Matataas ang bawat hampas ng mga alon sa hapong iyon. Sumasabay ito sa malakas at malamig na ihip ng hangin. Dumagdag pa sa masamang panahon ang pangingitim ng mga ulap sa himpapawid.
Mula sa maluwang na balkonaheng kinatatayuan ay naningkit ang mga mata ng isang matangkad na lalaki habang matamang na nakatingin sa kabuuan ng karagatan. Medyo pahaba ang kaniyang mukha na bumagay sa matangos niyang ilong. May kakapalan rin ang labi habang kasing tingkad naman ng uling ang mga mata nito. Kahit nababalutan ng asul na tela ang buo niyang katawan ay mapupuna pa rin ang maputla niyang balat sa mga brasong nakalabas.
Humahampas na rin sa kaniyang mukha ang mahaba, at kulay pilak na buhok, ngunit hindi niya ito pinansin. Mas binibigyan niya ng importansiya ang tila ipo-ipong unti-unting nabubuo sa gitna ng dagat.
Hindi rin nakaligtas sa matalas na paningin ang misteryosong kadiliman na dahan-dahang pumapalibot sa isang isla na malapit sa kaniyang kaharian.
Napahawak na lamang siya sa kaniyang dibdib nang bigla itong tumibok nang malakas. Kung tutuusin ay halos ilang araw na siyang hindi mapakali. Ramdam na ramdam niya ang kakaibang sensasyon na dala ng hangin, iyon nga lang ay hindi niya matukoy kung ano.
Nasa ganoong posisyon siya nang magpakawala ng sunod-sunod na dagundong ang kalangitan. Medyo napawingi pa siya dahil sa ingay na biglaang pumasok sa kaniyang pandinig. Sinundan pa ito ng napakatinis na tunog ng mga kidlat. Kulay itim ito na may kahalong pula.
Mas lalong nagdikit ang kaniyang mga kilay nang makita ang sunod-sunod na pagtama ng mga ito sa kabilang isla. Rinig na rinig niya ang mabilis na pintig ng kaniyang puso. Idagdag pa ang mga malalamig na pawis na namumuo sa kaniyang noo.
Simula noong panahon ng kanilang mga ninuno ay itinuturing nang napakasamang pangitain ang mga ito.
Agad niyang iginala ang paningin sa kabuuan ng isla at ganoon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang mamataan ang isang lagusan sa pagitan ng mga itim na ulap. Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang tumaas ang mga balahibo niya sa katawan.
"Hindi ito maaari!" Naikuyom niya ang kamao. Masama ang kutob niya sa bagay na iyon. Isang tingin pa lang ay alam niyang mas matindi pa sa kamatayan ang hatid nito.
"Mahal na Hari. Pagpasensiyahan niyo na po ang aking kapangahasan, ngunit gusto ko lang pong ipaalam na may mga panauhin po kayo."
Para siyang nabuhusan ng malamig na tubig sa narinig. Napabuga na muna siya ng isang malalim na buntong-hininga bago sinundan ang pinagmulan ng boses. Sa kaniyang likuran ay nakita niya ang isang kawal na nakayuko.
"Nasaan sila?"
"Naghihintay na po sila sa silid tanggapan--."
Hindi na niya pinatapos ang sasabihin ng kawal saka mabilis na naglakad palayo. Seryoso ang kaniyang mukha habang mabibigat ang bawat hakbang patungo sa kaniyang paroroonan.
oooOooo
Nang makarating ay agad siyang pinagbuksan ng dalawang kawal. Lumangitngit ang malaking pinto. Hindi pa man nakapapasok ang hari ay nanuot agad sa kaniyang ilong ang amoy rosas na nagmumula sa mga pulang kandila na nakapalibot sa paligid. Ang mga ito lamang ang nagsisilbing ilaw sa madilim, at maluwang na espasyo. Wala ring masyadong laman ang loob maliban sa isang mahaba at kayumangging mesa. May iilang upuan sa gilid, ngunit hindi ito ang kumuha sa kaniyang pansin kung hindi ang dalawang taong nakaupo sa bandang dulo. Nakaharap sila sa isang malaking kuwadro.
