Year 1116. Somewhere in Europe
"INA, TAMA NA. Ako'y nakikiliti!"
Maingay na tunog ng masisiglang tawanan ang humatak kay Lexine sa kamalayan. Tila sinusunog ng apoy ang mga talukap niya. Pagdilat niya, una siyang sinalubong ng mainit at nakasisilaw na sikat ng araw na tumama sa kanyang mukha. Tinaas niya ang braso pangtakip dito. Dahan-dahan siyang bumangon.
Natagpuan niya ang sarili sa gitna ng isang napakalawak na kapatagan. Matingkad ang pagkaberde ng mga nagtataasang damo. May malawak na gintong palayan sa kanyang harapan na sabay-sabay na sumasayaw sa hangin. `Di kalayuan ay tanaw niya ang masukal na kagubatan. Maganda ang panahon dahil payapa at asul ang kalangitan habang malalaki naman ang mga puting ulap na tila abot kamay niya. Maririnig ang huni ng mga ibon at kulisap. The place was too serene; its peace scares her.
"Ina! Ina! Tama na!"
"Hindi ako titigil. Tikman mo ito… at ito pa!"
Muli niyang narinig ang masisiglang tawanan na nangingibabaw sa malawak na lugar. Hinanap niya kung saan `yon nanggagaling. Lumingon siya sa kanyang likuran at natanaw niya ang isang bunggalow na gawa sa bato. Sa tabi niyon ay isang puting kabayo na nakatali habang kumakain ng damo.
Bakit tila pamilyar sa kanya ang lugar na `to? Parang nakita na niya ito noon. Tumayo si Lexine at sinundan ang ingay. Naglakad siya patungo sa direksyon ng batong bahay. Nang makalapit ay tahimik niyang pinagmasdan ang kabayo at ang buong bahay. Gawa iyon sa bricks at napalilibutan ng kahoy na bakuran. Gumagapang ang malalagong vines sa pader niyon pataas sa bubong. Napakunot ang noo niya. Bakit tila masyadong makaluma ang lahat ng nakikita niya sa paligid? Nag-iisa lang ang bahay na ito at mukhang malayo sa kabihasnan. Nasaan ba talaga siya?
"Ina! Tama na po! Ako'y pagod ng tumawa."
"Ako'y labis na nanggigigil sa iyo. Nakatutuwang pisilin ang `yong matabang pisngi."
Sa likod ng bahay natagpuan niya ang isang babae at batang lalaki habang masayang naghaharutan ang mga ito.
���Uhm, excuse me?" aniya pero hindi siya pinapansin ng mga ito at patuloy lang sa pagkukulitan. Mas nilakasan niya ang boses. "Excuse me!"
Ngunit hindi pa rin siya nililingon ng dalawa na animo hindi siya naririnig. Binuka niya ang bibig at sisigaw na sana siya pero agad natigilan nang makita niya ang mukha ng batang lalaki. Nahigit niya ang hininga. Kung hindi siya nagkakamali, iyon ang batang nakita niya sa painting sa loob ng library ni Night. Sunud na lumingon ang babae sa kanyang direksyon. Bumilog ang mata ni Lexine nang makilala na ito rin ang babae sa painting.
Pero paano siya napunta sa loob ng painting?
"Ina, kailan ko po ba makikita si ama? Nais kong maipakita sa kanya ang husay ko sa pangangabayo," tanong ng batang lalaki. Namimilog ang mga mata nito sa pananabik.
Tantya ni Lexine ay hindi nalalayo sa edad na lima hanggang pito ang bata. Habang ang babae naman ay tila ka-edad niya o mas matanda nang kaunti.
Natigilan ang babae sa pagkiliti sa anak nito. Ilang sandali bago ito sumagot. "Alexis, huwag kang mag-alala sapagkat malapit mo nang makita ang iyong ama."
"Talaga ina? Ako'y nananabik nang makita si ama! Hindi na ako makapag-hintay pa!"
Hindi maiwasan mamangha ni Lexine sa nakikita. Kung tama ang hinala niya na ito nga ang batang lalaki at babae sa painting, kung ganoon ay narito siya ngayon sa nakaraan? Isang tinig ang narinig niya mula sa kanyang likuran na pumutol sa pagkatulala niya sa dalawa.
"Eleanor, ano sa tingin mo iyong ginagawa?"
Pag-pihit ni Lexine sa likuran, nagulat na lang siya na nasa loob na siya ng isang makalumang kusina. Ang lutuan ay uling at kahoy habang gawa sa pilak ang mga kaldero, plato at iba pa. Natagpuan niya ang dalawang babae na tila nagtatalo. Nakasuot ang mga ito ng blusa na mahaba ang manggas habang umaabot naman sa paa ang saya ng mga ito.
"Luwinda, paano ko naman sasabihin kay Alexis ang totoo? Hindi ko maaatim na masaktan ang aking anak sa oras na malaman niya ang totoo tungkol sa kanyang ama."
Lumapit si Luwinda at hinawakan sa magkabilang balikat si Eleanor. "Nababahala lamang ako na baka umasa si Alexis at lalo lamang siyang masaktan."
