Chapter 36: Sinong diyos ng kayamanan 'to?
"Su Yan, bakit ka pa nagpunta? 'Di ba sabi ko 'di mo na 'ko kailangan sunduin?" parang maliit na ibon si Ning Xueluo na masayang lumapit sa kasintahan niya.
"Nag-alala kasi ako. Umuulan sa labas," inalis ni Su Yan ang jacket niya at inilagay sa balikat ni Ning Xueluo, may pagkadismaya sa tingin niya. "Bakit kulang sa tela 'yang suot mo?"
Kasing tamis pa rin ng asukal ang mukha ni Ning Xueluo. "Ikaw talaga, ilang taon bang tingin mo sa'kin at tinatrato mo 'kong parang bata!"
'Di makatayo nang tuwid si Ning Xi habang nakahawak sa malamig na pader at pakiramdam niya sobrang malas niya.
Buong gabi, kung hindi ang pagmamahal ng isang ama para kay Ning Xueluo ang nakikita niya, nanonood naman siya ngayon ng love life ni Ning Xueluo.
At parang 'di pa sapat dahil sadyang hinila ni Ning Xueluo ang braso ni Su Yan papunta kay Ning Xi bago magsabing, "Ning Xi, alam ko nakarami ka ng nainom. Eh kung sabay tayo umalis? Ipagdadrive ka pabalik ng boyfriend ko!"
Binigyang diin pa talaga ni Ning Xueluo ang salitang 'boyfriend'.
Noon lamang napansin ni Su Yan si Ning Xi. Nanlaki ang mata niya nang makita ang babae.
Ning Xi…
Ang tagal na rin pala.
'Di sila kailanman nagkita nung mga oras na nasa ibang bansa si Ning Xi. Tapos nung nakabalik naman siya, nakikita lang siya ni Su Yan sa malayo kapag minsang sinusundo nito si Xueluo.
Hindi siya handa sa nakita niya – ang laki ng ipinagbago ni Ning Xi na halos 'di niya 'to makilala.
'Yung babaeng dating laging nakatirintas ang buhok at nakasuot ng floral dress ay biglang naging isang dalaga na kayang bihaging ang puso ng mga kalalakihan.
May inis sa mga mata ni Ning Xueluo nang mapansin niya ang titig ni Su Yan kay Ning Xi at hinila ang braso nito. "Su Yan, ano sa tingin mo?"
Bumalik sa sariling diwa si Su Yan at tumango. "Oo, tara."
"Ning Xi…Ning Xi? Ayos ka lang?" nagpanggap na nag-aalala si Ning Xueluo.
Umiling si Ning Xi iginalaw ang kamay na tumatanggi. Dahil sa alcohol, lalong naguguluhan ang utak niya at pabilis nang pabilis ang tibok na puso, pati daloy ng dugo niya bumabaliktad. Pakiramdam niya may halimaw sa loob ng katawan niya na gustong kumawala at pira-pirasuhin ang mga pekeng kaharap niya.
"'Di na kailangan…" pagewang-gewang na naglakad si Ning Xi papunta sa restroom bago siya nawalan ng kontrol sa sarili.
Napangisi si Ning Xueluo sa katawa-tawang pag-alis ni Ning Xi, pero pag-ikot niya nagmukha siyang nasasaktan. "Su Yan, ayaw pa rin akong patawarin ni Xiao Xi… pinaghirapan ko namang makabawi sa kanya eh. Sa kumpanya, sinusubukan kong alagaan siya pero ganyan pa rin 'yung pakikitungo niya sa'kin. 'Di ko na talaga alam kung anong dapat kong gawin…"
"'Wag ka mag-alala, ganyan naman lagi si Xiao Xi. Bigyan mo lang ng panahon, papatawarin ka rin niya," marahang sabi ni Su Yan.
Sa labas ng hotel, ang mga babae mulasa crew ay manghang mangha sa sasakyan ni Su Yan.
"Kaka-check ko lang, nasa 10 million daw 'tong Maserati niya, sobrang mahal!"
"Gusto ko rin makahanap ng mayamang boyfriend, ilang taon kaya ang aabutin!"
"Ito pa, napakagwapo niya! Maraming celebrity ang nag-aasawa ng mayaman pero lahat sila mga matatabang matanda, nakakasuka talaga pag nakikita ko…"
…
Habang nag-chichismisan, nakita nilang sabay umalis ng hotel si Su Yan at Ning Xueluo.
Agaw-pansin talaga ang isang good-looking couple na magkasama.
Pinanood ng lahat nang may halong inggit si Ning Xueluo na nakasuot ng jacket ni Su Yan at sumakay sa mamahaling sasakyan. Nang nakalayo na ang sasakyan, nagsibuntong-hininga sila.
Pero ilang saglit lang ang nakalipas, may kakaibang ingay na narinig nang lumitaw papalapit ang isang silver-white na silhouette. Isa itong sports car at tumigil mismo sa tapat ng hotel entrance.
Ang mahalaga dito, itong sasakyan…
Sobrang gara ng sasakyan.
Napakagwapo tignan ng low chassis, tapos may makinis na body at sobrang cool na scissor doors – parang obra maestra.
Ang pinakamahalaga sa lahat, 'yung presyo…
"Put*k, 'yan 'yung Bugatti Veyron Super Sport, 'yung pinakamahal na sports car sa mundo. Halos 10 billion yuan ang presyo… wow… sinong diyos ng kayamanan 'to…"