Chereads / MASKARA / Chapter 5 - Chapter 3

Chapter 5 - Chapter 3

Maaliwalas ang kalangitan ngayong araw—banayad ang hangin, at ang liwanag ng araw ay tila nagpapaalala sa akin na dapat akong maging masaya. Pero kabaliktaran ang nararamdaman ko. Para bang may mabigat na ulap na bumabalot sa isip ko. 

Paano ba naman, kaninang umaga ay tumawag si Dad mula sa America. Diretso at walang paligoy-ligoy ang sinabi niya: 

"Damian, kailangan mong pumunta dito para sa isang mahalagang business meeting. At habang nandito ka na rin, pag-usapan natin ang expansion ng kumpanya. Isang linggo lang naman." 

*Isang linggo?* Ang tagal! Sa isip ko, isang linggo ang parang isang buwan. Sa bawat araw na wala ako rito, hindi ko alam kung ano ang mangyayari kay Lara. Alam kong maraming umaaligid sa kanya—at kahit papaano, sa presensya ko, nagagawa kong kontrolin ang sitwasyon. 

Napabuntong-hininga ako habang pinagmamasdan ang kalangitan mula sa opisina ko. *Bakit ngayon pa?* 

Nag-ring ang cellphone ko, at nakita kong si Franco ang tumatawag. Sinagot ko ito nang walang gana. "Ano na naman, Franco?" 

"Relax ka lang, Damian. Nakita kita kanina, parang pasan mo ang Mundo. Ano bang problema?" tanong niya, may halong pag-aalala. 

"Tumawag si Dad. Kailangan ko raw pumunta sa America ngayong linggo," sagot ko, na hindi maitago ang inis sa boses. 

"Wow. Big time ka talaga, ha. Pero teka, bakit parang bad trip ka? Isang linggo lang naman iyon. Business meeting lang, hindi pa naman katapusan ng mundo," sagot ni Franco, na parang nanunukso pa. 

"Franco, hindi mo naiintindihan," sagot ko, halatang naiinis na. "Kung mawawala ako nang isang linggo, malaki ang pwedeng mangyari dito. Si Brian, si Leo—lahat sila. Pwede silang gumawa ng paraan para mapalapit kay Lara." 

"Ah, kaya pala ganyan ang drama mo. Jealous boyfriend vibes, ha? Pero Damian, hindi mo naman pagmamay-ari si Lara. Tsaka, kung ikaw talaga ang gusto niya, kahit isang buwan ka pang mawala, hindi iyon magbabago," sagot niya, na parang may tinuturo pero hindi ko gustong pakinggan. 

"Hindi pa niya alam ang nararamdaman ko, Franco," sagot ko nang mahina. "Paano kung sa isang linggong iyon, may magawa ang iba para maagaw siya?" 

Tahimik siya saglit bago sumagot. "Kung ganun, Damian, may solusyon lang diyan. Bago ka umalis, siguraduhin mong alam niya kung ano ang nararamdaman mo. At least, may laban ka kahit wala ka rito." 

Natigilan ako. Alam kong tama siya, pero parang napakahirap gawin ng sinasabi niya. Paano kung hindi siya handa? Paano kung hindi pa panahon? 

"Damian, minsan, kailangan mong tumaya," patuloy ni Franco. "Kung gusto mo talaga si Lara, huwag kang magpatumpik-tumpik. Kung hindi mo kayang sabihin lahat, iparamdam mo na lang sa kanya bago ka umalis. At kung para talaga siya sa'yo, maghihintay siya." 

Napatingin ako ulit sa kalangitan. Isang linggo lang. Pero sa loob ng isang linggong iyon, kailangan kong siguraduhing hindi ako mabubura sa puso ni Lara. 

*Sabi nga nila, ang hindi kayang sabihin ng salita, kaya iparating ng mga kilos.*

Pagkababa ko ng tawag kay Franco, napahinga ako nang malalim. Ipasa-Diyos mo na lang, sabi niya, pero paano kung hindi sapat iyon? Gusto kong iparamdam kay Lara kung gaano siya kahalaga bago pa man ako mawala ng isang linggo.

Habang nasa ganitong pag-iisip, biglang pumasok si Lara sa opisina ko, dala ang ilang dokumento. Nakangiti siya tulad ng dati, pero tila mas magaan ang kilos niya ngayon.

