Chereads / Hidden Marriage (Tagalog) / Chapter 33 - Gusto mo 'kong madapa? Asa ka!

Chapter 33 - Gusto mo 'kong madapa? Asa ka!

Chapter 33: Gusto mo 'kong madapa? Asa ka!

"Xueluo, si Ning Xi ay junior mo sa industriya. Anong masasabi mo tungkol sa pag-arte niya bilang si Meng Changge?" tanong ng isang reporter kay Ning Xueluo.

Mabilis na nagpalit ang ekspresyon ni Ning Xueluo na naging easygoing at elegante bago siya sumagot, "Napaka-talented niya. Siguradong wala siyang madidisappoint…"

Kapag tinanong tungkol kay Ning Xi, puro papuri at pagbati si Ning Xueluo.

Kahit sinong walang alam iisipin na pinopromote lang niya ang junior niya, pero kilala ni Ning Xi na isang mapagbalak na tao si Ning Xueluo.

'Di naman talaga siya tinutulungan nito, sa halip, isineset up lang siya nito para bumagsak.

'Di pa opisyal na nagsisimula ang opening ceremony pero abot-langit siyang pinupuri ni Ning Xueluo – sa taas ng magiging expectations ng tao sa kanya, kahit ang pinakamaliit na pagkakamali maaaring magresulta sa kabiguan.

Malas lang ni Ning Xueluo dahil 'di papayag si Ning Xi na gumana ang masamang plano nito.

Pagkatapos mag-sanay ni Ning Xi nitong nakaraang limang taon pagdating sa acting, mayroon na siyang kumpyansa sa sarili na kaya niya makumbinsi ang lahat.

Gusto mo 'kong patirin? Maghintay ka at makikita mo!

Matapos ang interview, nakahinga na muli nang maluwag si Ning Xi, pero bigla siyang kinumpronta ni Chang Li.

"Ning Xi, sa'n galing 'tong suot mo? 'Wag mong iisiping babayaran ng kumpanya ang nagastos mo! Second female lead ka lang ah, pa'no mo nagawang agawin ang spotlight nang ganito? 'Di mo ba alam ang rules?" pinagalitan siya ni Chang Li nang makita siya nito.

Pinaglaruan lang ni Ning Xi ang buhok niya habang kaswal na sumagot, "Ayoko rin sana pero sino bang nagsabi kay Chang Li na gawin akong late para sa event?"

"Ikaw…" dahil maraming tao sa paligid, napilitan si Chang Li na pigilan ang bunganga niya. "Umayos ka sa dinner mamaya. 'Wag na 'wag kang magsasalita ng ikakahiya ng kumpanya. Hindi kaya ni Xueluo ang uminom ng masyadong marami kaya ikaw na ang uminom para sa kanya! Naiintindihan mo?"

'Di naiwasan ni Ning Xi na tumawa. "Gusto mo 'kong uminom para sa kanya? Miss Chang, nananaginip ka ba? Matuwa ka pa nga dapat na hindi ko ibubuhos sa kanya 'yung alak eh!"

Kakampi ni Ning Xueluo si Chang Li, kaya kahit anong pagmamakaawa nito, 'di bibigay si Ning Xi. Pwede pang maging mas matapang sa pagtanggi si Ning Xi at 'di mangangahas si Chang Li na gumanti.

Nagagalit na si Chang Li. "Sumosobra ka na Ning Xi ah. Minor second female lead lang ang role mo pero parang nalimutan mo nang lumugar?"

Naubusan na ng pasensya si Ning Xi na makitungo sa kanya kaya tumalikod na 'to at umalis.

Pinanood ni Chang Li ang pag-alis ni Ning Xi, at kahit anino na lang, nakakahalina pa rin siya.

Nakaramdam bigla ng kaba si Chang Li.

Noon pa man, nakakaramdam na ng panghihinayang si Chang Li at natatakot siya na 'di na nila mapipigilan si Ning Xi.

Ipinanganak siya para maging isang aktres.

Kapag sumikat ang bituin niya, wala nang magagawa si Ning Xueluo para makipagkumpitensya sa kanya.

Bilang umabot na rin sa ganito, ang magagawa na lang niya ay ipagpatuloy ang paghadlang kay Ning Xi at 'di payagang magkaroon siya ng pagkakataon na lumago ang career.

Pagkatapos ng opening ceremony ay ang evening dinner.

Lahat ng miyembro ng cast ay nagtipon-tipon sa banquet hall – kumakain, umiinom, at kinikilala ang isa't isa. Magaan at masigla ang paligid.

Nang mapansin ng screenwriter na si Ye Linglong ang pagdating ni Ning Xi, siya ang unang humila dito para umupo sa tabi niya. Masasabing natutuwa talaga 'to sa dalaga.

"Speaking of coincidence, akalain mo ang dalawang cast beauties natin galing sa iisang kumpanya at iisa ang apelyido!" Masigasig na sinabi ng assistant director na si Zhang Rui.

Walang giliw na ngumiti si Ning Xi.

Haha coincidence talaga.

Iisang kumpanya at sa ilalim ng iisang manager; pero ganap na magkaiba ang sitwasyon nila.

Ang isa ay bituin ng Starlight habang ang isa inilalaban ang pag-akyat sa tuktok mula sa pinakaibaba.

Habang nag-uusap usap sila, tumayo bigla ang producer at director papunta sa pintuan. Dahil ang pinakamalaking sponsor nila, ang chairman ng board of directors ng Ning International na si Ning Yaohua, ay dumating.