Madilim, mapuno at umuulan. Madadama na madami ang nakapalibot sa amin na mga nilalang. Nanlilisik ang mga mata at nanggagalaiti ang mga ngipin. Nagmamasid ang mga ito habang naghihintay ng pagkakataon na sumalakay. Ito ang kauna-unahang eksena na aming nasaksihan sa mundong ito.
Agad kaming tumakbo palabas ng gubat kasama ang aking mga kaibigan na sina Jas Martinez, Dane Santiago, Nads Vivar, Mercury Manuel at Set Saja.
Marahil kayo ay nagtataka kung nasaan kami at kung bakit kami napunta sa ganitong sitwasyon. Kaming magkakaibigan ay napadpad sa mundo kung saan wala kaming kaalam-alam sa pamumuhay at sistema ng mga naninirahan dito. Pero bago ang lahat, isisiwalat ko muna ang mga tunay na nangyare.
Hi, I'm Mac Salas isang high school student. Normal naman ang naging buhay ko, masaya dahil madami akong naging kaibigan. Ngunit may isang bagay na pakiramdam ko ay kulang. May isang bagay na hanggang ngayon ay hindi ko alam, ngunit lagi ko 'tong hinahanap.
Araw ng biyernes, habang ako ay nasa paaralan.
"Dre bakit ka nakatulala diyan sa tapat ng hagdan, tara na sumunod na tayo kila Kurt nandoon na sila sa canteen. Bahala ka baka tapos na sila kumain niyan pagdating natin," sambit ni Set na may halong pagtataka sa ikinikolos ko.
Nang mga sandaling ito, isang kakatwang bagay sa pader ang aking nakita. Pero sa mga oras na iyon, hindi ko alam na iyon pala ang magpapabago ng takbo ng buhay ko pati narin ng aking mga kaibigan.
Ilang oras bago ko ito makita, kasalukuyan kaming nagkaklase sa science, nag-aya si Set na sabay-sabay na kaming pumunta mamaya sa canteen.
"Mac sabay na tayo pumunta mamaya sa canteen. Hintayin mo ko may aayusin lang ako."
Tinanguan ko siya. "Sige dre."
Pagsapit ng break time, tumungo na kami ni Set sa canteen. Ngunit habang naglalakad sa hagdan, ako'y may nakitang tila itim na tela sa pader. Sa laki nito, nakakapagtakang hindi ito napupuna ng mga nagsisidaan.
Dahil sa pagtataka, tinanong ko si Set,
"Dre bakit kaya may tela dito? Halloween na ba? Hindi ba September palang? Sino kaya naglagay nito dito?"
Naguguluhang sumagot si Set,
"Huh? Anong tela? Ano bang pinagsasabi mo dre? Okay ka lang ba?"
Pilit kong sinasabi sa kaniya na may tela talaga sa pader. Pero lagi niyang itinatanggi na nakikita nya ito. Subalit sigurado ako sa aking nakikita.
Hindi na kinaya ng pasensya ni Set kaya naman nauna na syang umalis at pumunta sa Canteen. Nanatili ako doon at saktong papadaan si Mercury.
Hinarang ko siya at tinanong kung nakikita niya rin ba ang itim na tela sa pader.
"Mercury teka may tatanong lang ako sayo. Kanina kasi kasama ko si Set tapos tinatanong ko sya kung nakikita nya ba 'tong itim na tela sa pader. Bakit sinasabi nya na hindi nya nakikita eh ang laki-laki nga ng tela."
Napakulot ang noo nito dahil sa pagtataka,
"Loko dre tigil mo, anong tela? Wala namang nandiyaan sa pader eh. Nantitrip ka na naman ne? Bala ka nga diyan aalis na ko hinahanap pa ko ni sir Legaspi."
Agad umalis si Mercury habang naiwan ulit ako dahil puno parin ng katanungan ang aking isipan. Siguro nababaliw na ako. Pero dahil sa sobrang kuryosidad, sinubukan kong hawakan ang tela. Binuksan ko ito at laking gulat ko dahil tila ba may malaking espasyo sa loob. May nakita akong butas na kasing laki ng tela. Sinubukan kong ipasok ang kamay ko.
"Wtf! Ano nangyare bakit tumagos kamay ko dito?"
