Ravana's POV
Habang nagbabasa sa ilalim ng puno ay natatanaw ko sa gilid ng aking mga mata na papalapit na si Eli, kaya hindi ko maiwasan na mapangiti.
"Nasa magandang parte ka na ata kaya nakangiti ka ng ganyan." lumingon ako sa kanya at kunwari nagulat na nandito na siya.
"Nandyan ka na pala." saad ko at binaba ang librong binabasa ko kanina, "Nagkaaminan na kasi ang mga pangunahing tauhan sa binabasa ko." pagsisinungaling ko sa kanya.
Hindi ko naman pwedeng sabihin na 'may dumating na maganda kaya napangiti ako'.
"Talaga? Paano?" tanong niya bago umupo sa tabi ko. "Hindi ba yan yung kinikwento mo saking libro?"
"Oo, basahin mo para malaman kung paano umamin ang bidang lalaki." tugon ko at binigay sa kanya ang libro, agad niya naman itong tinanggap at binuksan.
"Tapus mo na bang basahin 'to?" tanong niya ulit habang tinitignan ang mga pahina. Tumango lang ako sa kanya bilang sagot. "Diba kakasabi mo lang na nasa magandang parte ka na?" tanong niya bago niya ako sinulyapan at nakakunot ang noo kaya napaiwas ako ng tingin.
"Ahh, paulit-ulit ko na yang binabasa." tugon ko sa kanya at sinulyapan siya. Nakatingin na ulit siya roon sa libro habang tumango-tango lang siya sakin.
"Babasahin ko ito mamayang gabi." saad niya tsaka binaba ang libro at nilagay sa ibabaw ng hita niya. "Kamusta na pala si Tito? Magaling na ba siya?" tumingin siya sakin kaya nagulat ako at napaiwas ng tingin.
"Ah, oo. Kahapon lang, buti at naagapan agad ang sakit niya." sagot ko at napayuko habang iniisip kung anong gagawin ko para mabayaran lahat ng nagastos sa pagpapagamot kay Papa.
Kahit magaling na si Papa, marami parin kaming babayaran na utang. Tsaka hindi naman agad-agad na makakatrabaho si Papa kasi bago palang siyang gumaling, baka magkasakit na naman siya ulit.
"Rav? Ayos ka lang?" natauhan ako sa tanong ni Eli kaya napatingin ako sa kanya.
Buti nalang may maganda sa tabi ko kaya gumagaan ang pakiramdam ko.
Ngumiti ako sa kanya at tumango-tango.
Hindi ko alam paano aaminin ito sa kanya kaya sumuko na agad ako. Natatakot din ako na baka magbago ang lahat sa pagitan namin, ayaw ko na mangyari yun. Kaya kinimkim ko nalang lahat sa loob at tahimik na hinahangaan at iniibig ang babaeng nasa harapan ko ngayon.
Magkasama na kaming dalawa mula noong mga bata palang kami, kaya ayaw ko na sayangin ang mga memoryang ginawa namin na magkasama kung aamin man ako sa kanya. Alam kong kaibigan lang ang tingin niya sakin kaya hindi na din ako umaasa.
Kahit minsan gusto ko siyang angkinin, pero wala akong magagawa dahil kailanman ay hindi naman siya naging akin.
Lilipas din ito kapag kinasal na siya o may nagustuhan na siya, kahit masakit isipin pero wala naman siyang makukuha sakin.
"RAV!" napalingon ako nang marinig na may tumatawag sa pangalan ko. Tinutulungan ko si Mama magtinda ngayon kaya hindi ko inaasahan na makikita sa palengke si Eli.
"Eli?! A-Anong ginagawa m-mo rito?" tanong ko at hinarap siya. Sobrang kinakabahan ako dahil ngayon lang ata pumunta si Eli rito na hindi ko inaasahan at malansa pa naman ang mga kamay ko, baka nga nangangamoy isda na rin ako.
