A Successful Raid
Naalimpungatan si Xavier nang marinig niya ang huni ng mga kuwago ngayong gabi. Napatingin siya sa paligid. Patuloy sa pagpapatrolya ang mga knights na itinalaga niyang magbantay sa barikada na kanilang ginawa kanina. Salitan ang mga ito. Ang grupo naman niya ay kailangan ng sapat na pahinga para sa gagawin nilang raid sa pugad ng mga goblins. Bagama't nagawa na niya ang plano, hindi naman magiging madali ang pagsasakatuparan noon.
Medyo nawala ang antok niya. Tumayo siya sa kinapupuwestuhan niya at napatingin sa paligid. Pansamantalang inayos ang ilang bahay na nawasak, nilagyan ng telang bubong para kahit paano ay may silungan ang mga apektadong pamilya. Naglakad-lakad siya sa paligid at napatingin siya sa isang pamilya. Nakita niya ang mga bata na nagtitiis sa iisang kumot kasama ng mga magulang. Medyo malamig ngayong gabi at may kakapalan ang hamog. Napabuntung-hininga siya at lumapit sa kanilang kinaroroonan. Nagpasya siyang gumawa ng bonfire malapit sa kanila upang hindi sila lamigin.
Napansin naman iyon ni James at tinulungan siya nitong manguha ng mga kahoy na gagamitin.
"Kung makikita lang ito ng mga taong nagsasabi sayo na kasing lamig ng yelo ang puso mo. Siguradong mahihiya sila, commander." ang natawang komento ni James.
Napangiti ng matipid si Xavier at nagsimulang sigaan ang mga kahoy na inayos nila para maging bonfire.
"Hindi ko kailangang ipaliwanag ang sarili ko sa ibang tao, alam mo iyan. Wala akong pakialam sa kung ano ang tingin nila sa akin. Ako ay ako." ang matipid niyang wika.
"Pero bakit nga ba ayaw mo sa mga babae?" ang biglang tanong ni James.
Napabuntung-hininga si Xavier at bahagyang nagkibit-balikat.
"Hindi naman sa ayaw ko sa mga babae. Ayaw ko lang sa mga intensyon nila. Gusto lang nila ako dahil ako ang anak ng Duke, ang tagapagmana ng titulo, pamangkin ako ng hari at dahil may mataas na din akong katungkulan at reputasyon. Hindi nila ako nakikita bilang ako. Para lang akong gamit na gusto nilang makuha." ang paliwanag niya.
Napatango ng bahagya si James. Naiintindihan niya ang rason ng kanyang commander, slash... Kaibigan.
"Tama ka. Ganyan din ang nararamdaman ko. Ang kaibahan nga lang natin, nakikisakay ako sa laro." ang natawa niyang wika.
Napailing ng bahagya si Xavier. Kasunod noon ay naupo siya sa gilid at napatingin sa apoy na nasa bonfire.
"Uubusin natin ang lahat ng goblins na makikita natin bukas. Igaganti ang mga villagers." ang seryoso niyang wika.
Napangiti ng matipid si James at bahagyang napasaludo sa kanyang commander.
"Gusto ko ang utos na iyan." ang maikli niyang wika.
Napatango ng bahagya si Xavier. Nagpatuloy lang sila sa pagbabantay, hindi naman sila inaantok pa. Maya-maya pa ay nakarinig sila ng mga munting kaluskos sa di kalayuan. Nagkatinginan sila ni James. Kaagad nilang kinuha ang kanilang mga espada at lumapit sa may bungad ng barikada. Napansin din iyon ng iba pang knights kaya naghanda na din sila.
Sina Sir William at Sir Isenbard, kaagad na gumising sa kanilang kinatutulugang puwesto. Nagpunta din sila sa may bungad ng barikada. Inutusan din ni Xavier na palibutan ang buong lugar para mas makasiguro at ipinahanda ang mga archers. Mabibilis ang kanilang kilos at kaagad na itinutok ang kanilang pana sa lugar kung saan nila naririnig ang mga kaluskos.
Hindi nagtagal ay lumabas na ang grupo ng mga goblins na papasugod sa village na kanilang binarikadahan. Kaagad na inutusan ni Xavier ang mga archers na panain ang mga ito para hindi na sila makalapit pa. Mabilis silang sumunod at bawat tinatamaan ng kanilang pana ay natutumba. Nagising ang ibang villagers at napasigaw sila sa takot, lalo na ang mga bata.
