Chapter 6 - 06

"Ho? Hindi naman ho yata pwede 'yan. Dalawang buwan palang naman akong hindi nagbabayad ng renta, bakit kailangan niyo akong palayasin kaagad? Sinabi ko naman ho na magbabayad ako, 'di ba?"

"Aba, aba. Ikaw na nga 'tong may utang, ikaw pa 'tong matapang at akala mo kung sino." Muntik na akong mapasigaw nang batuhin ako ni Aling Lena, ang may-ari ng 'apartment' na tinutuluyan ko ng babasaging mug. Mabuti na lamang at nakaiwas ako dahil kung hindi, siguradong pati ako, mapupunta sa hospital kasama ni Thirdy.

Malakas akong bumuntong hininga at taas noong nag-angat ng tingin sa kaniya. "Hindi ako aalis dito. Magbabayad naman ako---"

"Oh, e 'di akin na." Inilahad niya ang palad sa harap ko kaya't ilang beses akong napakurap. "Akin na ang bayad nang hindi kita mapalayas dito. Aba, tao lang din ako na nangangailangan ng pera tulad mo, Lyana. Kung hindi ka naman magbabayad ng renta, mabuti pang umalis kana rito at nang mapakinabangan ko naman ang bahay na 'yan."

"Magbabayad ho ako—"

"Akin na nga," mariin na pagputol niya sa sasabihin ko. Hindi ko naman mapigilang mapaismid nang mas lalo niyang ilapit ang kaniyang palad sa akin na animo'y sabik na sabik sa pera.

Sa halip na magbayad, iwinaksi ko ang kamay niya at nilampasan siya. "Aba't! Hoy, Lyana, bumalik ka rito! Punyetang 'to, hindi naman nagbabayad, ang kapal ng mukha!" sigaw niya ngunit hindi ko siya pinakinggan at sa halip ay dire-diretsong pumasok sa loob ng 'bahay'.

Walang emosyon kong inayos ang gamit ko at inilagay sa luma kong bag. Padabog kong inisa-isa ang mga bagay na pagmamay-ari ko at inilagay iyon sa hawak kong malaking bag. Nang masiguradong nakuha ko na ang lahat ng akin ay saka ko ipinalibot ang aking tingin sa kabuuan ng apartment na iyon.

Umismid ako at umirap nang makitang may dalawang ipis pa yatang gustong sumama sa akin. Padabog akong lumabas at isinara ang pinto.

"Oh, aalis ka rin naman pala, nagmamatigas ka pa."

Nag-angat ako ng tingin sa gawi ni Aling Lena at inismiran siya. Mas lalo pang sumama ang mood ko nang makitang marami na ring nakapaligid sa aming mga kapitbahay na nakiki-chismis. Chismis-chismis pa, baka mamaya, palayasin na rin sila.

"Nakakahiya naman ho kasi sa mabaho niyong 'apartment' na hindi naman mukhang apartment. Kung makapaningil kayo riyan, akala niyo naman, palasyo 'yang bahay niyo. Pamahal nang pamahal ang renta, akala niyo naman humihingi ako sa inyo ng pera," inis na sambit ko at isinukbit sa aking likuran ang dala kong bag kanina.

"Aba't! Ikaw na nga ang nakaperwisyo, ikaw pa ang mataray. Letseng bata 'to—"

"Aling Lena, ikaw ang nagpumilit sa aking tumira riyan noon dahil walang may gustong tumira riyan sa bahay-bahayan niyo. Dapat nga magpasalamat pa kayo dahil pinagtiisan kong tumira riyan, e. Oh ngayon, tingnan lang natin kung may uupa pa riyan bukod sa akin," mataray na pagputol ko sa sasabihin niya bago ako tumalikod at taas noong naglakad palayo sa kanila.

Narinig ko pa ang mga reklamo niya at ilang chismisan ng mga kapitbahay pero hindi ko na sila pinansin pa. Nang makalayo ay saka ako malakas na bumuntong hininga.

