Damian's POV
Dala ko ang bigat ng pakiramdam na parang isang hangin na bumabalot sa paligid ko. Hindi ko magawang ngumiti, hindi ko magawang magtrabaho nang maayos. Narinig ko kasi ang balita—si Brian, ang pesteng Brian, may balak nang magtapat kay Lara at ligawan siya.
Ilang beses kong tinangka na huwag intindihin iyon. Pero paano? Parang nakaukit na sa utak ko ang ideya na baka maunahan ako.
Habang naglalakad ako sa hallway ng opisina, nararamdaman ko ang kakaibang tingin ng mga katrabaho ko. Ang iba, pasimpleng tumitingin, habang ang iba naman ay tila umiiwas na magkasalubong kami ng tingin.
Napatingin ako sa salamin ng pantry. Oo nga, ang itsura ko ngayon… magulo ang buhok ko, malalim ang mga mata, at tila ba may aura akong nagsasabing 'wag niyo akong kausapin ngayon.'
Napabuntong-hininga ako at pilit na inayos ang sarili. Pero kahit anong gawin ko, hindi maalis ang lungkot at galit sa dibdib ko.
Habang nagkakape ako sa pantry, biglang dumating si Franco, dala ang karaniwan niyang ekspresyon ng pagkaaliw.
"Damian, ano na naman ang problema mo? Mukha kang zombie," sabi niya habang umupo sa tapat ko.
Tumingin ako sa kanya, at sa huli, hindi ko na napigilan. "Franco, alam mo bang balak ligawan ni Brian si Lara?"
Nanlaki ang mga mata niya. "Ha? Seryoso ka?"
Tumango ako. "Narinig ko mismo kanina. At mukhang seryoso siya, Franco. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko."
Napailing siya, pero ngumisi rin. "Alam mo, Damian, kung hindi ka pa rin kikilos, mauunahan ka talaga. Ang dami mong pagkakataon, pero lagi mo namang tinatakbuhan."
"Alam ko!" sigaw ko, medyo malakas, dahilan para tumingin ang ilang tao sa pantry. Tumikhim ako at binabaan ang boses. "Alam ko, Franco. Pero ang hirap. Natatakot akong baka masira ang lahat."
"Damian," sabi niya, seryoso na ngayon, "kung patuloy kang natatakot, hindi mo malalaman kung ano ang pwedeng mangyari. Paano kung may nararamdaman din si Lara para sa'yo?
Napatingin ako sa tasa ng kape ko. Hindi ko alam kung paano sumagot.
Sa huli, napatayo ako at tumungo sa workstation ni Lara. Kailangan ko siyang makita. Kailangan kong tiyakin kung may nararamdaman din siya para sa akin o kung talagang wala na akong pag-asa.
Paglapit ko, nakita kong kausap niya si Brian. Masaya silang nag-uusap, at tila walang mundo sa paligid nila.
Para akong natuklaw ng ahas. Napako ako sa kinatatayuan ko, pilit na kinakalma ang sarili. Pero ang sakit, ang sakit makita siyang ganoon kasama si Brian.