Bago pa mas makalapit ang mga goblins ay kaagad nang nagpasya si Xavier na sumugod na sila. Ang mga archers ang nagsilbi nilang cover para mas makaabante ang kanilang grupo. Kung hahayaan kasi nilang makaabante sila sa village ay mas magkakaroon sila ng problema. Maraming sibilyan ang naroon, mga babae, bata at matatanda.
"William, gumawa ka ng barikadang apoy!" ang wika niya.
"Yes, Sir!"
Matapos marinig ni William ang utos ng kanyang commander, kaagad siyang gumawa ng fire binding pentagram spell. Silang mga knights, hindi lang na-trained humawak at gumamit ng espada at mga armas. Na-trained din silang gumamit ng mahika. Pero ang mga spell na kanilang natutunan, hindi katulad ng sa mga mage na mas kumplikado at mas malakas. Kumbaga, para sa simpleng mga atake at depensa lamang. Wala pa si Julian, ang kanilang mage kaya sa kanilang mga munting kakayahan lang sila aasa sa ngayon. Isa pa ay hindi ito ang unang beses na nakaharap sila sa mga goblins, madaming beses na.
Gumawa ng harang na apoy si William at napaatras ang mga goblins. Takot sila sa apoy, isa din ito sa kanilang kahinaan.
"Archers, apoyan niyo ang mga palaso niyo!" ang utos ni Xavier.
"Yes, Sir!" ang halos sabay-sabay na wika ng mga archers.
Matapos noon ay gumamit sila din sila ng fire binding spell at nag-apoy ang talim ng kanilang palaso. Matapos noon ay kaagad na nilang ipinana sa mga goblins na paparating. Hindi nga lang sila tuluyang makalapit dahil sa harang na apoy na ginawa ni William. Hindi naman kalakihan ang apoy na pumalibot sa labas ng barikada kung saan sila naroon ngunit sapat na iyon. Hindi na makalapit ang mga goblins. Madaling nasusunog ang katawan ng mga goblins na tinatamaan ng mga palasong may apoy.
At ang grupo naman ni Xavier, tuluyan nang sumugod sa mga goblins. Bawat kumpas ng kanilang espada ay siya namang pagtilamsik ng masangsang na dugo ng mga goblins at ang paggulong ng kanilang mga ulo. Dahil sa nangyari ay natakot na ang grupo ng mga goblins, umatras na sila at bumalik na sa kaibuturan ng gubat kung saan naroon ang kanilang pugad.
Puno ng talsik ng sugo ang katawan ni Xavier at mayroon din sa kanyang mukha. Napatingin siya sa kanyang mga tauhang knights.
"Kolektahin niyo ang ulo ng mga goblins, itulos niyo at ilagay sa labas ng barikada. Magsisilbi iyang babala hindi lang sa mga goblins kundi sa iba pang nilalang na magtatangkang sumugod dito ngayong gabi." ang utos niya.
"Yes, Sir!" ang wika ng mga knights.
Ang grupo naman niya ay bumalik na sa loob ng village. Nakita nila ang takot na mga tao, mga nag-iiyakang babae at bata. Kita ang trauma nila.
"Huwag kayong mag-alala, hindi na sila ulit susugod. Hindi na kahit kailan. Bukas na bukas, uubusin namin silang lahat." ang wika ni Xavier.
Dahil sa kanyang sinabi ay bahagyang kumalma ang mga ito. Nagpunta siya sa tent na kanyang inuukupa at hinubad ang suot niyang armor maging ang kanyang damit upang maglinis ng katawan. Nahubad na niya ang pang-itaas niyang armor, maging ang damit nang mapansin niyang hindi niya pala naisara ang tent. Nakita niya ang mga kababaihang nakatingin sa kanya. Mabilis na isinara ni Xavier ang tent. At ang kababaihan, kahit na natakot at nag-iyakan kanina, ngayon naman ay biglang nanghihinayang.
"Libreng tumingin sa akin." ang natawa namang wika ni James nang makita niya ang eksena.
Napailing naman sina Sir Isenbard at William sa kapilyuhan ni James. Naglinis na din sila ng katawan kagaya ng iba. Muli namang bumalik iyong ibang knights matapos nilang itulos ang ulo ng mga goblins na kanilang napatay.
Matapos nilang maglinis ng katawan at makapagbihis ay nilinisan din nila maging ang kanilang armor at mga espada. Iyon ang kanilang pride and glory. Inihanda na din nila ang kanilang gagamitin para sa kinabukasang raid sa goblin's nest.