Letse. Ano bang mayroon sa araw na ito at nagpaulan yata ng kamalasan tapos ako ang nakasalo ng lahat?

Una, hindi ako natanggap sa trabaho. Pangalawa, naaksidente si Thirdy at sa pribadong hospital nadala kaya wala kaming pambayad. Pangatlo, tinakbuhan kami ng nakabangga kay Thirdy. At pang-apat, napalayas pa ako sa bahay.

Letse, ang malas!

Kinapa ko ang bulsa ko para siguruhin na naroon pa rin ang pera na inutang ko kay Jasrylle kanina. Dumaan muna ako roon sa bahay niya kanina bago ako umuwi kaya't nakapangutang pa ako sa kaniya. Mabuti na lamang at may extra siyang pera kahit papaano. Pinautang niya ako ng apat na libo na galing sa pinagtrabahuhan niya kagabi.

Hindi pa sapat ang apat na libo na inutang ko kay Jasrylle at ang dalawang libong galing kay Tiyang para pambayad sa hospital. Idagdag pang napalayas din ako kaya't wala akong matutuluyan. Hindi naman ako maaaring makituloy doon kina Tiyang dahil sobrang laki na ng abalang naibibigay namin ni Thirdy sa kaniya. Sigurado rin akong mag-aaway sila ng asawa niya mamaya dahil ibinigay niya sa akin ang benta nila kanina bilang pandagdag bayad.

Inalis ko mula sa pagkakasukbit ang bag na dala ko at kinuha mula roon ang keypad na telepono ko. Kinagat ko ang aking ibabang labi habang kinokopya ang numerong ibinigay sa akin ni Doctora Vallero kanina. Mabuti na lamang at binigyan niya ako niyon dahil kung hindi, baka mawalan na talaga ako ng pag-asa.

Nanginginig man ang aking mga daliri sa kaba at sinubukan ko pa ring i-dial ang numero niya. Niloadan ako kanina ni Jasrylle bago niya ako sinamahan sa bar dahil baka mawala raw ako roon at para matawagan ko siya kung sakaling may masamang mangyari habang nasa bar kami.

Mabilis ang tibok ng puso ko habang hinihintay na sagutin ni Doctora Vallero ang telepono. Mukhang abala siya kaya't nakadalawang tawag pa ako bago niya sinagot ang tawag.

"Hello, sino 'to?"

Dahil sa kaba ay napalunok ako nang marinig ang boses niya mula sa kabilang linya. Humugot muna ako ng malalim na buntong hininga bago ako tuluyang nagsalita. "Doctora Vallero?"

"Yes? Sino 'to?" tanong niyang muli.

"S-Si Lyana 'to."

Ilang segundo siyang natahimik sa kabilang linya kaya't mas lalo pa akong sinalakay ng labis na kaba. "L-Lyana? Bakit napatawag ka? May problema ba?" tanong niya matapos ang mahabang katahimikan sa pagitan naming dalawa.

Muli akong napalunok dahil sa kaba. "'Yong offer mo kanina… w-wala pa namang ibang nakakatanggap niyon, hindi ba?"

"H-Ha? Offer?" Muli siyang natahimik kaya't kinagat ko ang aking ibabang labi upang maikalma ang aking sarili. "O-Oh, that. Oo naman, valid pa rin ang offer kong iyon. W-Why? Napag-isipan mo na ba?"

"Oo."

"R-Really?! Pumapayag ka na ba?"

Hindi ako kaagad nakasagot at sa halip ay marahas na bumuntong hininga. Nagbaba ako ng tingin at mas lalong hinigpitan ang hawak sa strap ng bag na nakasukbit sa aking balikat. "Puwede ba tayong magkita bukas? Gusto ko sanang mas pag-usapan pa nang mabuti ang tungkol doon."

"A-Are you sure?"

