mula sa pinagtataguang sasakyan, kailangan niyang matulungan si Cael. She need to distract the demon para makakuha nang pagkakataon si Cael na maka-atake dito. But how?
Tila narinig ng gintong singsing niya ang iniisip at bigla itong nag-init sa daliri niya. Nagliwanag ito.
Nagtatakang napatingin si Lexine, "Ano'ng nangyayari?"
Sa gulat ni Lexine, mula sa singsing niya, biglang may lumabas na mahaba at kurbadong gintong liwanag at mabilis itong nag-form sa isang 'bow'
"Oh my God!" napasinghap si Lexine. Napalunok si Lexine, kung may bow, nasaan ang arrow?
Animo may sariling isip ang mga kamay niya at alam kung ano ang susunod na hakbang. Tinuwid ni Lexine ang kaliwang kamay na may hawak sa bow habang ang malayang kamay naman niya'y kusang kumilos. Dumikit ito sa gitna ng bow o 'arrow rest' at may invisible na 'bow string' na hinila si Lexine. Magic na biglang lumabas ang arrow mula doon, na katulad ng bow ay umiilaw din.
"Holy shit!" hindi makapaniwalang bulalas ni Lexine, "Sobrang astig ng regalo ni Daniel!" para siyang batang nakakita ng panibagong laruan at na-excite siyang gamitin iyon.
"Okay, tignan natin kung gaano ka ka-astig," bulong niya na kinakausap ang singsing.
Buti na lang at noong mga nakaraan araw ay tinuruan siya ni Orgon, hindi lang sa combat kung hindi sa iba't ibang pag-gamit ng mga weapon. Isa ang archery sa mabilis niyang natutunan, na tila ba nasa dugo na niya ang skills. Higit na nakadagdag na may singsing na ipinagkaloob sa kanya si Daniel na tumutulong sa kanya.
Pasimpleng sumilip si Lexine, sinamantala niya na hindi nakatingin si Winter. Bahagya siyang nagtago sa gilid ng sasakyan at tinutok ang arrow head sa direksyon ng demonyita. Pinikit niya ang isang mata, dinikit ang dulo ng arrow sa kanyang pisngi at inasintado mabuti ang titirahin kalaban. Bumilang si Lexine nang tatlong beses at pinakawalan ang 'nock' o ang dulo ng arrow sa kanyang daliri.
Mabilis na lumipad ang arrow sa direksyon ni Winter, sumablay ang tira ni Lexine pero nadaplisan sa pisngi si Winter at sapat na iyon para ma-distract ang babae dahil mabilis itong napalingon sa gawi niya.
Nanlisik ang mata nito sabay naramdaman ang pag-guhit ng pulang dugo sa pisngi.
Sinamantala ni Cael ang pagkakataon at agad sinugod si Winter. Mabilis siyang lumipad patungo sa direksyon nito at hinanda ang espada.
"Aaaaaah!" hinumpas ni Cael ang espada sa braso ng demonyita at nabitawan ni Winter ang payong. Napaatras ito at tumulo ang dugo mula sa braso. Ang malamig nitong mukha ay nabahiran ng lukot sa unang pagkakataon dahil nasaktan ito sa malalim na sugat na binigay ni Cael.
Lumingon si Cael kay Lexine na nakasilip mula sa pinagtataguang sasakyan na agad namang nag-two thumbs up sa kanya habang malaki ang pagkakangiti, sabay bumuka ang bibig na sinasabing… "Ayos ba? I got your back!"
Napangiti nang malaki si Cael dahil napaka-cute ni Lexine tignan at proud na proud siya sa ginawa nito. Lalo talaga gumaganda si Lexine sa kanyang mga mata sa tuwing nakikipaglaban ito
Pero naputol ang matamis nilang tinginan dahil mabilis na tumalon si Winter kay Cael at pinaulanan siya ng sunod-sunod na ice balls.
"Ahhhhhhh!" galit na sigaw ng demonyita.
Lumipad paatras si Cael habang ini-espada ang mga ice balls galing sa kabilaang kamay ni Winter.
Samantala, napapangisi naman si Lucifer habang pinagmamasdan ang lahat. Nakita niya ang ginawa ng Nephilim. Pinahahanga talaga siya nito. Ngayon, nais niyang mas makita kung ano ang mga kaya nitong gawin. Tinaas niya ang isang kamay sa taas ng kanyang ulo. Sapat na iyon para mabilis na magsilabasan ang mga demons sa paligid upang sugurin si Lexine.
"Eskelemis!!!"
Nanlaki ang mata ni Lexine nang makita niya ang sandamakmak na ravenium demons na patungo sa kinaroroonan niya.
"Shit!" agad siyang tumayo at kumilos.
Isa-isa niyang pinaulanan ng mga arrow ang mga ito. Mabilis na kumilos ang mga kamay niya at tinamaan ang mga demons, sa ulo, dibdib at kahit saang parte ng mga katawan. Mabilis silang nagiging abo sa sandaling matamaan ng lumiliwanag ng arrow.
"Lexine!" nabahala si Cael nang makitang sinusugod si Lexine. Pero nahihirapan siyang makakilos upang tulungan ang Nephilim dahil sa sunod-sunod na atake ni Winter sa kanya.
