Isang taon nang nakalilipas...
SHIZUKU'S P.O.V.
Araw ngayon ng Sabado at naisipan kong mamasyal ng mag-isa. Balak ko lamang puntahan ang mga magagandang lugar na malapit lamang sa aking tinutuluyan. Nais ko naman na makauwi ng maaga, kaya naman umaga pa lamang ay nakaayos na ako. Nilagay ko na sa isang handbag ang mga gamit na kakailanganin ko. Nakaayos na rin ako. Nakasuot ako ng isang simpleng bestida na may disenyong floral na sleeveless upang ako ay mapreskuhan sa aking pamamasyal.
Nang masiguro kong ayos na ang lahat ay napagpasyahan ko ng umalis.
Una kong pupuntahan ay ang malapit lang sa amin na mall. Nais kong bumili ng mga bagong kasuotan na aking magagamit sa pang-araw-araw at mga magagamit ko rin maging sa aking pamamasyal.
Sa di masyadong kamahalang boutique ako unang pumunta. Nagtingin tingin ako ng mga bestida. Ayoko nung mga bestida na masyadong revealing na halos kakapiraso na lang ang tela. Ang nasa isip ko kasi ay nagsasayang lamang ako ng pera kung bibili ako ng ganung klaseng damit at baka makitaan pa ako kapag ganun ang aking susuotin. Kaya nagtingin-tingin ako ng mga simpleng bestida na babagay sa akin. Dahil hindi naman kahirapan maghanap ng damit na babagay sa akin ay nakahanap ako kaagad. Tatlong bestida lamang ang aking natipuhan at binili.
Pagkatapos kong makabili ng mga bestida ay mga pansapin naman sa paa ang sunod kong binili. Ayoko nung mga sobrang taas na heels. Hindi naman dahil hindi ako marunong maglakad gamit ang mga ganun, kundi dahil hindi lang ako masyadong sanay at nasa isip ko na ang mga nagsusuot lamang ng mga ganun ay ang mga sosyal na tao. Kaya naman ang binili ko ay dalawang pares ng di kataasang heels na tiyak na magagamit ko kapag ako ay may pupuntahan at pati na rin sa trabaho.
Pagkatapos kong bumili ay nag-ikot-ikot muna ako sa mall. Ngunit sa aking paglilibot may naramdaman akong kakaiba, na para bang may mga matang nakamasid sa akin. Kaya, tumingin ako sa paligid ko pero wala naman akong nakitang kahina-hinala. Kaya, binalewala ko na lang iyon at nagpatuloy sa pamamasyal.
Dahil malapit na ring mag-tanghali at ako naman ay nagugutom na, napagdesisyunan kong dito na rin kumain sa mall. Pumunta ako sa isang fastfood chain. Pumila na ako sa counter at nag-order. Pagkakuha ko ng aking kakainin ay naghanap na ako ng mauupuan. Nakahanap naman ako ng pang-dalawahan. Tutal ay mag-isa lamang ako ay umupo na ako roon.
Habang kumakain, bigla na lamang may lalaking lumapit sa akin, hawak hawak ang tray na laman ay siguro ang inorder niya. Tumigil ako saglit sa aking pagkain at tumingin ako sa kanya na mistulang hinihintay ko ang kanyang sasabihin. Saglit na natulala ang lalaki sa aking mukha, ngunit nang mapansin siguro na ako'y nakatingin sa kanya at naghihintay ng kanyang sasabihin ay nagsimula na siyang magsalita habang nauutal.
"Hi miss! M-may kasama ka ba? Wala na kasing b-bakanteng upuan na pwede kong maupuan, at ito lamang ang nakita ko. P-pwede ba akong makiupo?" sabi niya.
Tumingin muna ako sa paligid at nakita ko ngang wala ng bakanteng mauupuan at tanging ako lamang ang walang kasama. Nag-isip muna ako saglit. Inobserbahan ko siya at tingin ko nama'y mabuti siyang tao at wala siyang gagawing masama. Kaya, ayos lang siguro na paupuin ko siya at baka nagugutom na rin ito.
"Ayos lang naman sa akin. Sige maupo ka na at kumain, baka nagugutom ka na." sabi ko.
"Salamat miss. Maganda ka na, mabait ka pa." sabi niya.
"Naku! Nambola ka pa! Maupo ka na nga at simulan mo ng kumain, baka gutom lang yan." sabi ko.
"Hindi ako nagbibiro. Maganda at mabait ka talaga." sabi niya, sabay upo. "Gusto na nga agad kitang maging girlfriend eh." dugtong niya ngunit pabulong lamang.