"Hindi pa ako nakakapagdesisyon pero baka… malay natin, magbago ang desisyon ko at pumayag ako sa offer mo," mahinang sagot ko sa kaniya.

Narinig ko ang malakas na pagbuntong hininga niya sa kabilang linya kaya't nagbaba ako ng tingin. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa utak niya kaya't hindi ko mapigilang mas lalong kabahan. Wala akong kahit na anong ideya sa trabahong inaalok niya pero kasi wala na akong ibang mahahanapan ng trabaho—trabahong mabilis akong makakakuha ng pera tulad ng sinasabi niya.

Isa pa, sabi niya ay mayaman ang pinsan niya. Kung sakali man na maisipan kong tanggapin ang alok niyang trabaho bilang surrogate mother, sigurado akong mabibigyan ko ng magandang buhay si Thirdy at hindi na rin ako maghihirap pa sa pagkarami-raming trabaho magkapera lamang.

Saka isang beses lang naman….

"A-All right. Kailan ka ba free? I can go there anytime that you want. Just tell me and I'll meet you," sambit niya.

'

"Bukas. Puwede bukas?"

"Oo naman! J-Just tell me where. Ako na ang bahala sa lahat-lahat."

Tila nakahinga ako nang maluwag nang marinig ang sinabi niya. Akala ko ay mahihirapan akong kumbinsihan siya lalo pa't tinanggihan ko siya kanina—pero mukha namang desperada siyang tanggapin ko ang alok niya.

Nagpaalam ako sa kaniya bago ko pinatay ang tawag. Sakto namang may dumaang jeep kaya't agad ko iyong pinara. Mahirap na dahil baka magising kaagad si Thirdy nang wala ako roon.

"Makikisuyo ho ng bayad," sambit ko at iniabot ang bayad ko sa jeep. Nang matanggap iyon ng driver ay saka kao nakaayos ng upo.

Kinagat ko ang aking ibabang labi habang iniisip ang alok ni Doctora Vallero. Saglit iyong nawala sa isip ko dahil sa nangyari kay Thirdy kanina ngunit dahil sa lalaking nabangga ko kanina sa hospital, saka muling pumasok sa isip ko ang alok na iyon.

Kinakabahan ako dahil baka ikapahamak ko ang gagawin ko. Isa pa, hindi ako pamilyar sa bagay at prosesong iyon. Kanina ko nga lamang nalaman na puwede pala iyon, e. Iba talaga ang mayayaman. Natatakot akong mapahamak pero naisip ko na ang dami ko nang pinagdaanan sa buhay at nalagpasan ko iyon lahat. Baka naman malampasan ko rin ito ngayon tulad nang dati…

Humugot ako ng malalim na buntong hininga habang iniisip ang mga posibilidad na maaaring mangyari kung sakali mang pumayag ako. Kung tutuusin, hindi ko maisip kung bakit ako ang inalok ni Doctora Vallero nang ganoon. Bakit hindi nalang sila humanap ng surrogate sa ibang bansa at dalhin dito sa PIipinas? May agency sila para sa mga surrogate pero bakit kailangan pa nilang mag-recruit ng baguhan at walang alam sa bagay na ito tulad ko?

Nakakapagtaka pero gaya nga ng sinabi niya kanina, baka nga kinakailangan lamang nilang mag-ingat dahil nakabantay sa kanila ang pamilya ng mag-asawang iyon. Napalabi ako. Ilang taon na kaya ang mag-asawang iyon at hindi man lamang sila makabuo? Saka gagastos pa sila ng napakalaking halaga para lang magkaaanak samantalang iyong iba, wala namang plano pero nagkakaroon.

Ang suwerte siguro ng magiging anak ng mag-asawang iyon.

