"Pu! Anong sinabi niya? Mali ba dinig ko? Walong pirasong ginto pababa?"
Nang marinig ang sinabi ni Zhang Xuan, napadura ang lahat ng tao. Tiningnan siya ng lahat nang may pandidiri, kita sa mukha nila na parang nakatitig sila sa isang baliw.
"Seryoso ka ba?"
"Sa treasure speculation, ang isang tao ay sumusugal para sa pananabik at kayamanan. Kahit ano pang artifact ang mapili nila, ito ay nagkakahalagang hindi bababa sa 100 pirasong ginto. Walong pirasong ginto... Ano sa tingin mo ang pwedeng mabili niyan!"
"Gumagana pa ba ang utak nito?"
"Walong pirasong ginto? Wahaha, mabuti pa magpulot ka na lang ng putik at bumalik ka na."
"Ang lakas pa rin ng loob mong sabihin na walong pirasong ginto lang pababa. Walang kahit isang bagay dito na ganon kamura, okay...
…
Ilang sandali pa ang lumipas, tumulo ang luha sa mga mukha nila dahil sa sobrang kakatawa.
"Ano ba, bata, pwede bang tumigil ka sa kabaliwan mo?"
"Paano mo balak maghanap dito ng bagay na mas mababa sa walong pirasong ginto ang halaga? Hindi ka pa rin nga makakabili ng kahit ano kahit na mayroon kang walumpung pirasong ginto!"
"Bakit? Wala ka bang kahit isang artifact na nagkakahalagang walong pirasong ginto sa isang treasure speculation hall? Hindi ka ba nahihiya?"
Binalewala lang niya ang pang-iinsulto ng madla sa kanya, mayabang na tiningnan ni Zhang Xuan ang tindero.
Walong pirasong ginto lang ang naiwan sa kanya ng dating siya. Hindi na siya makakadukot ng kahit isa pang piraso kahit na gustuhin niya.
"Puu!"
Nagtinginan ang madla at tumawa na naman nang malakas.
"Ikaw ang dapat na mahiya!"
"Para kang isang taong tumatakbo sa isang realtor na umaasang makabibili ng lote gamit lang ng isang pirasong ginto!"
"Kuya, wala ka bang talaga tama?"
"Imposible na mayroong artifact dito na walong pirasong ginto lang ang halaga! Ganito na lang, maaari kang pumili mula sa tambak ng mga gamit na ito. Pagkatapos mo, ako ang magbabayad para sayo. Kapag kumita ka, mapupunta ang lahat ng ito sayo. Kapag natalo ka, balik tayo sa usapan natin kanina, isang paumanhin ay sapat na!"
Tiningnan nang masama ni Master Mo Yang ang binata habang nasa likod niya ang kanyang mga kamay, nagpapakita ng pagiging nakatataas niya.
"Gaya ng inaasahan kay Master Mo Yang, kahanga-hanga ang kanyang kabutihan!"
"Ang binatang ito ay isang payasong pumunta lang dito para lokohin ang sarili niya!"
"Suko ako sa moralidad ng master!"
…
Nang marinig na ang master ay handang magbayad para sa kanyang kalaban, hindi mapigilan ng mga tao ang humanga sa kanyang kabutihan.
"Nakita mo ba 'yon? Tingnan mo kung paano dinadala ng master ang kanyang sarili, at tingnan mo 'yong bata..."
"Kalimutan mo na, mabuti nang 'wag mo nang ikompara silang dalawa. Ikinalulungkot ko na baka masuka ako..."
"Sigurado ka ba?" Kumislap ang mga mata ni Zhang Xuan.
Dahil alam niyang isang manggagantso si Master Mo Yang, hindi nakaramdam ng pag-aalinlangan si Zhang Xuan na gastusin ang kanyang pera.
"Syempre, lagi akong seryoso sa mga sinasabi ko!" Nagmistulang santo si Master Mo Yang na bumaba sa mundo ng mga mortal, walang bahid ng kamunduhan.
"Hehe, sisimulan ko na palang pumili..."
Bahagyang ngumiti si Zhang Xuan, lumapit siya sa platform at pinasadahan ang mga artifact na nakatambak.
