NAGPATULOY ang malaking labanan at kaguluhan sa buong Metro Manila. Bumaba na rin ang mga mandirigmang anghel upang kalabanin ang mga demonyo. Umuulan ng abo at dugo sa bawat demonyong namamatay. Ganoon din ang pagkawasak ng mga diyamante sa sandaling mamamatay ang isang anghel.
Marami na din ang mga nadamay na inosenteng buhay. Nagkakagulo ang iba't ibang hospital sa pagtangap ng sandamakmak na pasyente. Habang nahihirapan naman ang mga PNP at Armed forces upang kalabanin ang mga halimaw. Pero hindi sila susuko at handang ibuwis ang buhay para sa bayan.
Sa gitna ng kahabaan ng Roxas Boulevard, nakaparada ang naglalakihang tangke, sa likod nila nakahilera ang mga patrol vehicles habang hindi paawat ang pagputok ng mga baril, armalite at bomba. Bawat sundalo at pulis ay nakikipaglaban sa mga bampira na sumusugod sa kanila.
Pero dahil likas na maliliksi ang mga bampira. Hindi sila naapektuhan ng mga bala at mabilis na nakakaiwas at walang awang sinugod ang mga pulis at sundalo.
Isang sundalo ang buong loob na pinagbabaril ng armalite ang mga bampira, "Mamatay na kayong mga putangina niyo!!!"
Bratatatatatat! Bratatatatatar! Bratatatatat!
Isang babaeng bampira ang galit na binuka ang bibig habang namumula ang mga mata. Humiyaw ito na parang mabagsik na hayop.
Tinutok ng sundalo ang armalite sa bampira.
Bratatatatatatat! Bratatatatatatat! Bratatatatatatat!
Tinamaan ng umuulan na bala ang katawan nito. Nangingisay sa bawat pagpasok ng baril pero sa takot ng sundalo ay hindi man lang natumba o napuruhan ang bampira. Binuka nito ang bibig at maliksing tumalon patungo sa kanya.
Sinakal ng bampira ang sundalo at nilabas ang malalaking pangil at walang awang kinagat ang leeg.
"Aaahhhhhhhh!" humiyaw sa sakit ang kawawang sundalo hanggang sa tumirik ang mata nito.
Binitawan ng bampira ang sundalo na wala ng buhay at tapyas ang leeg. Sunod pa nitong sinugod ang iba at walang awang pumatay at kumitil.
Isang babaeng pulis ang natumba sa takot.
"Huwag! Huwag maawa ka may mga anak ako!" iyak ng babaeng pulis habang umaatras.
Pero tila isang hayok na halimaw ang bampirang babae at walang kahit anong awa. Mabilis itong sumugod upang sakmalin ang pulis pero mabilis na tumalon si Elijah mula sa gilid at tumalsik sila pareho sabay tumama sa poste.
Nasira ang poste at tumumba sa kalsada, pumutok ang kuryente at nag-short circuit.
Nasa ibabaw ng bampira si Elijah. Sinakal niya ito, binuka niya ang bibig sabay lumabas ang malaking pangil, namula ang kanya mga mata at walang awang kinagat sa leeg ang babae hanggang sa malagutan ito ng hininga.
Tumingala si Elijah sa langit at pumikit, mas humaba ang pangil niya habang nagkalat ang pulang dugo sa bibig at baba nito na nangingibabaw sa maputi nitong balat.
Dumilat ang nanlilisik niyang pulang mga mata, "Kill all of them!" utos niya sa mga kasamang bampira.
Agad namang mabilis na sumugod ang mga ito at kinalaban ang mga kalahi. Umulan ng dugo sa buong paligid.
**
"ALEXINE! Sa likod mo!" malakas na sigaw ni Cael.
Awtomatiko na yumuko si Lexine nang marinig ang boses ni Cael kung kaya't nakaiwas siya nang tumalon ang isang ravenium demon upang atakihin siya. Mabilis na hinampas ni Lexine ang hawak na espadang diyamante at tinamaan sa dibdib ang demon na agad tinupok ng apoy at naging abo.
Sunod-sunod pa na umatake ang mas maraming kalaban sa kanila. Hampas dito, sipa doon, suntok dito, talon doon. Hingal na hingal na si Lexine sa pakikipaglaban pero hinding-hindi siya susuko at titigil hangga't hindi niya nagagapi ang mga kalaban.