"Damian, eto na pala yung mga final revisions sa project. Nahabol ko na bago ang deadline," sabi niya, sabay abot ng mga papel.

Napatingin ako sa kanya, at parang huminto ang oras. Minsan iniisip ko, paano niya nagagawang ngumiti nang ganito, parang walang bigat sa mundo? Samantalang ako, halos hindi na makatulog sa kaiisip kung paano siya protektahan mula sa mga nagpapalapit sa kanya.

"Lara," sambit ko, mas seryoso ang boses ko kaysa sa inaasahan ko.

Napatingin siya sa akin, bahagyang nagulat. "O, bakit? May problema ba sa revisions?"

Umiling ako. "Wala. Perfect na ang mga ito. Pero…" Napatigil ako. Hindi ko alam kung paano sisimulan ang gusto kong sabihin.

"Ano 'yun, Damian?" tanong niya, nakataas ang kilay, halatang nagtataka.

"Pwede ba kitang yayain mamayang gabi? Dinner lang. Gusto lang kitang pasalamatan sa lahat ng effort mo sa trabaho. Hindi ko kasi madalas nasasabi, pero sobrang na-appreciate ko ang ginagawa mo para sa team," sabi ko, pilit na ginagawang casual ang tono ko kahit na kabadong-kabado na ako.

Napangiti siya, halatang hindi inaasahan ang sinabi ko. "Talaga? Ang bait mo naman. Sige, Damian, game ako diyan. Pero libre mo, ha?" biro niya.

Tumawa ako, kahit sa loob-loob ko ay parang nawala lahat ng bigat ng mundo. "Oo naman. Para sa'yo, Lara, walang problema."

8pm sakto ng nagkita kami ni Lara sa isang maliit na restoran malapit sa opisina. Hindi ito marangya, pero tahimik at cozy ang lugar. Gusto ko sanang gawing espesyal ang gabing ito nang hindi siya naiilang.

Habang naghihintay ng pagkain, mas nagkaroon kami ng pagkakataong mag-usap. Hindi tungkol sa trabaho, kundi tungkol sa mga personal na bagay. Nagkwento siya tungkol sa pamilya niya, sa mga pangarap niya, at sa mga simpleng bagay na nagpapasaya sa kanya.

"Alam mo, Damian," sabi niya habang sumisimsim ng wine pagkatapos naming kumain, "masaya akong may boss ako na katulad mo. Hindi lang dahil magaling ka, kundi dahil marunong kang magpasalamat at magpahalaga."

Halos hindi ako makapagsalita. Boss? Masakit pa rin para sa akin na ganoon pa rin ang tingin niya sa akin, pero naisip ko, baka ito na ang tamang oras.

"Lara," sambit ko, na ngayon ay mas mabigat ang tono. "May gusto sana akong sabihin sa'yo."

Napatingin siya sa akin, tila nag-aabang. Pero bago pa man ako makapagsalita, biglang tumunog ang cellphone niya. Napansin kong nagliwanag ang mukha niya habang binabasa ang text.

"Brian," sabi niya, na parang hindi niya namalayang nasabi ito nang malakas. "Sabi niya, nagpapasalamat siya kasi pumayag ako sa dinner niya next time."

Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Ang bawat salita niya ay parang maliliit na tinik na tumusok sa puso ko. Pero pilit kong pinanatili ang ngiti sa mukha ko.

"Ganun ba? Mukhang excited siya," sagot ko, kahit gustong-gusto kong sabihing, 'Lara, bakit siya? Ako na lang sana.'

Ngumiti siya, pero may halong pag-aalinlangan ang tingin niya sa akin. Parang nararamdaman niyang may hindi ako sinasabi.

"Anyway, ano nga 'yung sasabihin mo, Damian?" tanong niya ulit.

Napatingin ako sa kanya. Gusto kong sabihin ang lahat—ang nararamdaman ko, ang takot ko, ang selos ko. Pero napigilan ko ang sarili ko. Hindi ngayon. Hindi pa ngayon.

"Wala," sagot ko sa huli, pilit na ginagawang casual ang tono ko. "Gusto ko lang magpasalamat sa'yo, Lara. Sa lahat ng ginagawa mo."

Ngumiti siya, pero may halong pagtataka sa mukha niya.

Habang hinahatid ko siya pauwi, isang bagay lang ang nasa isip ko: Gagawa Ako ng paraan.