Gaya ng maraming millenial nung panahon namin, umikot sa social media ang mundo namin ni Jordan. Parehas kaming may blog noon at gaya ng maraming social media warriors, lagi kaming nagtatalo sa kung anu-ano na madalas dinadaan sa patama. Old school siya, conservative at mukhang laki sa relihiyosong pamilya sa probinsya habang ako naman laking Maynila at liberal.
Natural lang siguro bilang teenager na maging opinyonado kahit sa pinakamabababaw na bagay. Kung pabor ako sa RH Law, siya hindi. Gusto ko si Noynoy, siya ayaw niya. Mula sa Spratlys, si Obama, same-sex marriage at kahit kung totoo ang Iluminati, lagi kaming may opinyon na madalas di pareho. Pero hanggang doon lang ang kababawan namin dahil di iyon nauuwi sa personal, na siyang pinagpasalamat ko.
Iyon siguro ang dahilan kung bakit nagka-crush ako sa kanya. Hindi naman siya gwapo pero lahat ng picture niya, tama ang angulo't mala-model. At base sa lahat ng posts niya para bang wala siyang kaproble-problema sa buhay: mayaman, top sa klase, lider sa kung anu-ano at madaming kabarkada. Samantalang ako mukhang stressed, alanganin ang grades at wala halos kaibigan. Kahit nasa hamak na State U sa probinsya lang siya noon di siya nauubusan ng panablang mga theory at philosophical quotes - siguro nga di lahat ng matatalino makikita mo sa Maynila.
Sa pefect life niya noon, isa lang ang lagi niyang problema: mga girlfriend. Hindi naman talaga problema kasi kahit itapon niya sila, lagi namang may papalit. Ipamigay na lang niya sana sa akin, isip ko. Kaya laking gulat ko nung isang beses siyang nagparamdam sa akin sa chat:
"Huy, di ba expert ka naman sa contraceptives?" Pagbibiro niya...maybe not. Napakunot na lang ako sa simula ng convo naming iyon.
"And why you're asking me that? May Google naman. Saka akala ko ba..."
"Eh kasi, I'm afraid mabuntis ko girlfriend ko." Shet, Indian pana kakana-kana pala itong loko. Matinik.
"Bakit? Nag-sex kayo? Saan? Paano? Akala ko ba old school ka't you're reserving virginity for marriage blah blah blah?" Sunud-sunod kong tanong out of curiosity. Nakakatawang isiping magtatanong itong ipokritong 'to sa akin.
"Kailangan ko ba talagang sagutin iyan? Ganito, nagkainuman sa bahay ng kaibigan ko, ayun, frailties of a man, napasubo..."
"Baka siya kamo napasubo sa iyo."
"Gago!" Umuusok na siguro siya dahil sa joke ko. "Pero ugh, ano ba itong napasukan ko...baka isang araw sumugod na lang sila ng parents niya sa bahay tapos pilitin akong pakasalan siya!" Reaksyon niya na may kasama pang umiiyak na emoji.
"Di ko aakalaing matalino kausap ko sa kung paano ka magsalita ngayon..." Sa browser napilitan akong mag-search ng tungkol sa morning-after pills. Wait, paano ba 'to? Hindi naman ako babae at wala pa akong babaeng kailangang gumamit nito. Sa edad nilang dalawa makakabili ba sila nun na parang candy sa botika?
In the end wala rin akong napayong matino. Paasa daw ako, reklamo niya. Natawa na lang ako sa kanyang moment of helplessness.
Naghiwalay din naman sila nung babae at gaya ng dati, may bago na naman siyang kapalit na binida sa Facebook. Simula noon, napalitan na ang aming usapang pulitika ng normal na kababawan - siya tungkol sa girlfriend niyang love of his life at forever na daw, habang ako nagpapatulong sa mga subjects ko. Padalas ng padalas ang usapan namin; para bang nakakapanibago kung di lumalabas pangalan niya sa notifs ko at least once isang araw.
Di nagtagal may nag-notify din sa puso ko: in love na daw ako. Pero tinanggi ko sa sarili ko iyon - paano mo malalaman ang hindi mo pa naranasan? Sa mga kwento lang niya nakabase mga ideya ko sa pag-ibig: sweet nothings, selfies na may stickers, mga dates sa mall at sa amusement park, short stays sa mga motel...lahat iyon lumalabas sa mga panaginip ko. Siya, magtatapat ng feelings sa akin, kakain kami sa labas, magpapalitan ng love letters, iinom at magyayakapan sa kwarto pagdating ng gabi…shet, di ito pwede. Inggit lang 'to. Wala akong pagtingin sa kanya. Imba lang ako sa kanya kung gaano ka-astig ang buhay niya compared sa akin.
