Chereads / Ang Nakatagong Bituin Ng Imperyo / Chapter 5 - ANBNI | 5 : Ang Mabining Fenglin

Chapter 5 - ANBNI | 5 : Ang Mabining Fenglin

Nanatiling nakaupo si Yura sa kanyang silid matapos ang mahabang sandali. Puno ang isipan niya ng mga pangyayaring naganap sa kanya. Naglalaro ito na parang dula sa kanyang alaala. Hindi lamang ang bawat kataga at larawan ang malinaw na bumabalik sa kanya kundi maging ang pait sa tinig ng mga ito ay malinaw na dumudulas sa kanyang pandinig.

Bumaba ang tingin ni Yura sa tsaa na hinanda sa kanya ni Yeho. Lumamig na ito ng hindi niya nagagalaw. May halong pampatulog ang tsaa upang tulungan ang isipan niyang kumalma. Ngunit minsan, hindi sandaling paglimot ang kailangan niya.

Madalas niyang ikulong ang sarili sa isang maliit na kwarto noong maliit siya. Naninibago pa siya sa kanyang kakayahan at hindi niya alam kung paano ito tatanggapin. Kapag nakikita niyang umuuwing sugatan ang mga madirigma ng kanyang Ama, lumalapat sa isipan niya ang bawat bigat ng kanilang paghinga, ang lalim ng kanilang sugat, ang hapdi sa kanilang mga ungol. Paulit-ulit itong bumabalik kahit na pilit niya itong binubura sa kanyang isipan. Maging ang paglabas niya sa kanilang tahanan ay isang malaking pagsubok. Nakokolekta ni Yura ang bawat mukha ng taong kanyang nakakasalubong, mga katagang kanilang binibitawan, at maging ang mga iyak ng mga batang alipin na nakakulong sa mga kahon ay hindi nawawaglit sa kanyang isipan.

Dumating ang panahon na napagtanto niyang ang pagtatago ay hindi sagot upang matakasan ito kundi ang pagharap at pagtanggap niya sa kanyang kakayahan ang tanging lunas upang maibsan ang bigat ng mga alaalang iyon. Natutunan niyang gamitin ang kanyang abilidad upang iligaw ang isipan niya sa ibang mga bagay. Nadiskubre niya na kung makakakita siya ng ibang mga mukha, at iba pang mga tanawin ay matatabunan nito ang iba pang mga alaala niya. Hindi man siya makakalimot subalit hindi ito ookupa ng malaki sa isipan niya kung marami pang alaala ang babalik sa kanya.

Ang inaakala niyang sumpa ay naging instrumento upang hasain ang kanyang pisikal na abilidad. Tinulungan siya ni Yanru upang magamit niya sa pakikipaglaban ang potograpiya niyang memorya. Tinanggap niya ang bigat ng pagsasanay kahit naabot na niya ang kanyang limitasyon ay nagpatuloy parin siya dahil sa kagustuhan niyang maging kaagapay ng kanyang Ama at kapatid sa pakikidigma ng mga ito. Subalit ng dumating ang araw na iyon, pinigilan siya ni Yanru at kinulong.

Hindi matanggap ni Yura na mahina parin siya sa paningin nito matapos niyang patunayan ang sarili niya.

Batid niyang hinubog siya at binihisan ng kanyang Ama bilang lalaki upang maprotektahan siya ng mga ito. Hindi nila nanaising lisanin niya ang kanilang tahanan at makulomg bilang konsorte na idadagdag lamang sa koleksiyon ng mga babae ng magiging kabiyak niya.

Kinamumuhian ni Yura ang ideya na maging sunod-sunuran at manatiling pangalawa sa lahat ng desisyon ng kanyang magiging kabiyak. Mahina ang estado ng mga babae sa lupaing ito. Mananatili silang nasa ilalim ng mga lalaki at wala silang lugar para sa mga importanteng katungkulan sa imperyo. Magiging dekorasyon sila sa tahanan at palamuti ng kanilang mga asawa sa mga pagtitipon.

