Lingid sa kaalaman ng mga mortal, marami pang daigdig ang punong-puno ng buhay.
Isa na rito ang mundo ng Albion. Ang lugar na nababalutan ng matinding hiwaga. Ang tahanan ng mga Charming Spirits, Shape and Beast Shifters, Alchemists, Giant and Golem Race, Treants, Abyss Dwellers, Phantom Tribes, Humans, pati na rin ang mga kakaibang nilalang na sa mundong ito lamang matatagpuan.
Sumasabay man ang mga Albians sa agos ng makabagong panahon, ay napananatili pa rin nilang malakas ang sarili nilang mga kultura, at paniniwala.
Isa sa pinakamahalagang bahagi ng kanilang tradisyon ang pagtitipon-tipon ng lahat ng mangangalakal sa bawat kontinente sa tuwing sasapit ang unang linggo ng bawat panahon. Dala-dala nila ang kani-kanilang mga ipinagmamalaking kayamanan at produkto na maaaring ipagpalit o ipagbili sa mga nagagawi sa isla.
Nang araw na iyon, hindi pa man pumuputok ang liwanag ay hindi na mabilang ang mga maliliit at malalaking barkong dumadaong sa isla ng Camptarel Haven. Isa itong maluwang na lupain sa kalagitnaan ng karagatang Savaroy. Nagsisilbi rin itong borderline ng limang malalaking kontinente.
Kung titingnan sa malayo ay nagmimistula itong isang paraiso sa kalagitnaan ng kawalan. Napalilibutan ito ng mga matatayog na Sakura at Magnolia Tree. Nagsisimula na ring mamukadkad ang mga ligaw na bulaklak. Sa paligid May iba't-ibang kulay ang mga mga ito na mas lalong dumadagdag sa kagandahan ng isla.
Maraming alamat ang umaaligid tungkol sa lugar na ito, ngunit iisa lamang ang nangingibabaw. Malakas ang kanilang paniniwala na rito matatagpuan ang mahiwagang tubig na nakapagpapagaling ng kahit anong uri ng karamdaman. Idagdag pa ang Celestial Lotus Flower. Isang bulaklak na kayang magbigay ng buhay o kapangyarihan sa kahit sino man.
Wala mang nakapagpatunay na totoo ang mga haka-hakang ito, ay itinuturing pa rin nila itong sagrado. Kung sino man ang lumapastangan ay higit pa sa kamatayan magiging kaparusahan.
ooo0ooo
Medyo malakas pa rin ang bawat hampas ng hangin nang umagang iyon, ngunit hindi ito alintana ng mga mangangalakal. Abalang-abala sila sa pag-aayos ng kanilang mga produkto. Ilang oras na lang ay dudumog na ang mga mamimili kaya naman ay kailangang maganda ang kanilang mga presentasyon.
Sa pampang pa lang ay maririnig na ang malambot na boses ng mga sirenang umaawit. Nakaupo ang mga ito sa isang bato habang maingat na inaayos sa ibabaw ng isang maluwang na kahoy ang mga perlas na may iba't-ibang hugis at kulay. Mayroon ding mga pulang binhi na nagmumula pa sa kailaliman ng karagatan.
Mahinhin kung kumilos ang mga ito. Bahagya ring nakikipaglaro sa tubig ang kanilang mahahaba, at kulay uling na buntot. Ganoon pa man ay kabaliktaran ito ng kanilang balat. Kung pagmamasdan ay nagmimistula silang mga diyamanteng kumikinang sa ilalim ng sinag ng dalawang buwan.
Wala silang kasuotang pantaas. Tanging ang kanilang mahahaba, at kulay itim na buhok lamang ang tumatakip sa maselang parte ng kanilang katawan. Mayroon silang matangos na ilong at matutulis na tainga. Medyo kita rin ang mumunti nilang mga kaliskis sa magkabilaang bahagi ng kanilang pisngi. Pati ang kanilang mga labi ay kulay mansanas.
Napakaganda nilang tingnan, maliban na lamang sa mga mata nilang kulay dugo. Wari ba ay umiilaw ang mga ito sa kadiliman.
Sa kabilang bahagi ng pampang ay inihahanda na rin ng ilang mga Alchemists ang isang lagpas tao na kawa. Kulay itim ito kaya naman ay agaw-pansin ang ginintuang simbolo ng isang dragon na nakaukit dito.
Mabilis itong pinalibutan ng anim na Alchemists. Kailangan nilang makagawa ng mga pills na matataas ang kalidad. Bahagya mang inililipad ng hangin ang kanilang mga mahahaba, at kulay pulang kasuotan ay hindi ito naging hadlang upang mawala sa konsentrasyon.
Dahil dito ay hindi na nila alintana ang dalawang pares ng mga matang kanina pa nakamasid sa kanila.
