"Isang painting na iniwan ng master?"
Parang nababaliw na si Huang Yu. Muntik na siyang mawalan ng balanse at matumba.
[Noon, nagdadala si Master Lu Chen ng mga painting para mabenta at para na rin masuri ito. Pero… hindi pa siya naglalabas ng kanyang mga sariling gawa!
Kaya naman ngayon, bakit niya…
Kung sana pinuri ng taong ito ang painting na inilabas ng master, baka sakaling matuwa pa ito at hahayaan na lang ito. Kaso… anong sabi mo --- Isang malaking kalokohan, anong klaseng laruan ba to?
Masasabi ba 'to ng isang tao?
Para sabihin na ang mga gawa ni Master Lu Chen ay 'isang malaking kalokohan, anong klaseng laruan ba to?'...]
Parang susuka ng dugo si Huang Yu.
[Di ba sabi mo di mo ko papahirapan? Anong… Anong nangyayari?]
Kung alam niya lang na napagdesisyunan ni Zhang Xuan na bilang isang guro, hindi siya nito ilalagay sa mahirap na sitwasyon… mas maraming dugo siguro ang sisirit sa kanyang bibig!
[Ito ba ang sinasabi mong hindi mo ako ilalagay sa alanganing sitwasyon?
Halata namang tinutulak mo ko sa bangin…]
Pinagsisisihan niya na dinala niya rito ang taong ito!
Mas gusto ni Master Lu Chen ang mga kabataang natututo ng may pagpapakumbaba. Hindi siya namimili ng tao at gusto niya ang mga taong pumupunta sa kanya upang matuto.
Sa unang tingin ay mukha siyang isang maalam na tao at alam ang kanyang mga limitasyon, kaya akala niya ay siya yung tipong mapagkumbaba. Kaya naman, dinala niya ang taong ito upang pasiyahin ang kanyang master. Kung maganda ang kakalabasan nito, pwede niyang gamitin ang oportunidad upang makamit ang kanyang mga pangarap. Kaso hindi niya inaasahan na… hindi siya katiwa-tiwala!
Naramdaman ni Huang Yu ang matinding pagsisisi.
Kung alam niya lang na mangyayari ito, sana tinaggihan niya na lang siya agad-agad. Bakit niya kaya ginabayan ang taong ito rito upang magdala ng gulo sa kanyang sarili…
Nang malapit na siyang magwala, halos matawa naman si Bai Xun.
Sa makatuwid, mas nakakatakot ang isang walang kwentang kagrupo kaysa sa isang napakalakas na kalaban.
Talagang sinubukan ng taong itong ipaliwanag ang gawa ni Master Lu Chen gamit ang mga salitang 'anong klaseng laruan ba to.' Hindi malayo na napahiya niya ang master sa kanyang mga salita. Kahit na hindi siya gumalaw, malamang ay tuturuan siya ng leksyon ng master!
"Ito ba ang kaalaman at talentong sinasabi mo? Magaling sa gitara, chess, panitikan at pagpipinta?"
Tumingin siya kay Huang Yu at nang-asar.
Kakapuri pa lang ni Huang Yu kay Zhang Xuan kanina, tapos bigla siyang nagsalita ng ganito. [Nakakita ka na ba ng isang maalam at talentadong tao na gumawa ng ganito?]
"Tahimik!"
Kumpara sa kaba ni Uncle Cheng, pagsisisi ni Huang Yu, at kasiyahan ni Bai Xun, hindi nagalit si Master Lu Chen sa mga sinabi ng lalaki. Pinutol niya ang kaguluhang nangyayari at nagtanong ng marahan, "Ikaw lalaki, paano mo nasabi ang ganitong ebaluwasyon? May problema ba sa aking pininta?"
"Hindi ko alam na gawa pala ito ng master, sana ay patawarin niyo ako!" nagpanggap na nagulat si Zhang Xuan at nagmadaling yumuko.
Nakita niya ang mga kamalian sa painting gamit ng Library of Heaven's Path at nakasulat din dito kung sino ang pintor nito. Alam niya na si Lu Chen ang may gawa nito, sinadya niya lang na magpanggap na walang alam!
"Huwag kang mag-alala. Isa lang itong painting. Tinatanong lang kita kung ano ang mga kalakasan at kahinaan ng painting, hindi ng pintor nito!" ani ni Master Lu Chen.