Isang araw bigla na lang ako nagdesisyon...lilipat ako sa Accountancy. Kailangang may patunayan ako sa sarili ko.
"Di ba 2nd year ka na? Sure ka bang makakapasok ka if ever?" Parang gusto pa akong hamakin nito. "Kung alam mo lang kung gaano kahirap buhay dito!"
"That's why I want to prove something-"
"Ano naman yun?" Pagtataka niya.
That what I feel about him is admiration, not love...gusto kong sanang sabihin. "Wala lang, I just thought of doing something challenging. Namiss ko na kasi nung adik pa ako sa Bookkeeping class ko dati..."
"Whoa, nag-Accounting ka dati nung high school?" Curious niyang reaksyon.
"Yup, I even joined contests back then. Perhaps I don't want to regret not pursuing it before it's too late..."
"O baka naman in love ka sa akin kaya gusto mong gayahin course ko?" Pagsakay niya sa usapan.
"Feelingero!" Biro ko, even if jokes are half-meant. "Pero seryoso, parang gusto kong magturo ng Accounting sa high school." Paghahanap ko pa ng dahilan.
"Well if you say so, let's make this a deal..." Gusto niya akong hamunin bigla. "Kung natapos mo iyan at nakapasa ka ng board, pupunta akong Manila at sasamahan kita sa oath-taking mo."
"As if naman I'd be motivated with that! But yeah, no sweat."
"That's settled then." Sabay kindat pa niya. Itanggi ko man sa sarili ko, kinilig ako kahit sabihing di iyon seryoso. Iyon ang promise na pinanghawakan ko sa loob ng apat na taon: matapos ko lang 'to, magkikita kami. Hindi ko lang 'to ipapasa, papasok pa ako sa top ng board para lang may maipag-mayabang ako sa kanya.
Ano bang point ng lahat ng iyon? Sarili ko lang niloloko ko kung sabihin kong para sa sarili ko lahat ng effort ko noon. Para iyon lahat sa kanya, baka sakaling mapansin niya ako. May ginagawa kaming parehas na nakaka-relate at hahaba yung online friendship na pwedeng mawala kapag na-bore na siya't may ibang taong kalolokohan.
Four years para matanggi kong may feelings ako para sa kanya. Every day I wished na bumilis ang mga araw at makita ang ngiti niya sa personal, na magkausap kami sa wakas para matapos na ang kalokohang 'to.
Eventually dumating ang araw na pareho kong inantay at kinatakutan. Nandoon siya flesh and bone, suot ang muscle shirt at jeans; kitang-kita ang mukhang nagpabaliw sa akin sa di mabilang na mga gabi.
"Kilala mo pa ba ako?" Biro niya. "Masyado mo atang sineryoso dare natin dati."
"Himala't wala kang kasamang girlfriend." Subok kong ibahin ang usapan. Pero sa totoo lang gusto ko siyang yakapin. Ito lang ang chance na makasama siya at gusto kong sulitin iyon. Pagkakita ko sa kanya sure nang pag-ibig ang nararamdaman ko, di lang basta friendship o bromance.
"Ang daya mo, this is your day. This is our day." Kung marami lang sana kaming oras. Literal na nandoon lang siya para samahan ako, kumain saglit at babalik sa probinsya pagkatapos. Wala man lang leisurely walk o confession scene sa tapat ng baywalk o sa gitna ng ulan.
Umuwi akong dala yung mga luha na matagal kong pinigil. Hindi lang siguro talaga kampi ang tadhana para sa amin. Kaibigan lang niya ako, isang mukhang binubuo ng bits and atoms na walang panabla sa mga tunay niyang kaibigan. May halaga lang anong meron kami kung walang hindi offline sa aming dalawa.
Kaso isang tawag lang pala ang sagot para matapos ang pagdu-duda kong iyon...
"Hello? Gising ka pa? Pupunta ako diyan bukas-" Ano? Bakit? "Hindi ko na kaya, I don't want this chance to disappear from us anymore..."
"Anong pinagsasasabi mo?"