Tinusok niya sa dibdib ang isang Lethium Demon. Tinapak niya ang isang paa sa tiyan nito sabay binawi ang bumaon na espada at mabilis na pumihit patalikod sabay hinampas ang espada. Tinamaan agad ang isa pang ravenium na sumugod sa kanya. Tinaas ni Lexine ang kaliwang kamay at umilaw 'yon sabay naglabas ng liwanag at nalusaw ang dalawang Lethium na aatake sa bandang kanan.
"Cael!" mabilis na tinutok ni Lexine ang kamay sa direksyon ni Cael at tinamaan niya ang isang bampira na susugod dito.
Di nagtagal at mas lalong dumami ang mga kalaban. Nagdikit ang likod nila habang napalilibutan sila nang sandamakmak na demonyo. Silang dalawa lang ni Cael ang lumalaban sa lahat dahil nalayo sila sa mga kasama.
"Sobrang dami nila," nababahalang saad ni Lexine. Pagod na pagod na siya at masakit na ang buong katawan niya sa pakikipaglaban.
"Huwag kang lalayo sa akin Alexine, po-protektahan kita," sagot ni Cael.
"Lalaban ako hanggang sa huli Cael," matatag niyang sagot. Mas humigpit ang kapit ng mga kamay niya sa espada at tinutok sa mga kalaban.
Pero sa gulat ng dalawa ay biglang natigil ang mga demons at sabay-sabay na pumihit ang mga ulo sa isang direksyon. Bago isa-isang umalis ang mga ito at tumakbo palayo sa kanila.
"Ano'ng nangyayari? Bakit sila umalis?"
Nasagot din agad ang tanong ni Lexine nang matanaw nila ni Cael ang dalawang bulto na naglalakad patungo sa kanila. Mula sa kabilang dulo ng mahabang kalsada—kung saan napalilibutan ng mga usok gawa ng mga nasusunog na sasakyan sa paligid—dahan-dahang lumapit ang mga ito. Natanaw ni Lexine at Cael ang silhoutte ng isang babae at lalaki.
Kumabog nang malakas ang dibdib ni Lexine dahil kahit hindi pa man niya tuluyang nakikita ang itsura ng lalaki ay tila malakas na agad ang kutob niya kung sino ito.
Tumayo nang tuwid si Cael at hinarang ang buong katawan kay Lexine. Nararamdaman na niya ang napakalakas at nakakatakot na presenya ng demonyong paparating.
Di nagtagal at lumagpas ang dalawang bulto mula sa itim na mga usok. Nanlisik sa galit ang mata ni Lexine at mas humigpit ang kapit niya sa kanyang espada na tila ba dito niya ibinubuhos ang nararamdaman ng mga sandaling 'yon.
"Lucas…"
Huminto si Lucas at Winter may isang daang metro ang pagitan kay Lexine at Cael. Nakasuot si Lucas ng itim at mahabang trench coat. Nangingibabaw sa dilim ang blonde nitong buhok habang malamig ang tsokolateng mga mata. Dalawang beses nang nakita ni Lexine si Lucas mula sa nakaraan. Una ay noon sa alaala ni Lilith, pangalawa ay noong nangyari ang pagkahulog nito.
Pero ito ang unang pagkakataon na nakaharap niya ito ng personal. Higit na nakagigimbal ang presensya ng hari ng kadiliman sa totoong buhay. Wala pa man itong ginagawa o sinasabi ay tumatayo na lahat ng mga balahibo ni Lexine sa katawan sa labis na takot.
Hindi niya lubos matukoy kung ano ang nararamdaman. Galit dahil sa lahat ng kahayupan at kasamaang ginawa nito sa pamilya niya at sa mga inosenteng nilalang. Takot dahil ito ang pinakamakapangyarihang demonyo na kinakatukan sa buong underworld at ng buong mundo. At pagkamuhi dahil ito ang puno't dulo na dahilan ng lahat nang paghihirap at sakit na dinanas niya sa buhay niya.
"Sa wakas at nagkita tayo… natatanging Nephilim," ngumiti si Lucas.
Isang klase ng nilalang na may kakayahang sumira sa buong mundo sa isang pitik.