Dahil maliit lang ang pinili ni Master Mo Yang, natural lang na hindi siya makapipili ng mas maliit na gamit. Bukod pa rito, kapag mas malaki ang artifact, mas matagal ang paglilinis dito.
"Walang kahihiyan ang batang 'to!"
"Oo nga! Hindi ko alam kung bakit ang ayos ng pagtrato sa kanya ni Master Mo Yang. Kung makakakilala ako ng ganitong tao, siguradong matagal ko na siyang hinampas palayo gamit ng palad ko!"
"Ang insultuhin ang master at gamitin pa ang kanyang pera para bumili ng artifact... Walanghiya!"
…
Nang makita niyang hindi man nahiya ang binata, sa halip, ay masayang-masaya pa niyang sinuyod ang mga gamit, walang masabi ang mga tao.
Nakakita na sila ng mga taong makakapal ang mukha noon, ngunit hindi pa sila nakakita ng taong ganito kakapal ang pagmumukha.
"Ikaw ang unang nang-insulto sa master na isa siyang manggagantso! Kahit anong mangyari, kayong dalawa ay magkaaway. Sa sitwasyong ito, hindi ka ba nahihiya na gamitin ang pera ng kaaway mo sa pagbili ng artifact para makipagpaligsahan sa kanya... Sumosobra ka na!"
Hindi niya pinansin ang usapan ng mga tao, hinawakan ni Zhang Xuan ang bawat kayamanan na makita niya. Ilang saglit lang, pinili rin niya ang isang kayamanan na sinlaki ng isang palad at inabot niya ito.
"Nagkakahalaga rin ito ng 200 pirasong ginto!" Ang sabi ng tindero matapos niyang tingnan ito.
"Master, dalian mo at bayaran mo na!" Hindi nahiya si Zhang Xian na sumenyas sa Master na dalian niya.
"..." Nagdilim ang mukha ni Master Mo Yang.
Binalak niyang ipahiya si Zhang Xuan, ngunit hindi niya inasahang malugod niyang tatanggapin ang kanyang tulong, hanggang sa puntong nagmukhang siya na ang alipin ng binata.
Habang pinipigil niya ang kagustuhan na sakalin si Zhang Xuan, binayaran na lang niya ito.
"Sige, linisin na natin 'to dito. Habang nanonood ang lahat, walang pwedeng mag-akusa sakin na dinaya ko ang resulta!" Ang sabi ni Zhang Xuan.
"Hmph, tingnan natin kung makakapagyabang ka pa pagkatapos malinis ang gamit na 'to!
Ikinagalit din ng tindero ang ikinilos ng binata. Kinuha niya ang mga gamit sa paglilinis ng artifact at unti-unting sinimulang linisin ito.
Saglit lang ay humulas na ang mga lumot at batong nakabalot dito at ang tunay na anyo ng bagay sa loob ay nabunyag.
Ito ay isang semi-transparent na bato na naglalabas ng mainit-init na liwanag.
"Ito ay... ang Linglong Stone?" Nang maobserbahan ang itsura ng bato, sumigaw ang isang tao sa madla dahil hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita.
"Ano ang Linglong Stone?" Nakilala ng iba sa madla ang bato habang ang iba naman ay hindi.
"Di mo alam 'to? Ang Linglong stone ang isa sa pangunahing sangkap sa paggawa ng Phanton-tier equipment. Ang bawat piraso nito ay sobrang mamahalin, at isa sa mga gamit na palaging kulang ang supply!" Nababahala niyang ipinaliwanag.
Ang equipment ay maiuuri sa God, Saint, Spirit, Phantom at Mortal!
Sa isang lugar na tulad ng Tianxuan Kingdom, halos walang mortal pinnacle equipment, lalo na ang Phantom-tier equipment. Kung kaya't bawat isa nito ay naibebenta sa napakalaking halaga.
Bilang pangunahing sangkap sa paggawa ng Phantom-tier equipment, sa oras na ito ay maisama sa auction, maraming pamilya at mga eksperto ang nagkakagulo dahil dito.
"Magkano 'to pwedeng ibenta?"