Ito ang dahilan kung bakit bukas sa loob niyang tinanggap at pinanindigan ang pagiging Pangalawang Xuren sa pamilya ng Punong Heneral. Mas iibigin niyang magtago sa kasuotan ng isang lalaki sa halip na itago ang kanyang tunay na kakayahan dahil isa siyang babae...

Ganap na ang gabi ng lumabas si Yura sa kanyang silid.

"Xuren, magpapahanda po ako ng panibagong tsaa." Ang bungad ni Won kay Yura ng makita niyang gising pa ito. Tinago naman ni Kaori ang pagnguya niya ng mainit na tinapay ng makita nito ang Xuren.

"Hindi na kailangan. Magpahanda ka ng karwahe bibisita ako sa Fenglein."

Nakagat ni Kaori ang loob ng pisngi niya ng marinig ang utos ni Yura. Mabilis namang tumalima si Won upang kumuha ng karwahe.

Ang Fenglein ay lugar kung saan matatagpuan ang pinakamahal na mga babae sa imperyo. Dito makikita ang ibat-ibang uri ng kagandahan na nanggaling pa sa ibat-ibang lupain. Bawat isa ay may angking alindog na pumupukaw sa mga puso ng mga bumibisita sa kanila. Binansagan silang pulang bulaklak at kinilala sila sa tawag na Fenglin.

Mayayamang mangangalakal at matataas na opisyales ng imperyo ang karaniwang bisita ng Fenglein. Kung wala kang mabigat na salapi, wala kang karapatang makatapak sa loob nito o mangarap na mapagsilbihan ng kahit isang Fenglin. Hindi lamang ang kanilang mapang-akit na ganda ang binabalikan kundi ang kanilang talento sa sining ang lalong nagpapaalab ng kanilang alindog. Bago ka maging isang ganap na Fenglin dadaan ka muna sa mahabang pagsusuri. Mula sa ilang daang pagpipilian, tatlo o apat lamang ang nakakapasok.

At sa sandaling mapili ka, huhubugin ka upang maging isang epektibong gayuma na hindi lang isang beses kundi paulit-ulit na iinumin ng mga kalalakihan.

Nagsimulang maging kulay-lila ang mukha ni Kaori ng isipin niya palang ang matatapang na pabango ng mga babaeng naroon.

Huminto ang itim na karwahe sa tapat ng Fenglein. Nang makita ng mga katiwala ng lugar ang pamilyar na karwahe, agad nila iyong sinalubong.

Nang bumaba si Yura sa karwahe, lumabas ang dalawang Fenglin upang batiin siya. Si Liya at Aysa ang nangungunang sumasalubong kay Yura sa tuwing darating siya sa lugar. Sumunod na naglabasan ang iba pang Fenglin ng marinig nila ang pagdating ng misteryosong Xuren na pinananabikan nilang makita.

Sino ang hindi maghahangad na makita ito gayong hindi ito madalas makikita sa kapitolyo, kung lalabas man ito mabibilang lang ang lugar na binibisita nito. At iilan lamang ang taong nakakakilala ng tunay nitong anyo. Sila lamang ang may pribilehiyong makalapit at makausap ito kaya naman hindi mapigilan ng mga Fenglin ang kanilang pagkasabik kapag bumibisita ang Xuren na ito sa kanila.

Nagpaiwan si Kaori sa karwahe habang si Won na nakasunod kay Yura ay naitulak sa malayo dahil sa mga Fenglin na nag-uunahan na makalapit sa Xuren nila.

Naabala ang mga panauhin sa isang silid na nasa pangalawang palapag ng marinig nila ang ingay sa labas.

"Matagal na akong bumibisita dito sa Fenglein pero ni minsan ay hindi pa ako nakatanggap ng ganitong kalugod na pagbati!" Daing ng isang opisyal ng matanaw nito ang pagkakagulo ng mga Fenglin sa labas dahil sa pagdating ng bagong panauhin.

