Kinaumagahan, maaga pa lamang ay nasa labas na si Milo, bitbit ang kaniyang kris ay tinungo niya ang puno ng balete at doon naupo. Inilapag niya sa lupa ang kris at doon lumitaw si Miko sa tao nitong anyo. Nakangiti ang binata na labis namang ikinatuwa ni Milo. Nagyakapan silang dalawa, parehong nananabik sa isa't-isa, wala silang ginawa kun'di ang mag-usap nang mga oras na iyon. Naglakad-lakad pa sila noon sa mga pilapil ng palayan ni Lolo Ador. Gumala silang dalawa habang, paisa-isang itinuturo ni Milo ang mga pag-aari nilang sakahan at mga taniman ng mga prutas.
"Ilang araw naman ang itatagal mo sa lupa kapag ginusto mo?" Tanong ni Milo, kasalukuyan na silang pabalik sa kubo ni Milo.
Napangiti naman si Miko at tinapik ang balikat ni Milo.
"Kapag hindi ko naman masyadong nagagamit ang espiritual kong lakas ay maaari akong magtagal sa lupa, katulad ng isang ordinaryong mga tao," tugon ni Miko.
"Talaga? Magandang balita iyan, siguradong matutuwa si Lolo Ador niyan, tatlo na tayo ang titira sa kubo." Hindi mapigilan ni Milo ang kaniyang tuwa. Akmang magsasalita pa ito ay bigla naman nagbukas ang pinto at iniluwa nito si Maya na nagkukusot pa ng mga mata. Napangiti si Miko at marahan pang itinulak ang kapatid.
"M-Maya, gising ka na pala?" sambit ni Milo habang kamot-kamot ang ulo.
"Paanong hindi ako magigising, ang ingay-ingay niyong dalawa." Tugon pa ni Maya at nagpabalik-balik ang tingin niya sa dalawang binata. Nangungunot ang noo niyang napatingin kay Milo at pinitik ang noo ng binata.
"Aray ko naman, bakit mo ginawa 'yon Maya?" Tanong ni Milo habang himas-himas ang pinitik na parte ng noo niya.
"Bakit mo nilabas 'yang kapatid mo, hindi man lang kayo naglagay muna ng proteksyon sa kaniya, kahit malakas siya, ang katawang lupa niya ay mahina pa rin dahil hindi pa siya sanay dito. Kahit kailan talaga Milo, hindi ka nag-iisip, pumasok na nga kayo." Inis ni wika ni Maya at nagtuloy-tuloy na sa loob. Nagkatinginan naman ang magkapatid ay natawa si Miko habang nakabusangot naman si Milo.
"Natatawa ka pa diyan, palibhasa hindi ikaw ang nasaktan. Napakalakas pa naman nang pitik ng babaeng 'yon." reklamo pa ni Milo bago tuluyan pumasok sa loob ng kubo. Nagpalinga-linga pa si Milo nang hindi makita si Simon at Liway doon.
"Sina Simon at Liway, bakit wala?" Tanong ni Milo nang maupo na sa harap ng hapag.
"Kagabi pa sila umalis, susunod din naman ako sa kanila, kailangan ko lang talagang manatili para masiguradong maayos ka na bago ako umalis, 'yon kasi ang bilin sa akin ni ina. At isa pa, may kasama kang isang purong tagubaybay kaya kailangan ko munang, isailalim siya sa isang ritwal upang hindi siya agad mahalata ng iba pang mga nilalang. Para sa kaalaman mo, ang dugo ng mga tagubaybay ay para ding dugo ng mga Mayarinan, mabango ang mga ito sa pang-amoy ng masasasamang nilalang, lalong-lalo na sa mga ganid sa kapangyarihan." Paliwanag pa ni Maya habang nagsasalin ng tubig sa tatlong tasa.
Hindi iyon kape o sara-sara, bagkus ay mga pinakuluang dahon iyon. Kulay berde ang kulay ng likido nito na umuusok pa dahil sa init.
"Inomin niyo ito para masimulan na natin ang ritwal. Pagkatapos niyong inumin 'yan, tumungo na tayo sa harap ng puno ng balete. Mas malakas ang espiritual na pwersa doon dahil sa mga nakatira sa puno at matutulungan din nila tayo sa ritwal," utos ng dalaga. Hinintay lang nilang lumamig ito at saka walang pagdududang nilagok ang likidong laman ng kanilang mga tasa. Matapos ay walang tanong-tanong na silang sumunod sa dalaga.
Naglabas ito ng tatlong mutya at pinatong sa dahon ng saging, mutya ng kuweba, mutya ng gabi at mutya ng saging, tatlong malalakas na mutya ng kalikasan. Bukod pa roon ay naglabas din ang dalaga ng punyal at ipinatong doon.
