Chereads / Mystical Devil / Chapter 7 - CHAPTER 6

Chapter 7 - CHAPTER 6

Ravana's POV

"Tatanungin kita, Elizabeth. Ano bang gusto mo?" tanong ko at inangat ang tingin ko sa kanya. Habang siya ay nakayuko pa rin at tahimik na humihikbi.

"H-Hindi ko alam." mahinang sagot niya at pinunasan ang mga luha niya. "Kung ano man yun, labas ka na don, Rav." natigilan ako sa sagot niya at sa pagtanggal niya sa kamay ko na nakahawak sa kanya.

Tinignan niya ako sa mata at mapait na ngumiti sakin. Napakuyom ang kamao ko sa inis at bigat ng nararamdaman ko. Hindi ko siya tinutulungan dahil may lihim akong pagtingin sa kanya, tinutulungan ko siya bilang isang kaibigan.

"Lumaki ako nang sinusunod lahat, kaya mahirap sakin pumili o alamin kung ano ba talaga ang gusto ko para sa sarili ko kasi sila na mismo ang nagdedesisyon para sakin. Kaya hindi ko natutunan kung paano yun gawin." saad niya habang nakangiti siyang nakatingin sakin kaya hindi ko mapigilan na umiyak. "Mahirap din matutunan kung paano maging sutil na anak."

Hindi ko namamalayan na pinipilit ko rin siyang gawin ang hindi niya naman gusto at nagdedesisyon para sa sarili niya. G-Gusto ko lang kasing tulungan siya.

"Pero, salamat sa pag-aalala, Ravana. Sa ngayon, huwag ka na mag-aalala sa akin kasi baka habang buhay mo dadalhin yan." ngumiti lang ako sa kanya habang pinupunasan ang mga luha ko.