"Ginoo, hindi niyo sila masisisi, ang panauhing ito ay isa lang naman sa mga lalaking pinapangarap ng mga kababaihan sa imperyo." Nakangiting sagot ng Binibining Fenglin sa Ginoong sinasalinan niya ng alak. Kung hindi lamang importanteng panauhin ang pinagsisilbihan niya marahil ay bumaba narin siya upang salubungin ang dumating na Xuren.

"Ha. Huwag mong sabihing isang Prinsipe ang dumating? Kung naggagandahang dilag lang naman ang hinahanap niya hindi mauubusan nito ang palasyo ng imperyal." Malakas na tawanan ang pumuno sa loob ng silid.

Lihim na napailing ang mga Fenglin na nagsisilbi sa mga matatandang opisyales. Paano ba nila maiintidihan ang damdamin ng mga tulad nila? Kahit may kapalit na salapi ang bawat ngiting kanilang binibigay, ang pinakamahal na bayad na nais nilang matanggap mula sa mga lalaki ay respeto.

Hindi iniwasan ni Yura ang mga Fenglin na lumalapit sa kanya. Sa halip ay tinanggap niya ang lahat ng mga pagbati ng mga ito at isa-isa niyang tinawag ang mga pangalan nila. Hindi inaasahan ng mga Fenglin na sa dami nilang nakapalibot dito ay maaalala pa ng Xuren ang kanilang mga pangalan.

"Nasaan si Sena?" tanong ni Yura sa mga ito ng hindi niya ito makita.

"Hmmp! Ang paborito mo paring Fenglin ang lagi mong hinahanap kahit nandito naman kami." Kunwaring angil ni Liya.

Marahang pinisil ni Yura ang ilong nito. "Gusto ko siyang makita." Labis na namula ang mukha ni Liya sa simpleng ginawa nito. Maging ang ibang mga Fenglin ay di rin mapigilang mamula na parang sila ang hinawakan ng Xuren.

"N-Nagkukulong siya ngayon sa kanyang silid. Simula ng kumalat ang balita na makakasal ka sa Prinsesa ng Emperatris ay hindi na siya tumatanggap ng panauhin."

Dumampi ang pait sa puso ng mga Fenglin ng maalala nilang mapuputa na sa maharlika ang Xuren na espesyal sa mga puso nila. Wala silang lakas ng loob na magdamdam dahil alam nilang hindi sila karapat-dapat para dito. Sapat na sa kanilang maalala nito ang mga pangalan nila.

Hinatid si Yura ng dalawang Fenglin kay Sena. Isang maliwanag na silid at mahalimuyak na tsaa ang bumungad kay Yura ng pumasok siya sa loob ng kwarto ni Sena.

"Kung alam ko lang na darating kayo, naipaghanda ko sana kayo ng mas mainam na tsaa."

Isang mayuming binibini ang bumati kay Yura pagpasok niya ng silid. Sa kabila ng mabini nitong anyo at mga ngiti, hindi parin nakaligtas kay Yura ang bakas ng magdamag nitong pag-iyak sa mga mata nito. Humapdi ang puso niya ng maisip ang dahilan ng pagluha nito. Hindi lamang isang Fenglin ang tingin dito ni Yura kundi isang espesyal na kaibigan. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit sinikap niyang tanggapin ang kanyang kakayahan. Ang tapang na nakita niya sa mga mata ni Sena ng panahong pinaglupitan ito ng mundo ang nagtulak sa kanyang kumawala sa kakayahang tinuturing niyang sumpa.

"Ito na ang magiging huling pagbisita ko sayo. At nais kong malaman mo na hindi parin nagbabago ang kagustuhan kong bumalik ka sa tahanan ng Punong Heneral. Hindi ako mapapanatag na iwan ka sa lugar na ito."