Samantala... Naalimpungatan si Margaret sa kanyang pagkakatulog. Napatingin siya sa may bintana ng kanyang silid, tumatagos ang liwanag ng buwan sa manipis na kurtinang tumatakip doon. Tanging ang maliit na lampara ang nagbibigay sa kanyang silid ng ilaw. Napabuntung-hininga siya at saka lumakad sa may bintana. Hinawi ng bahagya ang kurtina at napatingin sa labas.
Iilan lang ang mga knights na nagpapatrolya ngayong gabi. Karamihan sa kanila, kasama ang kanilang masungit na commander, sumama sa goblin raid. Sa malayong village iyon. Kaya nga hindi gaanong maingay sa tavern ngayong araw. Napabuntung-hininga si Margaret. Malalagot kaya siya sa pagbabalik ni Commander Xavier Lionhart mula sa goblin raid? Sa totoo lang ay naghahanda na siya sa matatanggap niyang parusa mula dito ngayon pa lang. Nag-iisip siya ng solusyon kung paano niya mauuto ang masungit na commander, kung mauuto niya!
Kinabukasan ay kaagad na lumakad ang grupo ni Commander Xavier papunta sa pugad ng mga goblins upang isagawa ang kanilang extermination raid. Kaagad nilang inihanda ang karne ng boar bilang pain. Pinahiran ng asin, paminta at nilagyan ng rosemary herb at chamomile. Iyong ibang herbs ay itinabi nila. Ipapausok nila iyon kapag nakapasok sila sa loob ng pugad.
Iyong ibang knights, medyo nanghihinayang doon sa malaking piraso ng karne na gagawing pain laban sa mga goblins na nagbabantay sa may pugad. Pero, kailangan eh.
Sinimulan na nilang ihawin ang karne malapit sa gubat ng mga goblins at umalingasaw ang nakakatakam nitong amoy. Maging sila mismo, natakam habang nagtatago at inaantay ang mga goblins na kumagat sa kanilang pain. Ilang sandali pa, narinig na nila ang mga kaluskos na parating kasama ng mga yabag. Hindi nagtagal ay dumating na ang mga goblins at nilantakan ang inihain nilang pain. Sarap na sarap ang mga ito habang nilalantakan ang karneng kanilang ipinain.
At sa puntong iyon, sa pangunguna ni Xavier, sinugod nila ang mga goblins at inatake gamit ang kanilang mga espada. Pinugot nila ang kanilang mga ulo dahil iyon ang pinakamabisang paraan upang mapatay sila.
Pagkatapos nilang mapatay ang mga goblins na nagbabantay sa may bungad ng pugad ay kaagad na silang naghanda para sa pagpasok doon sa loob ng pugad nila, sa ilalim ng lupa. Nagsimula na din nilang sindihan ang dala nilang herbs upang ipausok sa mga goblins. Aantukin sila dahil sa chamomile at rosemary.
Nangunguna si Xavier sa grupo kasama sina James, William at Isenbard. Dahan-dahan ang kanilang pagpasok habang unti-unti nang kumakalat ang usok. Doon, nakita nila ang unti-unting pagkaantok ng mga goblins dahil sa usok ng herbs. Iyon na din ang hudyat para sila sumugod. Pugot dito, pugot doon. Tuwing may titilamsik na dugo, siguradong may titilamsik na ulo ng goblins! Nagulat sila sa ginawa nilang pagsugod ngunit wala na silang magawa dahil nanghina sila dahil sa kanilang ginawang patibong.
Habang nangyayari ang lahat ng iyon ay biglang dumagundong ang buong lugar! Kasunod noon ay nakita nila ang goblin boss. Pinakamalaki ito at pinakamalakas. Umungol ito at sumigaw nang makita nito ang nangyayaring pagsugod ng mga knights. Mabilis itong sumugod papunta sa mga knights ngunit kaagad na kumilos si Xavier.
