Chapter 2 - Simula

Simula

Binasa ko ang aking labi habang naghihintay ng masasakyan na tricycle papunta sa school na pinapasukan ko. Ilang beses kong sinubukan na pumara ngunit ni isa ay walang tumigil sa aking harapan, halos puno na rin kasi ang bawat dumadaan na sasakyan. Napabuga ako ng hangin at napatingin sa relos na nasa kaliwang pala-pulsuhan ko.

Alas-sais pa lamang ng umaga na siyang kinapapasalamat ko, mga alas-syete kasi ay nagsasarado na ng gate ang school na aking pinapasukan. Strict kasi roon at kailangan talagang sumunod sa bawat rules na mayroon sila.

Habang naghihintay ay may biglang tumapik sa balikat ko. Agad akong napatingin sa tumapik sa akin. Nakita ko si Lisle na nakangiti sa akin habang ang isang kamay ay kumakaway pa. Nginitian ko naman siya pabalik bago tumingin muli sa kalsada.

"Mabuti na lang naabutan kita dito, pumunta ako sa bahay niyo kanina pero sabi ni Lola Kuring nakaalis ka na..." sabi niya sa akin na may halong pagtatampo ang tono. "...hindi mo na naman ako hinintay e!"

Natatawa akong napatingin sa kaniya. "Ang bagal mo kasi lagi kumilos, kita mo naman na ayaw kong male-late sa klase diba?" napapailing ko naman na sabi sa kaniya.

"Sus! Hindi naman masama na ma-late ka kahit minsan no. Ikaw talaga Raya, kaya walang nagtatangkang manligaw sayo kasi sobrang istrikto mo," napamaang naman ako sa sinabi niya.

Nakapameywang ako na hinarap siya. "Iyang panliligaw na iyan, may tamang panahon diyan."

"Oo na po, Manang Raya. Naku, napaka-old fashioned mo talaga!"

Umiling naman ako sa kaniya.

"Bata pa ako, Lisle. Hindi pa ako pwede sa ganiyan," may halong biro ko na siyang kina-irap niya.

"Anong bata sa disisiete, sige nga? Pwede ka na ngang magbuntis—" nanlaki ang mata ko sa kaniyang sinabi kaya agad kong tinapik ang kaniyang bibig. Kahit kailan talaga ang isang ito, walang preno ang bibig.

Literal na pinanlakihan ko pa siya ng mata. "Ikaw talaga, walang preno ang bibig mo. Nakakahiya sa mga taong dumadaan," napatingin pa ako sa ibang tao na nasa paligid. Mabuti na lamang at walang nakarinig sa kaniya.

Bumuga ako ng hangin at umiling sa kaniyang kakulitan. "Jusko, iyang mga tao na sinasabi mo, may sari-sariling mundo. At saka haler, ikaw na lang ata ang old-fashioned sa lugar na ito, hmp!"

Natatawang napailing na lamang ako sa sinabi nita. Minsan talaga may pagka-maldita itong si Lisle, lalo na kapag hindi nasusunod ang gusto. Paano kasi ay laki siya sa luho, pero mabuti na lang rin at hindi siya katulad ng ibang mga anak-mayaman na matapobre.

At mabuti na lang rin ay naging kaibigan ko siya. Kahit naman kasi ganiyan ang ugali niya, talaga naman na masaya siya kasama. Iyon nga lang ay matabas ang tabil ng dila, kung ano ang gustong sabihin, sasabihin niya talaga ng walang pag-aalinlangan.

Natahimik kami ng ilang sandali hanggang sa may tumigil na tricycle sa harap namin. May nakaupo na sa loob kaya doon kami sa labas umupo, sa tabi ng mismong driver.

Ilang segundo lamang bago siya muling nagsalita. Madaldal talaga ang isang ito kahit kailan, ni hindi rin siya nauubusan ng kwento sa akin.

"Ay alam mo ba! Uuwi na raw iyong ibang mga apo ni Don Montealegro, naaalala mo pa ba sila?"

Tumaas ang dalawang kilay ko sa sinabi niya. Humihingi ng eksplenasyon sa kaniyang kwento.