"Akin na ang kris Milo," untag ni Maya, dali-dali namang ibinigay ni Milo ang kris sa dalaga. Nang mailatag na ni Maya ang lahat ay doon lamang ito nagsimulang magbanggit ng mga kataga habang mariing nakapikit ang mga mata. Ilang oras din ang itinagal ng ritwal na iyon bago matapos. Isang malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ni Maya bago tumayo at hinarap ang magkapatid.
"Ngayon ay malaya ka nang mabubuhay sa mundo Miko, pakatandaan mo lang, hindi mo maaaring sagarin ang espiritual mong lakas. Alam mo na ang dapat mong gawin kapag hindi talaga maiiwasan ang ganoong sitwasyon. Sa ngayon, malaya mong malilibot ang mundo ng walang pangamba." Wika ni Maya.
"Maraming salamat Maya, napakalaking tulong nito sa amin." saad naman ni Milo at napangiti naman si Maya.
"Hindi na ako magpapasalamat, dahil alam ko naman na darating ang araw na magiging isang pamilya din tayo. Maiwan ko muna kayo, tutulungan ko lang si Lolo ador sa loo." Makahulugang wika ni Miko sabay alis nang humahalakhak.
Nagkaiwasan naman ng tingin ang dalawa na tila ba nagkahiyaan pa. Mayamaya pa ay binasag na ni MIlo ang katahimikan namayani sa pagitan nila ng dalaga.
"Maya, kailan ba ang balik mo sa inyo?" nahihiya pang tanong ni Milo habang nakatingin sa malayo. Hindi niya kasi magawang matingnan ang dalaga sa mata dahil ayaw niyang mabasa ng dalaga ang nararamdaman niya.
"Mamayang gabi, iyon kasi ang usapan namin ni Simon."
"Kung gano'n may oras pa tayo." Wika ni Milo at dali-dali tumayo at hinatak si Maya palabas ng bakuran nila. Tinungo nila ang isang talampas na nasa gilid ng isang malawak na lawa at napapalibutan ng kabundukan. Malayo ang talampas na iyon na tila ba hindi pa napupuntahan ng mga tao ngunit mabilis lang itong narating ng dalawa dahil sa bilis nila.
"Anong lugar naman ito?" Tanong ni Maya. Namamangha ito sa mga tanawing kaniyang nakikita. Napakalamig din ng hangin doon kahit pa tirik ang araw sa katanghalian.
"Natagpuan ko ang lugar na ito nang minsan akong maglibot gamit ang anyo ng isang tagubaybay. Napakaganda hindi ba?" nakangiting wika ni MIlo bago bumuntong-hininga.
Tahimik na tumango si Maya at naupo na sila sa harap ng lawa.
"Naaalala ko ang unang araw na nakita kita doon sa kabundukan. Noong minsan mo akong nailigtas sa isang aswang. Hindi ko alam, kapag naaalala ko iyon, pakiramdam ko ako na ang pinakamaswerteng lalaki sa mundo." panimula ni Milo at mahinang humagikgik ang dalaga.
"OO, isa ka pang malaking duwag noon. Pero ngayon napakalaki na ng pinagbago mo. Hindi ka na ang Milo na duwag na walang alam kun'di ang tumakbo at manginig sa takot, ngayon nagagawa mo nang magligtas ng buhay."
"At dahil 'yon sa inyo ni Simon, Maya. Napakalaki ng naitulong niyo sa akin, mula simula hanggang huli, hindi niyo ako pinabayaan. Sa lahat ng panganib sa buhay ko naroon kayo. Natatandaan ko pa, bago ako mawalan ng malay ikaw ang huli kong nakita. Ang sabi ko, sa oras na magkamalay ako at makaligtas, dadalhin kita rito. Nais kong pormal na magpasalamat sa'yo. Kahit pasaway ako minsan, hindi mo ako sinukuan." mahabang saad ni MIlo at napangiti naman si Maya.
"Sino pa ba ang magtutulungan kun'di tayo-tayo rin, hindi mo na kailangang magpasalamat," wika ni Maya.
"Bukod doon, nais ko rin sanang ipabatid sayo ang isa ko pang lihim. Ang totoo, gusto kita Maya, hindi ko alam kung kailan ito nagsimula, marahil noong nasa Ilawud tayo, o baka noong unang gabing nagkita tayo sa kabundukan. Hindi ko rin alam ang dahilan kaya huwag mo akong tatanungin, basta, nag-aalala ako kapag napapahamak ka, nag-aalala ako kapag hindi kita nakikita. Paumahin kung nabigla kita, wala naman akong hinihinging kapalit, hindi ko hinihinging tumbasan mo ang pagmamahal na ito. Nais ko lang malaman mo."
Nang muli siyang mag-angat ng mukha ay nakita niya si Maya na titig na titig sa kaniya, namimilog ang mga mata niyang tila hindi makapaniwala. Napakamot naman si Milo nang makita ang reaksyon ng dalaga. Batid na niyang ganito ang magiging reaksyon nito. Halos malaglag na sa kaba ng kaniyang puso, ramdam di niya ang panlalamig ng kaniyang mga palad. Dinig na dinig niya ang bawat pagtibok ng kaniyang puso at halos matunaw ito nang ngumiti na si Maya sa kaniya.
