Chereads / Lost in the world named Aragona / Chapter 4 - CHAPTER 4: PANGAKO

Chapter 4 - CHAPTER 4: PANGAKO

Dumating kami sa panuluyan bandang alas-nuwebe ng gabi. Bago pumasok, nagpakilala sa amin ang lalaki.

"Tawagin nyo nalang akong Serio, ito yung tinutukoy ko na panuluyan na pagmamay-ari namin ng asawa ko. Mamaya pagpasok nyo baka makita nyo sya loob, kausapin nyo na lang siya kung may kailangan kayo."

Sa hindi maipaliwanag na kadahilan, parang hindi mapakali si Mang Serio. Kanina pa sya tingin ng tingin sa paligid na para bang may iniiwasan. Siya ay nagpa-alam muna sa amin at nagwika,

"Oh sya, mauna na kayong pumasok sa loob at doon ako dadaan sa likuran," kinakabahang sabi nito.

Hindi pa nakakalakad ay biglang bumukas ang pinto. Isang babae ang lumabas. Nakangiti ito ngunit nanggagalaiti ang mga mata. Pagalit itong sumigaw ng malakas,

"Seriooooo!!! Anong oras na bakit ngayon ka lang dumating huh?! Siguro nambababae ka na noh?"

Nawala ang aming pangamba at pagtataka sa ikinikilos ni Mang Serio dahil sa aming nasaksihan. Palihim kaming napangiti habang tinatakpan ang aming mga bibig. Ito pala ay ang kaniyang asawa na si Aling Marita, 32 taong gulang. Matanda lang ng 4 na taon si Mang Serio sa kaniyang asawa.

"Hindi ako nambababae Marita. Alam mo naman na ikaw lang ang babaeng iniibig ko. Nag-aya kasing mag-inom si Ricardo kaya ngayon lang ako nakauwi. Pero hindi kita ipagpapalit kanino man pangako," pambobolang sabi ni Mang Serio sa asawa.

Nagpatuloy ng ilang minuto ang kanilang nakakatuwang pagtatalo at habang nanonood sa mag-asawa, panandalian kaming nakaramdam ng kaginhawaan dahil sa tuwa. Sa kabila ng mga nangyari, kahit papaano ay nabawasan ang bigat na aming nararamdaman.

Mainit ang naging pagtanggap sa amin ni Aling Marita. Pagkapasok sa loob ay umupo agad kami sa bakanteng upuan. Naghanda ng pagkain si Aling Marita habang si Mang Serio ay umupo sa aming tabi at nakipag-usap.

"Pasensya na sa asawa ko ganyan lang talaga yan. Masyadong pranka."

"Ayos lang po iyon Mang Serio. Siya nga po pala, mabalik po ako sa usapan natin kanina."

Inilapit nito ang kaniyang ulo na para bang may nais ibulong sa akin. Inilapit ko rin ang aking tenga upang marinig ito. Agad itong nagsalita,

"Huwag kayong masyadong magpahalata na bago pa lang kayo rito sa Siana. Kapag nalaman nila na hindi kayo tiga rito, maari nila kayong pagsamantalahan. At tatandaan niyo, hindi palaging libre ang mga impormasyon dito. Pero dahil mukhang hindi naman kayo masasamang tao, ibibigay ko na lang ito ng libre."

Napanatag ang aming kalooban dahil sa kabaitang ipinapakita sa amin ni Mang Serio. Sinimulan na nyang magkwento,

"Nakapaloob sa bansang Leonardo ang Siana. Makikita ito sa bandang kanluran ng mapa at malapit din ito sa dagat. Hindi man sobrang maunlad, pero madami ang nagpupunta dito dahil madalas itong maging daanan ng mga kalakal na galing sa ibang bayan. Ang mga namumunong pamilya dito ay isa sa mga nananampalataya sa Diyos na si Seraphil, diyos ng karagatan. Karamihan sa mga pamilya na ito ay nakatira sa kapitolyo. Sila ang inasahang maging pinuno ng bansang ito dahil sa husay nila sa paggamit ng mahika. Siguro narinig nyo na rin ang kumakalat na balita tungkol sa Diyos na si Lousito. Madami kasi ang nagsasabi na sumapi ang Diyos na si Lousito kay Lusiper, diyos ng kamatayan. Kaya sa ngayon, madaming mga halimaw at iba pang mga nilalang ang nagsisilabasan. Huwag kayong masyadong lalapit sa gubat kung ayaw nyong malagay sa panganib."

Sa kalagitnaan ng aming usapan, biglang dumating si Aling Marita na may dala-dalang pagkain. Agad nya itong inilapag sa mesa. Nagulat kami dahil hindi naman kami umorder ng pagkain. Wala rin kasi kaming perang dala.

