Napaatras ang dalawa ng ako'y papalapit na sa kanila.
"Sino ka? Huwag kang lalapit! Sisigaw ako kapag lumapit ka," natatakot na pagtaboy sa akin ni Set.
"Ako to dre si Mac Salas kaibigan nyo."
Pilit kong sinasabi sa kanila na ako si Mac ngunit ayaw padin nila maniwala.
"Ah, alam ko na. May isa akong sikreto na silang dalawa lamang ang nakakaalam," bulong ko sa sarili.
Ang sikretong ito ay tungkol sa babaeng aking napupusuan. Siya ay si Jas, isa sa matatalik naming kaibigan. Intinatago ko ito sa lahat dahil natatakot ako na masira ang aming pagkakaibigan dahil dito. Imbis kila Mercury at Set. Tiwala naman ako na hindi nila ipagsasabi ito kahit kanino.
"May sikreto ako na kayo lang nakakaalam 'di ba? Naaalala nyo ba 'yong sinabi ko sainyo noong nagpunta tayo sa plaza last time? Tayong tatlo lang magkakasama noon tapos pupunta sana tayo ng Balanga. 'Di ba sinabi ko sainyo na may gusto ako kay Jas."
Pagkasabi ko nito, kumalma na ang dalawa. Muli kong binalik ang pinag-uusapan namin kanina.
"Ano dre naniniwala na ba kayo? Payag ba kayong samahan ako? Huwag kayong mag-alala may kasunduan naman kami nung Diyosa na kapag gusto nyo nang bumalik dito ibabalik niya kayo."
At sawakas, pumayag na sila. Ngunit nababagabag pa rin ang kalooban ni Mercury. Agad niya akong tinanong,
"Pero dre, ano bang mapapapala namin sa pagsama sayo? Ibubuwis namin buhay namin diyan, pero hindi ko naman alam kung anong makukuha kong kapalit,"
Natahimik ako dahil hindi sumagi sa aking isipan ang mga bagay na ito. Masyado akong naging makasarili at natakot na mahiwalay sa kanila. Hindi agad ako nakapagbigay sa kaniya ng kasagutan.
Kinabukasan, pagkatapos ng klase ay dumeretso agad kami sa tapat ng simbahan. Habang bumibili ng pagkain ang mga kaibigan ko, panandalian akong pumasok sa loob ng simbahan. Ako'y lumuhod at nagdasal,
"Thankyou for everyday blessings, forgive my sins, and Lord please help me to find answers to my questions."
Habang nagdadasal, isang mahinhin na boses ang narinig ko sa aking isipan. Nagwika ito,
"Kapag sumama ang mga kaibigan mo, tutuparin ko rin kung ano man ang kanilang hilingin. Maghanda ka na, patawad kung hindi ko matutupad ang pinangako ko sayo. Ihanda nyo na inyong mga sarili dahil nalalapit na ang panahon."
Mabilis nawala ang boses pero sigurado ako na ang Diyosa na si Anna ang narinig ko. Dahil dito, napanatag ang aking kalooban dahil alam ko na kung ano ang isasagot ko kay Mercury. Pero nangamba ako sa sinabi ng Diyosa dahil si Mercury at si Set pa lang ang nakakausap ko tungkol sa bagay na ito.
Nagmadali akong lumabas ng simbahan upang agad na makausap ang mga kaibigan ko. Saktong-sakto naman na nandoon sina Jas, Dane, Nads, Set at Mercury.
Patakbo akong lumapit sa kanila nang biglang may lumabas na isang malaking butas sa aking paanan. Dahil dito, ako'y biglang napasigaw,
"Oh shit ano to?! Di ako makagalaw."
Unti-unting may humila sa akin pababa. Agad na tumulong sila Mercury at Set ngunit pati sila ay hinila ng misteryosong butas.
"Dre ano to? Bakit ang bilis naman. Hindi naman to kasama sa sinabi no'ng Diyosa na nakausap mo ah. Akala ko ba isang linggo pa?"
Natatakot na tanong ni Mercury. Ako din mismo ay naguguluhan at nakakaramdam ng kaba.
Ang tatlo kong babae na kaibigan ay natulala.
Nang matauhan, dali-daling binatak ni Nads at Dane ang kamay ko pero pati sila ay nadamay na hinihila papasok sa butas. Sinubukang humingi ng tulong ni Jas sa ibang tao.
"Tulo…"
Ngunit huli na ang lahat. Ang butas ay mas lumaki at lahat kaming magkakaibigan ay nilamon nito.
Habang nakalubog sa kailaliman ng aking isipan, muli kong narinig ang boses ng Diyosa.
"Malaking problema ang kinakaharap ng mga Diyos ng Aragona sa ngayon, kaya naman pansamantala akong mawawala. Oo nga pala, habang aking sinisiyasat ang iyong mga kaibigan, napag-alaman ko na sila din ay may mataas na potensyal sa paggamit ng mahika. Kaya naman tuluyan ko na silang isinama. Patawad ngunit isa na rin sila sa mga napili kaya't hanggat hindi natatapos ang misyon na ibinigay ko sainyo ay hindi pa kayo pupwedeng bumalik sa inyong mundo."