"Hindi ba may apat na apong umalis noon sa Hacienda Monte kasi ang sabi mag-aaral daw sa syudad saka sa ibang bansa. Hindi mo ba natatandaan?"

Natatandaan ko ang ibang detalye ng sinabi niya dahil kumalat din iyon halos sa buong lugar dito. Hindi rin naman kasi maikakaila na kilala ang mga Montealegro sa amin. Bukod kasi sa ubod sila ng yaman, ay siyang mabait ang Don Montealegro. Isama pa na kaya kilala sila, dahil puro lalaki talaga ang mga apo ng matanda, kumbaga sikat sila sa mga babae rito.

Ang sabi kasi makikisig daw ang mga apo ni Don Montealegro. Iyon ang sabi, pero hindi ko pa naman sila nakikita kaya hindi ko pinaniniwalaan. Basta ang alam ko, puro sila babaero at hindi marunong makuntento sa isang babae.

"Ano? Hindi mo talaga matandaan?" umiling ako sa kaniya. Narinig kong bumuga siya ng hangin.

"Alam mo, ikaw lang talaga iyong babaeng nakilala ko na hindi matandaan ang ibang mga apo ni Don Montealegro. Partida pa na sa Hacienda Monte ka nakatira niyan..." ngumuso naman ako sa sinabi niya. Hindi ko naman kasi matandaan talaga.

"Ito hah, iisa-isahin ko para sayo..." tapos ay kinuha niya ang cellphone niya na nakatago sa kaniyang bag. Nangalikot siya roon bago pinakita sa akin ang screen ng cellphone niya. "...dahil hindi mo na matandaan, iyan. Ito si Galan ang pinakamatanda sa kanila, tapos ito naman si Yaeb, at saka iyong kambal na sina Demaro at Sinaio. At ito naman si Seymour, wait may isa pa e..." pinakita niya talaga sa akin ang bawat mukha ng mga apo ni Don Montealegro.

Halos hindi ko rin naman matandaan ang mukha dahil sobrang bilis niyang ipakita iyong mga litrato kaya hindi ko na nasundan pa. Basta bahala na siya riyan, hindi ko rin naman makakasalamuha ang mga iyan e. Palagi lang naman kasi akong nasa loob ng bahay namin, pero minsan ay lumalabas ako lalo na kapag tutulungan ko sina lola sa gawain sa Mansyon ng mga Montealegro.

Napakamot ako sa aking ulo ng hindi niya pa rin mahanap ang hinahanap niyang litrato sa kaniyang cellphone.

"Ay ito na! Ito si Abe, pangatlo sa pinakamatanda, ang gwapo niya no? Actually iyong edad nila hindi nagkakalayo e, maliban na nga lang sa bunso na si Seymour, kasi ang alam ko magbe-bente palang ang edad noon..." napatitig ako sa litrato na nasa cellphone ni Lisle.

Sa bawat himaymay pa lamang ng kaniyang mukha, alam na agad na matinik sa babae ang Abe na ito. Hindi siya nakangiti sa litrato ngunit nangungusap ang kaniyang misteryosong mga mata. Gwapo nga katulad ng sabi-sabi ng mga tauhan sa Hacienda Monte.

Siguro nagmana kay Don Montealegro, hmm, siguro nga ay makikisig sila. Pero hindi pa rin magbabago na isa pa rin silang mga babaero sa paningin ko. Inalis ko sa isipan ang mga Montealegre na pinakilala ni Lisle. Wala na akong panahon pa para kilalanin ang bawat isa sa kanila. Magsasayang lang ako ng oras at lakas.

Patuloy pa rin si Lisle sa pagkekwento tungkol sa mga lalaking Montealegro habang ako naman ay nangingiti lang at minsan ay sumasabat ng kaunti. Walang duda na may gusto siya sa isa sa mga Montealegro, halata naman kasi sa bawat pagngiti na parang kinikilig.

Nang tumigil ang tricycle sa harap ng school namin, agad kong kinuha ang pambayad sa wallet ko at inabot sa driver. Si Mang Tonyo pala iyon, nginitian naman ako ni Mang Tonyo. Isa rin ito sa mga tauhan ni Don Montealegro, pumasada lang ata siya ngayong umaga.