Hindi na siya nagsayang ng oras at mabilis na lumapit sa mga panauhin. Sinadya pa niyang bigatan ang bawat hakbang. Hindi naman siya nabigo nang mapalingon ang dalawa sa gawi niya.
Sabay na tumayo ang mga ito at nagbigay galang sa kaniya. Tumango na muna siya bago dumapo ang paningin sa kanan kung saan nakatayo ang isang lalaking tindig pa lang ay kilalang-kilala na niya. Nakasuot ito ng kulay pilak na baluti maliban sa kaniyang ulo.
"Haring Astes ng kahariang Alodith."
Agad na napunit ang isang maluwang na ngiti sa labi ni Haring Qesien. Ang pagkabahala'y pansamantalang nawala sa kaniyang alaala nang makita ang lalaking ilang dekada na niyang hindi nakikita. Pinagmasdan niya si Haring Astes nang mabuti. Katulad niya ay namumuti na rin ang maiksi nitong buhok. Halata na rin sa maputi nitong balat ang pangungulubot. Mayroon itong matangos na ilong at makakapal na kilay. Kita rin ang isang itim na pilat sa kanang bahagi ng kaniyang pisngi. Mas lalo namang tumingkad ang kulay kape nitong mata nang tamaan ng kaunting liwanag.
"Ikinagagalak ulit kitang makita, mahal na Haring Qesien mula sa Kaharian ng Qeralin."
Sabay na tumungo ang dalawang hari bilang pagbibigay ng respeto sa bawat isa. Matapos nito ay saka naman bumaling ang tingin niya sa babaeng kanina pa nagmamasid sa kanila.
"Ikinagagalak kitang maging panauhin sa aking palasyo, Prinsesa Galeilind. Ang iniingat-ingatang hiyas ng mga Charming Spirits mula sa Kaharian ng Ceasien." Bahagyang nagyuko ng ulo si Haring Qesien bago hinawakan ang kamay ng prinsesa saka hinalikan.
"Ikinagagalak din kitang makita, mahal na Haring Qesien." Yumuko si Galeilind. Ramdam niya ang pag-iinit ng kaniyang mga pisngi, ngunit pinilit niya pa ring maging pormal.
"Mahal na Prinsesa, huwag ka sanang mailang sa aking sasambitin, sapagkat tunay ngang napakarikit mo. Kung iprepresenta kita ngayon sa langit, siguradong magtatago ang mga diwata sa kahihiyan!" Hindi napigilan ni Haring Qesien na pasadahan ng tingin ang prinsesa.
Hindi ito masyadong matangkad kaya naman ay nagmistula itong nakasako sa mahaba nitong kasuotan na kulay kayumanggi.
Nakatirintas ang maalon-alon, at kulay pula nitong buhok. Labing kasing pula ng mansanas. Mga bilugang mata na singtingkad ng asul na dagat. Katamtaman lang ang laki ng kaniyang ilong, ngunit bumagay ito sa medyo bilugan niyang mukha. Mayroon din itong suot na diyamanteng hikaw sa magkabilaang tainga. Halata rin ang kaunting palamuti sa mukha na mas lalong nagpatingkad sa kariktan ng prinsesa.
"Kamahalan, ang inyong mga papuri ay magbibigay lamang sa akin ng kumpiyansa, upang isipin na totoo ang iyong mga winika." Mahinhing tumawa si Galeilind. Bahagya pa niyang itinago ang mukha sa pamaypay na bigla na lamang lumitaw sa kaniyang kamay.
Napatawa naman nang mahina si Haring Qesien. Kung tutuusin ay matagal na niyang naririnig ang tungkol sa prinsesa, ngunit hindi pa niya ito nakikita.
"Hindi mo kailangang itago ang iyong sarili, sapagkat sinasabi ko lamang ang katotohanan."
Hindi na nagsalita pa ang prinsesa at nagyuko na lang ulit ito ng ulo.
Napangiti naman si Qesien, datapuwà't agad ding sumeryoso nang mahagip ng kaniyang mata ang isang anino sa may di kalayuan sa kanila.