"Umamin na ako sa parents ko..." Halata sa paghinga niya na pinipigilan niyang umiyak. "Fuck it man, I've tried to hold it for years! Di mo pa ba gets?"
"Bakit di mo pa sinabi iyan nung magkasama pa tayo?"
Parehas lang kaming umiyak sa magkabilang dulo ng linya. Nag-out na daw siya sa mga magulang niya, na ikinagalit nila ng husto at dahilan kaya siya aalis.
"Kung alam mo lang ilang taon ko tiniis 'tong nararamdaman ko?" Dugtong ko na may parehong ngiti at lungkot sa mukha ko. Buti pa siya nakahanap ng tapang na di ko man lang sinubukang hanapin para sa sarili ko. "Huwag ka namang ganyan, kahit hanggang ngayon pinapamukha ko sa aking wala akong panabla sa iyo eh..."
Bago pa mag-umaga, dala niya lahat ng kaya niya at sumakay ng bus pabalik ng Maynila. Wala na rin akong nagawa kundi magmadaling umalis para lang masalubong siya. Nakatayo lang siya sa labas ng terminal, halata ang takot para sa kinabukasan namin. Ilang taon din naming 'tong hinintay tapos ganito magsisimula. Bahala na si Batman.
"Aba, bakit kasama mo siya ulit?" Pagtataka ng nanay ko pagdating namin sa bahay. Di na kailangan ng intro pagkaupo namin sa sala, magkahawak-kamay. Kahit anong mangyari kailangan naming panindigan ang desisyon namin.
In the end wala rin akong narinig na sumbat. Sabi pa nga ng nanay ko, "Ang guwapo naman niya, dapat noon mo pa siya pinakilala sa akin." Pumatak ang mga luha sa mata ko. Kung may lakas ng loob pala ako noon, di sana nasayang ang maraming pagkakataon. Yung mga pantasya at pangarap na naiisip ko dati matagal na sana naming nagawa.
"Ang daya mo naman, ang bilis mo namang magdesisyon..." Pang-aasar ko sa kanya habang kaharap siya sa higaan. "Magco-confess na sana ako eh."
"Naisip ko kasi di ko na 'to dapat palagpasin..." Malungkot niyang reaksyon. "Ang reckless ko, no? Basta suportahan mo 'ko dito. Panindigan mo 'to."
"Yep. I'll stick with you whatever happens."
Tumira siya sa bahay na parang kapamilya namin. Naalala ko pa nga, paborito niyang magluto ng curry lalo na kapag nakikita akong depressed. Kapag kumakain kami, nakakalimutan kong temporary lang lahat ng iyon at baka mawala na lang siya ulit. Ang mahalaga nasusulit ko ang mga oras na kasama siya.
Gaya ng usapan namin noon, naisipan kong magturo kaysa sumali sa isang accounting firm, at ang loko ginaya din naman ako. Pero sa liit ng kita namin dumating ang puntong kailangang mag-sakripisyo – pupunta daw siyang ibang bansa, at pagbalik niya bibili siya ng bahay at doon na kami titira. Takot man ako, naniwala pa rin ako sa promise niyang babalik siya at magagawa na naming lumagay sa tahimik.
Nung una, madalas pa kaming naguusap at masaya pa ang mga kwentuhan namin. Pero isang message lang ang nagpabago ng lahat – humingi siya ng tawad sa akin, at sinabing di ko na daw siya deserve. Natauhan na siya, na isang bangungot lang pala lahat ng nangyari at bumalik na siya sa wisyo. May girlfriend na siguro siya ulit doon at siguradong wala akong panapat kung ganun. Ang daming araw at gabi na napaiyak ako't parang lutang bago ko naisip na walang silbing mag-drama pa at dapat na siguro akong masanay na mag-isa gaya dati.
Pumunta akong ibang bansa, nagkukunwari sa sariling gusto ko ng bagong direksyon sa buhay pero sa puso ko, nagbabaka-sakali akong makita siya. Pag-alis ko, I made sure na may bahay akong babalikan, o marahil kami. Di pa rin ako natapos umasa na aayos din ang lahat.
Dahil wala namang laman ang kusina, napilitan akong lumabas ng subdivision para bumili ng makakakain. Pero nauwi iyon na gusto kong parusahan ang sarili ko sa pagbili ng ingredients ng curry na paborito naming dalawa. Kung siguro matikman ko 'to ulit, baka tuluyan na akong maka-move on at matanggap na kailangan ko nang tapusin 'tong kahibangan ko.
