Chapter 37 - Natanggal

Nang sumunod na umaga. Secret's Headquarters. Naghihintay na si Tangning sa meeting room simula alas 7:30 ng umaga pagtapos itong ihatid ng front desk staff. Mas maaga ito ng kalahating oras kaysa kila Han Rouxue.

Samantala, si Mo Yurou ay nasa ilalim ng pag – aakala na si Tangning ay humihilik pa sa kanyang kama.

Hindi niya kailanman inakala, na sa oras na dumating sila sa meeting room, na si Tangning ay naghihintay na ng may katagalan.

Makikita ang pagkalito sa mukha ni Han Rouxue. Nais niya na dumating si Tangning ng alas 9 ng umaga – dapat ay mahuhuli itong dumating, hindi dapat siya papayagang makapasok ng meeting room. Naplano na niya ito sa ganitong paraan para hindi magkaroon ng pagkakataon si Tangning na malaman na sinadya niyang ibigay dito ang maling oras. Subalit sa ngayon, dumating si Tangning ng maaga. Malinaw na alam ni Tangning na mayroon siyang balak na ipatanggal siya. Gayunpaman, wala siyang pakialam, siya pa rin ang organizer ng event at walang sinuman ang maaaring sumuway sa kanya.

"Tangning, bakit napaka – aga mo rito?" inis na tanong ni Mo Yurou; lumalabas na ang plano ni Han Rouxue ay hindi gumana kay Tangning.

"May dumaang kaibigan ko, kaya naman sa daan niya papuntang trabaho, inihatid na niya ako rito," mahinahon na paliwanag ni Tangning.

"Tama na ang pakikipag – usap, malapit ng magsimula ang pagpupulong," pagpapaalala ni Han Rouxue sa dalawa upang manahimik na ang mga ito.

Hindi nagtagal, pumasok na ng meeting room ang taong manununo sa proyektong iyon ng Secret. Siya ay humigit kumulang 40 taong gulang na babae. Sa likod niya, sumunod ang dalawang assistant na may dalawang malalaking salansan ng mga dokumento.

"Rouxue, pinag – aralan ko na ang mga impormasyon tungkol sa dalawang modelo na ito." Inangat ng babae ang kanyang ulo at sinulyapan pareho sina Tangning at Mo Yurou bago ipinagpatuloy ang kanyang sinasabi, "Gayonpaman, isa lang ang gusto ko sa kanila. Alam ko ang oras ng lahat ang mahalaga, hindi na ako magpapaligoy – ligoy pa; gusto ko si Mo Yurou. Sa kabilang banda, sa aking palagay hindi nababagay sa tema ng aming photoshoot si Tangning.

Direktang itinapon nito ang portfolio ni Tangning sa lamesa sa harap nila.

"OK lang na ayaw mo kay Tangning, mayroon pa naman akong iba pang modelo na maaari mong pagpilian." Ang mga pangyayari ay umaayon sa inaasahan na magyayari ni Han Rouxue. Pagkatapos ng lahat, matagal na nagtatanim na ng mga negatibong ideya tungkol kay Tangning si Han Rouxue sa pag – iisip ng babae. Agad niyang inilabas ang portfolio ng iba pa niyang hawak na modelo at inilatag ito sa harap ng babae. Hindi lamang nakahanap siya ng paraan upang tanggalin si Tangning, nagamit din niya ito ng mabuti – nakinabang si Mo Yurou at nagkaroon siya ng pagkakataon na ipakilala ang ilan sa kanyang mga modelo.

"Hayaan mo akong tingnan muna ang mga portfolio na iyan bago gumawa ng desisyon," inutusan ng babae ang kanyang assistant na kolektahin ang mga portfolio at naghahanda ng tumayo. Gayunpaman, pinigilan siya ni Tangning sa pamamagitan ng bigla nitong pagsasalita.

"Maaari ko bang itanong kung anong tema ang binabanggit mo Miss Mina?"

Hindi inaasahan ng babae na magsasalita si Tangning, kaya sumagot ito, "Oriental Trend, sa palagay ko ang nakakainip na taong katulad mo ay hindi angkop sa temang ito."

"Nakita na ba ni Miss Mina ang ilan sa mga gawa ko o nakita man lang ilan sa mga shows na dinaluhan ko?" pagtatanong ni Tangning na may ngiti sa kayang mga labi.

"Hindi ba isa kang … baguhan?" Tanong ng babae; malinaw na wala pa siyang naririnig tungkol kay Tangning,

"Hayaan mong tanungin muna kita, si Miss Han ba ang nagsabi sa'yo na isa akong baguhan?" nanatiling mahinahon si Tangning – hindi niya nais na magtunog dominante sa babae.

"Tangning, huwag kang lumagpas sa kung hanggang saan ka lang dapat!" agad na singhal ni Han Rouxue kay Tangning habang tinitingnan ng masama si Tangning, "Ito ay desisyon sa pagitan naming dalawa, wala kang karapatan na usisain ito."

"Ginamit mo ang aking kasikatan para dalhin dito si Mo Yurou sa US at pagkatapos ginamit mo ang pangalan ko para iangat ang mga hawak mong baguhang modelo. Ginamit mo ako ng lubusan, hindi ba ako maaaring magtanong?" direktang tanong ni Tangning kay Han Rouxue.

"Tangning, hindi ka talaga marunong kung paano maging mapagparaya."