"Bakit hindi mo ipakita ang iyong sarili, kaibigan?" Pinakiramdaman niya nang mabuti ang paligid. May hinala na siya kung sino ito, ngunit mas mabuti pa rin na handa sila sa anumang atake. Sinigurado rin niya na dinig hanggang sa labas ang kaniyang boses. Nanatili nmang kalmado ang dalawa niyang kasama, tanda na nakikilala rin nila kung sino ang nagmamay-ari ng anino.
Mayamaya pa'y nakarinig sila ng isang malakas na ingay. Nagmumula ito sa labas ng pintuan.
Hindi pa man sila nakagagalaw ay bigla na lamang tumalsik ang pinto. Bumagsak ito mga ilang metro sa kanilang harapan. Nang mahimasmasan ay napatingin sila sa pinagmulan nito. Kahit medyo madilim ang parteng iyon ay kitang-kita nila ang pigura ng isang malaki at matangkad na lalaki. Halata rin na wala itong ibang saplot maliban sa pang-ibaba.
"Prinsipe Mallus ng kahariang Theder."
Hindi nagsalita si Prinsipe Mallus. Bagkus ay naglakad siya palapit sa tatlo. Bawat hakbang niya ay nagdudulot ng malakas na kalampag, ngunit hindi niya ito pinansin.
Nang makalabas sa madilim na parte ay nakita niya ang paniningkit ng mga mata ni Haring Qesien habang matamang na nakatingin sa kabuuan niya.
"Ano ang nangyari sa iyo?"
Hindi siya sumagot. Napatingin na lamang siya sa kaniyang katawan. Napawingi pa siya nang makita ang mga tuyong dugo na halos kumalat sa buo niyang dibdib. Ramdam din niya ang mahapding sugat sa may bandang baywang, ngunit hindi niya ito pinansin saka muling napatingin sa tatlo.
"Isa lamang iyan sa mga dahilan kung bakit kami naririto ngayon, Haring Qesien."
Napatingin silang lahat sa nagsalita. Ang kaninang maamong mukha ng prinsesa ay naging napakaseryoso.
Agad din namang sinegundahan ni Haring Astes ang sinabi ni Galeilind. "Tama ang sinambit ni Prinsesa Galeilind, Kamahalan. Mayroon tayong napakahalagang bagay na dapat pagpulungan."
"Kung ano man iyan, bukas na natin ituloy. Lumalalim na ang gabi at alam kong pagod na-."
"Pagpasensiyahan mo na, kaibigan, sapagkat hindi na ito makaaabot pa ng umaga. Kinakailangan din naming makabalik sa aming mga kaharian sa unang putok ng liwanag."
Agad na nabalot ng nakabibinging katahimikan ang lugar nang matapos sa pagsasalita si Haring Astes. Walang nagsalita sa kanila hanggang sa binasag ito ni Haring Qesien.
"Doon tayo sa bulwagan." Hindi na niya hinintay ang mga sagot nila at naglakad na palayo. Kilala na niya ang lalaki. Base sa seryosong mukha nito ay nasisigurado niyang mahaba-habang pagpupulong ang magaganap.
oooOooo
Sa lahat ng parte ng palasyo ay isa ang silid bulwagan sa itinuturing na pinakamahalaga. Napakaluwang nito kumpara sa ibang bahagi ng kaharian. Kadalasan ay rito nagaganap ang lahat ng mga mahahalagang pagpupulong na may kinalaman sa kapakanan ng anim na kontinente.
Hindi masyadong kita ang kisame nito dahil natatakpan ito ng dalawang dambuhalang aranya na gawa sa purong diyamante. Hindi rin mabilang ang sanga ng mga ito kung saan nakapuwesto ang mga bumbilya na gawa naman sa mga mamahaling bato. Malakas ang ilaw na nagmumula sa mga ito kaya naman ay kitang-kita ang buong silid.
Bukod dito ay marami ring mga nakaukit na iba't-ibang estatwa ng mga hayop sa dingding.
Sa gitna ay may pulang alpombra na nakalatag sa marmol na sahig habang sa magkabilaang gilid nito ay may mga upuang nakalaan para sa mga panauhin. Ang trono naman ay nakapuwesto sa tuktok ng limang baitang na hagdan. Nakadagdag ito sa prestihiyo ng kapangyarihan. Mataas ito at gawa sa maitim na puno ng oak na may kulay pelus na unan.