Bago pa masuntok ng malaking goblin ang kanyang mga kasamahan ay mabilis siyang tumalon at gamit ang espada niya, pinutol niya ang kanang braso nito. Isang nakakabinging sigaw ang nagmula sa goblin boss. Gumanti ito kay Xavier, malakas nitong sinuntok si Xavier gamit ang kaliwa nitong kamao. Tumilapon si Xavier pero kaagad siyang bumangon at walang katinag-tinag na sinugod ang goblin boss. Nang akma siya nitong aapakan ay ang kanang-paa naman nito ang pinutol niya. Dahil doon at napasubsob na ito sa sahig ng kuweba at nahirapang tumayo. Literal na dumanak ng dugo. At iyon na din ang pagkakataon, pinutol ni Xavier ang ulo ng goblin boss. Ang mga kasamahan niya, tuloy lang sa pagpatay sa mga natitirang goblins. Matapos nilang patayin ang mga goblins, sinunog nila ang pugad at bago sila umalis ay tinakpan pa nila ang bawat daanan noon.
Ang ulo ng goblin boss, dinala ni Xavier para gawing souvenir. Naging matagumpay ang kanilang goblin raid at sinalubong silang masaya ng mga villagers. Medyo natakot nga lang sila nang makita nila ang dala-dalang ulo ni Xavier. Gumawa siya ng malaking tulos at itinusok niya doon ang ulo ng goblin boss na pinatay niya. Katulad kagabi, puno na naman sila ng dugo ng goblins sa kanilang katawan. Ganoon pa man, inuna niya na magpadala ng mensahe sa kanyang tiyuhin, kay King Leon. Ipinarating niya dito na matagumpay ang kanilang Goblin Raid. Ipinabatid din niya ang pangangailangan ng mga villagers. Mga damit, pagkain, kumot at mga materyales upang maayos muli ang nasira nilang lugar. Inirekomenda din niya na dapat patayuan ang village ng pader upang maproteksyunan ito sa ano mang banta.
Pansamantala lamang ang inilagay nilang barikada. Ganoon pa man ay nagsisilbing babala ang mga ulo ng goblins na kanilang itinulos sa may bungad ng barikada. Pinakamalaki doon ang ulo ng pinuno ng mga goblins.
Kinagabihan ay nagkaroon sila ng munting selebrasyon kasama ng mga villagers para sa naging matagumpay nilang raid laban sa mga goblins. Ngunit kinabukasan ay maaga silang gumising. Dumating kaagad ang mga damit, pagkain at ilan pang tulong na ini-request ni Xavier sa kanyang tiyuhin. At ang sabi pa ng mga tauhan ng hari, darating na din ang mga materyales para sa paggawa ng mga nasirang gusali, kasama na ang materyales para sa pader ng village. Maaari na din silang umuwi dahil ang mga tauhan ng hari ang bahala sa rehabilitasyon ng lugar. Sumang-ayon naman si Xavier ngunit sinabi niya na dadalawin muli nila ang village sa mga susunod na araw.
Matapos nilang kumain ng almusal ay kaagad na silang naglakbay pauwi. Masaya silang lahat habang nagkukuwentuhan at nagbabalak na magsagawa ng selebrasyon sa tavern. Hindi naman kumontra si Xavier dahil munting kasiyahan naman iyon para sa kanila.
Kinahapunan ay abala si Margaret sa pagtingin ng mga dumating na supply ng pagkain para sa kanyang tavern. Naagaw nga lang ang pansin niya nang makita niya ang pagdaan ng mga knights sa may kalsada. Nagbalik na sila mula sa goblin raid at base sa mga itsura nila, mukhang matagumpay iyon. Sa kanilang pagdaan kasama ng kanilang commander, mabilis siyang nagtago sa likod ng mga supply. Malinaw pa kasi sa isipan niya iyong banta nito dahil sa kanyang kasalanan doon sa Gala. Panay nga ang silip niya habang padaan sila.
"Miss Margaret anong gina-"
"Sshhh!"
Pinanlakihan niya ng mga mata ang isa sa mga staffs niya. Kasunod noon ay muling napasilip sa kalsada kung saan dumadaan ang mga knights sakay ng kanilang mga kabayo. Nakahinga siya ng maluwag nang makita niyang nakalayo na ang grupo.
Pero mamayang gabi, kailangan niyang maghanda. Siguradong pupunta ang mga knights para mag-inom. Kabisado na niya ang kanilang galawan. Sana lang, huwag sumama ang kanilang commander dahil kung nagkataon... Magkakaproblema siya.
Pero hindi dininig ang kanyang dasal dahil kinagabihan ay dumating ang mga knights kasama ang kanilang commander. Nang makita nga siya nito ay kaagad na kinausap ang mga kasamahan ng pabulong bago lumapit sa kanya. Siyempre, umakto siyang inosente.
