TAHIMIK na nag-aabang si Night sa tapat ng entrance ng SMX habang nakasandal sa pinto ng drivers seat ng kanyang R8 Audi Coupe. Ilang sandali pa at natanaw na niyang lumabas sa exit sila Lexine at Miyu, mabilis na nagliwanag ang mukha niya pero nang mapansin niyang umiiyak ito ay natigilan siya.
"Lexine what happened?"
Nag-angat ng tingin si Lexine at nang sandaling nakita niya ang nag-aalalang mukha ni Night ay mabilis niya itong tinakbo at tinapon ang sarili sa mga bisig nito. Pinulupot niya ang braso sa batok nito at siniksik ang ulo sa leeg ng nobyo. Doon niya pinakawalan ang mga luha.
"Hush, why are you crying," Night gently patted her head.
"I saw Lolo Night, I missed him so much," Lexine said between sobs.
Nagkatinginan si Night at Miyu. Apologetic na tumingin si Miyu.
Alam ni Night kung gaano kamahal ni Lexine ang abuelo nito at nasasaktan siyang nakikitang malungkot si Lexine. Hinayaan niya itong umiyak hanggang sa kumalma ang kalooban.
Hinatid nila si Miyu sa condo pagkatapos ay hinatid naman ni Night si Lexine sa Mighty Bar and Grill dahil may duty ito ng 8pm. Ilang beses na niyang kinukulit si Lexine na hindi na nito kailangan mag-trabaho at siya na ang bahala sa mga gastusin pero hindi siya nanalo sa katigasan ng ulo nito. She had always been an independent woman. Mula noon hanggang ngayon. One thing that he really admired about her. Gusto man niyang ibigay dito ang lahat ng yaman na mayroon siya pero dahil nakikita niyang masaya si Lexine sa trabaho nito kaya hinayaan na lang niya ito sa mga gusto nitong gawin.
"What time ang tapos ng duty mo?" tanong ni Night.
"Four," sagot ni Lexine.
"Okay, I'll be here by three."
"Thank you, ingat ka," hinalikan siya ni Lexine sa lips saka ito nagpaalam at lumabas ng kotse. Pinagmasdan ni Night ang nobya hanggang sa makapasok ito sa employees entrance.
Halata sa mukha nito ang lungkot na nararamdaman. He wants to make her happy. May naisip siyang ideya. Agad niyang tinawagan si Elijah, sumagot ito pagkatapos ng tatlong ring.
"Sup man?"
"I need you to do something for me," aniya.
"Say please muna."
"Gago, may atraso ka pa sa akin!"
Ang lakas ng halakhak ni Elijah, "Oo nga pala, sige ano ba 'yon?'
Napangiti si Night.
***
NORMAL ang naging araw ni Lexine. Medyo tinamatamaan na siya ng antok dahil 5 am na siya nahatid ni Night sa dorm at kailangan niyang gumising ng 9 am dahil mayroon siyang 10:30 am class. Buti at tatlo lang ang subject niya ngayon kaya by 3:30 pm ay uwian na niya. Tulad nang naka-ugalian, susunduin siya ni Night.
Pagdating sa labas ng school gate ay pinagkakaguluhan na ito ng mga babaeng estudyante. Lalo na at napaka-gwapo ng boyfriend niya sa signature style nitong leather jacket at aviator shades.
Agad siyang hinalikan ni Night sa lips nang malakapit, hindi niya naiwasang mag-blushed lalo na at marami ang nakatingin sa kanila.
"We'll go somewhere."
"Huh? Saan?"
"Secret, you'll know it later."
Dahil sa pagod nakatulog si Lexine sa byahe at ginising na lang siya ni Night nang huminto na ang sasakyan. Nagtaka siya dahil natatanaw niya sa bintana ang magandang sunset by the beach.
"Nasaan tayo?" tanong ni Lexine nang makababa sila.
"La Union."
Nanlaki ang mata niya, "La Union? Ang layo nito sa Manila! Night may duty pa ako mamaya sa bar!"
"Don't worry about it, I already talked to your manager at sinabi kong hindi ka papasok."
"Ha? Night naman…"
"Shhh, can you please let go all your responsibilities kahit today lang? You don't have to worry Lexine. I already handled everything."
Napabuntonghininga siya. Ano pa ba ang magagawa niya eh, nandito na sila. Besides, aaminin niyang na-excite siya nang makita ang beach. Ang tagal na simula nang makakita siya ng dagat dahil wala siyang ibang ginawa kundi mag-aral at magtrabaho.
"Okay."
Dinala siya ni Night hanggang sa beach front. Labis na namangha ni Lexine sa ganda ng sunset. Naghahalo ang color orange, red at purple sa kalangitan. Habang kumikintab sa ilalim nito ang dagat. Malakas ang hampas ng mga alon at masarap iyon sa kanyang pandinig. Tumutusok sa kanyang ilong ang amoy ng alat ng dagat kasabay nang malamig at maalinsangang hangin sa tumatama sa kanyang balat. Kahit nakasapatos ay nararamdaman niya ang lambot ng buhangin.
Pumikit si Lexine, huminga nang malalim at nilasap ang sariwang hangin. She feels great. The sound of waves helps her to feel relax. It's been a while since she felt at ease. Lalo na at palagi siyang maraming iniisip nitong mga nakaraang araw.
Naramdamdan niyang pumulupot ang braso ni Night sa kanyang bewang habang mahigpit siyang hinagkan mula sa likuran. Sinandal nito ang baba sa balikat niya.
"Do you like it?"