Kumportable mang tingnan ay hindi ito nakatulong sa napakalaking suliranin na kinahaharap ngayon ni Haring Qesien. Hindi siya mapakali. Palakad-lakad siya sa harapan ng kaniyang trono. Mayamaya ay uupo at muling tatayo. Hindi maipinta ang kaniyang mukha habang pabalik-balik sa ginagawa.
Sa kaniyang harapan ay ang kaniyang mga hindi inaasahang panauhin. Ngayon lamang sila nagkita-kita, ngunit dumating sila na may dala-dalang masamang balita.
"Nakatitiyak ba kayo tungkol sa bagay na ito?" Muli niyang inulit ang kaniyang tanong.
"Ito ay ayon sa nakalap naming impormasyon. Si Prinsipe Mallus ang makapagpapatunay nito sapagkat nakaharap na niya ang ilan sa mga halimaw."
Automatikong napalingon si Haring Qesien sa kay Haring Astes. Naningkit pa ang kaniyang mga mata habang nakatinginin dito ng matiim.
"Imposible! Napakatagal na panahon na ang lumipas mula noong matapos ang huling digmaan! Sinigurado ng ating mga ninuno na hindi na makalalampas pa sa harang ang mga halimaw!" Dumagundong sa bawat sulok ng silid ang boses niya. Medyo nanlilisik din ang mga mata niya habang nakatingin sa lalaking itinuturing na niyang kapatid.
"Kilala mo ako, Qesien. Hindi ko ugaling magsinungaling, lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan ng ating mundo!" Napakuyom na lamang ng kamao si Haring Astes habang nakikipagtitigan kay Haring Qesien. Naramdaman din niya ang malapot at mainit na likidong tumulo mula rito, ngunit hindi niya ito inintindi. Naiinip na kasi siya. Nais na niyang makabalik sa kaniyang kontinente. Pakiramdam niya'y bawat segundong nagdaraan ay katumbas ng ilang oras. Hindi siya naglakbay ng halos isang araw para lamang sa wala. Kailangan siya ng kaniyang kaharian, at kung sakaling hindi maniwala si Qesien ay mas gugustuhin pa niyang manatili na lamang sa kaniyang lupain upang ipagtanggol ang kaniyang mga nasasakupan.
Akmang magsasalita pa sana si Qesien nang biglang makarinig ng isang malalim na tinig. Para itong bumubulong sa kaniyang tainga.
'Mahal na hari. Paumanhin po sa gambala, ngunit may dala po akong masamang balita. May nakita po kaming senyales na may mga umatake sa isla ng Camptarel Haven.'
'Ano?' Pakiramdam ni Qesien ay para siyang nabuhusan ng malamig na tubig sa narinig. Hindi na rin niya masyadong naintindihan ang sumunod na sinabi nito, ngunit isa lang nangingibabaw.
'Kamahalan. Ano po ang inyong utos?'
'Ipatawag mo sina Kapitan Cadok at Kapitan Remus. Hintayin ninyo ako sa kampo. Susunod ako roon.'
'Masusunod po, Kamahalan.'
Nang naramdaman niyang wala na ang kausap ay saka siya napatingin sa kaniyang mga panauhin. Titig na titig pa rin ang mga ito sa kaniya at wari niya'y naghihintay sila sa kaniyang pasya. Napabuga na muna siya ng hangin bago sumeryoso. Kailangan muna niyang makakuha ng sapat na detalye mula sa kanila bago siya magpasya sa mga susunod nilang hakbang.
"Gaano na ba kalala ang sitwasyon?"
Nagkatinginan muna ang tatlo bago humakbang paabante si Prinsipe Mallus. "Magsasalita ako sa ngalan ng aking amang hari."
Yumuko si Mallus. Gustuhin man niyang unahan si Haring Qesien ay kailangan pa rin niya siyang igalang. Bukod sa mas mataas ang posisyon nito kaysa sa kaniya ay makapangyarihan din ito.
Nang makarinig ng senyas ay mabilis siyang nag-angat ng tingin bago ituloy ang gustong sabihin.