Sa ilalim ng isang malaking puno ng Sakura ay nakatayo ang isang malaki, at maskuladong lalaki. Nanlilisik ang mga mata nito habang hindi mapagkit ang titig sa pangkat ng mga Alchemists. Bawat galaw ng mga ito ay kaniyang sinusundan.
Walang ano-ano ay bigla nitong hinagod ng tingin ang kaniyang kabuuan. Muling nanlisik ang mga mata niya nang makita ang halos naaagnas niyang braso. Ito ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang poot niya sa lahi ng mga Alchemists. Kailangan niyang makaganti sa mga ito upang maabsuwelto ang kaniyang pangalan, at mabawi ang dignidad na nasira.
Samantala, sa medyo mabatong bahagi naman ng isla ay abala rin ang isang babae sa pag-aasikaso ng mga sako-sakong mansanas na kaniyang ipagbibili. Medyo nahihirapan pa itong yumuko dahil sa malaking tiyan na nakausli. Halos masuka na rin siya sa tuwing lalapat sa kaniyang bibig ang malagkit na hibla ng kaniyang namumuting buhok dahil sa lakas ng hampas ng hangin. Ngunit hindi ito ang inaalala niya sa mga oras na iyon.
Kanina pa siya palingon-lingon sa paligid. May nais maapuhap ang kaniyang paningin ngunit hindi niya makita-kita.
Naningkit na lamang ang kaniyang mga mata nang sa wakas ay makita ang anak-anakan na nakatunganga sa gilid ng isang malaking bato.
"Trese! Anong ginagawa mo riyan? Huwag kang patanga-tanga. Bilisan mo na ang kilos at malapit nang pumutok ang liwanag!"
Para namang nabuhusan ng malamig na tubig ang isang matangkad na babae nang marinig ang kaniyang pangalan. Agad niyang inayos ang kaniyang puting maskara bago pinuyod ang mahaba, at ginintuang buhok.
"Opo! Nariyan na po!" Bago umalis ay napasulyap pa siya sa kalangitan, ngunit nangunot ang kaniyang noo nang hindi na niya makita ang tila lagusan na nabubuo kani-kanina lamang.
'Baka guni-guni ko lamang iyon?'
Napabuntong-hininga na lamang siya sa naisip bago mabilis na tinakbo ang distansiya patungo sa babaeng nakapameywang.
"Ano? Nasaan na naman ba si Bente? Hanapin mo siya, dali! Nako. Hindi ko talaga kayo maaasahan! Kung hindi lang dahil sa inyong ina, matagal ko na kayong itinapon." Nanggagalaiting sigaw ng matanda sa paparating na dalaga.
Hindi na lamang pinansin pa ni Trese ang masasakit na salitang binitiwan nito saka yumuko upang buhatin ang isang sako ng mansanas. Halos lumagutok pa ang mga buto niya sa katawan ngunit wala siyang magagawa. Iniwan na lamang niya ang matanda na hindi pa rin tumitigil sa pagsigaw. Ramdam niya ang panginginig ng kaniyang mga tuhod, ngunit binalewala niya ito.
Nakakailang hakbang pa lamang siya nang biglang maramdaman ang paghapdi ng kaniyang sikmura. Noon lang din niya naalala na wala pa pala siyang inilaman sa tiyan buhat kagabi.
Napalunok na lamang ang dalaga habang pilit na inaalis sa isipan ang gutom na nararamdaman.
Kailangan niyang maihatid ang tatlumpung sako ng mansanas sa kanilang suki bago pa man sila makatikim ng kaunting grasya. Napangiti na lamang siya ng mapait habang inaalala ang mga nakaraang araw na halos kapiraso lamang ng tinapay ang kanilang pinagtitiyagahan. Swerte ang tawag nilang mga alipin kapag nakakain na sila ng dalawang beses sa isang araw.
"Dahan-dahan! Alam mo ba na mas mahal pa ang laman niyan kaysa sa iyo?"
Pakiramdam ni Trese ay nabuhusan siya ng malamig na tubig. Nawala na rin ang ngiti niya sa labi. Sa harap niya ay nakatayo si Rocco. Ang masungit na punong kawal na siya ring kabiyak sa puso ng kaniyang tiyahin. Isa ito sa mga dahilan kung bakit mas lalong naging miserable ang buhay niya sa loob ng dalawang siglo. Nakangisi pa ito sa kaniya habang mayabang na tinitingnan siya mula ulo hanggang paa.
Agad na napahigpit ang hawak ni Trese sa sako. Ramdam na ramdam niya ang unti-unting pagtaas ng kaniyang mga dugo sa utak.
'Kalma ka lang, Trese! Isipin mo ang kapakanan ng kapatid mo.' Napabuga na lamang siya ng malalim na buntong-hininga. Pilit na kinakalma ang sarili.