Mabigat na bumuntong-hininga si Eleanor at humarap sa lababo. Nagpatuloy si Luwinda. "Alam naman natin pareho na hindi makabubuti para kay Alexis na makita niya pa si Lucas. Ako'y nag-aalala lamang na paano kung... paano kung maging katulad si Alexis ng kanyang ama?"
Nagigilalas na humarap si Eleanor. Nanlalaki ang mga mata at nanginginig ang kamay na tinakpan nito ang bibig. Paulit-ulit itong umiling."Walang katotohanan ang sinasabi mo, ate! Napakabait ng aking anak! Isa siyang normal na tao. Hindi siya katulad ni Lucas!"
"Paano tayo nakasisigurado? Musmos man si Alexis ngunit pareho natin alam na may kakaiba sa kanya. Hindi siya tulad ng ibang paslit."
Saka lang napagmasdan mabuti ni Lexine si Luwinda. Tulad ni Eleanor ay nagtataglay rin ito ng makintab at itim na buhok. Mas mahaba lang ang buhok ni Eleanor. Iisa rin ang mata at hugis ng mukha ng magkapatid. Malaki rin ang pagkakahawig ng dalawang dilag.
"Anak ko si Alexis kung kaya't alam ko na mabuti siya. Kahit kailan ay hindi siya magiging katulad ng ama niya na isang halimaw," kasing tigas ng bato na paninindigan ni Eleanor.
"Lucas! Lucas! Maawa ka h'wag mong gawin ito!"
Isang sigaw uli ang narinig ni Lexine sa bandang kaliwa niya. Paglingon niya ay tumalon ulit siya sa ibang pangyayari. Napunta siya sa loob ng isang maliit na silid. Tanging bilog na buwan sa itim na kalangitan ang nagsisilbing ilaw sa dilim. Sa kama sa kanyang harapan natagpuan niya na natutulog si Alexis.
"Lucas!"
Bumukas bigla ang pinto at isang matangkad at makisig na lalaki ang mabilis na pumasok ng kwarto. Halos mahulog sa sahig ang panga ni Lexine nang harapin ito. Ang tindig nito ay kasing tayog ng bundok. Kasing kulay ng haring araw ang buhok nito. Nangingibabaw ang tsokolate nitong mga mata sa maputla nitong balat. Ang kabuuan ng mukha ng lalaki ay tila isang libro na naglalaman ng libo-libong kwento ng iba't ibang digmaan na pinagdaanan nito sa maraming taon. Gayunman hindi iyon naging hadlang upang `di niya makita ang nagsusumigaw na katotohanan kung sino ang nilalang na nakatayo sa kanyang harapan.
"Lucas! Parang-awa mo na!" Humahangos na sumunod si Eleanor.
Samantala, naggising si Alexis sa mga ingay at kaguluhan. Pagbangon nito ay nakatayo na si Lucas sa gilid ng kama. Nagliwanag ang mga mata ng batang paslit nang makilala ito.
"Ama?"
Ngumiti si Lucas. Hindi mapigilan ni Lexine ang labis na pangingilabot na pumaloob sa dibdib niya. Kahit napakagwapo at kisig ni Lucas ay hindi maikakaila ang nakakatakot na presensyang bumabalot dito. Pamilyar siya sa presensyang taglay nito dahil personal niyang niyakap at tinanggap ang lalaking nagtataglay ng kadiliman na katulad niyon.
"Ako nga anak ko. Ako ang iyong ama. Halika na at sumama ka sa akin."
Nilahad ni Lucas ang dalawang palad nito. Animo nahihipnotismo naman ang bata na humawak sa nakalahad na kamay ng makisig na lalaki. Binuhat ito ni Lucas. Sinubukang pigilan ni Eleanor ang mag-ama subalit diri-diretso lang na naglalakad palabas si Lucas.
"Alexis! Ibalik mo sa akin ang anak ko! Napakasama mo Lucas!"
Nang mapansin ng bata kung ano ang totoong nangyayari ay nagsimula itong umiyak. "Inaaa! Inaaa! Inaaa!"
"Anak! Alexis!"
Mabilis na nakarating si Lucas sa pintuan. Nakahabol si Eleanor at pinigilan ito sa braso ngunit maliksi nitong tinaas ang kamay sanhi upang matumba si Eleanor.
"Wala ka ng silbi sa akin kaya hindi na kita kailangan," matigas na sabi ni Lucas.
"Ibalik mo sa akin ang anak ko!"
"Inaaaaa!"
Mabilis na lumabas ng bahay si Lucas bitbit si Alexis. Hindi pa rin tumigil si Eleanor at hinabol ang mag-ama. Nakakita si Eleanor ng magsaliksik sa tabi ng pintuan. Sapat na ang matutulis na ngipin niyon upang maging armas. Buong lakas nitong hinumpas ang magsaliksik sa likuran ni Lucas. Tumalsik ang dugo ng lalaki sa mukha ni Eleanor.
Natigilan sa paglalakad si Lucas. Napapikit ito sa kirot. Mabilis na nagdilim ang mga mata nito habang naninigas ang buong panga. Binitawan nito si Alexis at dahan-dahang humarap sa babae.
