Damian's POV
Ilang araw na ang lumipas mula nang binalaan ko si Brian. Akala ko'y magiging sapat na ang mga salitang binitiwan ko para matauhan siya. Pero hindi—tila wala lang sa kanya iyon. Tuloy pa rin ang pagpapapansin niya kay Lara, parang lalo pa nga siyang naging pursigido.
Kanina lang sa pantry, nakita ko si Brian, masayang kausap si Lara habang ipinagtitimpla siya ng kape. Natatawa pa silang dalawa habang may sinasabi si Brian. Halos mapamura na lang ako sa sarili ko. *Parang wala lang sa kanya ang sinabi ko. Akala niya siguro nagbibiro ako.*
Sa bawat araw na lumilipas, pakiramdam ko ay lalo akong nawawalan ng kontrol. Ang galit at selos na pilit kong tinatago ay unti-unting sumisingaw. Paano ba naman, parang sinadya ng tadhana na palaging ipakita sa akin kung paano siya nagpapapansin kay Lara.
---
Minsan, habang nasa conference room kami para sa isang meeting, umupo si Brian sa tabi ni Lara. Ang laki ng ngisi niya, habang si Lara naman, mukhang walang malisya sa nangyayari.
"Lara, ang galing ng presentation mo kanina. Idol talaga kita," sabi ni Brian, medyo pasimple pa ang tono.
Narinig ko ang sagot ni Lara. "Ay, naku, Brian. Wala 'yun. Ginagawa ko lang ang trabaho ko."
Nagpatuloy ang usapan nila na parang wala akong katabi. Ako naman, tahimik na sumisipa ng sarili ko sa ilalim ng mesa. Pilit kong itinatago ang inis, pero ramdam kong nasa gilid na ako ng pagsabog.
---
Pagsapit ng uwian, nagpasya akong lapitan ulit si Brian. Hindi ko na matiis ang ginagawa niya.
"Brian," tawag ko habang naglalakad siya papunta sa elevator. Huminto siya at tumingin sa akin, nakangiti pa rin.
"Oh, Damian. Anong meron?" tanong niya, kunwari walang ideya sa nangyayari.
Lumapit ako, hindi na nagbiro. "Akala ko ba malinaw na tayo? Hindi mo ba naintindihan ang sinabi ko noon?"
Napataas ang kilay niya, pero hindi nawala ang ngiti. "Damian, ang alam ko, wala kang sinabing hindi pwedeng manligaw kay Lara. Hindi ba't desisyon niya 'yun?"
Halos maubos ang pasensya ko, pero huminga ako nang malalim. "Brian, huwag mo akong subukan. Kung talagang seryoso ka sa ginagawa mo, mas mabuting siguraduhin mong handa ka sa lahat ng posibleng mangyari."
"Damian, bakit parang ikaw ang may problema? Hindi ba't wala ka pa namang ginagawa para kay Lara? Bakit parang pinangungunahan mo ako?" sagot niya, diretsahan na rin.
Napapikit ako, pilit pinipigilan ang sarili. Alam kong may punto siya, pero hindi ko matanggap na parang ako pa ang nagmumukhang walang karapatan.
"Brian," sagot ko nang buong diin, "huwag mong kalimutan ang sinabi ko. Hindi kita uurungan kung magkakaloko-loko dito."
Tumawa lang siya, pero may bahagyang pag-aalala sa mga mata niya. "Sige, Damian. Tingnan natin kung ano ang mangyayari. Pero tandaan mo rin, hindi ikaw ang pipili—si Lara ang may desisyon."
Umalis siya habang naiwan akong nakatayo doon, mas lalong nabibigatan ang pakiramdam.
*Brian, tandaan mo. Kahit anong gawin mo, hindi kita hahayaang agawin siya sa akin.*