Chereads / Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo / Chapter 2 - ANBNI | 2: Kamatayan Ang Hatol Sa Sinomang Lumabag Sa Kautusan

Chapter 2 - ANBNI | 2: Kamatayan Ang Hatol Sa Sinomang Lumabag Sa Kautusan

"Hindi ito maaaring mangyari!" ang Punong Heneral na hindi parin kumakalma matapos nitong tanggapin ang kautusan. Nais ng Emperador na pumasok ang pangatlo niyang anak sa palasyo ng imperyal.

 

Nang matapos ang pagdiriwang, pinatawag niya ang mga pinagkakatiwalaan niyang tauhan upang hanapin ang kanyang bunsong anak na naglalakbay ngayon sa malayong lupain.

 

"Siguraduhin niyong hindi siya makakabalik sa kapitolyo hangga't hindi ko pinahihintulutan."

 

"Masusunod Punong Heneral, magtatalaga narin ako ng mga taong haharang sa kanya sa mga lugar na maaari niyang daanan." Pagbibigay alam ng isa sa piling tauhan ng Heneral.

 

Dumating si Yanru sa pribadong pasilyo. Nadatnan niya ang madilim na anyo ng kanyang Ama at ang nanghihina niyang Ina na pinapakalma ni Yeho. Sinenyasan niya ang mga tauhan na lumabas. Nang masiguro niyang sila na lamang ang nasa loob ng pasilyo, nilabas ni Yanru ang sulat na natanggap niya at binigay sa Punong Heneral.

 

"Ama, kailangan niyo itong pag-isipang mabuti."

 

"Anong ibig sabihin nito?" tanong ng Heneral matapos mabasa ang liham mula sa kanyang kapatid na nasa kaharian ng Nyebes. Ayon sa sulat, nagsasanib pwersa ang mga opisyales upang bumuo ng mas malaking hukbo na pamumunuan ng mga ito.

 

"Plano nilang pahinain ang pwersa natin sa kaharian ng Nyebes. Nagpapasok sila ng mga bandido sa isang bayan na nagdala ng matinding kaguluhan. Nais nilang palabasin na hindi sapat ang kanilang proteksiyon upang payagan sila ng Emperador na mangalap ng mga mandirigmang panghukbo."

 

"Mga lapastangan! Matapos nating ipaglaban ang lupain ng Nyebes sa mga dayuhan, ipapahamak lamang nila ito sa kamay ng mga bandido!" nangangalit na angil ng Heneral. Ibinuwis niya ang buhay niya sa paglilingkod sa lupain na pinagtanggol at iningatan ng kanyang mga ninuno, kaya hindi niya matanggap na bababuyin lamang ito ng mga ganid sa kapangyarihan.

 

"Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating tanggapin ang Kautusan ng Emperador." Si Yanru na sinalubong ang tingin ng kanyang Ama. Napatayo ang Ina niya mula sa kinauupuan ng marinig nito ang pahayag ni Yanru.

 

Lumapit si Sula sa panganay niyang anak at tinitigan itong mabuti. "Tama ba ang narinig ko? Pumapayag kang tanggapin ng kapatid mo ang kamay ng Prinsesa? Nakalimutan mo na ba kung sino siya?!"

 

Labis ang proteksiyong ibinibigay ng kanyang magulang pagdating sa huli niyang kapatid, kaya hindi niya masisisi ang kapatid niya kung bakit mas nanaisin nitong maglayag sa halimaw na karagatan sa halip na manatili sa kanilang tahanan. "Hanggang kaylan niyo siya itatago? Hindi niya kailangan ng ating proteksiyon. Nabuhay siya sa labas ng hindi nailalantad ang sarili niya. Nagawa niya itong itago maging sa kanyang mga bantay na nakasama niya sa paglaki. Hindi siya isang malambot na tela na kailangan niyong ingatan dahil hindi niya kailangan ng proteksiyon, kundi siya ang kailangan natin upang protektahan ang pamilyang ito, ang angkan at ang ating hukbo." Pagdiriin ni Yanru sa huli.

 

Natigilan ang Punong Heneral sa sinabi ng panganay niya. Kilala niya si Yanru, pinag-iisipan nitong mabuti ang lahat bago ito magpasya. Subalit labag parin sa kanyang kalooban ang gusto nitong mangyari. "Mas mapapahamak ang pamilya natin kapag nailantad ang lihim niya. Buong angkan natin ang ililibing sa sandaling lumabas ito."

