Chapter 3 - Chapter 2

Blake POV

Alas dos pa lamang ng hapon ay sinamantala ko nang wala si Auntie sa bahay. Tiyak na kapag nahuli kasi ako noon tumakas na naman, magsisimula na naman ang mala-armalite niyang bunganga.

Tumakas ako dahil gusto kong magpahangin. Halos dalawang buwan na akong nandito sa baryong ito ano? Na walang ibang ginawa kundi magmukmok sa apat na sulok ng kanyang bahay.

Kung bakit naman kasi sa dinami-rami ng lugar na pwede kong mapuntahan, dito pa talaga sa lugar ng Auntie ko. Dito rin kasi lumaki si mama noon. Pero hindi kasi ako sanay sa ganitong lugar.

Hindi naman dahil sa maarte ako ah, sanay naman ako sa probinsya dahil palagi kaming nagbabakasyon dito ng mga magulang ko, pero lumaki ako sa syudad at hindi sa isang baryo tulad nito na malayo sa kabihasnan. Hindi ako sanay na dito maninirahan ng ilang buwan at ako lang talaga mag-isa.

Akala ko sasamahan ako nina mommy at daddy pero hindi naman pala, at ipagkakatiwala lang ako sa Auntie ko.

Naglalakad-lakad ako hanggang sa makarating sa medyo wala ng masyadong mga bahay. Sa totoo lang ngayon lamang talaga ako nakalabas ng bakuran ng Auntie ko. Kung makakalabas man ako, iyong matatanaw niya lang. O kung hindi naman, isasama niya ako sa plaza sa pagtitinda ng mga paninda niya. At kapag naubos na, uuwi na rin kami at babalik na naman ako rito sa lungga ko.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit ang sipag sipag pa rin nitong maghanapbuhay kahit na sa totoo lang, may kaya naman talaga si Auntie sa buhay. Isa kaya siya sa may kaya sa buhay sa baryong ito. Hindi na kasi ito nag-asawa magmula nang mamatay ang kanyang asawa. Kaya siguro ibinabaling niya na lang sa maraming bagay ang lungkot na nararamdaman niya.

Argh! Anyways, hindi naman na siguro ako bata na, hindi ba? Isa pa, kaya ko naman ang sarili ko. Natatakot kasi si Auntie na baka raw bastusin ako. Duh! Wala naman sigurong magtatangka na gawin yun sakin dito dahil ang sabi ng mommy, safe at mababait ang mga tao rito.

Napahinga ako ng malalim. Hindi ko man alam kung saan patungo ang daan na tinatahak ko ay nagpatuloy pa rin ako sa aking paglalakad.

Hanggang sa makarating ako sa parang burol at bangin sa ibaba kung saan mayroong overlooking view at may sariwang hangin. Gosh!

I really can't believe that such a place really exists in real life.

Napangiti ako at hindi maitago ang saya na aking nararamdaman dahil finally, nakahanap na rin ako ng lugar na pwede kong puntahan anumang oras. This will be my favorite spot here, for now.

Tahimik rito at halata na wala masyadong napapadaan na mga tao.

Napahinga ako ng malalim at agad na naupo ako sa ilalim ng isang punong kahoy. Ipinikit ko ang aking mga mata at muling ninamnam ang malamig at preskong na simoy ng hangin. Noon din naisipan ko na umidlip na lang muna bago tuluyang magdilim dahil mabilis lang ang oras, kaya inayos ko ang summer dress na suot ko at nahiga sa damuhan.

Kasalukuyan na pahimbing pa lamang ang pag tulog ko nang bigla akong magising at mapabalikwas dahil sa sigaw at pagtili ng isang babae.

Kunot noo at nanlalabo pa ang paningin ko mula sa pagtulog nang tinignan ko siya habang nakatayo sa aking harapan. Hindi ko maaninag masyado ang mukha nito dahil sa nakakasilaw na liwanag na nagmumula sa sikat ng araw. Isa pa, masakit pa ang mga mata ko mula sa pagtulog na istorbo niya.

