Tinatahak na ni Whian ang daan habang sinusundan si Michael nang magtaka siya dahil hindi naman ito ang daan patungo sa opisina nito.
Unti-unti na siyang nagdududa dahil nagsinungaling ito sa kanya at pangamba dahil posibleng may matutuklasan siyang lihim nito. Nagpatuloy lamang siya sa pagsunod dito. Umabot ng kalahating oras at isang oras ng hindi niya napapansin, hanggang sa huminto ang sasakyan nito sa isang bahay na hindi naman kalakihan.
Nang bumaba ito sa sariling kotse ay may lumabas namang sexy'ng babae sa bahay, hawak nito sa isang kamay ang isang batang lalaki na sa tingin niya ay nasa edad lima.
Nang makita ng bata si Michael ay agad itong tumakbo, tuwang-tuwa ito at halatang sabik na sabik sa mga yakap ng una. Sumigaw naman ang bata at tinawag itong...
"Daddy!"
Napakagat-labi si Whian sa kanyang mga nakita. Kasabay naman no'n, ang pamumuo ng mga luha sa kanyang mga mata.
Hindi siya makapaniwala sa nakita, dinig na dinig niya ang pagtawag ng bata sa kasintahan.
Nakaramdam siya ng galit at pagkamuhi kay Michael. Sapat na sa kanya ang mga nakita para lisanin ang lugar na iyon.
***
Sa halip na sa bahay siya dumiretso ay nagtungo siya sa isang bar, na kung saan madalas nilang pinupuntahan noon ni Laiza.
Nag-order siya ng isang bucket ng beer at agad binuksan ang isang bote. Naglagay siya sa isang baso at walang pag-aalinlangang tinungga iyon. Kahit hindi siya sanay sa lasa niyon ay pilit niyang nilunok iyon.
Nakakadalawang bote na siya ng alak nang may narinig siyang pamilyar na boses na kumakanta sa loob ng bar at nang nilingon niya nga ito ay nakita niya si Laiza, hawak nito ang isang gitara at kumakanta sa ibabaw ng stage. Tinapunan niya lamang ito ng tingin at nagpatuloy lamang siya sa pag-inom.
Nakakatatlong bote na siya ng alak at medyo lasing na, nang may lumapit sa table niya. Isa itong lalaki na may malaking pangangatawan.
***
Bago pa man mag-umpisa sa pagkanta si Laiza ay nakita na niya si Whian sa 'di kalayuan. Nagpatay mali lamang siya at nagpatuloy sa ginagawa.
Natapos ang kanyang kanta nang hindi sinasadyang napadako ulit ang mga mata niya sa gawi nito. Nakaramdam naman siya ng pag-aalala, nang may makitang papalapit na lalaki rito.
"Excuse me Miss mag-isa ka lang ata. Can I join you?" narinig niyang tanong ng lalaki nang makalapit siya.
"Will you please leave me alone?" matigas na sabi naman ni Whian at tumungga ulit ng isang baso ng beer.
"Excuse me. Kasama ko siya," mahina ngunit maawtoridad ang boses na sabi niya sa lalaki, lumapit naman siya sa tabi ni Whian.
"Ah! Okay," sagot naman ng lalaki saka iniwan na sila.
Nang nilingon niya ang kaibigan ay halatang nahihilo na ito. "Whian? Anong nangyari sa 'yo? At tayka, bakit ikaw lang mag isa? Nasa'n si Michael?"
"Isa ka pa! Ano bang pakialam mo?" asik nito sa kanya habang nangungunot ang noo.
"Lasing ka na. Tigilan mo na 'yan," mahinahon niyang sabi at akmang iaangat na sana ang braso nito upang ilagay sa kanyang leeg nang iwinaksi nito ang kamay niya.
"Pabayaan mo 'ko! 'Di ba galit ka sa 'kin? Oh? Bakit nandito ka?" akmang iinom ulit ito sa baso.
Inawat niya ito. "Halika na. Tigilan mo na kasi 'yan," mahina pa ring sabi niya.
Kukunin sana nito ang baso sa kanya ngunit dahil nga lasing na ito ay hindi ito nagtagumpay. Kinuha naman nito ang isang bote ng beer sa lamesa at tinungga iyon. Aagawin din sana niya iyon nang sa hindi sinasadya ay nadulas iyon sa mga kamay nila at nabasag sa sahig. Sa nangyaring iyon ay marami na ang napapalingon sa kanila.
Lumapit ang kasamahan niya sa banda. "Bry, pwede bang kayo na muna bahala rito?"
"Sure! Sure! Makakaasa ka Lai, walang problema."
"Salamat ha?" wika niya rito.
Nang nilingon niya si Whian ay nakita niyang nanghihina at nakayuko na ito sa lamesa. Nang inalalayan niya naman ito ay dumuwal ito sa dibdib niya. Ipinagwalang bahala niya na lang iyon at nagpatuloy na sa paglalakad papalabas ng bar na iyon.
***
Dinala ni Laiza si Whian sa condo niya.
Nang nasa loob na sila ng condo niya ay tinungo agad niya ang kwarto niya para pahigain ito sa kama. Inayos niya ang pagkakahiga nito at dagli dagling kumuha ng mainit na tubig at bempo para punasan ang katawan nito.
Nagsimula na siyang punasan ito. Hindi naman niya mapigilang mapatitig sa maamong mukha nito at mapadako sa malalambot na mga labi nito.
