Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 71 - ANG PAGTITIWALA NI LIN LIN

Chapter 71 - ANG PAGTITIWALA NI LIN LIN

Ito ang hindi tuwirang pagsasabi na wala siyang pakialam kay Mubai.

Hindi siya pumaroon para akitin ito.

Nagalit si Ginang Xi sa mapang-iring niyang ugali. Ang lakas ng loob niya para sabihin na ang anak niya, si Mubai, ay hindi karapat-dapat sa kanya.

"Wala akong pakialam kung ano ang intensiyon mo sa pagpunta dito ngayon pero gusto kong alalahanin mo, hindi ka na maaari pang makipagbalikan pa kay Mubai kahit kailan. At huwag mo nang isali pa si Lin Lin sa mga plano mo, dahil hinding-hindi kita palalampasin!"

Nahulog ang plato ni Lin Lin sa sahig, kumalansing ito at kumalat ang cake sa kanyang damit.

Ito ay ang hinihintay na dibersiyon para matigil ang nakakailang na sitwasyon.

Agad na hinila ni Ginang Xi si Lin Lin sa kanyang tabi, habang pinupunasan ang dumi sa kanyang damit at sinabi, "Lin Lin, ano ang nangyari? Bakit hindi ka nag-ingat?"

"Lola… nakakatakot." Tiningnan siya ni Lin Lin ng may bahagyang panginginig sa takot.

Noon napagtanto ni Ginang Xi, na natakot ang kanyang apo sa kanyang mararahas na salita.

"Palitan mo na muna ng damit ang bata, o baka gusto mong makita pa ng mga bisita?", utos ng kanyang asawa sa mababang tinig.

"Lin Lin, tara na," sabi ni Tianxin at mabilis siyang humilig para kuhanin ang kamay ng bata. Iniwasan siya ni Lin Lin at kinuha ang kamay ni Ginang Xi.

Masaya na si Ginang Xi dahil akala niya ay napatawad na siya ng bata.

Kinarga niya si Lin Lin at naghanda para ialis ito upang palitan ang damit ng bata, ang away niya kay Xinghe ay nalimutan na. Atubiling manatili si Ginoong Xi kaya tumayo na ito para sumunod.

Tumingala si Lin Lin para tingnan si Xinghe at mababanaag sa mga mata nito ang pananabik…

Sinalubong ni Xinghe ang titig nito at ganoon din ang nararamdaman niya.

Ito ang unang beses na nagkatagpo sila matapos ang tatlong taon ng paghihiwalay pero hindi man lang sila nagkaroon ng pagkakataon maliban lamang sa ilang palitan ng salita.

Hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na makilala pa ng lubos ang isa't isa.

Mabuti na lamang at nalaman niyang may pagmamahal sa kanya ang kanyang anak.

Hindi tanga si Xinghe, alam at ramdam niya kung paano siya ipinagtatanggol ni Lin Lin.

Si Lin Lin ay nagsilbi niyang maliit na tagapag-alaga buhat ng dumating siya sa piging. Alam din niyang sinadyang inihulog ni Lin Lin ang plato. Ito ay para mawala ang galit ni Ginang Xi.

Marami ng ginawa ang anak niya para sa kanya pero wala pa siyang nagagawa para dito…

Mas naging determinado ngayon si Xinghe na ipaglaban ang kustodiya niya sa anak. Hindi sa inisip niyang minamaltrato ng Xi Family ang bata pero kinukunsidera niya ang realidad na magkakaanak pa si Mubai kapag nakasal na ito kay Tianxin.

Makakapagpokus siya kay Lin Lin pero ang atensiyon ni Mubai ay mahahati sa mga magiging kapatid pa ni Lin Lin.

At hindi naman na iba sa kanya ang totoong ugali ni Tianxin. Hindi niya maaaring pabayaan ang anak sa galamay ng bruhang iyon.

Pero un asa lahat, dapat ay makasigurado siya na kaya nyang ibigay ang lahat ng pangangailangan ni Lin Lin na tulad ng ibinibigay ng Xi Family!

Gusto niyang ibigay ang lahat ng pinakamainam sa anak. Ito lamang ang magagawa niya para dito sa kasalukuyan.

Napuno ng determinasyon ang mga mata ni Xinghe, at tumayo na siya para umalis…

"Xia Xinghe," biglang tawag ni Mubai sa kanya.

Binagalan ni Xinghe ang kanyang mga hakbang at inip na hinarap ito. Isang pares ng mga matang wala man lang emosyon ang bumati sa kanya.

Wala na talaga itong malasakit sa kanya.

Ang kaalamang ito ay labis na nagpainis kay Mubai sa hindi malamang dahilan.

Naningkit ang kanhyang mga mata dito at nagpaliwanag, "Ang tanging rason kung bakit kita inimbitahan ay dahil kay Lin Lin. Wala nang iba pang natatagong motibo."

Samakatuwid, gusto niyang sabihin dito na huwag nitong intindihin ang mga sinabi ng kanyang ina.

Magalang na sumagot si Xinghe, "Nakahanda na akong harapin ang lahat ng pamumuna ng mga tao noong sumagot ako ng oo sa imbitasyon. Hindi nila ako matitinag. Kaya wala ka ng dapat pang ipaliwanag sa akin."

Tinalikuran na ni Xinghe si Mubai at umalis. Tinitigan ni Mubai ang likod ng papalayong babae. Nangislap sa interes ang kanyang mga mata at isang ngisi ang napinta sa mga labi nito.

Mukhang nasisiyahan na siya sa palitan nila ng salita ng dati niyang asawa.

Kakaiba nga lang ang nararamdaman niyang ito ngayon dahil hindi naman siya naiintriga sa dating asawa noon.