Ang mga hindi nakakakilala dito ay hindi mapigilang magtanong.
Mahirap na malaman ang halaga ng isang bagay base lamang sa pagiging bihira nito. Ang pinakamabisang paraan upang malaman ang halaga nito ay sa presyo nito.
"Napag-alaman ko na ang Liuzhu Kingdom ay nakapag auction na nito ilang taon na ang nakalipas. Mas maliit iyon, mga kasinlaki ng itlog ng manok, ngunit nagkakahalaga na kaagad ito ng 50,000 pirasong ginto! Tingnan mo kung gaano kalaki 'yan, at bukod pa sa pagkapuro nito. Kahit anong mangyari, ito ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa 100,000..."
Sa puntong ito ay napalunok na ng laway ang taong nagsasalita.
"100,000…"
Halos mabaliw ang lahat ng tao sa lugar.
"Ang isang bagay na nabili sa halagang 200 pirasong ginti ay maibebenta sa halagang 100,000 pirasong ginto?"
"Kumita siya ng 500 beses sa isang iglap lang..."
"Totoo ba 'to?"
"Ito... Ito ay..." Nangatog ang kamay ng tindero dahil hindi siya makapaniwala sa bagay na nasa kanyang kamay.
Bilang isang dealer ng isang treasure speculation hall, siya ay may kakayahang suriin ang maraming kayamanan at may alam siya sa mga presyo nito. Alam niya na walang mali sa lahat ng sinabi ng taong nagsalita kanina lang!
Totoong ganoon kalaki ang halaga ng bagay na 'to!
"Imposible... Namamalikmata lang siguro ako..."
Nang makita ang pagkagulat ng buong madla, napakunot ang noo ni Master Mo Yang.
Inakala niyang hindi makakapili ng kahit anong mahalaga si Zhang Xuan para maipakita niyang mas nakatataas siya. Hindi niya kahit kailan naisip na mapipili ng binata ang isang napakahalagang kayamanan.
Parehas na 200 pirasong ginto ang mga bagay na napili nila, ngunit ang kanya ay maibebenta lamang sa halagang 2000 pirasong ginto samantalang ang kay Zhang Xuan ay nagkakahalaga ng 100,000 pirasong ginto...
Hindi ba't napakalaki ng pinagkaiba nito!
"Isusubasta ko ang Linglong Stone na ito ngayon, ang highest bidder ang siyang mananalo!"
Dahil sa una pa lang ay alam na niya kung ano ito, hindi man lang nagulat si Zhang Xuan. Hinablot niya ang kayamanan mula sa kamay ng tindero at tinitigan ang madla.
"Magbibigay ako ng 100,000!"
Ang taong unang nakakilala sa Linglong Stone ang unang sumigaw ng kanyang bid.
Maaaring napakalaking halaga ang 100,000 pirasong ginto, ngunit kung ikukumpara sa isang kayamanan tulad ng Linglong Stone, tiyak na mas mahalaga ang Linglong Stone.
"Magbibigay ako ng 110,000!"
May iilan din sa madla na may alam sa presyo nito.
"120,000…"
…
Ilang saglit lang ay napagdesisyunan na ang presyo ay 153,000, at ang bato ay nakuha ng isang mayamang lalaki.
"Ito ay isang papel na pera mula sa [Tianxuan Bank]. Gamit nito, maaari kang kumuha ng 153,000 pirasong ginto mula sa kahit anong bangko sa Tianxuan City!" Kinuha ng lalaki ang Linglong Stone at nag-abot ng isang lapad ng pera.
Napakabigat ng ginto, kaya mahirap itong na bitbitin kung saan-saan. Kaya, gaya ng sinaunang panahon sa Earth, nagsimulang sumulpot ang mga perang papel.
"Un!"
Matapos niyang tingnan ito, alam na niyang ang perang ito ay totoo at kinuha niya ito. Pagkatapos ay kinuha niya ang isang papel na pera na nagkakahalagang isang libo at naglakad papunta kay Master Mo Yang. "Nagbayad ka ng 200 pirasong ginto para sakin kanina. Ito ang isang libo, sa'yo na ang sukli. Ituring mo na itong isang tip!"