MULA NANG PILIIN ni Maya ang pagmamahal ni Rodel kaysa responsibilidad sa kanyang angkan ay hindi siya pinatahimik ng kanyang kuwintas. Itinabi niya iyon sa isang maliit na kahon at pinatungan ng mga damit sa tokador, ngunit tuwing gabi'y naririnig niya ang pagbulong nito. Tila nasa utak niya ang tinig na nagmumula sa Bakunawa – tinatawag ang kanyang pangalan.
Sinabi niya iyon kay Rodel, ngunit alam niyang walang maririnig ang lalaki dahil hindi siya Maginoo. Laking pasasalamat na lang niya at hindi siya pinag-isipan ni Rodel na nasisiraan ng bait. Ngunit ang gabi-gabing pagbulong ay naulit na rin sa umaga, sa tanghali, habang nanananghalian, naging araw-araw, oras-oras, minu-minuto. Nakababaliw ang mga pagtawag na iyon. Minsan, kahit sa pagtulog, nakikita niya ang maliit na dragon na nililingkis ang kanyang leeg – at magigising na lamang siya na habol ang hininga. Kahit anong galing niya sa Kali o sa paghawak ng sundang, hindi niya kayang iwaksi ang hiwagang iyon. Mas pipiliin pa nga niya na makipagbuno sa mga kalabang nakikita, kaysa sa kaaway na pumapasok sa isip.
Itinuloy pa rin ni Maya ang pagpapakasal kay Rodel, saka nila nilisan ang siyudad at nagkubli sa isang malayong probinsiya. Doon sila nagkaanak at pinangalanan ito ni Maya na Dian.
"Dianne?" ang tanong noon ni Rodel.
"Dian," ang sagot ni Maya. "D-I-A-N. Parang Dian Masalanta."
"Ewan ko sa 'yo," sabi ni Rodel sabay tawa. "'Di ko naman kilala 'yon. Lola mo?"
Sa loob ng sampung taon, hindi tinantanan ng Bakunawa si Maya. Dahil alam niya ang nag-aabang na panganib para sa isang tulad ni Dian, na ipinagbabawal na ipanganak dahil sa paghahalo ng magkaibang dugo, kinailangan niyang turuan ang bata ng mga nalalaman niya sa Arnis.
Sa ikasampung kaarawan ni Dian, sa Tagaytay, kung saan kapiling niya si Rodel at nakatutok ang kanilang mga mata sa langit, narinig niya sa kauna-unahang pagkakataon na magsalita ang Bakunawa, hindi lamang ng kanyang pangalan, kundi ng mga pangungusap – mga salita ng pagsusumamo mula sa kanyang ama. Alam niyang darating ang pagkakataon na tatawagin siyang muli at pababalikin sa hukbo, ngunit 'di niya inaasahan ang tono ng pananalita ng kanyang ama mula sa kuwintas.
Ayon sa kanyang ama, pumili na ng bagong Pinuno ang mga angkang Maginoo, matapos mapaslang ang matandang Sultan ng mga tiwalag. Sampung taong gulang pa lang ang batang lalaki, at siya ang tagapagmana ng Gintong Anito – ang simbolo ng Pinuno. Katungkulan ng sandatahang lakas na ipagtanggol ang batang Pinuno, kaya kinakailangang bumalik si Maya. Hindi na kayang lumaban ang kanyang ama, dahil sa sugat na idinulot ng mga tiwalag sa huling laban nila. Hiling ng kanyang ama na huwag ipahiya ang kanilang angkan, lalo na't si Maya ang tanging makagagamit ng Kamay na Punyal.
Hinalikan ni Maya si Rodel. May kinang sa mga mata ng lalaki. Pinipigilan nito ang pagbagsak ng mga luha.
"Alagaan mong mabuti si Dian," ang bilin ni Maya.
"Babalik ka pa naman, 'di ba?" Basag ang boses ng lalaki. "Alam mo naman kung saan kami pupuntahan."
Umiling si Maya. Hindi ito panahon ng pagdadalawang-isip.
"Palakihin mo ang anak natin nang matuwid," patuloy ni Maya. "Aasahan ko 'yan, ha?"
"'Wag ka na lang umalis," sagot ni Rodel. "Bakit hindi na lang natin ipatunaw 'yung kuwintas mo para hindi ka na nila ginagambala?"
Napangiti si Maya, saka hinaplos ang pisngi ng asawa.
"Alam mo, nakakatuwa ka talaga," ang sabi niya. "'Yung pagiging inosente mo... Alam mo naman ang nangyari nung sinubukan nating gawin 'yon."
Niyakap ni Rodel ang asawa. Mahigpit. Malamang ay ito na ang huli nilang pagsasama. Inis na inis si Rodel sa sarili – kung bakit ba wala siyang kapangyarihang ipagtanggol ang kanyang pamilya o isalba ang kanyang asawa. Mula noon, hanggang ngayon, si Maya ang kanyang proteksyon. Si Maya ang nakakaalam ng mga dapat gawin upang hindi sila matunton ng mga Maginoo. Buong buhay niya ay nakasalalay sa galing ni Maya. At ngayong aalis na ang kanyang asawa, at malamang ay hindi na ito makakabalik nang buhay...
"'TAY!" ANG SIGAW ni Dian sa ama na noo'y nakatulala. "Para kayong nagpa-flashback d'yan."
"Anong flashback?" ang sabi ni Rodel sabay sampal sa sarili. "Nai-print mo ba 'yung tiket natin?"
"Opo. Andito sa bag."
"Patingin nga," ang utos ni Rodel.
Niyakap ni Dian ang backpack. Naroon kasi sa loob ang kahon ng kanyang nanay. Kapag nakita iyon ng kanyang ama, siguradong maghahalo ang balat sa tinalupan.
"O, bakit?"
"Tama po 'yung pinrint ko," ang sagot ni Dian habang nanglalaki ang butas ng ilong.
"Ano na naman ba'ng tinatago mo, Dian?"
Sige, 'tay, gusto ninyo 'yan, ha. "May pads ako sa loob, gusto ninyong makita?"
Napatayo si Rodel. "Ano ka ba, anak," ang sabi niya, sabay labas sa kuwarto. "Kung wala ka nang gagawin, halika na at baka ma-traffic pa tayo. Sayang ang tiket kung maiiwan tayo ng eroplano."
Ngumisi si Dian. Binuksan niya ang bag ang tsinek kung naroon pa ang maliit na kahon. Kinuha niya ang gintong dragon at makinang na dyamante sa mga mata nito.
Bago umalis ang kanyang nanay, noong sila ay nasa Tagaytay, ibinigay ito sa kanya bilang birthday gift. Habang nagluluto sa kusina ang tatay niya, nilapitan siya ng nanay niya at binulungan ng "Happy Birthday" saka binilinan na ilihim ang regalong iyon sa kanyang ama.
Pitong taon na niyang sikreto ang kahon. Pitong taon na rin niyang sinubukang basahin ang salita na nakaukit sa ibaba ng dragon. Sa loob ng pitong taong iyon, akala niya'y isang mamahaling paper weight lang ito.
Ngunit nagbago ang lahat nang biglang gumalaw ang dragon at gumapang sa kanyang balikat patungo sa kanyang leeg.
~oOo~