"A-Akala ko p-patay ka na?" Aniya niya na para bang wala sa plano nito ang mag-sorry dahil sa pang iistorbo sa pagtulog ko. Gosh!

"What?!" Hindi makapaniwalang bulalas ko dahil sa narinig. Ang ayoko pa naman sa lahat eh 'yung puputulin 'yung pagtulog ko. Masyadong nakakainit sa ulo.

Damn it!

"Uhmm. P-Pasensya ka na ha?" Pag hingi ng paumanhin ng kasama nito na hindi rin ko napansin. "Naghahanap kasi kami ng signal. Ang sabi kasi sa amin dito raw sa lugar na ito banda ang meron. Eh nakita ka kasi namin na nakahandusay d'yan kaya akala namin---"

"Patay na ako, gano'n ba?" May pagkairitable na tanong ko sa kanya at putol na rin. "Well, I'm not dead. Natutulog ako at magkaiba 'yon sa iniisip ninyo!" Inis na usal ko at agad na napatayo.

Napasulyap ako sa babae na napasigaw kanina ngunit nakatalikod na ito at abala ng muli sa pagtaas baba ng kanyang cellphone, naghahanap ng signal.

"Sa susunod kung hindi kayo pamilyar sa isang lugar, magpasama kayo sa nakakaalam kasi pwede kayong mapano rito." Dagdag ko pa.

"P-Pasensya ka na kasi---" Naiinis pa rin na ikinampay kong muli ang aking kamay sa kanyang harapan dahilan para muling matigilan siya.

"Sa unahan konti 'yung merong signal." Turo ko sa may hindi kalayuan kahit na hindi ko naman sigurado kung tama ba ang itinuturo ko.

"S-Salamat." Biglang gumuhit ang ngiti sa labi niya, pero ako, kunot noo lamang at seryoso ang mukha na nakatingin sa kanya.

Sandali ko siyang pinasadahan ng tingin, well, she's not that bad. Cute naman siya, may shape ang katawan, maganda ang boses, bagay din sa kanya ang medyo kulot na buhok nito, kaya lang ayoko kasi sa maliliit masyado.

In short, hindi ko siya type.

"Lexie nga pala." Pagpapakilala niya at iginawad ang kanang kamay nito sa aking harapan.

Ngunit tinignan ko lamang iyon hanggang sa tuluyang binawi niya ang kanyang kamay bago napakamot sa kanyang batok.

Makapagsalita pa sana siyang muli nang walang sabi na tinalikuran ko na siya. Naiinis pa rin ako sa kanila!

"Ang suplada naman no'n! Ang ganda sana." Rinig kong sabi nito. "Tse! Madapa ka sana!"

Nakakainis lang 'yung mga taong istorbo sa pagtulog ng ibang tao. Tss! Gusto ko pa naman sanang mapanaginipan si crush--- bigla akong natigilan sa aking paghakbang at muling napalingon sa dalawang babae.

Ngunit huli na dahil wala na ang mga ito at bigla na lamang naglaho na parang bula.

'Yung babae kasi kanina na sumigaw, parang pamilyar 'yung boses niya.

Ngunit agad din akong napailing. Imposible ang iniisip ko dahil paano makakarating si Ms. Author sa liblib na lugar na ganito?

Right?

Sa tingin ko pa naman, siya 'yung tipo ng babaeng hindi mabubuhay sa ganitong lugar. Hindi talaga!

Hays! Nababaliw na nga yata ako sa kakaisip sa kanya.

Miss na miss ko na siya!

Dalawang buwan ko na yata siyang hindi napapadalhan ng messages.

Sigurado akong namimiss na ako no'n. Mayabang na sabi ko sa aking sarili.

Well, sino ba naman ang hindi makaka-miss sa presence ko?

At isa pa, inaamin kong bukod sa crush ko siya, eh mahal ko na rin yata si Ms. Author! Yes, I'm in love with Ms. Author! Ah basta. Ang number 1 goal ko, ay ang mapa-ibig siya.

Hayyyy! Kailan kaya ako makakaluwas ng bayan? Malungkot na tanong ko sa aking sarili habang naglalakad na pauwi ng bahay.