"Nakasisiguro na ako dahil sa mga sinabi mo!" Ngumiti si Zhang Xuan. Muli siyang tumingin sa painting, hinaplos niya ito at sinabing, "Kung ang painting lang na 'to ang pag-uusapan natin, kahit na ang master pa ang nagpinta nito… Tanging ang walong mga salitang 'to lang ang masasabi ko tungkol dito! Isang malaking kalokohan, anong klaseng laruan ba 'to!"
Mukhang kalmado si Huang Yu at ang butler, ngunit yung totoo ay natataranta na sila.
[Para sabihin mo ang mga ganung bagay kahit na alam mong gawa ito ng master. Bata, nababaliw ka na ba?]
"Subalit…"
Sandaling tumigil si Zhang Xuan.
"Subalit ano?"
"Totoo ngang hindi ganoong kamangha-mangha ang painting na 'to. Kahit na sinong artist sa kalye ay kayang iguhit ito. Isa nang pagmamalabis ang pagtawag dito na laruan! Subalit, kapag tiningnan mo itong maigi, isa itong tunay na kamangha-manghang painting na magdudulot ng matinding pagkagulat sa mga makakakita nito!"
Ang sabi ni Zhang Xuan.
"Tingnan nang maigi? Paano ba namin dapat tingnan? Marahang ngumiti si Master Lu Chen.
"Simple lang!" Tumingin si Zhang Xuan sa butler ma si Uncle Cheng. "Pwede mo ba akong ikuha ng patalim!"
"Sige!" Pagkatapos niyang makita na hindi tumututol si Master Lu Chen, tumalikod si Uncle Cheng at umalis. Pagkalipas ng ilang sandali, nagbalik siya na may dalang patalim at ibinigay ito kay Zhang Xuan.
"Sisimulan ko nang ipahiya ang sarili ko!"
Kinuha niya ang patalim, lumapit si Zhang Xuan sa painting at sinaksak ito.
"Anong ginagawa mo?" Nang makita nila ang ginawa niya, lumapit si Bai Xun. "Gawa iyan ng master, ang lahat ng painting na ginawa niya ay napaka halaga kaya tinatawag ito ng iba na walang katumbas na mga kayamanan. Sigurado ka bang kaya mo siyang bayaran kapag sinira mo yan?"
Nagtaka rin si Huang Yu sa mga ginawa niya.
[Bakit mo kailangan ng patalim para lang kilatisin ang isang painting?]
Hindi niya pinansin ang mga sinabi ni Bai Xun, hiniwa pa rin ni Zhang Xuan ang painting gamit ng patalim.
Tzzzzzzz, umalingawngaw ang tunog ng napunit na papel sa hangin. Ang parte ng larawan na nahiwa ay umangat. Kung babatakin ito ng dahan dahan, makikitang humiwalay ang taas na bahagi nito mula sa layer na nasa ilalim. Katulad ito ng pagkakaroon ng magkaibang palapag sa isang gusali. Isang layer ng xuan paper[1] ang bumubuo sa ibabaw na layer ng painting, habang ang ibabang layer naman ay gawa sa goatskin.
Huala!
Nang mapunit ang nasa ibabaw na xuan paper nakita nila kung ano ang nasa ibabaw ng goatskin. Mayroon pang isang painting sa ibabaw ng goatskin, at katulad ito ng nasa xuan paper. Subalit amg larawan sa ilalim ay mas may buhay at mas makulay. Sa sobrang ganda ay halos lumabas ang mga bato, puno, bayan at mga bata na nakapinta rito.
"Kung 'di ako nagkakamali, ang larawan sa ibabaw ng xuan paper ay isa lamang pagpapanggap. Ang tunay na larawan ay nakapinta mula sa xuan paper hanggang sa goatskin. Ito ang tunay na sikreto ng larawan ng master!" Matapos punitin ang xuan paper ay ngumiti si Zhang Xuan.
"Ito ay…"
Kahit na sina Huang Yu, ang butler at si Bai Xun ay nanlaki ang mga mata sa pagkagulat.
Ang sapilitang pagbakat ng tinta mula sa xuan paper sa goatskin, pati na rin ang pagpapanatili ng kalinawan ng larawan sa taas na walang mapapansin na kamalian rito… Masyado itong kahanga-hanga!