"Nakakatuwang isipin na magagawa ko parin kayong pagsilbihan ng tsaa bago kayo pumasok sa palasyo ng imperyal." Si Sena na maingat na naghahanda ng tsaa para kay Yura.

"Sena-"

"Xuren, alam kong nag-aalala kayo para sa akin. Subalit ito ang kagustuhan ko. At ngayong aalis na kayo, wala ng dahilan para bumalik ako." Pinigilan ni Sena ang pagsungaw ng mga luha niya. Hindi niya gustong maging mahina sa mga mata ni Yura.

Siyam na taong gulang siya ng matagpuan siya ni Yura. Niligtas siya nito mula sa pambababoy sa kanya ng mga lalaking nagbebenta ng mga batang babae sa mga mangangalakal. Nagkita sila sa pinakamadilim na parte ng buhay niya. Subalit kahit nakita na ni Yura kung paano siya binaboy at dinungisan, ni minsan ay hindi niya naramdamang bumaba ang tingin nito sa kanya. Nais niyang lumayo dito dahil natatakot siyang madungisan niya ito. Nahihiya siya sa kanyang nararamdaman dahil sino ba siya para umibig dito gayong napakababa niya? Dapat ay makuntento na siya dahil tinuring siyang kaibigan ni Yura kahit isa lamang siyang hamak na alipin. Subalit napakahirap na hindi mahulog sa taong tumanggap sa kanya sa kabila ng kanyang nakaraan.

"Sena, alam mong importante ka sa akin. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung hahayaan kitang manatili dito."

Pinigilan ni Sena ang panginginig ng kamay niya habang sinasalinan niya ng tsaa ang kopa ni Yura. "Sa tuwing may bumibisita sa tahanan ng Punong Heneral at may nagpapakilalang babae sa inyo, hindi ko mapigilan ang sarili kong hindi matakot. Dahil alam kong darating ang araw na makakahanap din kayo ng babaeng nababagay na maging kabiyak niyo. Kaya nilisan ko ang tahanan ng Punong Heneral at pumasok bilang Fenglin. Sa ganitong paraan umaasa akong makikita niyo ako bilang isang babae at hindi lamang isang kaibigan na nais niyong protektahan."

Natigilan si Yura sa biglang pagtatapat ni Sena ng nararamdaman nito. Matagal na niyang nararamdaman ang higit na pagtingin ni Sena sa kanya ngunit nanatili siyang manhid dahil umaasa siyang lilipas din ito at maibabaling sa iba ang pagtingin nito. Mahirap magtago ng lihim sa taong importante sa kanya, lalo na kung ang damdamin nila ang pinaglalaruan niya.

"Hindi niyo kailangang magpaliwanag sa akin. Naiintindihan ko. Isa lamang akong hamak na Fenglin kumpara sa Prinsesa na itinuturing na bituin ng imperyo--"

"Sa paningin ko, walang makakapantay sa kagandahan mo." Pinahid ni Yura ang mga luhang sunod-sunod na nahuhulog sa pisngi nito.

Hindi namalayan ni Sena na umiiyak na siya. Hindi na niya pinigilan ang sarili at tuluyan na niyang nilabas ang sakit sa kanyang dibdib. Sa buong sandaling iyon, nanatili si Yura sa tabi niya upang pahirin ang mga luha niya.

Tila karayum na tumutusok kay Yura ang bawat patak ng luha ni Sena. Dahil alam niyang paulit-ulit niya itong makikita sa mga alaala niya. Marahil isang madilim lamang na kahapon para kay Sena ang nangyari dito, subalit kay Yura na nakasaksi ng araw na iyon. Malinaw sa alaala niya ang bawat detalye na nangyari dito. Ang nakakabinging pagkapunit ng damit nito at maging ang talim ng hiyaw ni Sena habang ginagahasa ito sa isang maduming sulok ng kakahuyan ay malalim na nakabaon sa isip at puso ni Yura. Kaya ganito na lamang ang paghahangad niyang protektahan ito. Sa ganoong paraan ay maiibsan ang bangungot na nararamdaman niya para dito.

