"Sinasabi mo bang dito na kami titira ni Thirdy?" Hindi makapaniwalang tanong ko kay Doctora Vallero nang mag-angat ako ng tingin sa kaniya.
Hindi pa man siya nakakasagot ay agad ko nang inilibot ang aking paningin sa loob ng bahay at manghang umawang ang aking mga labi sa laki nito. Sa buong buhay ko ay ngayon lamang ako nakatuntong sa ganitong klaseng bahay kaya't para akong nananaginip dahil sa labis na saya.
Mahinang tumawa si Doctora Vallero. "Nagustuhan mo ba? Hindi 'to kasing-laki ng bahay na dapat ay tutuluyan natin sa ibang bansa dahil nasa probinsiya tayo kaya't nahirapan ako sa paghahanap ng maganda at kumportableng bahay dito. Ayos na ba?" tanong niya.
"Siyempre naman!" Mabilis na sagot ko at sunod-sunod na tumango bilang sagot sa kaniya. Agad ko namang ibinaling ang aking tingin sa gawi ni Thirdy. Naka-wheelchair pa rin siya dahil sa sugat na natamo sa aksidente ngunit bakas din sa kaniyang mukha ang pagkamangha sa bahay.
"Nagustuhan mo ba, Thirdy?"
Bahagyang nag-angat ng tingin sa akin si Thirdy at dahan-dahang tumango. Dahil sa sakit niya sa pag-iisip ay mahina lamang ang nalabas na tinig sa kaniyang bibig at halos hindi na siya makapagsalita ngunit kita ko pa rin sa kaniyang mga mata ang tuwa dahil sa bago naming bahay.
"Nakausap ko na ang pinsan ko at sabi niya sa akin, kapag naging maayos ang pagbubuntis mo ay puwede nang sa 'yo itong bahay."
Nanlalaki ang aking mga matang nag-angat ng tingin kay Doctora Vallero dahil sa sinabi niya. "H-Ha? Pero wala naman sa kontrata na sa akin mapupunta itong bahay…"
"Don't worry. Pinsan ko mismo ang nagsabi na sa 'yo mapupunta ang bahay. Dapat nga ay iyong bahay sa ibang bansa ang mapupunta sa 'yo kaso gusto mo namang dito na rin lamang magbuntis sa Pilipinas kaya ito na lamang," nakangiting tugon niya.
Dahil sa gulat at dahil hindi ako makapaniwala ay wala sa sariling umawang ang aking mga labi ngunit agad ko rin naman iyong tinakpan gamit ang aking palad. "T-Totoo ba? M-May matitirahan na kami ni Thirdy?"
"Nabalitaan ko kasi na pinalayas ka na pala roon sa apartment na tinutuluyan mo dati kaya heto, naisipan kong sabihin sa pinsan ko ang tungkol sa pagbibigay sa 'yo ng bahay kasama ng perang ibabayad nila sa 'yo. Fortunately, he immediately agreed… basta pumayag ka lang sa lahat at maging maayos ang pagbubuntis mo sa anak nila."
Agad akong tumango at malapad na ngumiti sa kaniya. "Maraming salamat talaga. H-Hindi ko alam kung paano ako makakabawi…"
"Just take care of yourself while you're pregnant. That's enough for us," sambit niya at tipid na ngumiti sa akin.
Matapos ang usapan namin ni Doctora Vallero ay inaya na niya kami sa kuwarto. May apat na kuwarto sa bahay kaya't hindi ko mapigilang magtaka dahil tatlo lang naman kaming titira rito.
"M-May sariling kuwarto si Thirdy?" Naluluhang tanong ko kay Doctora Vallero.
"Oo naman. Bakit naman hindi siya magkaka-mayroon? Talagang naghanap ako ng bahay na may apat na kuwarto. Lima nga sana pero hindi ko nagustuhan 'yong isa dahil kailangan pang i-renovate. You know, masiyadong magtatagal kapag ni-renovate pa ang bahay."
Inilibot kong muli ang aking paningin sa kabuuan ng kuwarto ni Thirdy. Noon kasi sa apartment ay nagtitiis kami sa masikip kong kama o kaya naman ay sa baba ako natutulog para makatulog si Thirdy sa kama ko. Masiyado kasing maliit ang apartment kaya't hindi makakapaglagay ng isa pang kama… at wala rin naman akong pang-lagay dahil mahal ang kutson.
"Thirdy, rinig mo 'yon? May kuwarto ka na," tuwang-tuwang sambit ko habang tinatapik ang balikat niya.
"'Yong kuwarto naman sa tabi nito ay ang kuwarto mo. Then 'yong katapat ng kuwarto mo, kuwarto ko naman para mabilis mo akong matawag kung sakali mang may kailangan ka o kailangan mo ang tulong ko. Sa first floor naman, may maid's room doon. Darating ang maid dito sa isang linggo dahil baka may mga araw na kailangan kong bumalik sa Maynila."
Napatango ako matapos marinig ang paliwanag niya. Hindi ko alam na may bakante pa palang kuwarto roon sa baba. Pero kung nasa baba ang maid's room…
"Uh, paano naman 'yong kuwarto sa tapat nitong kuwarto ni Thirdy? Para kanino naman ang kuwartong iyon?"