"Sumama ako kay Yaya na mamalengke tapus nakita kita, pero may bibilhin pa siya kaya sabi ko sunduin niya ako rito kapag tapus na siya mamili. Nakakabagot din kasi maghintay." sagot niya pero halos hindi ko narinig ang mga sinabi niya dahil nakatingin lang ako sa kanya.
Hindi ko inaasahan na isusuot niya yung binigay kong ipit sa buhok, simple lang siya na may kulay dilaw at lila na bulaklak. Hindi naman siya mamahalin, nakita ko lang yan tas naalala si Eli.
Sabi niya paborito niyang kulay ay dilaw, pero walang ibang ganun na kulay dilaw lahat kaya yan nalang ang kinuha ko.
"Rav, tapus ko na rin basahin yung libro. Tama ka nga ang ganda!" natauhan ako nang magsalita siya ulit, "Alam mo kung saang parte ng libro ang pinakagusto ko?" tanong niya sakin kaya kunwari nag-iisip ako bago siya sagutin.
"Alin doon?"
"Yung parte kung saan umamin ang bidang lalaki, sabi niya doon—"
"I love you, no doubt. It is immeasurable. My love for you is like the universe, and a little bit more. Y'know what I mean? I may sound weird and an idiot. But I can't find the right word to say that I'm crazy about you."
Kumunot ang noo ko habang tinitignan siya na kinikilig habang sinasabi yung linya na yun galing sa bidang lalaki.
"Paulit-ulit ko yung binabasa dahil sa kilig! Tsaka naiinggit din ako ng kunti." ngumuso naman siya habang nakatingin doon sa mga isda, kaya natawa ako, lalo na sa reaksyon niya dahil lang sa eksenang yun.
"Nagawa mo talagang sauluhin ang linyang yun." saad ko, tumingin siya sakin at ngumiti.
"Ano ba naramdaman mo habang binabasa yun? Hindi ka ba kinilig kahit kunti?" tanong niya kaya natigilan ako at nag-isip.
Mangha ang naramdaman ko habang binabasa yun—kasi kahit alam niyang katrabaho lang ang turing ng bidang babae sa kanya ay nagawa niya pa rin na umamin dito at nakamit ang pagmamahal ng bidang babae para sa kanya, habang ako nagpapakaduwag.
"Parang wala naman." ngumiwi siya sa sinabi ko kaya napatawa ako, at saglit na sinulyapan si Mama.
Napansin niya ata ako kaya ngumiti lang siya sakin at sinenyasan na ituloy ko lang muna ang pakikipag-usap kay Eli.
"Hindi ka ba naiinggit na may maganda siyang kasintahan?" nanlaki ang mga mata ko sa tanong niya, bakit naman ako maiinggit don?
"Bakit naman?"
"Naiinggit ako sa bidang babae eh." nakabusangot na tugon niya sakin, "Maganda na siya tapus may isang mapagmahal na kasintahan na makisig, matatag, at matapang...at pinoprotektahan siya sa mga masasamang bagay..." ngumiwi ako nang humina ang boses niya sa huling sinabi niya.
Alam ko ang tinutukoy niya sa 'masasamang bagay', kaya hindi ko maiwasan na tumawa.
"Hoy, bakit ka natatawa!?" iritado niyang tanong at sinamaan ako ng tingin.
"Maganda ka naman." tugon ko kaya natigilan siya, pero nang matauhan ako sa sinabi ko ay napakamot na lang ako sa ulo ko. "Marami ka ngang manliligaw, d-diba?" kinakabahan na tanong ko sa kanya.
"Tama ka nga." umirap siya sakin bago pinagkrus ang mga braso niya at umiwas ng tingin, "Pero wala naman sa kanila ang minamahal ako ng tunay." dagdag niya kaya napatulala akong napatingin sa kanya.
Ako, minamahal kitang tunay at poprotektahan kita hanggang sa makakaya ko, kahit laban pa sa pamilya mo.
"I, Elizabeth Frias, was gifted by the creator above to be a Divine that holds the virtue of Humility. For this gift, I'll serve humanity for the rest of my life—for eternity with the name given to me, Vinaya."