Magsisimula na sana akong magluto nang biglang lumiwanag sa labas, rinig ang pagdating ng mga truck, na nakakapagtaka dahil halos wala namang tao dito. May bagong lipat ba? Mukhang masyadong gabi na para sa ganito?
Napasilip ako sa labas at di ako ready sa nakita ko – abalang-abala siya sa pagbubuhat ng gamit papasok ng bahay niya sa kabilang dulo ng row house. Nagbibiro ba ang tadhana sa amin? Bakit siya nandito? Paano ko siya haharapin?
Wala pang split-second bago ako mapansin ng bago kong kapitbahay – si Jordan. Alam kong siya iyon sa kanyang mukha pero di ko malaman kung tumanda lang siya masyado – humaba ang buhok niya, makapal ang salamin at parang walang sigla ang balat. Gusto ko siyang tanungin ng kung anu-ano; magalit at umiyak sa harap niya ngayong nandito siya't ilang lakad na lang mula sa akin.
"Anong ginagawa mo dito?" Nagtataka niyang tanong. "Akala ko nasa ibang bansa ka?"
"Ah, eh..." Napakamot na lang ako sa ulo. "Kauuwi ko lang. Binisita ko lang yung bahay na binili ko. What should I say, long time no see?"
"Ang troll talaga minsan ng nasa taas, no?" Pagpapatawa niya. Pinipilit kong magmukhang galit sa kanya pero sa loob ko, masaya ako sa realidad na kausap ko siya ulit. "Kauuwi ko lang din. And I meant to stay here for good, gaya ng sinabi ko sa iyo noon-"
"Wait, hindi ito teleserye, tumigil ka diyan sa ilusyon mo..." May halong biro at pagkaseryoso ang sagot ko. "Baka kailangan mo ng tulong diyan sa mga gamit mo?"
Tinanggap naman niya ang offer para ibaba ang mga gamit na binili niya pala sa mall. Halatang gusto niya akong kausapin pero sinusubukan kong iwasan ang mga tingin niya para magmukhang impersonal ang pagtulong ko; tulong kapitbahay lang. Kaso di ko maiwasang maisip na gusto niya akong akitin sa kung paano siya makangiti. Hindi ko talaga ma-gets ugali nito hanggang ngayon.
"Baka gusto mong kumain, mukhang pagod ka ata sa biyahe mo?" Alok ko matapos maibaba lahat ng gamit niya.
"Naks naman, ibang klaseng kapitbahay ka pala."
"Excited lang. Akala ko kasi puro multo magiging kapitbahay ko, may dadagdag palang kapre." Dinaan ko na lang sa pang-aasar ang inis ko sa kanya.
"Anong ulam mo?"
"Curry."
"Wow naman, buti alam mong lutuin." Nahalata niya siguro na inisip ko siya nung nagdesisyon akong lutuin iyon.
"It was not meant for you, huwag kang feelingero." Sabay lakad ko paloob sa bahay at alok sa kanyang pumasok din.
"Kailangan ko bang matakot diyan?"
"Oo. Lalagyan ko yung ulam ng droga." Di ko alam kung matatawa siya o kinakabahan sa itsura ng mukha niya pagkasabi ko noon. "Unless ready kang ma-interrogate at sagutin lahat ng tanong ko sa iyo?"
"Like bakit ako nandito at bakit ako magiging kapitbahay mo?"
"Yeah, as well as..."
"Bakit ngayon lang ako nagparamdam ulit, after so long?" Sabay lapit niya sa refrigerator at sinilip ang laman na para bang dito talaga siya nakatira.
"Walang alak diyan, saka wala ka nang mabibilhan sa oras na 'to..."
Pero nagkasya na lang siya sa malamig na tubig. "Maniniwala ka ba kung sasabihin kong halos nabaliw na ako nung nasa ibang bansa ako?"
"Oh c'mon, hindi ito Wattpad, pero sige I'll listen-"
Saglit na tumahimik ang kusina at ang tunog lang ng kumukulong ulam sa kaldero ang maririnig sa paligid.
"Seryoso, di ko malaman anong sapak nangyari sa akin noon..." Sabay inom sa tubig sa baso na parang alak talaga hawak niya. "Halos mawalan ako ng trabaho, homesick ako, nabiktima ako ng bad influence..."