"May problema ba tayo, Trese? Bakit ka napahinto?"
"Huh? Wala po! Nagutom lang ako."
"Kung ganoon, tuloy ang lakad! Sayang ang bawat segundo. Hindi maghihintay ang oras para lamang sa aliping katulad mo!"
Hindi na nakipagtalo pa si Trese. Kailangan niyang umiwas sa gulo upang mapakain ang kaniyang bunsong kapatid. Napabuga na muna ulit siya ng hangin bago ituloy ang paglalakad. Kung tutuusin ay sanay na siya sa ganito. Ang hindi lang niya matanggap ay iyong paulit-ulit na ipamukha sa kaniya na isa siyang walang kuwentang nilalang. Na mas mababa pa siya kaysa sa mga hayop.
Napawingi na lamang siya nang makaapak sa mabatong parte ng daan. Kamuntikan pa niyang maibagsak ang hawak dahil sa biglaang kirot na pumasok sa kaniyang sistema. Mabuti na lamang at naging maagap siya. Agad na niyang iniangat ang paa upang tanggalin ang maliliit na bato bago maingat na nagpatuloy sa paglalakad.
oooOooo
Napahinto lamang si Trese sa paglalakad nang napadaan siya sa parte kung saan nagtitipon-tipon ang angkan ng mga Charming Spirits.
Hindi niya maiwasang mapatulala habang titig na titig sa mga ito. Lalo na sa mga babae na noon ay lumilipad-lipad pa sa ere. Kilalang-kilala ang angkang ito sa buong Albion, hindi lamang dahil sa kanilang malakas na impluwensiya at kapangyarihang taglay. Ito ay dahil sa angkin nilang kagandahan. Ang angkan na ito ay binansagan bilang mga diwata na nahulog sa lupa.
"Lapastangan! Alam mo ba kung magkano ang halaga ng mga ninakaw mo? Mas mahal pa ang mga iyan kaysa sa iyong buhay! Halika rito, at nang maparusahan ka na!"
Biglang naagaw ng malakas na sigaw ang attensiyon ni Trese. Bahagya na ring nawala ang ngiti niya sa labi bago napailing. Sanay na siya sa mga ganitong eksena. Hindi na sana niya papansinin ang kumpulan sa bandang dulo nang marinig ang pamilyar na boses.
"Parang awa mo na po! Hindi ko na po uulitin. Gagawin ko po kahit anong gusto mo, huwag niyo lamang po akong parusahan. Nagmamakaawa po ako!"
Halos mapugto ang hininga niya dahil dito. Nanlalaki na rin ang kaniyang mga mata habang unti-unting lumalakas ang tibok ng kaniyang puso. Tuluyan na ring bumagsak ang kaniyang hawak bago tumakbo nang mabilis. Pagkarating ay kaagad niyang hinawi ang mga taong nasa harapan.
"Ang dapat sa mga katulad mong magnanakaw, nilalatigo upang magtino!"
"Huwag po! Parang awa-." Hindi na natapos ang sasabihin ng batang alipin dahil sa biglaang paghampas sa kaniya. Agad siyang nagpakawala ng isang malakas na sigaw. Umalingawngaw ito sa bawat sulok ng isla.
Habang abala ang kawal sa ginagawa ay hindi na niya alintana ang isang babaeng nanlilisik ang mga mata habang titig na titig sa likod ng kaniyang ulo.
Samantala, nanginginig ang katawan ni Trese habang nakayukom ang kamao. Ramdam na ramdam din niya ang unti-unting pagtaas ng kaniyang dugo nang masaksihan ang bagay na ikinatatakot niya. Mayamaya pa ay parang may kung anong bagay na gustong sumabog sa loob ng katawan niya.
Nagsalubong na rin ang kaniyang mga kilay habang matamang na nakatingin sa lalaki na wala pa ring humpay sa paghampas kay Bente.
"Tama na po! Hindi ko na kaya."
Sa narinig ay tuluyang nagdilim ang paningin niya. Wala na siyang ibang inisip kung hindi ang ipagtanggol ang kapatid.
"Bitiwan mo siya!" Walang sabi-sabi ay mabilis siyang tumalon sa likod ng lalaki saka buong lakas na sinakal ito sa leeg.
Napaatras naman ang lalaki sa biglaang pagsulpot ng kung ano sa kaniyang likuran. Maging ang mga nakapaligid sa kanila ay napasinghap sa kanilang nakikita.
Hindi na nag-aksaya ng panahon si Trese. Alam niyang madali lang para rito na hawiin siya mula sa likod nito kaya naman ay agad niyang hinawakan ang mga mata ng lalaki saka walang sabi-sabing ibinaon ang kaniyang mga kuko.