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Nagsimula na ngang atakehin ng mga halimaw ang mga maliliit na bansang malapit sa aking kalupaan. Unti-unti nilang sinasakop ang mga ito. Sinusubukan naming lumaban, ngunit sa bawat araw na nagdaraan ay napapansin naming mas lalo silang dumarami. Sa totoo lang ay may ilan na rin sa aking mga mandirigma ang nagapi ng mga halimaw. Ang masama pa nito ay hindi ko alam kung papaano ko ibubunyag ang balitang ito sa aking mga nasasakupan."
Napatango na lamang si Haring Qesien sa tinuran ni Mallus. Naiintindihan niya ang suliranin ito. Kilalang-kilala ang angkan ng mga golem at higante bilang mga mahihilig sa gulo at giyera. Paniguradong mababaon sa karagatan ang kalupaan ng Theder kapag nalaman nila ang balitang ito. Marami rin siyang gustong itanong, ngunit ang gusto niya ay marinig muna ang panig ng iba. Agad niyang ibinaling ang tingin kay Astes. "Sa iyong kaharian?"
"Kagaya ng sinabi ni Prinsipe Mallus, unti-unti na rin nilang sinisira ang aming pangkabuhayan. Sa ngayon ay sinusubukan naming isalba ang anumang puwedeng maisalba. Napakalaking suliranin nito kung sakaling magtagumpay sila. Mga pagkain natin ang nakasalalay rito."
Napahawak na lamang sa sentido si Qesien. Tama si Astes. Hindi lang ang kanilang kaharian ang maaapektuhan kundi ang buong Albion. Kailangan agad nilang lutasin ito dahil kung hindi ay tuluyang mapapasakamay ng mga kalaban ang kanilang mga lupain.
"Prinsesa Galeilind?"
"Kamahalan. Pati ang lupain ng Cesean ay hindi pinalagpas ng mga bagay na iyon. Ilang miyembro na ng aking angkan ang nagsakripisyo, upang mailigtas ang aking nasasakupan. Sa ngayon ay kasalukuyan naming inililipat ang lahat ng mga inosente sa isang ligtas na lugar. Bumubuo na rin kami ng mga pangkat na maaaring maging mandirigma. Sinusubukan namin ang lahat ng aming makakaya, ngunit hindi ko batid kung hanggang kailan namin sila kayang protektahan. Bawat araw na lumipas ay mas lalong lumalakas ang puwersa ng mga halimaw." Nakagat na lamang ng prinsesa ang kaniyang labi. Humigpit din ang kapit niya sa pamaypay na hawak habang inaalala kung papaano pinaslang ng mga halimaw ang ilan sa miyembro ng kaniyang angkan habang wala siyang nagawa kundi manood lamang sa malayo.
"Kailan pa ito nangyari? Ganito na pala kalala tapos ngayon lamang ninyo ipinaalam sa akin!" Nagtiim-bagang si Haring Qesien. Hindi niya lubos maisip na darating ang panahon na ito. May isang parte rin sa kaniya na nagsasabing kasalanan niya ang lahat ng ito. Kung nalaman lang sana niya ng mas maaga ay nakagawa pa sana siya ng paraan upang maprotektahan ang kanilang mundo.
"Mag-iisang linggo pa lang nang lumitaw ang mga halimaw, Kamahalan. Ngunit base sa kaunting impormasyong nakalap ng aking mga espiya ay masasabi kong sabay-sabay ang paglusob ng mga ito. Halatang planado na nila ang lahat, at kung hindi ako nagkakamali ay matagal na silang nakalabas sa kanilang lungga. Naghintay lamang sila ng tamang pagkakataon." Napatingin si Haring Astes sa sahig. Napahawak na rin siya sa kaniyang balbas. Kailangan nilang makahanap ng paraan upang pigilan ang mga ito dahil kung hindi ay paniguradong mawawasak ang kanilang daigdig.
"Kailangan nating siguraduhin ang kaligtasan ng ating mga nasasakupan! Huwag tayong pumayag na sa ikalawang pagkakataon ay maghahari na naman sila sa ating mundo! Dahil kung hindi ay mawawalang saysay lamang ang sakripisyo ng ating mga ninuno!" Hindi na nakatiis si Prinsipe Mallus. Pulang-pula ang kaniyang mukha habang humihinga ng mabilis. Idagdag pa na kitang-kita na ang kaniyang mga ugat sa katawan. Dumoble rin ang kaniyang taas. Isang senyales na nawawala siya sa konsentrasyon at bumabalik sa pagiging higante.
