Chereads / Day Zero: Fairview Outbreak / Chapter 42 - Kabanata 42: Panibagong Tagumpay

Chapter 42 - Kabanata 42: Panibagong Tagumpay

Kabanata 42: Panibagong Tagumpay

Pagdating sa Hilltop Compound, agad na pinakain ng grupo ang apat na operator ng hydro powerplant. Halos hindi makapaniwala ang apat na buhay pa sila matapos ang mga linggong gutom at takot na kanilang naranasan.

"Maraming salamat po sa inyo," sabi ng isa sa mga operator, si Mang Rico, na siyang pinakamatanda sa kanila. "Kung hindi dahil sa inyo, baka naging zombie na rin kami o tuluyan nang nawala."

Tumango si Joel habang nakatingin sa kanila. "Ngayon, buhay pa kayo. Pero kailangan naming tulong niyo. Gagawin namin ang lahat para alagaan kayo, pero tulungan niyo rin kami. Bigyan niyo kami ng kuryente. Malaking bagay iyon para sa survival ng grupo namin."

Napangiti si Mang Rico. "Approved na 'yan. Kayo na ang nagligtas sa amin, kaya ito na ang paraan namin para masuklian iyon."

---

Kinabukasan, sinimulan ng grupo ang paglilinis ng planta. Kasama ang apat na operator, binaklas nila ang mga sirang kagamitan, inalis ang mga bangkay ng zombie, at inayos ang mga nasirang bahagi. Ang lugar na dati'y madilim at tahimik ay muling nabuhay sa sipag at tiyaga ng grupo.

Si Joel ang nanguna sa seguridad habang nagtatrabaho ang iba. "Shynie, sa vantage point ka ulit. Siguraduhin mong walang makakalapit sa atin dito." Tumango si Shynie at agad pumwesto sa mataas na lugar, hawak ang kanyang rifle.

Samantala, si Mon ay tumulong sa paglilinis ng makina, kasama sina Mang Rico at ang ibang operator. "Kaya pa ba 'to, Mang Rico?" tanong niya habang tinuturo ang isang sirang panel.

"Kaya pa, Mon. May mga parts tayong pwedeng i-repair, pero kakailanganin natin ng ibang pyesa mula sa mga abandoned na lugar kung gusto nating gawing 100% operational 'to," sagot ni Mang Rico.

---

Pagkalipas ng ilang araw ng trabaho, muling napaandar ang planta. Ang mga ilaw ay nagliwanag, at ang tubig na dumadaloy mula sa dam ay nagsimulang magbigay ng enerhiya. Ang apat na operator ay nakatayo sa gitna, tila proud na proud sa kanilang nagawa.

"Simula ngayon, kasali na kami sa grupo niyo," sabi ni Mang Rico habang nakatingin kay Mon. "Kami na ang bahala sa planta, at sisiguraduhin naming tuloy-tuloy ang kuryente. Kapalit lang, kailangan namin ng rasyon ng pagkain para sa aming apat."

Tumango si Mon. "Deal. Bahagi na kayo ng pamilya namin. Ang planta na ito ay isa nang bahagi ng Hilltop Compound."

---

Pagbalik nila sa kampo, nagtipon ang buong grupo upang ipagdiwang ang kanilang tagumpay. Ang mga ilaw ay muling sumindi sa Hilltop Compound, isang bagay na matagal nang hindi nila naranasan simula nang magsimula ang apocalypse.

"Panibagong achievement na naman ito sa grupo natin," sabi ni Joel habang pinagmamasdan ang mga ilaw na nagbibigay liwanag sa kanilang paligid. "Unti-unti, nabubuo natin ang panibagong buhay dito. At ito ang simula ng mas maayos na sistema."

Ngunit sa likod ng kanilang kasiyahan, alam ni Mon na marami pa silang kailangang harapin. Sa bawat tagumpay, may kaakibat na bagong hamon. Ngunit sa bawat hakbang, mas lumalakas ang kanilang grupo, at mas nagiging tiyak ang kanilang kinabukasan.