"Wala kang karapatan na papiliin ako dahil hindi ikaw ang Diyos." Sigaw ni Milo na lalong nagpalakas sa halakhak ng kalaban niyang berbalang.
"Milo, kailangan mong huminahon. Lalo kang mahihirapan kung hindi mo itutuon ang isip mo sa kalaban." Wika nang isang boses ng kaniyang kamalayan. Dahil sa narinig ay muli siyang nabuhayan ng loob.
"Miko? Gising ka na, nasa panganib si lolo."
"Nagising ako dahil naramdaman ko ang pangamba sa puso mo, oo nasa panganib ang lolo natin pero kailangan mong huminahon. May ipapagawa ako sayo na mahihirapan ka subalit batid kong makakaya mo ito. Milo, may ituturo akong ritwal sayo at kailangan mo itong mapagtagumpayan, dahil dito nakasalalay ang buhay ni Lolo Ador." wika pa ng boses ni Miko. Nanlalaki ang mga mata niyang naisalag sa pag-atake ng kalaban ang kaniyang tabak. Ubod nang lakas niyang itinulak ang nilalang at tumalon papalayo rito. Umangil ang berbalang na tila hindi nito nagustuhan ang ginawa niya.
Nanlilisik ang mga matang muli itong lumipad patungo sa kaniya para umatake at dali-dali naman niya itong sinalubong ng taga. Sa lakas nang pagkakataga niya ay nagawa niyang masugatan ang nilalang sa braso. Ramdam na ramdam niya ang pagtaginting ng talim ng kaniyang itak sa pagtama nito sa braso ng nilalang.
Napakalakas na sigaw ang pumaimbabaw sa kadiliman ng gabi. Dahil sa sigaw nito ay maging ang mga panggabing ibon ay nagliparan papalayo. Umalulong ang mga aso sa buong bayan na siya namang nagbigay ng takot sa mga tao.
Nang tuluyan nang huminahon si Milo ay bumalik na din sa dati ang kaniyang anyo. Naging isang normal na tao ulit siya at napabuga siya ng isang malalim na hininga.
"Ano amg gagawin ko Miko?" Tanong ni Milo, bakas sa mukha ni Milo ang matinding determinasyon na magagawa niyang iligtas ang lolo niya at ang iba pnag nasa loob ng kubo. Hindi man niya alam kung ano na ang nangyayari sa kanila doon ay may tiwala siya sa kaniyang lolo na makakaya niya itong kalabanin hanggang sa makarating siya.
Walang pagdadalawang isip naman na isiniwalat ni Miko ang ritwal kay Milo. Matamang nakikinig lang si Milo habang patuloy na sinasangga ang bawat pag-atake ng berbalang
Pinagsasabay nilang dalawa ang pagsambit ng mga kataga habang nakikipaglaban si Milo sa nilalang. Mahirap ngunit patuloy na lumalaban si Milo. Nariyang nahahagip siya ng matutulis na kuko ng nilalang kung kaya't tadtad siya ng mga kalmot mula rito sa buo niyang katawan. Subalit magkagayunpaman ay hindi niya ito ininda.
Ngunit sa bawat pag-atake ng kalaban ay palakas ito nang palakas. Akmang sasambitin na niya ang huling kataga ay marahas siyang dinambahan ng nilalang. Buong akala ni Milo ay iyon na ang magiging katapusan niya subalit nang akmang sasaksakin na siya ng kuko ng nilalang ay isang nakakasilaw na liwanag ang nagpapikit sa kaniya na siya din namang ikinasilaw ng nilalang.
Nang maramdaman niya ang pag-alis nito sa pagkakadagan sa kaniya ay mabilis siyang tumayo at nagulat pa siya nang makita si Maya na nakikipaglaban sa berbalang habang si Simon at Liway naman ay nasa di kalayuan at mabilis na nagbabanggit ng mga salita. Kapwa ito may dalang mahabang tungkod na napapalamutian ng mga samo't-saring kabibe na salitan nilang pinapatunog sa bawat pagtatapos ng isang kataga.
"Milo, pagkakataon na nating tapusin ang ritwal," untag ni Miko kaya naman muli na nilang sinimulan ang kanilang ritwal. Dahil nakatuon ang pansin ng mga nilalang sa kaniyang mga kasama ay maayos nilamg natapos ang ritwal.
Mula sa harapan ni Milo ay dahan-dahang lumitaw ang isang kulay asul na liwanag at sa gitna nito ay naroroon ang isang kakaibang punyal na may dalawang talim, kapareha nito ang isang balaraw ngunit ang wangis naman nito ay tila sa isang kris.
"Milo, tanggapin mo ang kris na ito na siyang magiging pangalawang katawan ko. Mula ngayon ay sa kris na mananatli ang aking kaluluwa. Simula sa araw na ito ay magiging dalawang nilalang na tayo." Wika ni Miko, at di napigilan ni Milo ang hindi maluha nang mahawakan niya ang kris na iyon. Buhay na buhay kasi ito at tila ba napapaloob doon ang napakaraming emosyon na sa tao mo lang aaakalain.
"Iligtas na natin si Lolo Ador at ang mga kaibigan mo."