Magsasalita pa sana si Haring Qesien nang mahagip ng kaniyang paningin ang kaniyang matandang tagapayo. Kanina pa ito tahimik na nakatayo sa isang tabi. Nagmimistula itong may malalim na iniisip habang pasulyap-sulyap sa kanila.
"Mukhang may gusto kang sabihin, Gwaine?"
Napalingon silang lahat sa matanda. Kitang-kita naman sa mukha nito ang pagkabigla nang marinig ang kaniyang pangalan.
Nang mahimasmasan ay mabilis siyang naglakad patungo sa harapan ng hari saka nagyuko ng ulo. "Marami pong salamat sa-."
"Tama na ang mga walang kuwentang pormalidad. Sagutin mo na lang ang tanong ko!" Muling umalingawngaw ang boses ni Haring Qesien sa bawat sulok ng malaking silid.
Naramdaman din nila ang bahagyang pagyanig ng lupa dahilan upang gumalaw ang lahat ng mga bagay na nandoon.
"Kumalma ka, Qesien! Hindi mareresolba ng iyong poot ang ating mga suliranin!" Agad na lumapit si Astes sa nangangalit na hari. Sinubukan niya itong hawakan sa balikat, ngunit mabilis itong iwinaksi ni Qesien.
"Paano ako mananatiling kalmado sa sitwasyong ito? May mga nabawian na ng buhay, ngunit wala man lang tayong nagawa!" Sa bawat salitang binibigkas ni Haring Qesien ay mas lalong yumayanig ang paligid. Tuluyan na ring tumaob ang ilan sa mga upuan, ngunit hindi niya ito pinansin.
Wari niya'y umakyat lahat ng dugo niya sa utak habang nakatingin sa matanda. Gusto niyang magwala, ngunit pinilit niyang pakalmahin ang sarili nang makita ang mga bitak sa sahig. Tumalikod na lamang siya saka napapikit nang mariin.
Paulit-ulit siyang bumuntong-hininga hanggang sa maramdaman na unti-unting nanunumbalik ang kaniyang kontrol. Tama si Astes. Mas lalong lalala ang sitwasyon kung magpapalamon siya sa galit.
"Ano sa tingin mo ang dapat nating gawin, Gwain? May nais ka bang imungkahi?" Muli niyang hinarap ang kaniyang tagapayo. Kahit medyo hirap ay pinilit niyang maging normal ang boses. Sa tagal na niya itong kasama ay kabisado na niya ang ugali nito. Simula noon, hanggang ngayon ay duwag na ito. Alam niyang wala silang mapapala kung pangungunahan agad ito ng takot. Panigurado kasi na hindi na nila ito makakausap ng matino.
"Opo, Kamahalan. May mga suhestiyon na po qko para sa suliraning ito, ngunit mas maganda po sana kung kay Prinsipe Astro mismo manggaling ang mga opinyon ukol dito. Dito natin malalaman kung karapat-dapat siya sa trono."
Biglang napaisip si Qesien sa sinabi ng matanda. Tama nga ito. Dito nila masusubukan ang prinsipe kung karapat-dapat ba itong tagapagmana. Napatango na lang siya bago tumingin sa gawi ng pintuan.
"Kawal!"
Ilang saglit pa ay bumukas ang pinto. Niluwa nito ang isang babaeng nakasuot ng pulang baluti. Mayroon din itong suot na kalahating maskara. Mabilis siyang naglakad patungo sa harapan ng kaniyang hari saka lumuhod.
"Hanapin mo si Prinsipe Astro. Dalhin mo siya rito sa lalong madaling panahon!"
"Masusunod po, Mahal na Hari." Yumuko na muna ang kawal bago tumalikod at mabilis na naglakad palayo.
Agad namang nabalot ng nakabibinging katahimikan ang paligid. Walang nagsalita sa kanila. Bawat isa ay seryoso ang mga mukha habang iniisip kung papaanong malalampasan ang napakalaking suliranin na kanilang kinakaharap.