Ang dalawang painting na ito ay pinagpatong ng pantay na pantay… Paano niya ito napansin?
"Magaling, magaling!" Nang makitang napakadaling naisiwalat ng binata ang sikreto ng painting, lumiwanag ang mga mata ni Master Lu Chen. Ngayon, ang titig niya sa binata ay puno ng papuri.
At kasabay nito, siya rin ay gulat na gulat.
Ang kanyang kakayahan na magbakat ng painting sa goatskin mula sa isang layer sa pamamagitan ng puwersa ay isang bagay na kamakailan niya lang natuklasan. Hindi pa niya ito napapakita sa ibang tao. Subalit, nakita agad ng binatang ito ang sikreto ng painting. [Ang kanyang mga matang pangkilatis ay masyadong magaling!]
"Paano naman ang larawang ito?"
Umikot si Master Lu Chen at tinuro ang painting na nakasabit sa pader.
Isang higanteng halimaw ang nakapinta rito. Tulad ng isang mabangis na tigre na bumababa mula sa bundok, ang nakakatakot nitong aura ay nag-iiwan ng takot sa mga nakakakita dito. Kung isang matatakuting tao ang nakakita nito, baka matumba na lang siya at hindi makagalaw sa takot na baka makagawa siya ng ingay.
Humakbang si Zhang Xuan at hinaplos ito. Pagkatapos ay ngumiti siya, "Maganda ang larawan na ito, kaso kulang ito sa disposisyon. Kung hindi ako nagkakamali, ang pintor nito ay hindi pa nakakakita ng ganitong halimaw! Ang larawan na ito ay base lamang sa kanilang personal na interpretasyon!
"Ito ay…"
Nanginig ang katawan ni Master Lu Chen at ang kanyang mga mata ay nanlaki ng sobra.
Maaaring naguguluhan ang iba sa mga sinabi ni Zhang Xuan, pero naiintindihan niya ang ibig sabihin nito.
Dahil ang painting na ito ay isa rin sa mga gawa niya.
Ang halimaw na nasa larawan ay ang tinatawag na 'Chi Xiong' at isa itong mailap na nilalang. Sabi nila, nagtataglay raw ito ng hindi mapapantayang lakas at napakatibay na depensa na kahit anumang sandata ay hindi ito masusugatan.
Gaya nga ng sinabi niya, totoo ngang hindi pa siya nakakakita ng ganoong nilalang. Ang dahilan kung paano niya naiguhit ito ay ang pagbabasa niya ng maraming libro para payamanin ang kanyang imahinasyon.
Ang painting na ito ay isa sa kanyang mga pinakamagandang gawa. Ito rin ang dahilan kung bakit ito nakasabit sa pinakagitna ng lounge. Napakarami nang mga dalubhasang pintor ang bumisita rito at pinaulanan ito ng mga papuri. Pinuri nila ito bilang isang napakaganda at punong-puno ng buhay na larawan. Paano nasabi ng batang ito na kulang ito sa disposisyon?
Dahil napansin agad ng binata ang kabuuang istorya sa likod ng painting ng ganoon kabilis, malamang ang kanyang pagkilatis ay sobrang galing. Higit pa roon, napansin niya agad na hindi pa siya nakakakita ng isang Chi Xiong sa simpleng tingin lang, kaya malamang ay may dahilan siya para masabi ito!
"Alin ba rito ang kulang sa disposisyon, maaari mo bang sabihin sakin?"
Sa puntong ito, nawala na ang pagkakalmado ni Master Lu Chen at nagmadaling nagtanong.
"Ah?"
Nang makita nila ang guro ng emperador na madalas silang sinusubukan na dahilan para mapakamot na lang sila ng ulo nila ng ilang beses ay nanghingi ng gabay ng may pagpapakumbaba sa isang binata na wala pang dalawampu't taong gulang, napatingin na lang sina Huang Yu at Bai Xun sa isa't isa at pakiramdam nila ay hihimatayin sila.
Lalo na si Huang Yu, ang kanyang mata ay hindi mapigilang kumurap. Ang kanyang pagkagulat ay yumanig sa kanyang isipan.
[Itong taong ito… paano niya nagawa 'yun?]
------
[1] Xuan paper-> isang uri ng papel na ginagamit sa pagguhit.