"Teka lang po Aling Marita. Wala po kaming pera na ipangbabayad sa mga pagkain na 'yan," pag-aalalang sabi ni Mercury.

Nginitian lang kami ni Aling Marita at nagpatuloy pa rin sa pagdadala ng pagkain.

"Huwag kayong mag-alala iho. Bayaran nyo nalang ako kapag nagkaroon na kayo ng pera. Sa ngayon ay kumain na muna kayo. Bukas nyo nalang alalahanin kung paano kayo makakapagbayad sa pagtuloy nyo rito."

Lubos kaming nagpapasalamat sa kabaitan ng mag-asawa. Bagama't ngayon pa lang nila kami nakilala, tila tiwala na sila kaagad sa amin. Nangako kami na gagawa ng paraan upang agad na mabayaran ang aming mga utang.

Matapos magkwento ni Mang Serio, sinamahan kami nito papunta sa aming tutulugang kwarto. Makaluma din ang mga gamit sa loob. Malaki ang kwarto at may tatlong kama kaya naman kumuha kami ng dalawa. At syempre, nasa kabilang kwarto ang mga babae.

Simula pa lang ng pagdating namin sa mundong ito ay hindi na gaanong nagsasalita sila Jas. Hindi ko alam kung bunga ito ng takot at gulat sa mga pangyayari kaya naman kumatok ako sa kanilang pintuan. Kinausap ko sila ng masinsinan at sinabi ko sa kanila ang lahat.

"Nasa school ako no'n tapos may nakita ako sa hagdan na tela. May butas sa likod hindi ko na maalala lahat ng nangyari basta pagkagising ko may babaeng kumausap sa akin. Sabi nya Diyosa daw sya na nagngangalang Anna. Kailangan nya daw ako para tulungan siyang pigilan ang Diyos na si Lousito. Pumayag naman ako kaagad dahil alam nyo naman ako mahilig ako sa fantasy anime kaya ako mismo matagal ko ng pangarap makapunta sa ibang mundo. Sabi pa nya, pwede raw ako magwish ng kahit ano. Akala ko magiging masaya ako kapag kasama ko kayo rito, kaya nagwish ako na kukumbinsihin ko kayong sumama pero kapag gusto nyo ng bumalik sa atin, ibabalik nya kayo. Kaso hindi ko alam pero bigla niya na lang sinabi na isa na rin daw kayo sa mga napili nya na tutulong sa kanya. May nabanggit siya na may mataas daw tayong potensyal sa paggamit ng mahika."

Tahimik lang na nakikinig sa akin sila Jas dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makapaniwala sa mga nangyayari. Iniisip nila na panaganip lang ang lahat ng ito.

"Sorry kung nadamay kayo, naging kampante ako no'ng una dahil akala ko pwede kayo bumalik sa atin anytime."

Nadidismaya man ako sa mga nangyayari, hindi ko pa rin magawang magalit sa Diyosa dahil ayaw ko namang magtanim ng sama ng loob. Hindi rin kasi ako sigurado sa mga nangyayari.

Ramdam ko na naiinis pa rin sa akin si Nads. Kaya naman hindi ako nagtaka sa biglaan niyang ikinilos. Lumapit siya sa pinto at tinangkang lumabas.

"Argh. Ano ba 'tong mga nangyayari sa atin. Ayaw ko ng madagdagan pa mga problema ko sobrang dami ko nang iniisip. Kaya labas na ko dito! Aalis na ako bahala na kung anong mangyari sa akin. Basta hahanap ako ng paraan para makauwi."

Hinatak ni Jas ang kamay ni Nads upang siya'y pigilan. Ibinaling nito ang malungkot na tingin sa akin.

"Teka lang Nads. Sa ngayon huwag na muna tayo gumawa ng desisyon. Maniwala na muna tayo kay Mac. 'Di ba Mac nangako ka na gagawa ka ng paraan para makabalik tayo? Magtiwala muna tayo sa kaniya."

Lalo akong nahulog sa kabaitang ipinamalas ni Jas. Sa kabila nang lahat ng aking pagkakamali, nagawa nya parin akong bigyan ng pagkakataon. Mas tumindi ang aking naisin na makabalik sa aming mundo kasama ang aking mga kaibigan.

"Oo pangako."

Ito ang salitang aking binitawan at panghahawakan.

Tuluyan ng kumalma si Nads dahil kay Jas. Agad na akong nagpaalam sa kanila para makabalik sa aming silid at magpahinga. Buo na ang loob ko na pangatawan ang aking pangako. Kaya naman maaga akong natulog upang kinabukasan ay makagawa na ako ng plano kung paano kami makakabalik sa aming mundo.