Unti-unting nawala ang boses.
Ako'y binalot ng sobrang pagsisisi dahil dito. Inakala ko na ayos lang ang aking mga naging desisyon, ngunit ito pala ang maaring sumira sa aming samahan dahil sa aking pagiging makasarili.
Pagkalipas ng limang oras na wala kaming malay ay nagising na si Nads. Tumayo ito mula sa pagkakahiga. Umugong ang takot at kaba sa kaniyang puso ng makita nya kaming nakahandusay sa sahig. Inakala niya na wala na kaming buhay kaya't nagmamadali nya kaming ginising isa-isa.
"Oy guys gising! Gumising na kayo baka may mangyari sa'ting masama kapag nagtagal pa tayo rito".
Gumaan ang kaniyang pakiramdam ng lahat kami ay bumangon. Wala namang nasaktan sa amin.
Dito, natagpuan namin ang aming mga sarili na napapaligiran ng mga Puno. Ang ulap ay dumidilim na para bang may isang malakas na ulan ang paparating.
Lahat kami ay naguguluhan at nangangamba.
"Paano tayo napunta rito? Kanina nasa simbahan lang tayo ah," pagtatakang tanong ni Jas.
Agad kaming tumakbo palabas ng gubat. Isang kalsada ang aming natanaw mula sa kabilang banda ng ilog. Tumawid kami ng tulay at nagpahinga sa daan.
"Oy mac ano to?! Nasaan tayo? May alam ka ba sa mga nangyayari?" nagagalit na tanong sa akin ni Nads.
Nahihiya ako sa kanila dahil nadamay sila sa mga nangyayari. Hindi ako makasagot kaagad dahil pati ako ay gulong-gulo pa sa mga nagaganap.
Buti na lang ay alam na nila Mercury at Set na isasama ko sila dito. Ngunit nabigla rin sila dahil masyadong mabilis ang lahat.
Nagpaliwanag ako kila Dane,
"Pasensya na kung nadamay kayo dito sa gulong napasukan ko. Hindi ko inaasahan na mangyayari lahat ito. Actually tatanungin ko muna sana talaga kayo kung gusto nyo sumama pero di ko naman kayo pipilitin. Kaso hindi ako sigurado sa mga detalye kung bakit pati kayo nadamay. Pasensya na, huwag kayong mag-alala aayusin ko to."
Naiinis akong tinignan ni Nads,
"So ano na? Ano nang plano mo? Nandito na kami wala na kaming magagawa. Mamaya ipaliwanag mo sa amin lahat lahat huh? Pero sa ngayon humanap muna tayo ng ligtas na lugar."
Naglakad-lakad kami hanggang sa nakahanap kami ng isang maliit na bayan. Makaluma ang istraktura ng mga bahay. Ang mga tao ay nakasuot ng mga makalumang damit. Wala din kuryente ngunit madaming mga ilaw sa paligid.
Sa mundong ito, ang mahika ay makikita kahit saan. Ang mga tao ay nagtataglay ng mahika ngunit hindi lahat ay may potensyal at may kakayahang gamitin ito.
Nagtanong-tanong kami sa mga taong napapadaan. Isang lalaking may bitbit na malaking gamit sa likuran ang aking nakausap.
"Kuya, kuya, ano pong lugar ito?" sambit ko sa lalaki.
Napahinto ito habang dahan-dahan na ibinibaba ang dala-dala nyang gamit.
"Ahh bago lang ba kayo dito sa Siana?"
Tumango ako habang mababakas sa aking mukha ang pagtataka dahil ang lahat ng aking nakikita dito ay hindi gaanong pamilyar sa aking mga mata.
"Oho eh, nagmamadali po ba kayo? Kung ayos lang po pwede bang humingi na rin ako ng mga detalye tungkol sa lugar na ito?"
Nagulat ang lalaki sa aking sinabi,
"Naliligaw ba kayo? Saan bayan ba kayo nanggaling?"
Hindi ko naman masabi sa lalaki na nanggaling kami sa ibang mundo dahil hindi ko alam kung isa siya sa mga taong dapat kong iwasan.
Kabilinbilinan pa naman sa akin ng Diyosa na si Anna na lumayo ako sa mga taong may koneksyon kay Luosito dahil siguradong mapapahamak lamang ako.
Buti na lang ay agad akong nakaisip ng paraan.
"Oho, naglalakbay po kasi kami kaso bigla kaming sinugod ng mababangis na hayop. Tumakbo kami sa gubat at eto dito kami napadpad."
"Ah ganoon ba? Sige sumama muna kayo sa akin. May-ari ako ng isang panuluyan sa bayan na ito. Doon na tayo mag-usap at para makapagpahinga na rin kayo."
Hindi na kami tumanggi sa alok ng lalaki dahil mukhang mabait naman ito at mapagkakatiwalaan. Pagod na pagod na rin kami kaya't gusto na naming magpahinga.