"Naku kung ganun, salamat. Ikaw rin naman gwapo ka. Ano pa lang sinabi mong huli? Pasensya na, di ko masyadong narinig." sabi ko.
"Wag mo ng isipin yun. Salamat rin pala sa papuri. Ako nga pala si Arthur Mendez. Ano palang pangalan mo?" sabi niya, sabay abot ng kanyang kamay upang makipagkamay.
"Ah. My name is Shizuku Perez. Nice to meet you, Arthur." sabi ko, sabay nakipagkamay sa kanya.
"What a nice name. Bagay sayo and nice to meet you too, Shizuku! Sige kain na tayo baka lumamig pa ang pagkain." sabi niya.
Tumango na lamang ako at nagpatuloy na sa aking pagkain. Nagtaka naman ako dahil nung una ay parang kinakabahan pa siya, pero biglang naging komportable na siya. Baka may iniisip lang siguro siya kanina.
Habang kami ay kumakain, nahuhuli ko siyang sumusulyap sulyap sa akin, pero di ko na lamang iyon binigyang pansin at nagpatuloy lang ako sa aking pagkain. Nang biglang may lumapit sa aming crew at may sinabi ito kay Arthur.
"Magandang araw sir! Sa gawi po doon ay may bakante pa pong mauupuan kaya maaari na po kayong lumipat." sabi nito.
"Ay salamat pero di na kailangan. Ayos na ako rito." sagot naman dito ni Arthur.
"Di po maaari sir. Kailangan niyo pong lumipat sa bakanteng upuan." pilit ng crew kay Arthur.
"Bakit pilit mo akong pinalilipat? Ayos naman na ako rito. Gusto mo bang ipatawag ko ang manager niyo?!" sagot ni Arthur.
"Sir, ang may-ari po mismo ng kainan na ito ang nagpapalipat sa inyo roon dahil baka naaabala niyo si miss sa kanyang pagkain." mahinahong sagot ng crew.
Hindi na ako nakatiis at nakisali na rin ako sa kanilang usapan. Nakakuha na rin kasi sila ng atensyon sa buong kainan.
"Hindi naman niya ako naaabala. Pero ang ibang customers ay siguro'y naaabala na sa inyong pagsasagutan." sabi ko.
"Pasensya na po pero di po ako aalis hanggat di po kayo lumilipat, sir. Matatanggalan po ako panigurado ng trabaho kapag di po kayo lumipat. Kaya pakiusap po, lumipat na po kayo sa bakanteng upuan." sabi ng crew kay Arthur.
Nang mapansin ni Arthur na marami ng nakatingin sa kanila at nang sabihin ng crew na matatanggalan ito ng trabaho kung hindi ito lilipat, wala ng magawa si Arthur kundi lumipat na lang. Ngunit bago siya tumayo ay nagpaalam muna siya sa akin.
"Sige Shizuku, salamat uli at sinisigurado ko na muli tayong magkikita." sabi nito.
"Sige, salamat rin." sagot ko na lamang.
Pagkalipat niya ay nagpatuloy na lamang ako sa aking pagkain.
NARRATOR'S P.O.V.
Sa di kalayuan ay patuloy na nagmamasid ang binata sa kanyang dalagang iniirog. Simula pa ng pag-alis ni Shizuku sa kanyang tinutuluyan ay sinusundan niya na ito. Sinisigurado niya na walang makalalapit rito na maaaring umagaw sa dalaga sa kanya. Siya rin ang dahilan kung bakit lumipat ng upuan si Arthur. Nang makita niya pa lamang na may lumapit at kumausap kay Shizuku na ibang lalaki ay nanggagalaiti na kaagad ito at nais na paslangin ang lalaki. Kaya naman, dali-dali niyang inutusan ang isa sa mga crews ng kainan at pinalilipat niya ng ibang upuan si Arthur. Talagang binili niya pa ang kainang iyon para lamang mapaalis ang binata doon.
"I won't let any man be with my angel. Ako lang ang may karapatang lapitan siya at makasama siya sa lahat ng bagay na ginagawa niya at sa mga bagay na gagawin niya pa lamang. Shizuku is always mine and mine alone." bulong niya sa kanyang sarili bago ipinagpatuloy ang pagmamasid sa dalaga.
May naisip na rin siyang gagawin sa binatang nakipag-usap kay Shizuku at inutos niya ng gawin iyon ng kanyang mga tauhan pagkalabas ng binata sa mall.