Chapter 9 - CONVINCE

Kauuwi pa lang ni Zachary sa kanilang mansyon. Ay, agad siyang sinalubong ng kanilang mayordoma na si Nana Cora.

"Puntahan mo muna ang Daddy mo at ipapaalala ko sa'yo, mainit ang ulo ng iyong ama." Sabay tapik nito sa kaniyang balikat.

Nakaramdam agad si Zachary ng kaba. Palagi ganito ang kaniyang nararamdaman sa tuwing pinapatawag siya ng kaniyang Daddy Calvin. Katulad nang bago siya umalis patungo sa Amanpulo. Kinausap siya nito na one-month na lang ikakasal na siya. Ni, hindi pa nga niya nakikita ng personal 'yong Samarra. Tapos naitakda na nila agad kung kailan at saan ang kasal.

Naiiling na kumatok siya sa study room kung saan nandoon ang kaniyang ama. Nang walang sumagot pinihit na niya ang seradura. Pagpasok niya pa lang tila napako siya sa kaniyang kinatatayuan. Pasimple siyang napalunok ng makita ang itsura ng kaniyang ama. Salubong ang kilay nito.

"Where have you been?" seryosong tanong ni Daddy Calvin sa kaniya.

"Ammph." Napalunok siya parang hindi na niya mahagilap ang kaniyang boses. Napapitlag siya ng pukpukin ng kaniyang ama ang lamesa at halos natumba ang swivel chair sa puwersa ng pagkakatayo nito.

"Answer me!"

"Dad, kauuwi lang namin galing sa Amanpulo," pangangatwiran niya.

"Don't try to fool me, young man."

Napalunok si Zachary sa sinabi ng kaniyang ama. Alam niya hindi niya ito malilinlang sa mga lame alibi niya.

"Hinatid ko pa po si Claudel."

Nakita niya na natigilan ang kaniyang ama at nangangalit ang panga tanda na nagpipigil ito ng galit.

"Dumating ang mapapangasawa mo pero inuna mo ang kalandian mo sa babae. Kung wala ang Kuya mo. Sino kaya ang sasalubong at magsusundo kay Samarra?"

Nakamata lang siya. Nang magsimula itong maglakad paroo't parito habang nakasapo sa ulo. Ramdam niya na nagpipigil lang ito ng galit sa kaniya. Nagpapasalamat pa rin siya dahil kahit anong galit ng kaniyang ama. Hindi nito nagagawang pagbuhatan siya ng kamay.

"Hindi ko na alam ang gagawin ko sa'yo. Sinabi ko na noon hiwalayan mo na 'yan. Anong plano mo?" Huminto ito sa kaniyang harapan. "Ang gawin kabit 'yang si Claudel?"

"Dad, bakit ba kasi, pinipilit mo ako sa isang kasunduan na hindi naman dapat."

"At ano ang dapat? Ang hayaan kitang magsisi sa huli 'pag iniwan ka na ng babae mo?"

"Dad, hindi pera ang habol ni Claudel kung 'yon ang ibig mong tukuyin. Mahal niya ako."

Napangisi ang kaniyang ama sa sinabi niya. Na, tila hindi ito naniniwala. Totoo naman at ramdam niya na hindi pera ang habol sa kaniya ni Claudel. Sa loob ng tatlong taon pinatunayan na nito kung gaano siya kamahal.

"How can you be sure that she really loves you?" pang-uuyam na tanong sa kaniya. Natigilan siya sa tanong ng kaniyang ama. Parang may ipinapahiwatig ito sa kaniya.

"Dad, kung ginagawa mo ito para siraan si Claudel 'wag-"

"Siraan?"

Napakunot-noo siya ng bigla itong tumawa nang malakas. Animo'y may nakakatawa sa kaniyang sinabi.

"What for? Kahit ano pa sabihin mo at gawin mo, ikakasal ka pa rin kay Samarra. Sa loob ng tatlong linggo." Anito at tinapik ang kaniyang balikat.

"Kung hindi mo pakakasalan si Sam, wala kang makukuha na mana. Tapos na rin ang pagiging magulang namin sa'yo. Pumayag kaming hindi mo masundo sa airport si Sam kanina, pero ngayon, hindi ako papayag, na hindi ka sumipot sa inihanda kong dinner para sa inyo. Sinasabi ko sayo. 'Wag mo akong umpisahan sa katigasan ng ulo mo, Zachary!" Lumingon ito sa kaniya at binigyan ng warning look bago ito tuluyang lumabas.