"Kumusta na, neng?" tanong niya sa akin.

"Okay lang naman, manong..."

"Kayo ba ay sasama sa salo-salo mamayang gabi sa mansyon ng Don?" muntikan ko na palang makalimutan na may salo-salo nga palang gaganapin mamaya doon sa mansyon.

"Siguro po, kami rin po kasi ni Lola Kuring ang naatasan magluto."

Napatingin ako kay Lisle na nag-aabot ng bayad.

"Ay Mang Tonyo, ikaw pala yan! Hmm, ito bayad ko, may sukli pa iyan pero hindi ko na sisingilin basta pabanguhin mo ang pangalan ko kay Yaeb." Sabi ni Lisle at inabot kay Mang Tonyo ang singkwenta, kahit na kinse lang naman ang dapat ibayad.

Tumawa naman sa kaniya si Mang Tonyo, habang ako naman ay napapailing sa kalokohan ni Lisle.

"Wala na akong magagawa pa para pabanguhin ang pangalan mo kay Sir Yaeb, alam mo naman na suplado ang isa na iyon at hindi nakikihalubilo sa mga tao..." sabi ni Mang Tonyo. "Oh siya, ako'y aalis na at babalik na ako sa Hacienda. Mag-aral kayong mabuti nang makapag-asawa ng mayaman," may halong biro niyang sinabi sa amin.

Pinaandar niya ang tricycle palayo sa amin.

Kumunot naman ang noo ko sa kaniyang sinabi. Bakit naman kami mag-aaral ng mabuti para makapag-asawa ng mayaman? Hindi ko kailangan ng mayaman na mapapangasawa. Marahan akong umiiling habang nagsimulang maglakad.

Hinabol naman ako agad ni Lisle na nakanguso ang mga labi.

"Kita mo iyang si Mang Tonyo? Napaka-ano, hindi na binalik ang sukli ko!"

Tumingin naman ako sa kaniya, busangot ang kaniyang mukha. "Ikaw kaya nagsabi na huwag nang ibalik ang sukli mo," mas lalong bumusangot ang kaniyang mukha sa sinabi ko.

Bumuga ako ng hangin bago nagpatuloy sa paglalakad papunta sa klase namin. Mamaya magiging busy na naman sa mansyon, at pauwi na raw ang mga apo ng Don.

Pagkauwi galing sa school na pinapasukan ko, agad akong nagbihis ng puting bestida. Kinuha ko rin ang bilao na puno ng kakanin. Ipapamigay kasi iyon sa mga trabahador dito sa Hacienda Monte, dapat talaga ay si lola ang gagawa noon pero dahil kailangan niyang maghanda sa mansyon, ako na ang nagpresinta na gumawa non.

Pasado alas-kwatro pa lamang kaya maliwanag pa, agad kong pinamigay ang luto na kakanin ni lola sa mga magsasaka na nakita ko doon sa palayan. Malaki ang sakop ng Hacienda Monte, ni hindi ko nga masukat kung gaano kalaki ang hacienda. Basta ang alam ko sobrang laki ng hacienda, at kung bago ka sa lugar na ito, pwedeng-pwede kang maligaw.

Ganoon ako noong bata pa ako, palaging naliligaw dito sa hacienda.

"Salamat sa kakanin, neng! Ginanahan tuloy ako na mas magtrabaho pa lalo," sabi ng isa sa mga trabahador.

Marahan akong napatawa sa sinabi ng bawat trabahador na naroon.

"Ikaw ba ay may nobyo na hija?" tanong ni Manang Suling na ikinaawang ng bibig ko.

Agad akong umiling at hilaw na napangiti. "Disisiete palang ho ako, manang. Wala pa rin po sa isip ko ang pagkakaroon ng nobyo," sabi ko sa kaniya.

Tinapik niya ang aking balikat at ngumiti. "Tama iyan, hija. Naku, sobrang maswerte ang mapapangasawa mo kapag nagkataon!" halos may pagmamalaki niyang sambit na narinig ng ibang trabahador doon.

"Tama ka riyan, Suling. Aba, bukod sa mala-dyosa na ang kagandahan ay napakabait pa na bata. Kung pagbibigyan nga, irereto ko talaga iyan sa pamangkin ko," ngumiti na lamang ako sa kanila bago tuluyang umalis.

