AGAD DINALA ni Miyu at Elijah ang Lethium Demon sa Black Phantom. Nahiwalay na sila sa Tribu ng Mutawi at pinauna na ang mga ito sa paglalakbay papunta sa Hacienda ni Night sa Ilocos.
Kasalukuyang nakagapos ang demonyo sa umiilaw na lubid na gawa ng mahika ni Miyu. Nakaluhod ito sa sahig habang pinagigitnaan ng lahat. Masama ang tingin ng bawat isa sa kawawang demon. Higit na si Night.
Lumapit siya sa demon at pinalabas si Gula, agad niyang tinutok ang dulo ng espada at mata nito, "Tell me everything you know about Lucas plan. Make sure to tell the truth or I'll kill you," madiin niyang utos.
Nanginginig sa takot ang demon. Pinagpapaiwisan ito nang malamig.
"O-oo, s-sasabihin ko," sagot nito at namumutla na.
Nag-abang ang bawat isa. Sa likuran ni Night nakahalukipkip si Lexine, katabi nito si Miyu, Devorah at Olive. Sa kabilang panig naman nakatayo si Eros at Elijah.
Humugot nang malalim na hangin ang demon habang lumilikot ang mga mata, "Bumubuo ng malaking hukbo ang panginoon kaya isa-isa niyang tinatakot ang bawat pinuno ng angkan at lahi sa buong underworld. Nais niyang magsimula nang malaking digmaan laban sa mga anghel. Sasakupin niya ang buong mundo."
Nagimbal ang lahat sa narinig. Tama ng ang hinala nila. Hindi nakapagpigil si Lexine at galit na lumapit sa demon.
"Kailan niya plano na gawin ang digmaan?"
"H-hindi ko a-alam—aaaaah!" napahiyaw ang demon nang bigla itong nakuryente sa lubid.
"Magsabi ka ng totoo o gusto mong masunog?" pambabanta ni Miyu. Nakataas ang isang kamay nito na lumiliwanag.
Mas lalong nanginig ang demon, naliligo na ito sa sariling pawis, "Totoo ang sinasabi ko, hindi ko talaga alam. Inuutusan lang kami ng Panginoon, sumusunod lang kami sa kanya."
Nagkatinginan si Night at Lexine, "Kailangan natin kumilos nang mas mabilis. Kailangan natin maunahan si Lucas sa iba pang mga pinuno ng bawat angkan at lahi. We need to get their trust before Lucas come to them," mariing saad ni Night.
"Marami na akong nakausap from Warlock underground society, makikiisa sila sa atin," sabi ni Eros.
"I also have a lof of vampire friends from Russia at England. I'll talk to them," dugtong ni Elijah.
"Nakipag-ugnayan na rin kami ni Mom sa mga kamag-anak namin, luckily, hindi pa sila napupuntahan ni Lucas," saad naman ni Miyu.
"Our family doesn't use our powers to hurt anyone, pero maaasahan niyo na sa inyo kami papanig," si Devorah.
"Maraming salamat," sinserong saad ni Lexine. Muli niyang hinarap ang demon. May isa pa siyang gustong malaman at ito ang bagay na puno't dulo nang lahat. Umupo siya sa harap ng demon at pinakatitigan itong mabuti.
"Sana sabihin mo ang totoo… nakikiusap ako…" natigilan ang demon nang makita ang determinasyon sa mata ni Lexine, may kung ano sa puso niya ang natusok.
"Bakit nais akong gamitin ni Lucas? Ano ang gusto niya sa akin?"
Napalunok nang madiin ang demon at mas lalo itong namutla, "Please…" ani Lexine.
Mas tinutok ni Night ang dulo ng espada sa mata nito at napapikit ang demon sa takot, "Sagot," madiin na sambit niya.
"N-nais niyang m-makuha ang kanyang nawawalang armas."
Natigilan ang lahat sa narinig. Maging si Night ay labis na napakunot ang noo.
"Armas?" ulit ni Lexine, "Anong armas?"
Sumagot ang namumutlang demon, "Noong naganap ang pagtapon sa mga Anghel mula sa Paraiso ng Eden, nahulog si Lucas sa kagubatan. Pag-gising niya, nawawala na ang kanyang armas, ang espada ng Arkanghel ay napakahalaga sa isang Arkanghel dahil dito nagmumula ang kanilang natatanging lakas at kapangyarihan. Matagal nang hinahanap ni Lucas ang kanyang armas, sinuyod na niya ang buong mundo ngunit, hindi niya ito makita."
Madilim na tumingin ang demon kay Lexine, "Nais ka niyang gamitin dahil naniniwala ang panginoon na ikaw ang makakahanap ng espada dahil may kakayahan kang balikan ang nakaraan. Nais ka niyang bumalik sa panahon nang pagkahulog niya."
Nanlamig ang buong katawan ni Lexine. Katulad ni Lilith, may nais din balikan si Lucas sa nakaraan. At tulad nga nang inaakala niya, si Lucas at si Lucifer ay iisa.
"Sa oras na muling mahawakan ng Panginoon ang kanyang espada, katapusan na ninyong lahat. Muling babalik ang kanyang natatanging kapangyarihan bilang Arkanghel at wala nang kahit sino pa ang makakatalo sa kanya," nababaliw na tumawa ang demon.
Natahimik ang lahat. Walang magawang mag-react. Maging si Lexine ay hindi alam kung ang dapat sabihin. Hindi maaaring magtagumpay si Lucas. Kailangan niya itong pigilan. Ngunit, paano?
"Kaya ngayon pa lang ay magsaya na kayo. Hindi magtatagal at masasakop na ng aming Panginoon ang buong mundo at luluhod kayong lahat sa kanyang harapan, maging ang mga Arkanghel at anghel mula sa paraiso ng Eden ay bababa ng langit para sambahin siya!" tila asong nauulol na tumawa ang demon. Pumainlanglang ang malakas nitong halakhak sa buong silid.
Hindi na nakapagtimpi pa si Night at walang alinlangan na tinusok ang ngalangala ng nakakairitang demon. Nahinto ang pagtawa nito at nanlaki ang mga mata.
"Go back to hell," binawi ni Night ang espada at natumba ang bangkay nito sa sahig. Tinupok ito ng apoy bago naging abo.
Tumayo si Lexine at humarap sa mga kasama.
"I know what I need to do."
Isa-isang nagpalitan nang tingin ang bawat isa.