"Lai..." mahinang sambit nito habang nakapikit ang mga mata.
Unti-unting dumilat ang mga mata nito. Nang makita siya ay bigla siyang hinila at niyakap nang mahigpit. Nagulat naman siya sa ginawa nito at hindi alam kung ano ang gagawin.
Nang maramdamang hindi na ito gumagalaw ay dahan-dahan siyang lumayo sa katawan nito. Nang tuluyan siyang makalayo ay napansin naman niya ang mga pisngi nitong may parang mga butil na mga luhang lumandas doon, pinunasan niya ang mga iyon.
Kumuha siya ng mga damit niya para bihisan ito. Sa kabila ng ilang sa gagawin, ay pikit matang hinubad niya ang damit nito at binihisan ito ng panibagong damit.
Matapos iyon ay pumuwesto na siya sa sofa na malapit sa kama, dahil sa pagod ay hindi na rin niya namamalayang nakatulog na siya.
****
KINABUKASAN
Nagising si Laiza sa mahihinang alog sa kanyang balikat.
"Good morning!" masiglang bungad ni Whian sa kanya. Inilapag naman nito ang hawak na tray na kanyang harapan.
"Nakatulog pala ako," aniya at nag-ayos konti sa sarili, naalala niya bigla ang mga nangyari kagabi. "Ano? Okay ka lang ba? Next time h'wag mo nang gawin 'yon ha? Delikado 'yung ginawa mo! Babae ka pa naman!" pag-aalalang sabi niya habang nakatitig sa mga mata nito.
"Yeap! No worries."
"Please promise me!" itinaas niya ang kanang kamay sa harapan nito.
Huminga ito nang malalim. "I promise," sabi nito saka idinikit ang palad sa palad niya at nagpakumpas-kumpas sila roon.
Iyon ang parati nilang ginagawa sa tuwing nangangako sila sa isa't isa.
Hinawakan siya nito sa balikat. "Sige na, kain kana," nakangiting sabi nito. "Pinagluto na kita. Basic pa lang 'yan ha, pero pinaghirapan ko 'yan."
Napatitig siya sa niluto nitong egg, hotdog, bacon, at garlic rice. "Wow! Kailan ka pa natutong magluto?" pabirong sabi niya.
"Syempre! Nagpaturo ako kay Manang," proud namang sabi nito. Ang tinutukoy nito ay ang nag-iisa niyang kasambahay.
"Wow ha? Tikman ko nga!" sumubo siya ng bacon. "Uhm! Ang sarap! Pwede ng mag-asawa," sabi naman niya na halatang nasasarapan. "Sabayan mo na ako."
Tumawa ito. "Hahaha! Sige lang. I have this," iniangat nito ang hawak na tasang kape. "Uhm... Lai?"
"Yes?"
"About last night, I'm really sorry. Nasira ko pa tuloy 'yung event niyo."
"Ah! Wala 'yun!" tipid niyang sagot.
"Hindi ka na galit sa 'kin?"
"Di ba sabi ko naman sa 'yo hindi ako galit? Naging busy lang talaga ako dahil sa sunod-sunod 'yung mga events ko. Isa pa, may hinahabol kasi akong deadline sa office," pagsisinungaling niya saka nag-iwas ng tingin.
"Bakit nawala ka na lang bigla no'ng nasa coffee shop tayo? After that, hindi mo na ako kinausap? Is there something I need to know? Please, tell me," pakiusap nito sa kanya.
Hinawakan siya nito sa mga kamay habang nangungusap ang mga matang nakatitig sa kanya.
Hindi siya makatingin ng diretso. Ramdam niya ang kabog ng dibdib, nanglalamig din ang buo niyang katawan, hindi niya alam kung ano ang sasabihin, parang gusto niya na lang maglaho ng parang bula.
Biglang nag-ring ang cellphone niya. Nang tingnan niya ito. "Si Michael tumatawag!" nanglalaki ang mga matang bulalas niya kay Whian.
"S-Sabihin mo... S-Sabihin mong wala ako!" natatarantang sabi naman nito.
"Hello?" aniya nang sinagot ang cellphone.
"Lai, may alam ka ba kung nasa'n si Whian? Kagabi ko pa kasi siya hindi ma kontak eh! Tumawag na ako sa bahay nila, pati rin sa coffee shop niya pero wala siya ro'n!" nag-aalalang sabi nito.
"Gano'n ba? Matagal ko na siyang hindi nakakausap eh!" napahawak siya sa ulo. "Uhm... Michael, can I talk to you next time? Busy lang kasi," pagsisinungaling niya.
"Ah! I see. Pasensya ka na. Sige! If may alam ka lang, please ipaalam mo sa 'kin."
"Sure!"
"Makakaasa ba ako sa 'yo Lai?"
"Oh! I need to go! Bye!" sabi niya saka pinutol na ang linya. Nagtatakang nabalik naman ang mga tingin niya kay Whian. "Ano bang nangyayari sa inyo?"
"Hmm... I think this is not the right time para pag-usapan natin 'yan," sabi nito na tumayo sa kama. Biglang namang sumigla ito at napalingon ulit sa kanya. "Lai, can I request something?" naupo ulit ito sa tabi niya.
"Oh? Ano na naman 'yan?" tinatamad niyang tanong.
"I think I need to refresh my mind!" sabi nitong halatang excited sa gagawin.
"Let's go in Tagaytay?"