"Ang pagpaparaya ko ay hindi ko ginagamit upang magparaya sa mga walang hiya, hampas lupa at sa kanilang kahanga – hangang kamag – anak …" sagot ni Tangning kay Han Rouxue bago siya lumingon sa direksyon ni Miss Mina, "Dahil sa hindi mo pa nakikita ang alin man sa mga shows na dinaluhan ko, magpustahan na lang tayo… bago pa man sumikat ang araw bukas, pagsisisihan mo na ang iyong desisyon." Pagkatapos ni Tangning magsalita, humakbang na ito ng malalaki papalabas ng kwartong iyon kasama ni Long Jie at Lin Wei; sinusuot nito ang kanyang sunglasses habang papalabas.

Natigilan si Mina sa kumpiyansa ni Tangning sa kanyang sarili. Pagkatapos na umalis ni Tangning agad niyang inusisa si Han Rouxue, "Sino ang modelong iyon?"

Namumula sa sobrang galit ang mukha ni Han Rouxue. Tuwiran niyang sinagot ito, "Isang baguhang modelo na walang patutunguhan – hindi importanteng tao."

Hindi na ito masyado pang pinagtuunan ng pansin ni Miss Mina kaya tumalikod na ito at umalis na ng meeting room, handa ng ibigay sa ibang staff ang pagtalakay sa gastos ng shooting at iba pang bagay patungkol sa gaganaping shooting. Sa mga oras na iyon, tumayo si Mo Yurou at ginatungan ang galit ni Han Rouxue, "Ruoxue Jie, nagsisimula na si Tangning hindi magpakita ng respeto. Hindi ka man lang niya isinaalang – alang."

Wala si Han Yufan sa mga oras na iyon; ito ay laban sa pagitan ng mga babae. Kaya naman, hindi na nagpigil si Han Rouxue, "Gusto niyang magsisi ako? Nakita na ba niya ang kanyang sarili? Maghanda ka, kapag tumaas na ang halaga mo, kinakailanga ni Tangning lumuhod sa harap mo at pakintabin ang sapatos mo."

"Yes Ruoxue Jie, Hindi kita bibiguin."

Nangako si Mo Yurou sa kanyang sarili, tuturuan niya ng leksyon si Tangning at kahit na gustong gumanti ni Tangning, hindi siya magkakaroon ng pagkakataong lumaban.

Pagkatapos na umalis ng headquarters ng Secret, bumalik na si Tangning asyenda kasama ni Lin Wei at Long Jie. Kahit na nagpahandaan na nila ang mga mangyayari, hindi pa rin mapigilan ni Long Jie manginig sa galit.

"Hindi pa ako nakakita ng isang taong katulad niya na napakawalang hiya. Ang mga miyembro ng Han Family ay palala ng palala."

"Tangning, ano na ngayon ang pinaplano mong gawin? Tanong ni Lin Wei kay Tangning. "Gumuhit na tayo ng linya sa pagitan natin at ng magkapatid na Han."

"Sa palagay mo kung hindi pa ako gumuhit ng linya na naghihiwalay sa aming tatlo, hahayaan nila ako mabilis na makaalis?" tumawa si Tangning, "Katulad ng sinabi ko kanina; ang Secret mismo ang tatawag sa akin bukas, o marahil, hindi na sila makapaghihintay pa hanggang bukas ng umaga."

"OK, dahil naplano mo ang halat, matiyaga nalang kaming maghihintay para sa resulta."

Gustong malaman ni Lin Wei kung papano ni Tangning mababaliktad ang sitwasyon, pero alam din niya na si Tangning ay maingat na tao. Hanggang sa hindi pa ito 100% sigurado, hindi ito magbubunyag ng kahit ano. Kaya naman, ang kaya lang nilang gawin sa ngayon at umupo at matiyagang maghintay.

Ang katotohanan ay, kahit na bago pa man ibigay ni Mo Ting sa kanya ang isang imbitasyon sa American Photography Exhibition nang umaga iyon, mayroon ng ibang plano si Tangning kung paano niya haharapin ang sitwasyon. Ngunit malinaw ang layunin ni Mo Ting; yaman din lang naman na hiningi ni Mo Yurou ang tulong ni Han Rouxue, bakit ba hindi siya umaasa kahit isang beses lang kay Mo Ting? Pagkatapos ng lahat, nangako naman si Mo Ting na hindi siya haharap o kaya hindi ito tutulong para makakuha ng mga koneksyon para sa kanya; binigyan lamang siya nito ng pagkakataon upang makalaban ng patas kay Mo Yurou. Kaya nga, sa huli, pumayag din si Tangning na dumalo.

Ang exhibition ay dadaluhan ng maraming kilalang photographers, magazines at personalities, kasama na … ang mga tao galing sa Secret. Ang pinakamahalaga, ang kanyang tagapayo, ang editor ng Royal Magazine ay ang organizer ng event.

Ang exhibition ay nakaiskedyul na gagapin ng gabing iyon. Kaya nga, pagkatapos bumalik ng asyenda, dali – daling naghanda si Tangning. Kahit na may panuntunan ang Entertainment Industry, hindi ibig sabihin nito na wala ng pagkakataon na mabago ito.

Akala ni Han Rouxue na kontrolado niya ang sitwasyon, ngunit ngayong gabi, ipapalaam sa kanya ni Tangning, ang katotohanang wala siyang halaga. Ang kahihinatnan ng kanyang pagmamataas ay, ang tanging makokontrol lamang niya ay ang mga B-grade models na katulad ni Mo Yurou upang mabigyan kasiyahan ang kanyang saril.

Hindi niya kailangan ipaalala sa lahat na siya si Kira, ang kailangan lang niyang gawin at tumayo katabi ng kanyang dating tagapayo at malalaman na ito ng lahat, ang kayang ranggo ay mas mataas kaysa sa karaniwan.

Siya? Baguhan? Sinong may sabi?