Tipid na ngumiti sa akin si Doctora Vallero kaya't nagsalubong ang aking dalawang kilay. "Mamaya ko na sasabihin sa 'yo. Sa ngayon, magpahinga ka muna o kaya ay patulugin ang kapatid mo. Pagkatapos mong magpahinga, saka kita iche-check-up. We'll also do an ultra sound later to make sure that everything will be all right."
Sinagot ko siya ng marahang pagtango.. Na-ultrasound na niya ako noong pinirmahan ko ang kontrata para masiguro na puwede talaga akong magbuntis. Ayon naman sa kaniya ay 'perfect;' daw ang matris ko kaya't wala na akong dapat pang alalahanin. Nagbigay din siya ng kit ng dapat kong iturok sa may tiyan ko para raw maihanda ang katawan ko sa embryo transplant.
Dahil sanay na naman ako sa mga turok ay hindi na ako nasaktan at ayos na ayos lamang sa akin ang turukan ang sarili ko. Medyo nahirapan lang ako noong dalawa na ang kailangan kong iturok—isa para sa may bandang tiyan at isa para sa may puwit. Tinawagan ko pa si Doctora Vallero dahil sa sobrang sakit pero sinabihan niya ako na normal lamang na makaramdam ng sakit dahil unang beses na itinurok sa akin ang gamot na iyon at mas mahaba pa ang karayom keysa sa una kong itinuturok.
Naging madali lamang ang mga sumunod na araw pagkatapos niyon at tuluyan na ngang nasanay ang katawan ko sa mga itinuturok ko rito. Ang hindi lamang naging madali ay ang pagiging moody ko nitong nakakaraang araw na ayon kay Doctora Vallero ay positive sign nab aka puwede nang magkaroon ng embryo transplant at nang mabuntis na ako nang tuluyan sa wakas.
Inihiga ko si Thirdy sa kama at tumabi sa kaniya upang patulugin siya gaya ng utos ni Doctora Vallero. Hindi rin kasi makatulog si Thirdy kapag hindi ako katabi kaya't tumabi na ako sa kaniya at para na rin kahit papaano ay maipahinga ko ang aking katawan dahil sa mahabang biyahe kanina. Sadyang laking pasasalamat ko nalang talaga dahil hindi na naging makulit si Thirdy at mabilis na nakatulog sa tabi ko.
Sa halip na agad na pumunta sa kabilang silid ay nanatili muna ako sa kuwarto ni Thirdy upang mas makapagpahinga at makapag-isip-isip. Nabanggit sa akin ni Doctora Vallero na nakakuha na sila ng sperm cell at egg cell galing sa pinsan niya at sa asawa nito. Tanging ako nalang ang hinihintay at puwede na akong mabuntis.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na puwede pala ang bagay na iyon. Akala ko noon ay tanging pagse-sex lamang ang tanging paraan para mabuntis ang isang babae. Hindi ko alam na puwede rin palang kahit ganito…
Malakas akong nagpakawala ng buntong hininga habang iniisip na ilang araw o linggo na lamang ay maaari na akong magbuntis nang batang hindi naman sa akin. Hindi ko alam pero kumikirot pa rin ang puso ko habang iniisip na hindi ko naman anak ang ipagbubuntis ko ngayon.
Kinuha sa akin ng Maykapal ang anak ko noon tapos ngayon, magiging tulay naman ako para magkaroon ng anak ang mag-asawang hindi ko naman alam kung sino. Kinuha ang akin pero bibigyan ko ang iba.
Pinunasan ko ang luhang pumatak sa aking mga mata bago ako bumangon upang magtungo sa banyo. Naghilamos ako ng mukha upang hindi mapansin na galing ako sa pag-iyak dahil sigurado akong magtataka si Doctora Vallero kapag nalaman niyang umiyak ako.
Nang tuluyang maikalma ang aking sarili ay saka ko napagdesisyunan na lumabas na ng silid upang puntahan si Doctora Vallero. Pumunta ako sa silid niya ngunit wala siya roon kaya't nagtungo na lamang ako sa katapat ng silid ni Thirdy at ang silid na katabi naman ng kuwarto ni Doctora Vallero.
Kumatok ako at tama nga ang hinala ko na naroon si Doctora Vallero. "Pasok, Lyana," sambit ng boses niya sa loob.
Dahan-dahan kong pinihit ang seradura ng pinto bago tuluyang binuksan ang pinto. Agad namang umawang ang aking mga labi nang makita kung ano ang nasa loob ng silid.
"Welcome," nakangiting sabi ni Doctora Vallero na ngayon ay suot na ang doctor's robe niya.
Napalunok ako at inilibot ang aking mga mata sa loob ng silid na iyon. Hindi iyon kuwarto na maaari kang matulong kung hindi…
"This will be our clinic while we're here since we can't go out," dagdag na sambit niya kaya't muli akong sumulyap sa gawi niya.
"Totoo talagang ikaw ang bahala sa lahat?"
Marahan siyang tumango at tipid na ngumiti sa akin bilang tugon. Muli naman akong napalunok doon at hindi makapaniwalang tumingin sa kaniya. "So Ms. Dela Merced, are you ready to get pregnant?"
----