"Magandang gabi, Sir. Iinom po ba kayo kasama ng mga knights niyo? Ilang mug ba ng alak ang kailangan niyo at anong pagkain ang gusto niyong ipares?" ang tanong niya.
Seryosong napatingin sa kanya si Commander Xavier, walang kangiti-ngiti.
"Palalagpasin kita ngayong gabi dahil magkakasiyahan kami. Pero pagkatapos ng gabing ito, humanda ka na."
Bago pa siya makapagsalita ay bigla siya nitong tinalikuran at pinuntahan ang mga kasama. Napasimangot si Margaret. Akala niya nakalimot na sa kasalanan niya.
"Sungit!" ang wika niya.
Napangalumbaba siya sa may counter table, hinila ang basket na puno ng hinog na mulberries at saka kumain. Tahimik lang siya habang nakamasid sa mga knights na nagkakasiyahan ngayong gabi habang umiinom ng alak at kumakain kasama ng kanilang commander.
Iyong mga waitress niya, abala na sa pagsisilbi sa mahabang mesa na inukopa ng grupo ng mga knights. Pinag-uusapan nila iyong nangyaring goblin raid. Medyo napangiwi siya nang marinig niya ang tungkol sa madugong pagsugod nila sa goblin nest. At sa pagpugot ni Commander Xavier sa ulo ng goblin boss at itinulos pa talaga sa may bungad ng village.
"Paano nila nasisikmurang pag-usapan iyan habang kumakain?" ang napangiwi niyang wika.
Na-trained din naman siyang makipaglaban pero para lang dito sa tavern. Kailangan iyon para mapanatili niya ang kaayusan dito bilang siya ang may-ari ng lugar. Iyon ang mahigpit na bilin sa kanya ng namayapa niyang Lola Rosanna. Bukod doon, sinabihan siyang huwag basta mananakit kung hindi kinakailangan at daanin sa diplomasya hangga't kayang hawakan ang sitwasyon na hindi kailangan ng dahas.
Habang lumilipas ang oras, mas umiingay ang mga knights dahil sa espiritu ng alak. Hanggang sa nagulat na lang siya nang dalhin sa kanyang harapan si Commander Xavier Lionhart nina Sir Isenbard at Vice-Commander James Desmoune.
"Miss Margaret, pakitulungan naman kami dito kay Commander oh. Medyo hindi kasi kinaya ang alak." ang natawang wika ni James.
Natawa din si Sir Isenbard.
"Kaya nga eh! Wala pang halimaw ang nakapagpatumba sa kanya pero napatumba ng alak!" ang segunda pa nito.
Napataas naman ng kanang-kilay si Margaret habang nakatingin kay Commander Xavier Lionhart na walang malay habang bitbit nina Sir Isenbard at Sir James. Kung hindi lang malaking tao si Sir Isenbard, malamang ay kailangan pa ng dalawang tao para maalalayan ang walang-malay na commander. Matangkad din naman kasi si Commander Lionhart at matipuno pa ang katawan gawa ng ilang taong training at experiences sa pakikipaglaban.
"Eh anong pakialam ko diyan? Bakit kasi mag-iinom, hindi naman niya kaya." ang wika niya at saka napakain ng hawak niyang mulberry.
Bigla namang nagkatinginan sina Sir Isenbard at Sir James sa tinuran ni Margaret. Saka nila naalala, may munting alitan pala ang dalawa. Pero wala naman kasi silang ibang mahihingian ng tulong ngayon.
"Dalhin niyo siya sa kamalig o kaya itapon niyo doon sa may kuwadra ng mga kabayo." ang wika pa ni Margaret.
Napabuntung-hininga naman si Sir James.
"Miss Margaret naman... Alam namin na may munti kayong alitan ni Commander Xavier. Pero Miss Margaret, intindihin mo din naman siya. Pagod iyong tao mula sa goblin raid. Sa pangunguna niya, lumaban kami at sinugpo ang mga goblins na namemerwisyo sa mga kawawang villagers. Pagkatapos nga ng lahat ng ito, kailangan pa niyang gumawa ng full report para sa nangyaring goblin raid. Ipapadala niya iyon sa hari at pag-uusapan pa nila ang mga solusyong gagawin sa village. Kaunting tulong lang naman, Miss Margaret." ang mahabang wika ni Sir James.
Matamang napatingin si Margaret kay Commander Xavier at saka siya napabuntung-hininga. Napatingin siya kina Sir James at Sir Isenbard.
