Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 81 - The truth

Chapter 81 - The truth

"SINO SI… DANIEL?" Agad nanigas si Cael sa kinatatayuan. Hindi nakaligtas sa mata ng ni Lexine ang naging reaksyon nito. Maigi siyang tumitig sa kanyang Tagabantay. "Cael, sino si Daniel?" mas madiin niyang tanong. Alam niya at nararamdaman niyang may nalalaman ito.

Nagtigas ang bagang ng anghel. Humigpit ang dalawang kamao nito at mariing pumikit. Ilang ulit itong huminga nang malalim. Hindi na makapagtimpi pa si Lexine. Agad siyang tumayo at humawak sa magkabila nitong braso. Nakikiusap ang kanyang mga mata. "Alam kong may alam ka. I want to know everything. I deserve to know what really happened to my parents. I'm begging you, Cael. Please, tell me the truth."

Mabigat na lumunok si Cael at naghihirap na tumitig sa kanya. "Naabutan ko si Leonna nang hapon na umalis sila ng bahay ni Winona dala-dala ang impostor na bata. Iniwanan ka niya sa sorceres upang maprotektahan ka. Gamit ang mahika ni Winona, pinatulog ka ng ilang araw upang hindi maramdaman ng mga kalaban ang presensya mo. Tinago ka ni Winona sa kanyang puder."

Lexine caught her breath. Kanina pa naninikip ang dibdib niya ngunit kailangan niyang patatagin ang loob. She needs to face everything about her true identity.

"Habang nakasakay sa sasakyan ang mga magulang mo. Sinugod sila ng mga kalaban. Inutusan ang mga demonyo na ipadukot ka. Lumaban si Leonna at Andrew ngunit hindi nila kinaya ang pwersa ng mga demonyo. Tuluyan silang nagapi ng mga ito at maging ang kapatid kong si Ithurielle—ang Tagabantay ng `yong ina ay hindi rin nagwagi sa mga kalaban."

Nanlaki ang mga mata ni Lexine. "K-kapatid mo si Ithurielle? And she's my mothers guardian angel?" Mahigpit niyang hinawakan ang kwintas. Uminit iyon sa palad niya.

Tumungo si Cael. "Ang buong akala ko kasama si Ithurielle na namatay sa gabing `yon kaya nagulat ako nang malamang nasa loob siya ng kwintas na `yan."

"Pwede rin na si Madame Winona ang may kagagawan kung bakit nakakulong si Ithurielle dito. Kaya niya binigay sa `kin `to," paliwanag ni Lexine at sumulyap sa pusang si Amethyst na tahimik lang nakamasid sa kanila.

"`Yan din ang aking hinala," tugon ni Cael. Nagpatuloy ito. "Nang gabing `yon sumabog ang sinasakyan ng mga magulang mo. Inakala ng mga kalaban na kasama kang namatay at sa tulong ng mahika ng proteksyon na binigay sa `yo ng sorceress kung kaya nabuhay ka ng tahimik sa mga sumunod na taon. Ngunit nabago ang lahat sa gabi ng ikalabing anim na taong kaarawan mo."

Lumipat ang tingin ni Cael kay Night. Umayos ng tindig ang huli habang nanatiling malamig ang mga mata. Nagpalipat-lipat ang tingin ni Lexine sa dalawang binata. "You mean... dahil binuhay ako ni Night kaya nalaman ng mga kalaban na hindi talaga ako ang batang namatay sa vehicle crashed?"

Mabigat na bumuntong-hininga si Cael, bumagsak ang balikat nito. "Oo, Alexine. Nasira ang balanse ng mundo sapagkat binali ng Tagasundo ang isang mahigpit na patakaran. Nakatakda ka ng mamatay ng gabing `yun subalit binago niya ang `yong kapalaran. Dahil doon, nakarating sa mundo ng mga kaluluwa ang tungkol sa ginawa niya at naging matunog ang balita. Nalaman ng mga kalaban na buhay ka pa kaya ka nila tinutugis ulit ngayon."

Hindi makapaniwalang tumingin si Lexine kay Night. She doesn't know what to feel or how to react. Tila ba namamanhid lang ang buong katawan niya habang pilit na ina-absorb ng utak niya ang lahat ng mga bagay na naririnig.

"Pero bakit ba kasi nila `ko gustong makuha? Ano ba'ng meron sa `kin?" Hindi kaagad nakasagot ang Tagabantay na tila may malaking pagtatalo sa kalooban nito. "Cael?"

Humugot muna ito nang malalim na hangin at humakbang patungong bintana. Tumingin ito sa papalubog na araw at sa nagkukulay dalandan na kalangitan. "Ang mga anghel mula sa Paraiso ng Eden ay nahahati sa pitong hukbo, ako at si Ithurielle ay nabibilang sa hukbo ng Anghel na Tagabantay. Pinamumunuan ng pitong Arkanghel ang bawat hukbo, si Gabriel ang aming pinuno." Humarap si Cael sa kanila. "Tungkulin namin na bantayan ang bawat mortal sa ibabaw ng lupa. Sa `kin naiatas ang responsibilidad na bantayan ka. Ang sumunod na hukbo ay ang mga Anghel na Tagatala at pinamumunuan naman ito ng Arkanghel na si Uriel. Tungkulin nilang itala sa aklat ng buhay ang bawat kaganapan sa buhay ng tao. Maari nating sabihin sila rin ang nagsusulat ng tadhana ng bawat mortal sa mundo.

"Ang pangatlong hukbo ay mga Anghel na Tagapagtanggol na pinamumunuan naman ni Arkanghel Michael. Sila ang mga mandirigmang anghel na pumoprotekta sa sanlibutan laban sa mga masasamang demonyo ng kadiliman." Matalim na tumingin si Cael kay Night. Umismid lang ang huli.

"Ang pang-apat ay pinamumunuan ni Arkanghel Zachael, ang hukbo ng mga Anghel na Tagalingkod. Tungkulin nilang bulungan ang mga tao. Tinatawag silang konsensya. Ang pang-lima ay hukbo ng mga Anghel na Tagaugnay na ang tungkulin ay idikit ang mga tao sa kanilang magiging kabiyak, si Raphael naman ang pinuno nila.

"Ang pang anim na hukbo ay Anghel na Tagapangalaga at tungkulin nilang alagaan ang kalikasan. Ngunit sa kasamaan palad ay nabuwag ang hukbong iyon matagal na panahon na ang nakalilipas. Nalipat ang tungkulin ng mga ito sa kalahati ng hukbo ni Uriel."

Kumunot ang noo ni Lexine. "Bakit? Ano'ng nangyari?"

Muling nagtagpo ang mata ng dalawang binata. Hindi nakaiwas sa tingin ni Lexine ang paninigas ni Night sa kinatatayuan. Bakit tila kanina pa ito hindi kumportable?

"Dahil sa kanilang pinuno, si Lucifer."

Bumalik ang atensyon niya kay Cael. Nag-isang guhit ang kilay niya. "Lucifer… the fallen angel?"

Related Books

Popular novel hashtag