GAMIT ANG KAPANGYARIHAN ni Cruxia ay may lumitaw na malalaking ugat mula sa ilalim ng lupa at agad ginapos si Lexine.
"Lexine!" sigaw ni Night.
Tinangkang pigilan ni Night ang malalaking ugat ngunit mabilis na pinasabog ni Cruxia ang lupa sa harapan niya at umangat iyon sanhi upang hindi siya makalapit sa babae. Nanggigigil na napamura si Night. Agad niyang tinawag si Gula. Umilaw ang tattoo niya sa kanang pulsuhan at lumitaw ang espadang binabalot ng asul na apoy sa isang kamay niya
"Huwag mong maliitin ang kapangyarihan ko prinsipe ng dilim," sambit ni Cruxia.
Nagtagis ang panga ni Night.
Samantala, si Cael naman ay nakikipagtagisan pa rin ng lakas sa lobong si Kaizer. Tanging ang espada niya ang pangsanga sa matutulis na ngipin ng lobo. Lalo nabahala ang Tagabantay nang matanaw na ginapos ng malalaking ugat si Lexine habang nakikipaglaban naman ang Tagasundo sa babaeng demonyita.
Higit na lumakas ang lobo sa ibabaw ni Cael at maliksing sinakmal ang mukha ng binata. Buti na lang at mabilis na nakaiwas si Cael sa atake ng lobo at tanging lupa ang tinamaan ng nguso nito.
Muling umatake ang nakabukang bibig ng lobo at sa pagkakataong ito maliksing tinutok pataas ni Cael ang patalim ng espada at sinaksak ang ngala-ngala ng halimaw. Tumagos ang espada sa leeg ng lobo. Buong lakas na tinadyakan ng binata si Kaizer at agad bumangon mula sa pagkakahiga sa lupa.
Nangingisay na natumba ang katawan ni Kaizer. Bumalik na ito sa dati nitong anyo bilang demonyo at `di nagtagal ay tinupok ng apoy ang katawan nito at naging abo.
Hingal na hingal si Cael. Maliksi niyang hinakbang ang mga paa patungo sa kinaroroonan ni Lexine. Naaaninag niya ang gintong kwintas sa lupa. Hindi pa man niya ito nahahawakan, naramdaman na agad ni Cael ang presensya ng nilalang na nasa loob nito.
Hindi makapaniwala si Cael, ang buong akala niya ay patay na ang anghel. Gamit ang nanginginig na mga kamay, pinulot niya ang kwintas at binulong ang isang pangalan.
"Ithurielle."
***
NAUUBOS NA ANG pasensya ni Night sa pakikipagpantintero sa malalaking ugat at mga lupang panay ang angat. Hindi siya tuluyang makalapit kay Lexine.
Samantala, unti-unting iniipit ng mga ugat ang buong katawan ni Lexine. Gumapang ang isang ugat sa kanyang leeg at mahigpit siyang sinakal. Nauubusan na siya ng hangin sa dibdib at hindi niya sigurado kung hanggang saan niya pa kayang lumaban.
Nahihirapan ang kalooban niya na nakikitang nakikipagpatayan ang dalawang lalaki para iligtas siya. Isa-isa ng nagkakatotoo ang hula ni Madame Winona. Dalawang makapangyarihang nilalang na galing sa magkabilang panig ng mundo ang handang makipaglaban para sa kanya.
Ang kanyang prinsipe mula sa kadiliman at ang Anghel na Tagabantay mula sa liwanag. Her two warriors fighting for her until death, and here she is, always the damsel in distress. Masyado ng maraming buhay ang nadadamay at nalalagay sa panganib ng dahil sa kanya. Gusto na niyang matapos ang lahat ng ito. Hindi na niya kayang makitang may masasaktan pa.
Lexine has to do something. Not only to save her life but to save the people she loves. Pero paano? Nawawala ang kanyang kwintas at nauubusan na siya ng lakas habang patuloy pa rin ang mga ugat sa paggapos sa buo niyang katawan. Unti-unti nang nanghihina ang mga kalamnan niya. Mahina siya, tao lang, hindi tulad ng mga ito na demonyo o anghel.
"Lexine!"
Lumingon siya sa pinanggalingan ng boses, nakita niya si Cael na may hinagis patungo sa kanya: ang gintong kwintas! Nabuhayan siya ng loob. Sa kabila ng kahirapang kumilos, sinikap pa rin ni Lexine na saluhin ito.
Huli na nang makita ni Cruxia ang nangyari. Agad nitong kinontrol ang isang ugat at tinabig ang kwintas ngunit nasalo na ito ni Lexine.
Lexine's eyes burned. She feels so much anger, pain, and frustrations, but above everything else, her eyes were raging with abundant devotion to protecting everyone she loves. Para sa lahat ng inosenteng taong nadadamay sa gulong ito at para sa lahat ng taong lumalaban para sa kanya.
"ITHURIELE!!!"
"Aking prinsesa ano ang `yong hiling."
"I want you to kill that bitch!"
"Masusunod aking prinsesa."
Binuka ni Lexine ang kaliwang kamay at kasabay niyon ang pagliwanag ng kwintas. Mabilis itong nagpalit anyo sa isang bolang apoy. Kasunod ng paglutang ng bolang apoy ay ang pagliwanag ng kanyang dalawang mata. A great power abruptly enveloped her whole body. She feels as though she was burning. Her throat went dry as her hands, arms, and legs feel electrified. With all her strength, Lexine threw the ball of fire towards the demon's direction.
Humakbang palayo si Cruxia ngunit tumama ang bolang apoy sa dibdib nito at mabilis itong nilamon ng malaking apoy. Natumba ang demonyita sa lupa habang panay ang paghiyaw sa labis na pagdurusa. "AAAARRRGGGGHHH!!!"
***
UNTI-UNTING nawalan ng buhay ang mga ugat at tuluyang nakalaya si Lexine. Nahulog ang dalaga. Buti na lang at agad itong sinalo ni Cael.
Agad tumakbo si Night patungo kay Lexine. Wala na itong malay. Marahil sa sobrang kapangyarihan na pinakawalan nito kung kaya hindi na kinaya. Nangingining ang mga braso na hinawakan ni Night ang kamay nito. "Lexine, give her to me!" sigaw niya sa Tagabantay.
Nais sanang tumutol ni Cael ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hinayaan niya lang na kunin ni Night ang katawan ng dalaga. Marahil dahil sa nakita niyang labis na pag-aalala sa mga mata ng Tagasundo o dahil sa katotohanan na alam niyang hindi niya maitatanggi; katulad niya ay may nararamdaman din ang prinsipe ng dilim sa dalagang mortal.
Pinagmasdan lang ni Cael kung paano maingat na hinaplos ni Night ang natutulog na mukha ni Lexine habang paulit-ulit na binubulong ang pangalan nito. May patalim na tumatarak sa kanyang dibdib nang mga sandaling iyon dahil mahirap man aminin at tanggapin, alam niya sa sarili na kailanman ay hindi siya mananalo sa Tagasundo pagdating sa puso ng dalaga.