Isang ravenium ang galing sa tuktok ng establishment sa likuran ni Lexine. Tumalon ito at handa nang sakmalin ang babae.
"Eskelemis!!!"
Huli na nang lumingon sa likod si Lexine dahil malapit na ang demon sa kanya at nakahanda ang matutulis na kuko. Pero bigla itong sumabog sa harapan niya at naging abo.
Nang maglaho sa hangin ang mga abo ay natanaw ni Lexine na naglalakad sa kabilang kalye ang mga kaibigan niya. Si Miyu, Elijah, Devorah, Winona at Eros. Mabilis silang kumilos upang kalabanin ang mga demonyo.
Sumunod na humarurot ang pulang hyundai genesis at sinasagaan ang isang grupo ng mga demons. Tumalsik ang mga ito sa kabilang panig ng kalsada at tumama sa pader at poste. Bumaba ang bintana ng kotse at nandoon si Ansell na malaki ang pagkakangisi. Lumabas naman agad mula sa passenger seat si Olive at tumalon. Mabilis itong nag-transform sa pagiging werewolves at inataka ang mga demons.
Labis na napangiti si Lexine. Sa wakas at nandito na ang mga kakampi niya. Hindi na nag-aksaya pa ng panahon si Lexine at mabilis na rin kumilos. Sunod-sunod niyang pinakawalan ang mga arrow at tinira ang mga kalaban.
Nagpatuloy ang lahat sa pakikipaglaban at sama-sama sila. Hindi nila pababayaanan ang Nephilim dahil ngayon gabi, tatapusin nila ang kasamaan ni Lucas.
Lumabas ng kotse si Ansell at bumunot ng black futuristic hand gun. Binigay ito sa kanya ni Elijah dahil may special technology ang bullet nito na kayang pumatay ng dark entities. Pinagbabaril ni Ansell ang mga sumusugod na demons.
Lalong napangiti si Lucas. Aliw na aliw siya habang pinapanood ang mga ito na makipaglaban. Na tila ba nanonood siya ng isang video game at sila ang mga characters sa loob ng laro.
Muling lumingon si Lexine sa gawi ni Lucas na prente lang na nakatayo at nakapamulsa. Tila isang rebulto na hindi apektado sa mga kaguluhan sa paligid nito.
Kailangan niyang makalapit kay Lucas at tapusin na ang kasamaan nito. Pero masyadong maraming kalaban ang humaharang sa kanila. Kung saan-saang direksyon lumalabas ang mga demons at hindi nauubos ang mga ito. Na animo mga hayop na nakawala sa kagubatan at sumusugod lahat sa kanila.
Mapapagod lang silang makipaglabanan at mag-aaksaya ng panahon. Agad tinawag ni Lexine si Miyu na siyang pinakamalapit sa kanya.
"Miyu! Protektahan mo ako. Kailangan makalapit tayo kay Lucas!"
Mabilis na tumungo si Miyu at tumakbo patungo sa kay Lexine habang pinagtitira niya ang mga demons gamit ng mahika. Di nagtagal at nakarating na siya sa pwesto ni Lexine.
"Holly molly! Saan mo nakuha 'yan!" agad bulalas ni Miyu nang makita ang lumiliwanag na gold bow ni Lexine.
Napangiti si Lexine, "Astig ng regalo ng tatay ko 'no!"
Nakaramdam ng ingit si Miyu sabay napangiti ng malaki. Sumeryoso na si Lexine, "Tulungan mo ako Miyu, lalapit ako kay Lucas. Protektahan mo ako."
"Sige!" sabay na tumakbo ang dalawang babae sa direksyon palapit kay Lucas habang nasa likod lang si Miyu at patuloy na naglalabas ng mahika upang tirahin ang mga demon na magtatangkang lumapit sa kanila.
Patuloy naman sa pag-asintado si Lexine gamit ang arrow. Nang salubungin nila ang tatlong ravenium na papalapit. Tila magic na naging tatlo ang arrow na hinila niya mula sa bow string at nang pakawalan niya ang mga ito ay sabay-sabay na tinamaan sa dibdib at ulo ang mga halimaw.
Tuwang-tuwa si Lexine sa bago niyang laruan she can't help but to felt an adrenaline rush that was running in her whole body. Konti na lang at malapit na sila kay Lucas.
Nagtago muna sila ni Miyu sa poste. Pareho na silang hinihingal dala nang walang tigil na pakikipaglaban. Sa palagay ni Lexine ay maayos na ang pwesto niya para matamaan si Lucas. Agad niyang tinutukan si Lucas at inasintado mabuti ang arrow head sa ulo nito. Humugot nang malalim na hangin si Lexine sa dibdib, na bahagyang nanginginig ang mga kamay niya sa kaba. Nagbilang siya ng tatlo at buong loob na pinakawalan ang nock sa daliri
Hindi nakatingin si Lucas at konti na lang ay tatamaan na ito nang biglang may lumitaw na bulto sa gilid ni Lucas at sinalo ang arrow. Natigil ang patalim nito may isang pulgada na lang ang layo sa pisngi ni Lucas.
Napasinghap nang sabay si Lexine at Miyu nang makita kung sino ang humarang.
"N-night…"