Chereads / MASKARA / Chapter 2 - Selos

Chapter 2 - Selos

Damian's POV

Nasa break room ako, nagkukunwaring abala sa paghalo ng kape habang pasimpleng sumusulyap kay Lara Santiago. Nakatayo siya sa kabilang dulo ng mesa, hawak ang isang folder habang nakikipag-usap kay Brian, isa sa mga team leaders ng marketing department. Nginitian niya si Brian, at para bang tumigil ang mundo ko sa saglit na iyon.

Ano bang meron sa ngiti niyang iyon? Napapailing ako sa sarili. Pero hindi ko rin maiwasang mag-init ang ulo nang mapansin kong medyo yumuko si Brian, tila masyadong malapit habang may binubulong kay Lara.

"Grabe naman, Brian, ang aga-aga ang kulit mo," sabi ni Lara, sabay tawa. Ang tunog ng halakhak niya ay parang musika, pero ang reaksyon ni Brian ang hindi ko matanggap. Ngumiti ito na parang may ibang ibig sabihin.

"Alam mo naman ako, Lara. Mahirap pigilan ang charm ko, lalo na sa mga magaganda tulad mo," sagot ni Brian, sabay kindat.

Napakunot ang noo ko. Ano bang akala ng lalaking ito? Napakabastos ng dating.

Walang ibang nakapansin, pero ako, ramdam ko ang init ng dugo ko habang pinapanood sila. Napahigpit ang hawak ko sa tasa ng kape, halos mabasag na ito sa kamay ko.

"Hoy, Damian," biglang tawag ni Franco na pumwesto sa tabi ko, bitbit ang laptop niya. "Baka naman masunog yang mata mo sa kakatitig. Bakit di mo na lang lapitan?"

"Tigilan mo ako, Franco," sagot ko, pilit na pinipigil ang inis.

Pero hindi niya ako tinantanan. "Seryoso, tol. Bakit di mo na lang aminin sa kanya na gusto mo siya? Baka mas mauna pa si Brian o kaya si Leo. Napansin mo ba kung paano sila umaligid sa kanya?"

"Hindi sila mahalaga," mariin kong sagot, pero kahit ako, hindi kumbinsido sa sinabi ko.

Ilang saglit pa, pumasok naman si Leo, isa sa mga engineers ng IT department. Matangkad, matipuno, at tipong madaldal na parang laging bida sa kwentuhan. Agad nitong nilapitan si Lara, at walang pasubali, inalok siya ng sandwich.

"Lara, baka hindi ka pa kumakain. Hinati ko na para sa'yo," sabi ni Leo, sabay abot ng pagkain.

"Oh, salamat! Saktong gutom na ako," sagot ni Lara, na may malawak na ngiti. Tinanggap niya ang sandwich na parang iyon na ang pinakamagandang bagay na natanggap niya ngayong araw.

Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Tumayo ako mula sa pwesto ko at tahimik na naglakad papunta sa kanila. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko, pero ang alam ko lang, ayokong hayaan ang dalawang lalaking iyon na monopolahin ang atensyon ni Lara.

"Lara," tawag ko, medyo mas mataas ang tono ng boses kaysa sa inaasahan ko. Parehong lumingon sina Leo at Brian, halatang nagulat sa biglang pagsulpot ko. Si Lara naman, napatingin sa akin na may bahagyang pagtataka.

"Damian! Anong ginagawa mo rito?" tanong niya, ang mga mata niya'y naglalaman ng inosenteng kuryosidad.

"Wala. Gusto ko lang sanang itanong kung natapos mo na yung proposal para sa project natin. Kailangan ko na kasi," sagot ko, kahit alam kong hindi pa deadline ng proposal na iyon.

"Ah, oo, malapit ko nang matapos. Pero bakit parang nagmamadali ka?" tanong niya, medyo napakunot ang noo.

"Gusto ko lang siguraduhin. Ayokong ma-delay ang project," sagot ko, habang sinusubukan kong huwag tumingin nang masama kina Leo at Brian na nananatiling nakatayo sa tabi niya.

"Ah, okay. Sige, tapusin ko na. Mamaya ko na lang ipapasa." Tumango siya, pero ang ngiti niya ay parang nawalan ng sigla.

Pagkaalis ko, ramdam kong nakatingin pa rin sila sa likuran ko, pero wala akong pakialam. Ang mahalaga, wala nang ibang lalaki ang lalapit sa kanya habang nandoon ako.

Habang naglalakad pabalik sa opisina ko, pilit kong iniintindi kung bakit ako ganito. Jealous? Hindi. Ako Magsisilos? Impossible. Pero bakit parang gusto ko nang pagsusuntukin yung dalawang lalaking iyon?

Muli, bumalik sa isip ko ang simpleng ngiti ni Lara at kung paano siya ngumiti sa kanila. Sa isang banda, napansin kong gusto ko lang makita ang ngiti niyang iyon—para sa akin lang.