"At biglang iniwan mo na lang ako sa ere?" Napapasa ko na ata yung pait na nararamdaman ko sa niluluto ko.
"Alam ko, ang jerk ko noon. Hindi ko nga mawari saan ka humuhugot ng kung ano't nagagawa mo pang magpatawa sa akin ngayon-"
"Kung nangyari ito a few years ago, di ko malaman kung sasapakin kita o magmamaka-awa ako sa iyo. Ngayon di na tayo mga jejetweens, kaya nahaharap na kita ng ganito. Hindi naman ako selfish, kaya I tried na intindihin kung anumang desisyon mo noon..."
"And it was too late nung na-realize kong mali pala yung desisyon ko-"
"If that was the case, ang dali-dali lang namang i-message ako, tawagan ako, humingi ka ng tawad sa akin, pero di mo nagawa?" Doon na nagsimula ang litanya ko tungkol sa nakaraan. "Hindi ko alam sa iyo pero ako, nagtiwala ako sa iyo noon pa eh, I trusted you nung umalis ka't sinabi mong you're betting for our future, tapos yun pala namomoblema ka na sa ibang bansa di mo man lang sinabi sa akin? Ganun lang ba kababaw lahat ng pinagsamahan natin? Sinundan pa kita sa Singapore na walang idea kung buhay ka pa or what-"
"Actually lumipat na ako noon sa Malaysia..."
Hindi na ako nagbaka-sakali't linayo ko na ang kaldero at baka maging pampa-alat pa ang luha ko sa pagkain. "Diyos ko, di ko malaman kung paniniwalaan kita; isang tulay lang pala pagitan nating dalawa pero lagi na lang tayong nagkaka-salisi?"
"Tapos biglang magiging magkapit-bahay tayo ngayon..."
"Yun nga eh. Ang sarap isipin na second chance 'to, third chance, fourth chance? Tapos ano, maghihiwalay tayo ulit? Nakakapagod na, ayoko na sumugal pa…"
Tinignan lang niya ako sa buong mental breakdown ko na iyon. Pinagpasalamat kong di niya ako sinubukang yakapin o kung anuman dahil di ko sigurado ano magiging reaksyon ko – itutulak ko ba siya palayo, gaya ng pag-tulak niya sa akin bigla noon?
Hindi naman ito parang nobela na basta nagkita lang ulit, bati na agad at may happy ever after. Hindi na kami bata pareho, at pareho naming alam na ang pagpatawad ay di parang kapeng nabibili sa tindahan – hindi siya instant. Pero kahit na ang bilis ng pangyayari may katiting pa ring awa sa puso ko – bakit iba na siya ngayon? Siya ba talaga ang gwapo, medyo hambog at pilosopong lalaki na naging peg ko noon, na nauwi sa pinangarap na forever?
"Tayo 'to, di ba?" Sa lahat pa ng pwedeng pagkakataon, doon pa niya napansin yung picture na magkasama kaming dalawa. "Grabe, ang bilis talaga ng panahon…"
"At ang bilis mong nawala di ko alam kung nakilala ba talaga kita."
Nagmadali na kaming ubusin ang linuto kong curry bago pa ito lumamig. Ang pait daw, pag-amin niya na di ko na rin kinagulat. Kung may oras lang daw ako, ipagluluto niya ako kina-umagahan pero tinanggihan ko siya dahil wala naman akong balak talagang magtagal. Hindi ko alam kung kailan ako babalik sabi ko, sabay paalala niya ulit na doon na siya sa subdivision titira ng permanente kaya pwede niya akong ipagluto anumang oras.
Nagpa-alam kami sa isa't isa na para bang walang dramang nangyari. Binuksan niya ang gate ng bahay niya, sabay lakad papasok na parang kumbinsido nang wala na akong balak ituloy ang usapan namin. Pero pahamak talaga minsan ang dila, minsan nadudulas at nalalabas ang sinasabi ng puso.
"Nakalimutan ko, meron nga palang 7-Eleven sa highway." Nagmadali siyang lumabas nang narinig iyon. "Bilisan mo bago pa tayo datnan ng ban."
Ilang Empi Lights kaya mauubos namin nito? Bahala na, kulang pa ang isang gabi para sa isang masinsinang kwentuhan. Online man ang mundo ngayon, wala pa ring tatalo kapag kaharap mo ang kausap mo.
Ayos lang naman sa akin kahit abutin ng umaga ang kuwentuhang ito, o kahit ilang araw pa…