"Konsensiya ba ang isa mong pangalan?" ang tanong niya kay Sir James.
Lumabas na siya ng counter.
"Tutulungan ko siya dahil sa pakiusap niyo sa akin at sa sundot ng konsensiya." ang wika niya.
"Miss Margaret, maraming salamat. Malay mo, itong pagtulong mo sa kanya eh makalimutan na niya ang munti mong kasalanan sa kanya." ang wika naman ni Sir Isenbard.
"Sige na, sige na. Sumunod kayo sa akin sa itaas. May bakante kaming kuwarto doon." ang wika niya.
Nauna na siyang naglakad sa mga ito papunta sa may hagdanan at napasunod ang dalawa sa kanya, akay-akay ang walang malay na commander. Nang makarating sila sa itaas ay kaagad silang nagtungo sa bakanteng silid. Nagpapaupa din kasi sila ng mga silid para sa mga manlalakbay. Suwerte lang ni Commander Xavier dahil hindi sila puno ngayong gabi.
"Ihiga niyo siya diyan sa kama. Saka mukhang kailangan niyang malinisan, napuno siya ng dumi. Natumba siya sa sahig ano?" ang tanong pa niya.
Natawa ang dalawa sa kanya habang ipinahiga ang kanilang commander sa kama.
"Tama ka, Miss Margaret. Natumba nga si Commander Xavier sa sahig ng padapa!" ang natawang wika ni Sir Isenbard.
Napabuntung-hininga si Margaret habang nakatitig sa walang-malay na commander.
"Kailangan niyo siyang hubaran at linisan. Kukuha ako ng bimpo at palanggana na may tubig para magamit niyo."
"Salamat, Miss Margaret." si James naman ang sumagot.
Pagkatapos noon ay isang nakakalokong ngiti ang namutawi sa kanyang labi.
"Sa palagay niyo, magkano kaya ang kikitain ko kapag ibinenta ko siya sa mga noble ladies ngayong gabi? Wala siyang malay, puwede nila siyang pagsamantalahan!" ang natawa niyang wika.
Nakita niya ang panlalaki ng mga mata nina Sir Isenbard at Sir James. Natawa siya lalo sa naging reaksyon nila.
"Huwag kayong mag-alala, nagbibiro lang ako. Sigurado naman ako na babaliin niya ang leeg ko kapag ginawa ko ang kalokohang iyon." ang wika niya.
"Ikaw talaga, Miss Margaret! Dapat alam mo na masamang galitin si Commander Xavier." ang natawang paalala ni James.
"Tama si James, Miss Margaret." ang segunda ni Sir Isenbard.
Sutil siyang napatingin sa huli.
"Mas nakakatakot kaysa sa Misis mo, Sir Isenbard?" ang sutil niyang wika dito.
Doon naman lalong natawa ang dalawa, mas lalo na si James.
"Iba naman ang Misis ko, Miss Margaret! Siya ang commander ko sa bahay at mas makapangyarihan siya kay Commander Xavier!" ang natawang sagot ni Sir Isenbard.
"Makuha si Sir Isenbard sa tingin!" ang sutil din na wika ni Sir James.
Nagtawanan silang tatlo.
"Sige, aalis na ako at kukuha ng bimpo kasama ng palangganang may tubig para malinisan niyo iyang commander niyo." ang paalam niya.
"Sige, Miss Margaret!" ang wika ni James.
Umalis na si Margaret at nagpunta sa ibaba. Dumiretso siya sa may paliguan sa ibaba na malapit sa laundry area ng tavern. Sa may bandang likod iyon. Kumuha siya ng malinis na bimpo, nilagyan ang palanggana ng maligamgam na tubig bago bumalik sa itaas at nagpunta sa silid kung saan naroon si Commander Xavier.
"Nandito na iyong-"
Hindi na nagawang ituloy ni Margaret ang kasunod niyang sasabihin dahil nakitang nag-iisa lang si Commander Xavier sa silid! Iniwan ito nina Sir Isenbard at Sir James, mukhang nagbalik na sila sa kasiyahan! Higit sa lahat, nasa sahig sa may gilid ng kama ang mga damit ng commander. At ang huli, ayon, hubad na nakahiga sa kama habang walang-malay! Nakatakip naman ang puting-kumot pero halatang wala itong damit sa ilalim!
"Anak ng-!"
Iyon na lang ang naibulalas ni Margaret!