Wala pa talaga sa isip ko ang pagkakaroon ng nobyo. Masyado pa akong bata para sa ganoong bagay, oo nga't may mga kasing edad ako na kababaihan ang nagnonobyo na agad. Pero kahit saan talaga ako lumugar, hindi ko maisip na magkakaroon ako ng nobyo sa ganitong edad.

Napailing ako at nagpatuloy sa pamimigay ng kakanin.

Matapos ang pamimigay ay agad akong dumiretso sa paborito kong lugar dito sa hacienda. Dumiretso ako papunta sa ilog na palagi kong pinupuntahan sa tuwing gusto kong magnilay. Papunta iyon sa kagubatan kaya nanguha ako ng malaking tangkay ng kahoy sa daan para pambugaw sa mga ligaw na hayop.

Sa daan ay nakita ko pa ang iba't ibang klase ng bulaklak. Pumitas ako roon ng maliit na puting bulaklak at nilagay iyon sa tainga ko. Napangiti ako ng makita ko ang repleksyon ko sa tubig ng ilog na naroon. Nakalugay ang kulot kong buhok, nakikita ko ng malinaw ang kulay tsokolate kong mga mata, pati na rin ang maliit kong ilong at makipot na labi. Namumula rin ang aking pisngi sa hindi malaman na dahilan.

Ngumiti ako sa aking repleksyon bago tumunghay para makita ang isang maliit na usa na madalas na narito sa tuwing pupunta ako. Lumapit siya sa akin na mas lalo kong ikinangiti

Hinaplos ko ang kaniyang uluhan ngunit habang ginagawa ko iyon, nakarinig ako ng mga boses na hindi pamilyar sa akin.

Kumunot ang noo ko, may ibang tao pa ba rito bukod sa akin?

"Shit, Abe! Don't put a hickey, oh my gosh!"

Wala sa sarili akong tumayo at sinundan ang boses na iyon. Napadpad ako sa kabilang tabing-ilog dito sa gubat, malapit rin iyon sa isang bahay na naroon.

"Fuck! Come on, Kia!"

Umawang ang aking labi sa nakita at hindi makapaniwalang tinignan ang mga taong nakalubog sa may ilog doon sa gilid. Sumunod rin sa akin ang maliit na usa kanina at hinaplos ang ulo sa aking kamay.

Ilang beses akong napakurap habang pinapanood ang dalawang tao na naghahalikan, naka-bra at panty lang iyong babae habang ang lalaki ay hubad ang pang-itaas.

Napansin ako ng babae na mas lalong ikinatulos ko sa kinatatayuan. Maganda ang babae at maikukumpara iyon sa mga modelong nakita ko noon sa magasin.

"Abe, may bata, stop na!" Sa sinabi ng babae, ay napatigil sa paghalik sa kaniya ang lalaki at napatingin sa akin.

Mahina akong napalunok ng makita ko ang mukha ng lalaki. Pamilyar ang kaniyang mukha sa akin, lalo na nang magtama ang mga tingin namin. Kulay berde ang kaniyang mga mata, makapal ang kilay, matangos ang ilong, at napakaganda ng kaniyang labi. Isama pa ang prominente niyang panga, kaya nakakaintimida siyang tignan.

Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko at marahan na napapalunok habang pinapasadahan nila ako ng tingin. Lalo na ang lalaki na titig na titig sa mukha ko.

Nakita ko ang pag-igting ng kaniyang panga na muling ikinalunok ko.

"What are you doing here, little girl?" sa kaniyang baritonong boses ay nakaramdam ako ng kaba.

Dumagundong ang aking dibdib sa kaba at naitikom ang bibig. Walang namutawing mga salita sa aking mga labi.

Ngunit kumuno ang noo ko ng makita ang isang kwintas na tanging mga apo lamang ng Don ang nagsusuot. Bahagyang lumaki ang mata ko sa napagtanto tapos ay muling napatingin sa kaniyang mukha, kunot ang mga noo na nakatingin sa akin. Siya iyong Abe na pinakita sa akin ni Lisle kanina.

Walang duda, isa nga siyang Montealegro!