Natatakot man, hindi padin ako tumakbo at sa halip ay pinagmasdan ko pa itong maigi. Sa hindi inaasahan, isang malakas na pwersa ang humatak sa buo kong katawan. Nawalan kaagad ako ng malay.
Nang mga sandaling ito, hindi ko pa alam kung saan ako napunta. Bago ako tuluyang mawalan ng malay, isang tila karayom ang pumasok sa aking ulo. Nagdulot ito ng matinding sakit. Maraming impormasyon ang bigla na lang pumasok sa aking isipan.
Sa dami nito, hindi ko na matandaan lahat ng detalye. Pero ang mga impormasyon na ito ay patungkol sa mundo ng Aragona. Isang mundo na binubuo lamang ng isang malaking kontinente. Tinatawag nila itong Asarta. Madaming bansa ang matatagpuan dito. Pwede itong maihalintulad sa ating mundo, ngunit dito ang mahika ay matatagpuan kahit saan. Ang mga tao ay nagtataglay nito. Pero hindi lahat ay may kakayahang gamitin ito.
Lumipas ang ilang oras ay nagising na ako. Pagkamulat na pagkamulat ng aking mga mata ay nanlaki ito sa nakita. Isang magandang babae ang nasa aking harapan. Hindi maitatanggi ang kagandahan nito dahil sa kaniyang mahaba at maitim na buhok. Sinabayan pa ito ng kaniyang maamong mukha. Maraming lalaking nakapalibot sa kaniya. Nakabalot ang kanilang mga katawan sa puting tela. Magsasalita pa lang ako ng biglang nagsalita ang babae.
"Alam ko madami kang katanungan, subali't wala akong sapat na oras para sagutin lahat iyan. Sa ngayon ay makinig ka muna sa aking mga sasabihin. Ako si Anna, Diyos na nagbibigay ng biyaya ng mundong ito."
Habang nagsasalita ang babae, gulong-gulo ang isipan ko sa mga nangyayare. Sa isip-isip ko,
"Diyos? Teka ito na ba yung sinasabi nilang reincarnation? Adik ako sa anime pero ni minsan di ko inakala na mangyayare talaga to. Woah, pero di narin masama sino ba naman may ayaw na mareincarnate tapos magkaroon ng super powers diba haha."
Nagpatuloy sa pagsasalita ang Diyosa na si Anna.
"Binigyan kita ng talent at kalakasan sa paggamit ng mahika. Magagamit mo ito sa oras nang kapahamakan."
Habang nakikinig, napagtanto ko na sobrang delikado pala ng nais ipagawa sa akin ng Diyosa.
"Dinala kita sa mundong ito upang magmasid sa kilos ni Luosito, Diyos ng digmaan. Nagkaroon sila ng alitan ni Carlos ang Diyos ng puting mahika kaya nadadamay pati ang buhay ng mga nilalang sa mundong ito. Nais kong tulungan mo ako na pigilan si Luosito. Ang mga tao sa mundo mo ay may makabagong teknolohiya kaya naman hindi nakapagtataka na matataas ang intelkuwal ng mga taong naninirahan doon. Kaya nais kong gamitin ang iyong mga kaalaman at maging isa sa aking mandirigma. Ang ginawa kong pagpili ay may isa lang na basehan, gamit ang aking kapangyarihan ay hinanap ko ang tao na may pinakamataas na potensyal pagdating sa mahika at ikaw ang aking nakita."
Dahil sa pagpapaliwanag ng Diyosa, nabigyan na ng linaw ang ilan sa aking mga katanungan. Bago matapos ang aming pag-uusap, sinasabi sa akin ng Diyosa na pwede akong humiling. At kapag nagawa ko ang misyon na ibinigay nya sa akin ay bibigyan nya ulit ako ng isa pang pagkakataon na humiling.
Napahawak ako sa ulo habang nag-iisip ng malalim.
"Ano nga ba dapat kong hilingin?"
Kailangan kong mag-isip ng maayos dahil maaring masayang ang pagkakataon na ito.
Marahil karamihan ng tao ay hihiling ng kayamanan, ngunit hindi ko habol ang materyal na bagay. Ayaw ko din naman humiling ng walang hanggang buhay dahil nakalulungkot kung ako ay buhay pa habang ang mga kaibigan ko ay wala na. Isang bagay lang naman ang ninanais ko at ito ay ang makasama ko ang aking mga kaibigan sa bawat problema.