Natulala si Eleanor nang masilayan ang nag-aapoy na mata ni Lucas. Nabitawan ni Eleanor ang hawak at unti-unting humakbang paatras. Binalot ng napaka-itim na aura ang makisig ni lalaki.
"Alam mo ba na totoong nagugustuhan kita nang makipaglapit ako sa iyo Eleanor?"
Tumalim ang mga mata ni Eleanor na nahihilam ng luha. "Masama ka Lucas! Nilinlang mo ako! Ginamit mo ako na parang basahan! Ako'y nagsisisi na ipinagkaloob ko sa'yo ang aking puso! Masama ka! Ubod ka ng sama!"
"Oo! Sa sobrang itim ng aking kalooban hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng salitang awa."
Sinakal ng malaking kamay ni Lucas ang manipis na leeg ni Eleanor at walang hirap itong binuhat. Mabilis na nagkulay ube ang mukha ni Eleanor.
"Inaaa! Tama na po amaaa!"
Nababahalang lumingon si Eleanor kay Alexis na walang tigil sa paghagulgol habang nanunuod sa mga nangyayari.
"Alexis, a-anak ko. Mahal na mahal kita."
Mas lalong hinigpitan ni Lucas ang kamay nito sa leeg ni Eleanor. "Huwag kang mag-alala mahal ko. Hindi ko pababayaan si Alexis kaya maaari ka nang magpahinga."
Pinasok ni Lucas ang kamay sa dibdib ni Eleanor. Kinuha nito ang puso ng babae at parang bagay na tinapon sa damuhan. Binitawan nito ang wala ng buhay na katawan ni Eleanor na diretsong bumagsak sa damuhan.
Tila napako si Lexine sa kinatatayuan habang wala siyang magawa at pinagmamasdan kung paano mabilis na binawian ng buhay si Eleanor. Umiikot ang sikmura niya kasabay ng pananlalamig ng buong katawan niya. Paano nito nagawa na patayin ang ina ng anak nito?
Mabilis na tumakbo si Alexis patungo sa katawan ng ina ngunit wala na itong buhay. Dilat ang mata nito at duguan.
"INAAA!!! INAAA!!!"
"Alexis!"
Humahangos na dumating si Luwinda. Nanlaki nang husto ang mga mata nito nang makitang patay na'ng kapatid nito. Animo sumapi ang kidlat sa katauhan ng babae at mabilis nitong kinuha ang punyal na tinatago nito sa ilalim ng saya nito. Bumaba si Luwinda ng kabayo at sumisigaw na sinugod si Lucas.
"Hayop ka! Papatayin kita!"
Ngunit isang pitik lang ng kamay ni Lucas ay natigil ang buong katawan ni Luwinda. Isang malakas na pwersa ang pumipilit sa katawan nito.
"H-hayop k-ka..."
"Matagal na," ismid ni Lucas.
"A-alexis… t-tumakas k-ka na."
Paulit-ulit na umiling si Alexis. "Tiyaaaaa! Huwag, Ama! Maawa ka, huwag mong sasaktan ang tiya ko!" Lumapit ito sa ama, umiiyak at nagsusumamo.
Pinagmasdan ni Lucas ang nagkukulay ubeng mukha ni Luwinda. Hindi nagkakalayo ang itsura ni Luwinda at Eleanor. Tila bumbilya ng ilaw na nagliwanag ang mga mata nito. "Gusto mo bang iligtas ang buhay ng iyong tiya Luwinda?" tanong nito sa bata.
"Opo ama, parang awa mo na, huwag mo siyang papatayin."
Gumuhit ang nakakikilabot na ngiti sa labi ni Lucas. "Sige, hindi ko kikitilin ang buhay ng mahal mong tiya sa isang kondisyon, sasama ka sa akin at susundin mo ang lahat ng nais ko, hindi mo ako susuwayin. Ako ba'y nauunawaan mo?"
Nagpabalik-balik ang tingin ni Alexis sa ama at sa nahihirapang tiyahin.
"Alexis, huwag. Tumakas ka na! Alexis," umiiyak na pakiusap ni Luwinda.
Napailing ang kawawang bata. Sa murang edad ay likas nang matalino si Alexis kumpara sa mga ka-edad nito. Alam nito na maaari itong magsunud-sunuran sa masamang ama kapalit ng kaligtasan ng tiyahin.
"Opo, sasama ako sa iyo, Ama."
"Alexis, huwag!"
"Magaling. Anak nga talaga kita dahil matalino ka," nangingiting wika ni Lucas.
Binitiwan ni Lucas si Luwinda. Agad itong nilapitan ni Alexis at hinagkan nang buong higpit. Panay ang pag-ubo ni Luwinda habang naghahabol ng hininga. Pulang-pula ang mukha nito at nahihilam sa luha at uhog.
Matalim na tumitig si Alexis kay Lucas. Sinusumpa nito na pagdating ng panahon ay ipaghihiganti nito ang kamatayan ng ina. Gagawin nito ang lahat upang maging malakas at sisiguraduhin nito na pagdating ng panahon ay ito mismo ang papatay sa sarili nitong ama.