Dumilat si Lexine at ngumiti ng matamis, "I love it, thank you Night, thank you for everything," she feels truly blessed to have a wonderful boyfriend.
"Anything for you Lexine," malambing na bulong nito at hinalikan siya sa sintido, "But I have another surprise for you."
Napakunot ang noo niya at humarap sa nobyo. Malaki ang ngiti ni Night pero hindi na siya nagkaroon nang pagkakataon na tanungin ito nang makita niya kung sino ang mga taong nakatayo sa likuran ni Night.
Nanlaki ang mata ni Lexine, gulat na gulat at hindi makapaniwala.
"M-mamang… P-papang… Sandy, Sevi…" naiiyak na tinakbo niya ang mga ito. Masayang sinalubong siya ng yakap ng buong pamilya.
"Ate, na-missed ka namin," buong sayang sabi ng ina niyang si Katherine.
"Ate, pumayat ka ata," sabi ni Sandy, "Pero na-missed kita!"
"Miss na miss ko rin kayo," sunod-sunod na ang patak ng luha ni Lexine sa sobrang saya.
"Anak, masaya kaming makita ka," naluluhang saad ng kanyang Papang na si Sergio.
Sobrang saya ng puso ni Lexine na makita ang buong pamilya. Hindi niya inaasahan na gagawin ni Night ang lahat ng ito. Masayang nilingon niya ang binata.
"Napakabait ng kaibigan mo anak at inalalayaan niya kami ng maayos hanggang sa makarating kami dito sa Maynila," si Katherine.
Lumapit na si Night sa kanila. Binitiwan ni Lexine ang pamilya at kinuha ang kamay ni Night, "Mamang… Papang, si Night po, nobyo ko."
Tila hindi naman masyadong nagulat ang kanyang pamilya. Malaki ang pagkakangiti ni Katherine, "Malakas na ang kutob ko na boyfriend mo siya Sam, maraming salamat at inaalagaan mong mabuti ang anak namin."
"Your welcome po," sagot ni Night at tipid na ngumiti.
Si Sergio naman ay mainam na pinagmamasdan si Night mula ulo hanggang paa. Bilang Ama, natural lang na maging protective siya sa kanyang anak. Tumikhim si Sergio at nagtaas ng noo dahil may katangkaran ang binata.
"Huwag na huwag mong sasaktan ang anak ko dahil ako ang makakaharap mo," matatag na sabi niya.
Natawa si Katherine, Sevi at Sandy. Nalukot ang mukha ni Lexine, "Papang naman… 'wag mo naman takutin si Night. Hindi naman nangangagat ang isang 'to."
Nagkatawan ulit sila, sumagot si Katherine, "Oo nga naman Sergio. Kita mo at napakagandang lalaki nitong nobyo ni Samantha, aba'y siguradong magiging maganda ang apo natin kapag sila ang nagkatuluyan. Sana ay makuha ng magiging anak niyo ang ilong mo hijo, napakatangos!" excited na sabi ni Katherine.
"Anong apo? Bata pa si Samantha, kailangan niya munang magtapos ng pag-aaral," matatag na sabi ni Sergio.
"Oh ang puso mo, kaka-opera mo lang hindi ka pwedeng magalit," sabi ni Katherine at hinimas-himas ang asawa.
Natatawa na lang si Lexine sa pagkukulitan ng mga magulang.
"Huwag po kayong mag-alala. Ginagalang ko po ang anak niyo at mag-aantay po ako hanggang sa makapagtapos siya nang pag-aaral," magalang na saad ni Night.
Mas lumaki ang ngiti ni Katherine, "Aba'y napakaswerte naman ng anak natin sa nobyo niya. Mabait na bata. Boto na ako sa'yo hijo na maging asawa nitong si Samantha, basta bibigyan mo ako ng apo na matangos ang ilong ha."
"Mamang!" pinandilatan ng mata ni Lexine ang makulit na ina.
"Mamang, matangos naman ang ilong ko ah!" sumabat ang teenager na si Sevi.
"Naku anak, kulang pa," sagot ni Katherine.
Muling pumainlanglang ang tawanan nang buong mag-anak. Maya-maya pa at lumapit ang iba pang bisita.
"Hello! Welcome De Leon family!" masayang sigaw ni Elijah na nilahad pa ang dalawang braso.
Nagulat si Lexine na makitang nandito rin pala si Miyu, Winona, Devorah, Eros, Ansell at napatili siya nang makita na maging si Brusko ay kasama.
"Mamshieeeeee!" nagtitili ang bakla na tumakbo sa kanya.
"Oh my God, nandito ka rin!" masayang sinalubong ni Lexine ang kaibigan.
"Oo no, kasi itong si Papables of the Century, pinareserve ang buong Bar for two nights. Kaya naka-exit ang lola mo at naka-join ako sa outing."
Nanlaki ang mata ni Lexine at tinignan ang nobyo na malaki lang ang pagkakangisi. Hay naku, kahit kailan talaga masyadong flashy sa yaman. Pero lubos na lumolobo ang puso niya sa saya.
"Ikaw baklita ka hindi ka nagsasabi sa akin ah," bigla siyang kinurot ni Brusko sa tagiliran, "Kayo na pala nitong si Papables of the century hindi mo tsini-chika sa akin. Bakla ka talaga ng taon! Napaka-swerte mo! Ano ba ang kinakain mo at naka-bingwit ka ng ganyang ka-gwapo jowa?"
Natatawang hinarap ni Lexine ang malanding bakla, "Ganda lang 'yan," aniya at dinikit ang kamay sa baba.
"Tse! Meron din ako niyan!"
Nagkatawanan ang lahat at natuloy ang kasiyahan.