Chereads / Day Zero: Fairview Outbreak / Chapter 47 - Kabanata 47: Ang Grupo ni Jay-Jay

Chapter 47 - Kabanata 47: Ang Grupo ni Jay-Jay

Kabanata 47: Ang Grupo ni Jay-Jay

Sa sumunod na araw, habang abala si Shynie sa pagsasanay ng kanyang Barret M82 sniper rifle mula sa view deck tower, may namataan siyang isang itim na Ford Raptor na papalapit mula sa direksyon ng Bitbit Bridge. Napakunot-noo siya, agad na nagbaba ng teleskopyo, at dinampot ang radio.

"Hilltop, may paparating na sasakyan sa tulay ng Bitbit, itim na Ford Raptor. Hindi natin sila kilala. Humanda kayo, huwag niyo hayaan makalapit sa kampo. Harangin agad bago sila makarating dito."

Agad na umingay ang kampo. Si Joel, kasama sina Jake, Andrei, at ilang bantay mula sa San Lorenzo, ay dali-daling nagtungo sa gate checkpoint sa kalsada patungong Hilltop. Gamit ang sasakyan ni Vince, bumuo sila ng harang bago makarating ang hindi inaasahang bisita.

Nang dumating ang Ford Raptor, agad silang nagparamdam. Si Joel, naka-armas ng kanyang M4 carbine, lumapit sa gilid ng sasakyan at sumenyas na huminto. "Hanggang dyan lang kayo. Itaas ang mga kamay, at walang gagawa ng kahit ano. Lumabas kayong lahat."

Isa-isang lumabas ang mga sakay ng sasakyan—sampu silang lahat, mukhang gutom at pagod, ngunit armado ng ilang baril at kutsilyo. Tumayo sila sa gitna ng kalsada at pumila, ang kanilang mga kamay nakalagay sa ulo.

"Sinong lider niyo?" malamig na tanong ni Joel.

Sumagot ang isang lalaking maliit, mga 4'11" ang tangkad, makapal ang bigote, at kulot ang buhok. Lumapit ito sa harapan, nakataas ang mga kamay. "Ako ang lider nila. Ang pangalan ko ay Jay-Jay Ilagan."

"Anong ginagawa niyo dito? Ba't kayo naligaw sa teritoryo namin?" tanong ni Joel, ang kanyang tono ay puno ng awtoridad.

"Kailangan namin ng tubig," sagot ni Jay-Jay. "Sa kampo namin, wala nang maayos na inumin. Narinig namin na may tubig sa lugar na ito, kaya nagbakasakali kaming pumunta. Wala kaming masamang balak. Gusto lang naming mabuhay."

Tiningnan sila ni Joel nang mabuti, ang kanyang mukha nanatiling malamig. "Sige. Manatili kayo diyan. Walang gagalaw sa kinatatayuan ninyo."

Lumingon siya kay Jake at Andrei, na hawak ang kanilang mga baril ngunit halatang alanganin. "Bantayan niyo sila. Kung may gumalaw nang masama, barilin niyo agad."

Nagulat si Jake. "Grabe, Joel! Tao sila. Hindi naman siguro sila ganun kasama."

"Basta sundin niyo ako," sagot ni Joel nang matalas. "Ako ang in-charge dito. Gawin niyo ang sinasabi ko habang nag-uusap kami ni Mon."

Napilitang tumango sina Jake at Andrei, ngunit halatang may pag-aalinlangan.

---

Lumapit si Joel kay Mon, na nasa loob ng checkpoint kasama ang iba pang lider. "Mon, ano gagawin natin sa mga ito? Sampu sila, at armado. Pwedeng maging banta sila sa atin kung mali ang galaw natin."

Tumingin si Mon sa malayo, iniisip ang kanilang susunod na hakbang. "Okay," sabi niya. "Gawin natin yung ginawa natin kina Macmac at Emjay. Itali muna sila at piringan. Ikulong natin habang iniimbestigahan. Kumpiskahin ang lahat ng dala nila, lalo na ang mga armas."

Tumango si Joel. "Sige, Mon. Ako na ang bahala dito. Pero kung hindi sila susunod, alam mo na ang gagawin natin."

---

Bumalik si Joel sa checkpoint at hinarap si Jay-Jay at ang grupo nito. "Ganito ang usapan," sabi ni Joel. "Ipiring namin kayo, itatali ang mga kamay niyo, at dadalhin namin kayo sa kampo. Hindi namin kayo sasaktan kung wala kayong gagawing masama. Pero lahat ng dala niyo, lalo na ang armas, kukumpiskahin muna namin."

Napatingin si Jay-Jay sa kanyang grupo. Kita sa mukha ng ilan ang takot, ngunit tumango siya at sumagot. "Okay. Susunod kami. Wala kaming balak makipag-away."

Agad sinimulan ng grupo nina Joel at Mon ang proseso. Ang mga armas—tatlong baril, ilang kutsilyo, at bala—ay inilagay sa isang duffel bag. Piniringan ang bawat isa at itinali ang kanilang mga kamay bago isinakay sa kanilang sasakyan.

Habang nagmamaneho pabalik sa Hilltop, tinitingnan ni Mon ang grupo mula sa salamin. Ang mga ito'y gutom, pagod, ngunit halatang desperado. Napaisip siya kung paano nila haharapin ang bagong hamon na ito.