Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 149 - The Pyramid

Chapter 149 - The Pyramid

NAPAKAINIT ng sikat ng araw na para bang apoy na dumadapo sa balat. Kahit saan ka lumingon ay tanging dagat ng buhangin ang iyong masisilayan. Habang tila nilalamon naman ang iyong paa sa bawat hakbang sa malambot na nilalakaran. Sa gitna ng tila walang hanggang disyerto naglalakbay ang dalawang anghel mula sa Paraiso ng Eden.

"Nakasisiguro ka bang tama ang direksyon na tinutungo natin, Cael? Kanina pa tayo naglalakad ngunit wala naman akong masilayan maliban sa buhangin," nagmamaktol na angal ni Ithurielle.

"Oo, tama ito. Huwag kang mabahala at malapit na tayo," sagot ni Cael.

Nagpatuloy pa sila sa pagbaybay sa malawak at mainit na disyerto. Nauunang naglalakad si Cael habang nakasunod naman si Ithurielle at nakabusangot na ang mukha. Ilang oras pa ang lumipas hanggang sa tumama ang noo ni Ithurielle sa matigas niyang likuran. Dahil nakayuko ito habang naglalakad kaya hindi nito napansin na huminto na pala siya. "Ah!" Nag-angat ng tingin si Ithurielle habang sapo ang noo. "Bakit ka tumigil?"

Nanatili siyang nakatayo at tahimik na nagmamasid sa paligid. "Sa palagay ko narito na tayo."

Mas lalong nag-isang guhit ang kilay nito. "Nasaan? Wala naman akong nasisilayan."

"Patalasin mo ang iyong pakiramdam."

Saglit itong tumahimik at nagmasid sa paligid. Hindi nagtagal at naramdaman nila ang pagyanig ng lupa. Palakas iyon nang palakas hanggang sa magsimulang lumitaw ang isang butas sa kanilang harapan. Umiikot ang butas at nilalamon ang buhangin. Ilang saglit pa ang lumipas, mula roon unti-unting lumitaw ang isang piraso ng bungo. Malakas na napasinghap si Ithurielle habang natulala sa bagay na nasa kanilang harapan.

Patuloy na umaangat mula sa butas ang mga patong-patong na bungo at kalansy ng tao hanggang sa lumitaw ang isang matayog at mataas na pyramid. Gawa sa pinagdikit-dikit na kalansay at bungo ng mga tao. Nagimbal ang dalawang anghel sa nakakatakot na bagay sa kanilang harapan. Kasing taas ito ng labing dalawang baitang na gusali. Tumingala sila at ang tuktok niyon ay humaharang sa sikat ng araw.

Huminto ang paglindol at tuluyang tumayo ang matayog na pyramid. Ilang sandali pa at bumukas ang isang tagong pintuan na nasa ibabang gitna. Napakadilim at walang kahit anong ilaw na matatanaw habang sumisingaw ang malamig na temperatura mula sa loob. Nagkatinginan ang dalawang anghel. Nagsimula na silang humakbang papalapit sa pintuan.

Inutusan sila ng Arkanghel na Daniel na bumaba mula sa kanilang paraiso upang magtungo sa mundo ng mga kaluluwa. Masama ang kutob nila sa liham na pinadala ng isang Keeper. Ito rin ang unang pagkakataon na makakapasok si Cael at Ithurielle sa pyramid.

Ang lagusang ito ang magdadala sa 'yo patungo sa mundo ng mga kaluluwa kung saan nag-aantay ang Gates of Judgement. Lahat ng mga kaluluwa ay dito hinahatid ng Tagasundo. Ito lang ang tanging daan papasok at palabas ng Spirit World.

Bilang mga Anghel na ginawa mula sa mahiwagang liwanag, hindi nila kailangang mamatay dahil ang katawan nila ay hindi tumatanda o nagkakasakit hindi tulad ng mga tao. Isa silang mahiwagang espirito na matagal nang namumuhay. Hindi pa man binubuo ng Ama ang lahat ng bagay at nilalang sa mundong ito. Mayroon ng mga Anghel.

Buo na ang loob ni Cael, kahit saan parte pa ng mundo handa siyang suyurin mahanap at mailigtas lang si Lexine.

"Alexine, paparating na ako at hahanapin kita," bulong niya sa sarili.

Sa huling pagkakataon, nagtinginan ang magkapatid at humugot ng malalim na hininga bago sabay na hinakbang ang mga paa papasok sa loob ng Pyramid.