 

"Kamatayan ang hatol sa sinumang lumabag sa Kautusan. Kahit palabasin ninyong nasawi siya sa kanyang paglalakbay sa ibang lupain. Hindi parin nito matatakasan ang hindi pagtupad sa Kautusan ng Emperador. Hindi niyo ba nakikita? Kung hindi tayo mahawakan ng Emperador, hahayaan niya tayong bumagsak. Hindi niyo ba naririnig ang sinisigaw ng mga tao? Hindi ang pangalan niya ang pinupuri nila kundi ang pangalan niyo. Sa patuloy na pag-angat natin sa imperyo, dumarami ang gustong humila sa atin pababa. At isa naroon ang Emperador."

 

"Pero bakit kailangan nating isakripisyo ang kapatid mo? Sa sandaling pumasok siya sa palasyo ng imperyal, habang buhay na niyang paninindigan ang lihim niya. Kung tunay na mahal mo ang kapatid mo, hindi mo nanakawin ang kalayaan niya." Si Sula sa panganay na anak.

 

"Kung mahal niya ang pamilyang ito, handa siyang magsakripisyo."

 

"Yanru!" si Yeho na agad na umalalay sa kanyang Ina ng manghina ito at mawalan ng balanse. "Naiintindihan ko ang desisyon mo pero bigyan mo ng panahon ang magulang nating tanggapin ito."

 

Huminahon si Yanru ng bigyan siya ng matalim na tingin ni Yeho. Mas nanaisin niya pang makasagupa ang mga barbaro sa disyerto sa halip na magalit sa kanya si Yeho. Siya ang panganay sa kanilang tatlo subalit si Yeho ang mas pinakikinggan ng kanyang magulang, maging ang bunso niyang kapatid na hindi kayang kontrolin ng kanyang Ama ay napapasunod nito. Kung gusto niyang sumang-ayon ang mga ito sa plano niya, kailangan niya munang kumbinsihin si Yeho upang mapapayag niya ang mga magulang nila.

 

"Huwag niyong isipin na madali ito para sa akin. Kung kinakailangan kong ilaan ang buong panahon ko sa pakikidigma upang maprotektahan ang pamilyang ito gagawin ko. Subalit hindi lahat ng laban ay ginagamitan ng dahas. Hindi lahat ng kalaban ay nasa ibang lupain. Dahil mismong mga taong pinuprotektahan natin ay siya ring aatake sa atin bandang huli. Mas mabuti ng maunahan natin sila bago tayo ang mahulog sa kanilang mga pain." Nagtagal ang tingin ni Yanru kay Yeho, gusto niyang marinig ang opinyon nito.

 

"Maagang nagpadala ang Emperador ng imbitasyon sa limang kaharian at iba pang mga Pinuno ng malalaking angkan para ipaalam sa kanila na Emperador ang pumili sa kanya upang umatras ang mga nagbabalak na makasal sa anak ng Punong Heneral. Tiyak na isang malaking kahihiyan sa pamilya ng imperyal kung hindi darating ang kapareha ng Prinsesa sa araw ng kanyang kasal." Bahagyang dumilim ang anyo ni Yeho.

 

Hindi ito ang unang beses na binalak ng Emperador na ipakasal ang isa sa anak nito sa pamilya niya. Nang ipinangak siya at nalaman na Emperador na babae ang sumunod na anak ng Punong Heneral, binalak nitong maglabas ng kautusan upang ipakasal siya sa Prinsipeng tagapagmana sa sandaling tumuntong siya sa tamang edad, subalit inunahan ito ng kanyang Ama ng ipagkasundo siya nito sa anak ng kaibigan nitong iskolar. Alam nitong mas madugo ang buhay sa loob ng palasyo kumpara sa tunay na digmaan. Hindi nito nanaising ibigay ang anak nito sa pamilya ng imperyal.

 

Nang sumunod na pinanganak ang bunso nila, hindi nagdalawang isip ang kanyang Ama na bihisan ito sa kasuotan ng isang lalaki. Dahil sa tingin nito ay mas mapapabuti ang buhay nito kung naging lalaki ito. Subalit sadyang tuso ang Emperador, gagawin nito ang lahat upang mahawakan ang Ama niya sa leeg. "Makasal man siya o hindi sa Prinsesa, parehong malaki ang magiging implikasyon nito sa ating pamilya."

 

"Yeho-"

 

"Tama si Yanru Ama, kailangan niyo itong pag-isipang mabuti. Maikli nalang ang panahong natitira sa atin upang paghandaan ito."