Nang hihina siya napaupo sa sofa at nahilot ang kaniyang sentido. Hindi na niya alam ang gagawin kung paano niya matatakasan ang kasunduan na ito. Kanina, pagkadating nila ng mga kaibigan niya galing Amanpulo ay inihatid na niya ang kaniyang girlfriend na si Claudel sa condo nito. At dumiretso siya sa opisina ng kaniyang Kuya Zeke para sana humingi ng tulong. Pero maski ito hindi siya pinakinggan. Ang masakit pa, antagal niyang naghintay tapos hindi naman niya nakausap ng matagal gawa ng may meeting ito kung saan. Isa na lang naiisip niyang paraan si Samarra. Kailangan niyang kumbinsihin ito na at mapapayag na 'wag nilang ituloy ang kasalan. Dapat si Samarra mismo ang umatras para hindi magalit ang kaniyang Daddy Calvin. Kailangan nilang magkasundo. For sure, napilitan lang din ito katulad niya. Baka katulad niya rin may karelasyon na rin ito. Tama! Baka kaya narito na si Samarra dahil kakausapin siya at kukumbinsihin na 'wag nilang ituloy ang sa kasal.

Nangingiting lumabas si Zachary sa study room at umakyat sa kaniyang silid. Hindi rin naman pala masama ang pagpunta ni Samarra sa kanila. Pagpasok niya pa lang ay agad niyang ibinagsak sa padapa ang katawan. Ngayon na lang niya naramdaman ang pagod. Ipinikit niya ang mata at hinayaan na lang niyang tangayin siya ng antok.

Naalimpungatan si Zachary bandang ala singko ng hapon. Matagal bago siya kumilos at naghanap ng maisusuot. Sa totoo lang tinatamad siyang umalis pero 'pag naiisip niyang si Samarra ang magiging susi ng kaniyang kalayaan, napipilitan siyang kumilos. Ilang damit at pants din ang kaniyang kinuha para pagpilian. Nang makahanap ng maisusuot ay agad siyang pumasok sa loob ng CR, para maligo.

"Tama ba na ipapakasal na natin agad sina Samarra at Zach?" malambing na tanong ni Lorraine sa kaniyang asawa na si Calvin.

Napangiti siya nang yakapin siya ng asawa at dinampi-dampian ng halik ang kaniyang leeg. Kabisado na niya ang asawa 'pag ganito kalambing sa kaniya. Sabagay matagal-tagal na rin silang walang practice.

"Mahal, kayo ni Samantha ang may usapan tungkol sa dalawang bata 'di ba? At sumang-ayon lang kami ni Frost sa kagustuhan niyo." Nilingon niya ang asawa na walang sawang kakahalik sa kaniyang leeg.

"At kayo ang nagpilit nito sa amin ni Frost, why? Gusto mo bang ipa-cancelled na natin ang kasal nila?"

Pigil ang kaniyang ngiti. "Oo nga, pero nakita mo naman ang reaksyon ng anak mo. Baka magkaroon pa tayo ng malaking problema kung sakaling pilitin natin siya. Baka ganoon din si Samarra baka ayaw niya rin magpakasal, baka napilitan lang 'yon dahil hindi niya kayang mag-protesta kanila Samantha. Knowing Samarra masyadong mabait at masunurin ang batang 'yon,"

"Hmmph." Busy kakalakbay ang kamay sa kaniyang katawan. Tila wala na itong naririnig sa mga sinasabi niya.

"Mahal, makikinig ka ba o wala ka mamaya?" pilyang tanong niya sa asawa para makuha ang atensyon nito.

Sinapo nito ang kaniyang mukha at binigyan siya ng isang mariin na halik sa labi.

"Mahal, hayaan na natin sila na umayos kung anong gagawin nila pagkatapos ng kasal. At isa pa, masuwerte ang anak mo kay Samarra. At for sure naman na kaya ni Samarra i-handle ang anak natin."

"Alam ko naman 'yon. Kaya nga gusto ko si Samarra, matalino at magan-." Naputol ang kaniyang sasabihin ng hagkan siya ulit ng kaniyang asawa. This time mapusok, maalab at mapaghanap ramdam niya ang kasabikan sa bawat halik ng asawa.

"Mahal, umakyat na kaya tayo sa itaas, malay mo masundan pa si Zachary," natatawang ani ni Calvin sa kaniya.

"Loko mo, anong sasabihin sa atin ng mga tao na sa loob ng eighteen years saka pa natin naisapan na sundan si Zachary." Aniya at kinurot ang tagiliran ni Calvin.

"O, malay mo naman. At isa pa tatanda ako ng maaga kay Zach. Sakit talaga sa ulo 'yang anak mo. Hindi marunong makinig,"

"Kanino ba magmamana 'yang anak mo. Eh, sa'yo lang naman," katwiran niya at masuyo niyang hinagkan ang labi ng asawa. Na gumanti naman at hinila pa siya paupo sa kandungan nito. Naputol ang kanilang ginagawa ng makarinig ng yabag papalapit sa kanilang kinaroroonan. Umayos sila at nagkunwaring nanonood ng movie.