"Naiintindihan ko. Pag-iisipan ko ang sinabi mo Milo. Hindi ko pa maibibigay ang sagot ko ngayon kaya sana makapaghintay ka pa." Wika ni Maya at napangisi naman ang binata.
"OO naman, kahit gaano katagal, maghihintay ako. Huwag mo lang paabutin na pareho nang puti ang ating mga buhok." Biro pa niya na ikinatawa naman ng dalaga.
"Sira, hindi naman. Bata pa tayo, at hindi tayo aabot doon sa inaakala mo, baliw ka talaga. Tara na umuwi na tayo, malapit nang magdapit hapon," yaya ni Maya at nauna na itong tumayo. Bago pa man sila umalis ay may ibinigay pa si Milo kay Maya. Isang kuwentas iyon na gawa sa isang bato na maihahalintulad mo sa isang perlas. Ayon pa sa binata ay luha iyon ng anyo niyang tagubaybay, isang uri din iyon ng mutya. Magmula nang araw na iyon ay higit pa silang naging malapit sa isa't-isa.
Lumipas pa ang maraming taon, sa bawat buwan at araw na dumaraan ay naging maayos at tahimik ang pamumuhay ni Milo kasama ang kaniyang kapatid, mga kaibigan at kanilang lolo. Malimit ding magkita ang dalawa, hanggang sa tuluyan na ngang sinuklian ni Maya ang pag-ibig na inaalay ni Milo. Ilang taon din silang naging mag-irog hanggang sa nauwi na nga sila sa kasal. Si Padre Miguel na ang nagkasal sa kanila, doon mismo sa bukid nila Milo na dinaluhan naman ng lahat ng kapamilya nila at nang iba't-ibang uri ng nilalang. Dalawa ang naging selebrasyon—ang umaga ay dinaluhan ng mga tao at ang gabi naman ay dinaluhan ng mga nilalang na nging kaibigan nila.
Nabalot ng kasiyahan ang araw na iyon, lalo na sina Milo at Maya. Ilang buwan din ang lumipas matapos ang kasal nila ay nalaman din ni Milo na sumama na din si Simon kay Liway pabalik sa Ilawud. Napangiti pa si Milo nang makahulugan habang sinusuklay ang mahabang buhok ni Maya.
"Bakit ganyan ang pagkakangiti mo?" natatawang tanong pa ni Maya.
"Wala naman, masaya lang ako, paniguradong may isang kasalan na naman tayong dadaluhan." Tugon ni Milo. Nabalot naman ng tawanan ang silid nila dahil sa sinabing iyon ni Milo. Hindi naman iyon kinontra ni Maya dahil matagal na din naman niyang napapansin ang dalawang iyon at kilala niya si Simon, naghihintay lang ito ng isang magandang pagkakataon.
"Hayaan mo na sila, sa tingin mo magiging kambal din ba ang anak natin?" Tanong ni Maya.
"Marahil, pero kahit ilan pa sila kung iyon ang adya ng Maylikha, mamahalin natin sila nang walang pag-aalinlangan. Kaya ikaw, pakiusap lang, huwag ka munang maglalalabas ng bahay, paano kung maaswang ka—" Natigilan naman si Milo sa sinabi at sabay pa silang natawa.
Limang taon ang lumipas...
"Itay, maaari niyo bang sabihin sa akin ulit 'yong sinabi sa inyo ng lolo?" udyok ng isang limang taong gulang na bata. Kasalukuyan itong nakaupo sa binti ni Maya habang sinusuklay ang buhok niya.
"Ilang ulit ko nang nasasabi iyon a', hindi ka pa ba nagsasawa?" kakamot-kamot na tanong ni Milo at natawa lang si Maya.
"Sige na itay, gusto kong marinig ulit." makulit na udyok ng bata.
"Sige na nga," sang-ayon ni Milo at napabuntong-hininga. Umupo siya sa tabi ng kaniyang asawa at anak bago muling binalikan ang alaala ng kaniyang yumaong lolo.
"Ang ating mundo ay maituturing na isang malawak na hardin ng karunungan. Magmula sa maunlad na paniniwala ng ating mga ninuno hanggang sa mayabong na likas nating yaman. Subalit, sa kabila ng kagandahan nito ay may mga pwersang pilit na nagkukubli sa likod ng nakakabulag na kadiliman. Kaya ikaw anak, lagi mong tatandaan hindi lahat ng nilalang ay likas na masama, may mga nilalang na katulad ng Inay at Tiyong Gustavo mo, na sa kabila ng kanilang mga dugo ay may kabutihan ring taglay sa puso," saad ni Milo.
"Opo itay, lagi ko pong tatandaan, syempre." magiliw na wika ng bata at nakangiting nagtinginan naman si Maya at Milo.
— Wakas —