Nang kumalma si Sena sa pag-iyak, nakaramdam siya ng matinding hiya at mabilis itong tumalikod upang ayusin ang sarili. Hindi niya nanaising ito ang huli nitong makita sa kanya ng Xuren sa pag-alis nito.

"Hindi na kita pipiliting bumalik, pero gusto kong bisitahin mo ang Lupain ng Amu. Tahimik ang bayan na ito at payapang namumuhay ang mga tao. Kumuha ako ng lupa at tahanan sa lugar na ito na nilagay ko sa pangalan mo. May tinalaga narin akong mga katiwala na nagbabantay sa lugar. Ang kailangan lang nila ay taong pagsisilbihan nila."

"Xuren, nais niyo ba akong lumayo?"

"Ang gusto ko ay magkaroon ka ng lugar na mapupuntahan sa sandaling makapagdesisyon kang lisanin ang lugar na ito."

"Paano ko gugustuhing lumayo sa inyo kung hindi niyo ako kayang sukuan?"

"Tahan na, wala akong dalang panyo na maipapahid sa luha mo." si Yura ng madiskubre niyang nawawala ang panyo niya.

Hindi mapigilan ni Sena ang mapangiti. Pinalitan niya ng mainit ang lumamig na tsaa. "Bihirang mangyari na mawalan kayo ng gamit." Sa panahong nakasama niya ang Xuren, ni minsan ay hindi niya nakitang may nakaligtaan ito.

Maikling sandali lamang ang kailangan upang maalala ni Yura kung saan naglaho ang panyo niya. Ang imahe ng dalawang pares ng mga mata na nakatitig sa kanya ang bumalik sa alaala niya...

"Xuren?" Si Sena ng mapansin niyang matagal na natigilan si Yura.

"Naisip ko lang na marami ng nagbago sa kapitolyo simula ng umalis ako."

"Mas madalas kayong naglalagi sa ibang lupain kaya marami ng nangyari at nagbago dito ng panahong wala kayo."

Halos sa labas ng kapitolyo lumaki si Yura ng walong taong gulang siya, sinasama siya ng kanyang Ama sa bawat ekspedisyon nito upang mailayo siya sa kapitolyo. Binibisita nila ang bawat lupain at teritoryo na nasasakupan ng Salum. Hangga't hindi pa nakakasiguro ang Punong Heneral na kaya niyang panindigan ang pagiging Xuren niya, nilalayo siya nito sa mga tao.

Ginawa ng kanyang Ama at pamilya niya ang lahat upang maprotektahan siya at ibigay sa kanya ang kalayaang hindi nararanasan ng isang Xirin.

Binaba ni Yura ang hawak na tsaa at kinuha ang kamay ng Fenglin, "Maaga pa ang gabi, bakit hindi mo ako samahang libutin ang kabisera?" kahit lumalim pa ang kasalanan niya kay Sena, mananatiling nakabaon ang lihim niya. Hindi niya man maibigay ang gusto nito. Ipaparamdam niya sa dalaga na espeyal ito at karapat-dapat itong makatanggap ng respeto at pagmamahal mula sa isang lalaki.

TAUHAN

Yura: Pangalawang Xuren ng Zhu

Yanru: Pangunahing Xuren ng Zhu/ Pinakabatang Heneral ng Salum

Kaori: Kanang bantay ni Yura

Won: Kaliwang bantay ni Yura

Sena: Tanyag na Fenglin/ Kababata ni Yura

TITULO

Xuren: Young Master

Xirin: Young Miss

Ximo: Madam

Xuwo: Lord/Master

Lu Ryen: Lordship

Xienli: Mistress

Yulin: Hukbo ng Punong Heneral

Goro: Mandirigma ng Zhu

Fenglin: Elite Courtesan

Amun: Tawag sa batang sinasanay ng mandirigmang Goro upang maging kapalit nito.