Napatango naman si Milo at marahas na pinagid ang luha. Hindi ito ang oras para atupagin niya ang mga nararamdaman niya. Patakbo niyang nilisan ang kinatatayuan niya at mabilis na tinungo ang kubo. Malakas niyang sinipa nag pinto at naabutan niya ang kaniyang lolo—nakahiga sa lupa habang nakadagan naman dito si Ben na noo'y nag-anyong aswang na.
Nanlalaki ang mga mata niya habang hindi makapaniwalang nakatingin sa kaniyang matalik na kaibigan. Nasa sahig si Nardo at walang malay, may dugo ito sa ulo at hindi niya alam kung malubha ba ang tama nito.
"Ben, anong ginagawa mo? Bakit mo sinaktan si Nardo? Hindi ba't nangako tayo sa isa't-isa na hindi natin sasaktan ang kahit sino?" Sigaw ni Milo ngunit wala siyang natanggap na tugon kun'di ang malakas nitong angil.
"Ben, bitawan mo ang lolo ko kung hindi ay mapipilitan akong saktan ka." Banta ni Milo sa kaibigan ngunit kahit anong sabihin niya ay tila bingi na ito sa lahat ng salita.
"M—Milo, nariyan pa din si Ben. G—gamitin mo ang kris at pahiran mo ng kalamansi. Isaksak mo sa kaniya upang mawala ang lason at sumpa sa kaniyang katawan." Pautal-utal na wika nang nanghihinang si Lolo Ador.
Nang marinig ito ni Milo ay mabilis niya itong sinunod. Habang nagpapahid siya ay nagsasambit pa rin siya ng mga kataga. Matapos ay walang pagdadalawang isip niya isaksak ito kay Ben.
Mabilis na nakatalon si Ben at hindi nagtagumpay si Milo. Umangil nang malakas si Ben ngunit agad din napansin ni Milo ang luhang tumutulo sa pisngi ng kaibigan. Tila ba nagmamakaawa itong tapusin na niya ang kaniyang paghihirap.
Para bang nilakumos nang paulit-ulit ang kaniyang dibdib sa nasasaksihan.
"Ben, labanan mo ang dem*nyong iyan sa katawan mo. Malakas ka Ben, lumaban ka." Sigaw ni Milo at muling inatake nag kaibigan ngunit muli lang itong umilag sa kaniya.
Malakas na umatungal si Ben at tumalon patungo sa kinatatayuan ni Milo. Napasigaw pa si Lolo Ador at Agnes nang makitang nasa dihadong sitwasyon na si Milo.
Ngunit bago pa man tuluyang makalapit si Ben kay Milo ay bigla namang humarang si Nardo at niyakap si Ben. Napapasigaw si Nardo dahil sakit ng kaniyang mga sugat habang pilit na ginagapos si Ben sa kaniyang mga braso.
"Milo, bilis na isaks*k mo sa amin yang hawak mong kris. Pakiusap ayoko nang makita si Ben na nahihirapan." Sigaw ni Nardo habang nagtatangis. Umaaangil naman si Ben habang pili na kumakawala kay Nardo.
"Hindi, Nardo. Umalis ka diyan." Utos ni Milo. Nasasaktan ang dibdib niya sa nakikita. Paano ba sila napunta sa sitwasyong ito? Bakit kailangang mangyari ito sa kanila. Tila ba huminto ang oras sa pagitan nila at ang tanging naririnig na lang ni Milo ay ang hikbi niya, ang palahaw ni Nardo at pakikiusap na saks*kin sila at ang maladem*nyong angil ni Ben.
"Parang awa mo na Milo, gawin mo ang nararapat. Isa kang magiting na albularyo at mandirigma, responsibilidad mo ang wakasan ang kasamaan sa mundo. Pakiusap, huwag mong hayaang makagawa pa ng kasalanan ang kaibigan natin. Ikaw lang ang makakatulong sa kaniya."
Dahil sa sinabing iyon ni Nardo ay tila doon lamang nahimasmasan si Milo, muli niyang naalala ang mga luhang naglalandas sa pisngi ni Ben habang nakikipaglaban sa kaniya. Subalit para magawa niyang saks*kin si Ben ay mas mauuna niyang masaks*k si Nardo.
Sa huling sigaw ni Nardo ay pikit-mata niyang isinaks*k sa likod ni Nardo ang kris at tumagos iyon sa katawan ng kaibigan at tumarak sa dibdib ni Ben.
Nang hugutin niya ang kris ay kasamang nahugot ang isang itin na nilalang mula sa katawan ni Ben. Magkasabay natumba ang mga ito sa lupa at napaluhod si Milo sa harap ng mga kaibigan at malakas na pumalahaw ng iyak.
"Hindi!!! Ben, Nardo patawarin niyo ako kung hindi ko kayo nagawang mailigtas. Hindi rin ako tumuoad sa ating pangako sa isa't-isa. Sinaktan ko kayo, sa mga kamay ko nagwakas ang papausbong niyo pa lang mga buhay. Patawad—"
Dahil sa bigat ng kaniyang nararamdaman ay mabilis din siyang nilamon ng kadiliman. Ang huli niyang naaalala bago siya mawalan ng malay ay ang nag-aalalang mukha at sigaw ni Lolo Ador at ang magandang mukha ni Maya na patakbong lumalapit sa kaniya.