Hindi ko mapigilang mainggit. Kung sana lang ay mayaman din ako, baka nailigtas ko ang anak ko noon…

Malakas akong napabuntong hininga at marahang napailing. Bahala na nga. Ang mahalaga, magkaroon ako ng pera para mailabas si Thirdy sa hospital at makabili ng gamot na pang-maintenance niya. Isa pa, kailangan ko rin ng pera para may matuluyan kaming bahay kung sakali mang makalabas na si Thirdy sa hospital.

Kung minamalas nga naman kasi ako, oh. Makakalabas nga si Thirdy sa hospital, mukhang sa labas din naman kami tutulog. Nag-angat ako ng tingin upang tingnan kung nasaan na ako. Agad namang nanlaki ang aking mga mata nang makitang nakalampas na pala akkok sa hospital.

"Para ho!" natatarantang sigaw ko.

Dahil sa biglaan kong pagsigaw ay agad na pumreno ang jeep at muntik na akong tumalsik sa unahan. Mahina akong napamura bago humingi ng paumanhin sa ibang pasahero. Dali-dali naman akong bumaba ng jeep at patakbong nagtungo sa daan pabalik sa hospital.

"Malas talaga," mahinang bulong ko sa sarili habang tumatakbo.

Pinagpagan ko ang aking damit at inayos ang aking buhok nang makarating na ako sa tapat ng hospital. Nakakahiya naman sa iba pang pasyente kung makikita nilang ganito ang itsura ko, ano. Baka mamaya, palabasin pa kami sa hospital.

Nang masigurong kahit papaano ay mukha na akong presentable, saka ako naglakad papasok sa loob ng hospital. Tulad kanina, kinagat ko ang aking ibabang labi dahil sa mga nakakasalubong kong tao. Nakaka-intimidate sila kaya't pinanatili kong tikom ang aking bibig at mas binilisan pa ang paglalakad patungo sa silid kung saan naroon si Thirdy.

Nasa third floor ang kuwarto ni Thirdy kaya't sasakay sana ako sa elevator ngunit nang makitang puro mukhang kagalang-galang ang tao sa loob ay agad akong umatras at nagtungo na lamang sa hagdan. Pagod na ako sa paglalakad pero ano pa bang magagawa ko? Alam ko namang tataasan lamang ako ng kilay ng mga taong nakasakay sa elevator dahil sa suot ko.

Para sa akin, mas mabuti nang mapagod kaysa mapahiya, ano. Ma-pride na kung ma-pride.

Mabagal akong naglalakad sa hagdan ngunit napatigil ako nang may makasalubong na pamilyar na mukha. Hindi tulad ko na papunta sa taas ay naglalakad naman siya pababa. Napalunok ako nang saglit na magtagpo ang aming mga mata ngunit agad din akong nag-iwas ng tingin nang maalala ang sinabi niya kanina sa kausap sa telepono.

May asawa na nga pala siya. Sayang, mukha pa namang bata.

Bahagyang nanlaki ang aking mga mata dahil sa kalokohang naisip ko kaya't nagbaba ako ng tingin at dali-daling naglakad upang lampasan siya. Mukha namang wala siyang pakialam sa akin at mukhang hindi ako namumukhaan dahil nagpatuloy na rin siya sa paglalakad pababa ng hagdan.

Malakas akong nagpakawala ng buntong hininga at sa halip ay nagpatuloy na lamang sa paglalakad patungo sa silid kung nasaan ang kapatid ko. Sakto namang pagdating ko sa third floor ay agad na bumungad sa akin si Tiyang na may kausap sa telepono.

"Tiyang!" tawag ko at patakbong lumapit sa kinatatayuan niya.

Nag-angat siya ng tingin sa akin at itinago ang telepono sa bulsa. "Ano? May nahanap ka na bang pera? Nakautang ako ng tatlong libo sa kaibigan ko sa palengke—"

"Huwag kayong mag-alala, Tiyang," pagputol ko sa sasabihin niya bago ako tipid na ngumiti. "May pambayad na po tayo sa hospital. Magkakaroon na ako ng bagong trabaho bukas."