Mas lalong napahiyaw ang lalaki sa naramdamang sakit. Agad niyang siniko ng malakas ang lapastangang gumawa nito sa kaniya. Narinig pa niya ang malakas ungol ng babae, ngunit hindi ito naging sapat upang mapatalsik ito sa kaniyang likuran. Bagkus ay mas lalong bumaon ang mga kuko ng babae sa kaniyang mga mata na mas lalong nagdulot ng matinding sakit sa kaniya.
Napapikit siya nang mariin ang kawal habang paulit-ulit na sinisiko ang babae. Nang maramdaman niya ang mainit na likidong dumadaloy mula sa mga mata ay mas lalo siyang sumigaw sa galit.
"Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa akin!" Mas lalo siyang nagwala, ngunit kahit anong pagpupumiglas ang gawin ay parang balewala pa rin ito. Napakahigpit talaga ang kapit sa kaniya ng babae.
"Lapastangan! Bitiwan mo ako!" Isang napakalakas na sigaw ang pinakawalan ng lalaki bago buong lakas na siniko ang nasa likod niya.
Muling napaungol si Trese bago lumuwang ng bahagya ang kapit. Kasabay nito ang pagbuga niya ng dugo.
Hindi na rin nag-aksaya pa ng panahon ang kawal at ginamit agad ang pagkakataong ito upang makawala. Mabilis niyang hinablot ang buhok ng babae bago ibinalibag. Hindi pa nakuntento'y dumagan siya rito saka sinakal.
"Ikaw! Mananagot ka sa aki-."
Hindi na natapos ng lalaki ang sasabihin nang bigla na lamang umihip ang napakalakas na hangin. Kasunod nito ang mabilis na pagkalat ng amoy nabubulok na laman. Sa pagkakataong tuluyang lumuwang ang pagkakasakal niya sa babae. Napahinto na rin ang lahat sa kanilang ginagawa. Dumapo na lamang ang mga palad ni Trese sa ilong at bibig.
"Ano ang nangyayari?" Pilit na pinigilan ni Trese ang paghinga upang hindi malanghap ang nakababaligtad ng sikmurang amoy. Nang inilibot niya ang paningin ay napagtanto niyang hindi lang pala siya ang nasa ganoong sitwasyon. Ang mga serenang kanina lamang ay nagsisipag-awitan ay mabilis na bumalik sa karagatan.
"Arg!"
Tuluyang bumagsak sa buhangin ang lahat ng mga nasa paligid niya. Hindi na gumagalaw ang mga ito. Pati ang lalaking sumasakal sa kaniya ay wala na ring tigil sa pagduduwal. Kapansin-pansin din ang biglaang pangangayayat nito sa hindi malamang dahilan.
Nanlalaki na lamang ang mga mata ni Trese nang makita ang kalagayan ng mga Charming Spirits. Halos hindi na maikumpay ng mga ito ang kanilang mga pakpak dahil sa bagsik ng tumitinding amoy ng nabubulok na laman.
"Bente! Ayos..." Hindi na naituloy ni niya ang sasabihin nang mamataan ang unti-unting pagkabuo ng isang maliit, at itim na bilog sa may dalampasigan. Bahagya pa siyang nanginig dahil sa napakaitim na aurang nagmumula rito.
Nagsusumigaw ang kaniyang utak na tumakbo, ngunit naninigas ang kaniyang katawan. Para siyang naipako sa kaniyang kinasasadlakan.
Namumuo na rin ang malamig, at malapot na pawis sa kaniyang noo.
"Ate. Tulungan mo po ako."
Pakiwari ni Trese ay nabuhusan siya ng malamig na tubig sa narinig. Kaagad niyang nilingon ang kapatid at nakita itong nakasalampak na rin sa buhangin.
"Bente!" Kahit nanginginig ang katawan ay pinilit ni Trese na saklolohan ang kapatid. Buong lakas niya itong itinayo saka sila naglakad patungo sa pinakamalapit na puno. Nang makarating ay agad niyang pinaakyat ang kapatid bago siya sumunod. Tiniis na lamang nila ang napakabahong amoy habang pinakikiramdaman ang paligid.
Mula sa itaas ay nakita nila kung papaanong lumaki nang lumaki ang kanina lamang ay maliit na bilog hanggang sa maging isang ganap na lagusan.
Sa pagbubukas ng lagusang ito ay ang pagkalat naman ng maitim, at makapal na usok na agad na bumalot sa buong isla. Mabilis na iginala ni Trese ang paningin. Kahit nasa itaas na sila ay hindi pa rin niya naaaninag ang asul na karagatan. Pati ang dalawang higanteng buwan na nagbibigay tanglaw sa kapaligiran ay itinago na rin ng maiitim at makakapal na ulap.
"Roar!"
Bigla na lamang napayakap si Trese sa kapatid nang makarinig sila ng nakapangingilabot at nakatitindig-balahibong mga ungol na nagmumula sa lagusan.