"Kapag kailangan mo ko, nandito lang ako, Eli." itatama niya sana ulit ang pagtawag ko sa kanya nang magsalita ulit ako, "Hindi kita tatawagin na Vinaya, hindi naman siya ang kaibigan ko." tumawa lang siya sakin kaya napanatag ang loob ko. Hanggang sa nandito ako sa mundong ito, susuportahan ko siya sa gusto niyang gawin.

~~~

"MGA MANGKUKULAM!"

"LUMABAS KAYO DYAN!"

"SUNUGIN NALANG NATIN ANG BAHAY NILA!"

"MAY SALOT PALA SA BAYAN NATIN!"

Naalimpungatan ako sa kaguluhan at ingay sa labas. Anong nangyayari?

Kinusot ko ang mga mata ko bago napaupo at unang bumungad sakin ay si Ragnar na nakatayo, hindi siya malayo sa bintana pero hindi rin ganun ka lapit.

Balisa lang siya at takot na takot sa nakikita niya sa labas, kaya napatayo ako at titignan sana ang labas ng bintana nang hinila niya ako papalayo roon.

Iritado ko siyang tinignan at papagalitan sana siya nang nakita ko kung gaano siya natatakot at parang luluha na siya.

"W-Wag..." mahinang bulong niya at pumuyok pa siya sa habang binabanggit iyon.

"Anong nangyayari?" bulong ko pabalik, nagtaka nga ako bakit nagbubulungan kaming dalawa dito.

"HOY, ROBERTO LUMABAS KAYO DYAN!" rinig ko na sigaw sa labas kaya kumunot ang noo ko. Bakit nila tinatawag si Papa? Naniningil na ba sila ng utang?

"Mga anak." napalingon kaming dalawa ni Ragnar kay Mama nang pumasok siya sa kwarto namin.

"Anong nangyayari?" kanina ko pa ito tinatanong pero hindi parin nasasagot. Ako lang ba ang mag-isang natutulog habang nangyayari ang kaguluhan sa labas?

"H-Hindi namin alam." lumapit si Mama samin at nagsimula na siyang umiyak, "I-Inaakusahan tayo b-bilang mga m-mangkukulam." nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Mama.

Paano? Wala ngang kababalaghan na nangyayari sa bayan na ito tapos bigla silang magpaparatang na mangkukulam kami?!

"Wala silang proweba!" bulong na sigaw ko at naglakad papalabas ng kwarto upang hanapin si Papa at Regina.

Sinundan naman ako ni Ragnar, na kanina pa nanginginig at naiiyak.

"Natatakot ako."

"Pansin ko nga." iritadong kong sagot sa kanya.

"Ano bang problema mo sakin ha?!" sigaw niya sakin kaya kumunot ang noo ko. Ngayon sumasagot na siya?

"Ikaw mismo problema ko. Bakit ayaw mo tumahimik dyan at maging kalmado!" galit na sigaw ko at tinulak siya. Masama na nga gising ko dahil sa ingay sa labas, tapus dadagdagan niya pa.

"Kalmado?! Ikaw nga itong naghahanap ng away!" sigaw niya pabalik at tinulak din ako.

Aba, tumatapang na siya ngayon?

"Kuya Ravana, Kuya Ragnar!" natigilan kami nang sumigaw si Regina. Umiiyak siya at nakatingin samin ng masama. "Sa rami-raming araw na pwede kayo mag-away, ngayon pa talaga? Hindi niyo ba alam ang sitwasyon natin ngayon?" umiiyak na tanong niya at pinupunasan ang mga luha niya.

"Wala naman silang ebidensya ah." tugon ko, "Bakit hindi nalang natin sila harapin at sabihin sa kanila ang totoo o tanungin kung ano ba talaga ang problema nila satin. Tungkol ba yan sa utang, ha—"

"Tungkol ito sayo!" sigaw niya kaya natigilan ako, "Ikaw! Ikaw! Ikaw, Kuya Ravana!"

"B-Bakit?" tanong ko at parang nabuhusan ako ng malamig na tubig dahil sa sagot niya.

"Inanunsyo ni Misis Esmeralda kanina sa lahat, bago tayo natulog na isa ka daw'ng mangkukulam." Diba Nanay ni Eli si Misis Esmeralda? "Pinipilit mo raw bilugin ang isipan ni Vinaya upang gamitin sa masama ang kapangyarihan niya."

"H-Hindi ko yan ginawa—"

"Pero yan ngayon ang pinaniniwalaan ng lahat!" sigaw niya sakin at tinakpan ang mukha niya, "Sa tingin mo may maniniwala satin laban sa nanay ng isang Divine? Sinasamba nila si Vinaya, pinoprotektahan dahil umaasa sila sa kanya na bibigyan sila ng kung ano man ang gusto nila." mahina niyang sambit, lumapit sa kanya si Ragnar at hinahaplos ang likuran niya.

"Regina, Ragnar, Ravana, huwag na kayo magtalo pa. Nandito na 'to at kailangan natin itong harapin ng sama-sama at hindi nag-aaway." napatingin ako kay Papa na lumabas galing sa kwarto nila Mama.

"Eh nagsimula lang naman ito dahil kay Ravana!" sigaw ulit ni Regina kaya sinamaan ko siya ng tingin, lalo na at dinuro-duro niya ako.

"Sinisisi mo ba ako?!" galit na sigaw ko pabalik sa kanya. Narinig siguro ni Mama iyon at lumabas galing sa kwarto namin ni Ragnar.

"Oo!"

"Regina." sita ni Mama sa kanya at lumapit si Mama sakin. Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko dahil sa galit at dahil na rin sa nalilito ako bakit ginawa iyon ni Misis Esmeralda.

Hindi ko naman sinabi ang mga iyon? Kung may galit man siya sakin, bakit kailangan niya pang idamay ang pamilya ko?

"Totoo naman Ma eh, kung hindi sana umeksena yang si Ravana at tumatayo bilang mabuting kunong kaibigan, edi sana mahimbing tayong natutulog ngayon." sagot ulit ni Regina. Kumuyom ang kamao ko at napapikit.

Hindi nila naiintindihan ang sitwasyon ngayon ni Eli!

"Hindi niya naman gustong maging Divine ah!"

"At labas ka na roon! Kaya mong maging mabuting kaibigan pero hindi maging mabuting kapatid?!" natigilan ako sa sinabi niya.

"Regina, Ravana! Tumigil na kayo!" sita ni Papa samin at lumapit siya kay Regina at pinagsabihan.

H-Hindi ba talaga ako naging mabuting kapatid?

"Anak, Ravana." natauhan ako at tumingin kay Mama, hindi namalayan na lumuluha na ako kung hindi niya pinupunasan ang luha ko. "Huwag mo isipin ang sinabi ni Regina ha, masama lang talaga ang gabing ito para sa atin." mapait na ngumiti si Mama sakin.

Napayuko lang ako habang iniisip kong ano ba ang nagawa ko para sa kanila—para sa mga kapatid ko maliban sa magalit sa kanila.