Chereads / MASKARA / Chapter 3 - Chapter 2

Chapter 3 - Chapter 2

Nasa opisina kami ni Franco, ang tanging tao na alam ang tunay kong pagkatao. Tahimik lang siyang nagtatype sa laptop niya habang ako naman ay nag-iisip nang malalim. Hindi ko na kaya ang bigat ng nararamdaman ko, kaya napilitan akong buksan ang usapan.

"Franco," simula ko, sinusubukang kontrolin ang tono ng boses ko. "Anong tingin mo kay Lara?"

Napahinto siya sa ginagawa niya at tumingin sa akin, halatang nagulat sa bigla kong tanong. "Bakit? Biglang seryoso yata. Well, totoo lang, Damian, maganda siya, masayahin, at… alam mo na, maraming nagkakagusto."

Alam ko na ang sagot, pero parang tinamaan pa rin ako nang marinig ko ito mula sa kanya. Pinilit kong magpakalalaki, pero naramdaman ko ang malamig na pawis sa noo ko. "Marami? Gaano karami?"

Napangiti si Franco, halatang natutuwa sa reaksyon ko. "Damian, hindi mo ba napapansin? Lahat halos ng lalaki sa opisina natin, nagkakandarapa kay Lara. Si Brian, si Leo… pati na ako."

Nanlamig ang mga kamay ko. Alam ko naman iyon, pero iba ang pakiramdam nang diretsahang sabihin sa'yo. "Pati ikaw, Franco?" tanong ko, pilit na pinapakalma ang sarili.

"Anong magagawa ko? Babae siya na mahirap hindi mapansin," sagot niya, sabay balikat. "Pero, Damian, alam mo kung sino talaga ang may pinakamalaking laban, di ba?"

Hindi ako sumagot. Alam ko ang ibig niyang sabihin, pero hindi iyon nakatulong sa nararamdaman ko.

"Alam mo, Damian," patuloy niya, "hindi lang basta sila nagpapalipad-hangin kay Lara. Seryoso sila. Si Brian, sinasamahan siya kapag may overtime. Si Leo, lagi siyang binibigyan ng pagkain at kung ano ano pa.

"Alam ko," mariin kong sagot, pilit na pinipigilan ang init ng ulo ko.

"Pero alam mo ba ang pinakanakakatakot?" tanong niya, na para bang sinasadya pang asarin ako. "Hindi lang sila ang problema mo. Ang totoo, Damian, baka may isa sa kanila ang magustuhan ni Lara."

Napatingin ako sa kanya, ramdam ko ang tensyon sa bawat salita niya. "Franco, hindi mo na kailangang sabihin iyan," sabi ko, bahagyang tumaas ang boses ko.

"Eh bakit hindi ka pa kumikilos? Kung ayaw mong maagawan, dapat gumawa ka na ng paraan. Patuloy ni Franco, na parang mas lalo pang binababad ako sa sarili kong kaba. 

Napahinto ako, pilit iniisip kung paano sasagutin ang tanong niya. Sa totoo lang, hindi ako sigurado kung bakit hindi ko pa magawang aminin kay Lara ang nararamdaman ko. Takot ba? Hiya? O baka dahil alam kong kapag nalaman niya ang totoo kong pagkatao, mawawala ang lahat ng tingin niya sa akin bilang Damian Rivera—ang ordinaryong empleyado, at hindi bilang Damian Villacorte, ang boss na hindi niya gusto. 

"Hindi ganoon kadali, Franco," sagot ko, pilit na nilalamon ang pride ko. "Paano kung malaman niya kung sino talaga ako? Ano ang iisipin niya? Baka isipin niyang niloko ko siya. Baka mawala siya." 

"Damian, kung patuloy kang magpapadala sa takot mo, mas lalong wala kang laban," sabi ni Franco, sabay tapik sa balikat ko. "At sa totoo lang, mas nakakatakot ang isipin na baka piliin niya si Brian, si Leo, o kahit sino pa dahil hindi ka kumilos." 

Napabuntong-hininga ako. Alam kong tama siya, pero hindi pa rin mawala ang kaba sa dibdib ko. Sa bawat oras na lumilipas, lalo akong natatakot na baka masyado na akong huli. 

Biglang bumukas ang pinto ng opisina ko, at bumungad si Lara. Napatingin kami pareho ni Franco sa kanya. Dala niya ang isang folder at may maliit na ngiti sa kanyang labi. "Damian, ito na pala yung proposal na hinihingi mo kanina," sabi niya, sabay abot ng folder. 

Habang inaabot ko ang folder, nagtagpo ang aming mga mata. Para bang tumigil ang mundo sa saglit na iyon, at wala akong naramdaman kundi ang bigat ng lahat ng dapat kong sabihin sa kanya. Pero bago pa ako makapagsalita, narinig ko ang boses ni Franco. 

"Lara, ang ganda naman ng ngiti mo ngayon. Mukhang may magandang nangyari," biro ni Franco, na may ngiting puno ng pag-asar. 

"Ah, wala naman," sagot ni Lara, na bahagyang namula. "Na-appreciate ko lang kasi yung effort ni Brian kanina. Sinamahan niya ako habang ginagawa ko ito. Ang bait niya talaga." 

Halos maputol ang hininga ko. *Si Brian na naman?* Para bang tumibok ang selos sa dibdib ko, at gusto kong sumabog. Pero hindi ko pinahalata. 

"Talaga? Buti naman at may naasahan ka," sagot ni Franco, pero nakita ko ang mabilis niyang sulyap sa akin, na parang sinasabing, *'Kita mo na?'* 

Pagkaalis ni Lara, nanatili akong tahimik. Ramdam ko ang bigat sa dibdib ko habang iniisip ko ang sinabi niya. Si Brian na naman ang nasa isip niya. 

"Damian," sabi ni Franco, na parang nagbabasa ng iniisip ko. "Hanggang kailan ka magpapanggap na okay lang sa'yo ang ganito?" 

Napakuyom ako ng kamao. Alam kong hindi na ito pwedeng magpatuloy. *Kung hindi ako kikilos ngayon, baka hindi ko na siya mahawakan kailanman.*